Mhina
Nanatili na lamang akong nakaupo sa gilid ng sofa sa malawak at madilim na living room habang naglalaro na sa isipan ko ang bawat eksena nilang ginagawa sa loob ng sarili naming silid na mag-asawa.
Parang bukal na walang humpay sa pag-agos ang mga luha ko sa pisngi at hindi ko na mapigilan pa ang mapahagulgol sa tindi ng sakit na nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Para akong sinakluban bigla ng langit at lupa.
Hindi ko akalaing hahantong kami sa ganito. Hindi ko akalaing pagpapanggap lang pala ang lahat nang mga ipinakita sa akin noon ni Daemon, pati na rin sa mga magulang ko para lamang sa sarili niyang hangarin.
Para lang sa kayamanan niyang makukuha mula sa pamilya niya. 'Yon lang ang tanging mahalaga para sa kanya.
Napatingala ako sa itaas ng hagdan nang makarinig ako doon ng mahihinang kaluskos.
Natanaw ko ang paglabas ng babae mula sa silid namin. Kaagad ding nagtama ang aming mga mata mula sa mapusyaw na liwanag ng ilaw sa kisame.
Pinagmasdan ko ang hitsura niya. Wala namang nabago, maayos pa rin ang damit niya at makeup niya. Parang hindi nabura ang lipstick niya sa mga labi niya.
Tuluyan na siyang nakababa ng hagdan at doon naging marahan ang pagkilos niya habang nananatili siyang nakatitig sa akin.
Yumuko ako. Hindi ko na magawa pang magsalita. Hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat kong sabihin sa kanya?
Naramdaman ko ang pagbuntong-hininga niya ng malalim.
"I'm sorry," mahina niyang sabi na siyang ikinatunghay ko sa kanya.
Nangunot ang noo ko habang nakatitig sa kanya.
"Don't worry, nothing happened to us." Siya naman ngayon ang yumuko at para bang may iba pa siyang pinapasan.
"Bakit mo ginagawa 'to?" hindi ko na napigilan pang tanong sa kanya. "Gusto mong makuha ang asawa ko, 'di ba? Dinig na dinig ko ang usapan niyo ng kaibigan mo sa women's restroom."
Pinilit kong maging mahinahon kahit kanina pa nanggigigil ang laman ko sa kanya. Nanatili pa rin naman siyang nakatitig sa akin at wala man lang kakurap-kurap.
Muli siyang huminga ng malalim.
"Hanggang doon na lang ang masasabi ko. Pasensiya na."
Kaagad na siyang tumalikod at naglakad patungo sa pinto. Mabilis din naman akong tumayo.
"Layuan mo ang asawa ko." Muli akong napahikbi habang nakatitig sa kanya.
Huminto rin naman siya sa paglalakad ngunit hindi niya ako nilingon.
"Pakiusap, layuan mo ang asawa ko. Ako na ang nakikiusap sa iyo, bilang babae. Tigilan mo na 'to, pakiusap." Kulang na lang ay lumuhod ako para lang pagbigyan niya.
"Susubukan ko," aniya bago siya muling nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa tuluyan na siyang makalabas ng pinto.
Hinabol ko siya hanggang sa pinto. Natanaw ko siyang lumabas ng gate at isang kotse ang natanaw kong huminto sa tapat niyon.
Nagmadali ako sa pagsunod sa kanya hanggang sa makarating din ako ng gate. Naabutan ko pa ang pagpasok niya sa shotgun ng kotse, sa tabi mismo ng driver.
Madilim sa loob nito kaya't hindi ko nakita kung sinuman ang nagmamaneho niyon. Hanggang sa tuluyan na silang makaalis.
Napahabol ako sa kanila ng tingin. Hindi ko nabasa ang numero ng plaka ng kotse dahil mukhang burado ito.
Sino naman kaya iyong sumundo sa kanya? May iba pa ba silang kasama kanina sa pagtungo dito?
Mabilis ko nang isinara ang gate at muling pumasok sa loob ng bahay. Umakyat ako sa itaas at pumasok sa loob ng silid namin.
Naabutan kong mahimbing nang natutulog si Daemon sa kama namin.
Nahubad na ang mga sapatos niya at maayos lamang itong nakalagay sa ibaba ng kama. Suot pa rin niya ang mga damit niya.
Ininspeksiyon ko ang suot niyang polong puti.
Wala naman akong makitang anumang bahid ng makeup o lipstick kaya't nakahinga akong bigla ng maluwag. Napasapo ako sa dibdib ko at makailang ulit itong diniinan at hinaplos upang kumalma.
Inumpisahan ko nang kalasin ang mga butones ng polo niya, maging ang sinturon ng pantalon niya habang nakatitig sa kanya. Hindi ko na naman mapigilan ang mapahikbi at muling pagtulo ng mga luha ko.
Siguro ay napapagod na rin siya sa akin. Siguro ay sawang-sawa na rin siyang makasama ako. Siguro nga ay dapat na talaga kitang pakawalan, Daemon.
Maraming-maraming salamat na lang sa lahat.
Naranasan ko ang minsang maalagaan mo noong ipinagbubuntis ko pa lang ang baby natin. Kahit pangpapanggap lang pala ang lahat ng iyon.
Hindi mo talaga ako minahal kahit na kaunti, kahit kapiraso man lang. Ibinigay ko naman ang lahat ng pagmamahal ko para sa iyo. Pinagsilbihan kita, at ibinigay ang mga pangangailangan mo bilang lalaki. 'Yong pangarap mong baby kahit ipinagbubuntis ko pa lang siya.
Pero hindi naging dahilan 'yon para mahalin mo rin ako. Hindi ko man lang naturuan ang puso mo na mahalin din ako kahit na saglit lang.
Bakit pa nga ba pahihirapan natin ang mga sarili natin?
Malaya ka nang pumili ng iba. Makahahanap ka na ng babaeng sasapat para sa iyo at tutupad sa mga pangarap mo, sa mga mithiin mo.
Inihinto ko na ang tangka kong paghubad sa kanya ng mga damit niya. Kinuha ko na lamang ang comforter at ibinalot sa katawan niya.
Muli akong napatitig sa kanya habang patuloy pa rin sa pagpatak ang mga luha ko sa pisngi.
"Kung ito lang ang magiging sagot para maging masaya ka na, hahayaan na kita, Daemon. Palalayain na kita kahit sobrang labag ito sa kalooban ko. Kahit sobrang sakit para sa akin ang iwan ka. Mahal na mahal kita."
Tinakpan ko ang bibig ko at pinigilan ko ang sarili kong mapahagulgol ng malakas sa harapan niya.
Lumapit ako sa mukha niya at marahan kong idinampi ang mga labi ko sa mga labi niya.
Parang bagyo na mas lalo pang bumuhos ang mga luha ko sa pisngi dahil matapos ang isang taon ay muli kong naramdaman ang init ng mga labi niya sa saglit na paglapat ng mga labi ko sa kanya.
Mabilis akong lumayo mula sa kanya nang marahan siyang kumilos at umayos lang nang pagkakahiga niya. Kaagad ko na rin siyang tinalikuran at pumasok sa loob ng closet room.
Sinimulan ko nang i-impake ang mga damit ko sa loob ng isang malaking carry-on luggage. Siguradong bukas pa ng umaga magigising si Daemon. Hindi ko na siguro kailangan pang magpaalam sa kanya.
Siguradong ikatutuwa niya rin naman ito.
Dinala ko lang ang mga mahahalagang bagay na kakailangan ko at maraming piraso ng mga damit ko. Pinagkasya ko na lang itong lahat sa loob bago isinara.
Mabilis din akong nagpalit ng maayos na damit. Ngunit napahinto ako nang maalala kong wala pa pala akong mapupuntahan. Hindi pa ako nakakakuha ng apartment na malilipatan ko.
Tsk. Saan ako pupunta ngayon?
Bigla kong naalala si Dave Vargas.
Kaagad kong kinuha ang bag ko sa loob ng drawer at kinalkal sa loob niyon ang calling card na ibinigay niya sa akin kanina.
Kaagad ko rin itong inilabas nang mahawan ko ito at napatitig sa mga numerong naroroon. Kinuha ko rin ang phone ko sa loob.
Nagdalawang-isip ako kung tatawagan ko ba siya o hindi. Alas dose na rin pala ng hatinggabi nang makita ko ang oras sa itaas ng screen ng phone ko.
Makakaabala ako sa kanya kung gano'n. Baka natutulog na siya sa mga oras na ito.
Napahinga ako ng malalim bago sila muling ibinalik sa loob ng bag ko. Napalingon ako sa pinto nang makaramdam ako ng mga kaluskos mula doon.
Bigla na lamang lumakas ang kabog ng dibdib ko. Kaagad akong tumayo at mabilis na itinago sa malaking drawer ang luggage ko at ang bag ko.
Eksaktong pagsara ko nito ay napansin ko sa gilid ng mga mata ko ang pagbungad ng isang tao sa pinto ng closet. Napalingon ako kaagad doon at muntik pa akong mapatalon at mapasigaw sa gulat nang mabungaran ko doon si Daemon.
Hahapay-hapay pa siya sa pagkakatayo niya sa pinto habang tila inaaninaw niya ako dito sa loob. Wala na siyang kahit anong saplot sa katawan at kahit may kadiliman ay naaaninaw ko pa ang alaga niya sa baba niya na may kahabaan.
"What the f**k are you doing there? Hindi ka pa ba matutulog?" tanong niya at ramdam ko ang inis sa tono niya.
Hindi kaagad ako nakasagot habang nakatitig din sa kanya. Parang tumatalon ang puso ko sa sobrang lakas ng kabog nito.
"Tsk. Bilisan mo na d'yan!" aniya bago tumalikod at nagtungo sa kaliwang bahagi. Sa tingin ko ay pupunta siya ng banyo.
Kilala na niya ako ngayon kung gano'n? Oh, baka dahil nakatulog na siya at nahimasmasan na siya ng kaunti.
Pero ilang minuto pa lang ang naitutulog niya.
Narinig ko ang paglagaslas ng tubig sa banyo kaya nagmadali na akong lumabas at nagtungo sa kama.
Naabutan kong nakakalat sa sahig ang polo, pantalon at boxer niya. Mabilis ko itong dinampot at dinala sa laundry basket na nasa tabi lang ng pinto ng closet room.
Tumakbo ako pabalik ng kama nang maramdaman kong lalabas na siya ng banyo. Mabilis akong humiga at nagsaklob ng kumot sa katawan ko.
Naramdaman ko ang mga yabag niya na tila kay bigat-bigat. Siguro ay dahil sa kalasingan pa rin niya at hindi pa niya gaanong makaya ang katawan niya.
Napapikit ako ng mariin nang pabagsak siyang humiga sa tabi ko. Lumundo ng malakas ang kama.
"Bullshit."
Naririnig ko pa ang mahihina niyang pagmumura ngunit hindi ko siya pinansin. Pinili kong magtulog-tulugan na lamang.
"Pengeng tubig," aniya nang hindi kumikilos sa tabi ko.
Hindi ko pa rin siya pinansin.
"Pengeng tubig! Mhina!" ngunit bigla na siyang sumigaw na siyang ikinabangon ko.
Tsk. Kilala naman pala niya ako.
"Sinong Mhina? Akala ko ba, hindi mo 'ko kilala," inis kong sagot sa kanya ngunit bumangon na rin ako.
"What did you say?" tanong niya ngunit hindi ko na siya pinansin pa.
Lumabas ako ng silid at bumaba ng hagdan. Kung bakit naman nakalimutan kong magdala ng tubig kanina. Umiinom nga pala ang damuhong 'to sa gabi! Ilunod ko na lang kaya siya sa toilet bowl.
Nagtungo ako sa kusina at kinuha ang isang pitcher sa loob ng ref na hindi naman kalakihan at isang baso naman sa loob ng cabinet.
Muli akong bumalik at halhal-kalabaw akong umakyat ng hagdan. Dumagdag pa sa pagod ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Pagpasok ko sa loob ay naabutan ko pa rin siyang nasa ganoon pa ring posisyon at mukhang natutulog nang muli. Ipinatong ko sa ibabaw ng bedside table ang pitcher at baso. Nag-alangan akong gisingin siya dahil mukhang malalim nang muli ang tulog niya.
Umikot ako sa kabilang bahagi bago muling naupo sa gilid ng kama. Nagdadalawang-isip ako kung hihiga ba akong muli o itutuloy ko na ang pag-alis ko ngayong gabi. Hindi na ako magpapaalam pa sa kanya.
Ngunit napalingon ako sa kanya nang bigla siyang tumagilid nang pagkakahiga kasunod ang pagyakap ng braso niya sa baywang ko.
Napanganga ako habang nakatitig sa kanya.
Hindi ako nakagalaw dahil halos isang taon na kaming ganito, kahit lasing siya, hindi siya yumayakap sa akin ng ganito.
Ramdam kong mas lalo pang nagrambulan ang mga laman loob ko, lalong-lalo na ang puso ko.
Nagpatuloy siya sa pagtulog niya. Ako naman ay dahan-dahan nang humiga sa tabi niya hanggang sa magpantay na ang aming mga mukha.
Halos mahigit ko ang aking hininga para lamang hindi tumama sa kanya ngunit ang amoy niya at hininga niya ay langhap na langhap ko. Napakabango pa rin nito na nahahaluan ng alak kahit ilang minuto na siyang nakatulog.
Halos magtama na ang aming mga ilong sa sobrang lapit namin sa isa't isa.
Hindi ko mapigilang mapatitig sa natural na mapupula niyang mga labi. Kay tagal kong inasam na mahagkan niya akong muli katulad kung paano niya ako angkinin noon.
Ngayon ay parang inaakit na naman niya ako.
Ngunit bigla akong nanigas nang sa gilid ng mga mata ko ay mapansin ko ang pagdilat nang namumungay niyang mga mata at pagtitig niya sa akin.
Bigla akong napalunok at hindi malaman ang gagawin. Gusto kong ipikit ang mga mata ko at magkunwaring natutulog ngunit huli na. Hindi ko rin naman magawang salubungin ang mga titig niya.
"What are you doing?" napakahina niyang tanong habang nananatili siyang nakatitig sa akin.
"A-Ahm..."
Hindi ko malaman ang isasagot ko.
Pinili ko na lamang ang bahagyang yumuko at ipinikit ang aking mga mata.
Ngunit gano'n na lamang ang pagkagulat ko nang bigla kong maramdaman ang kamay niya sa pisngi ko at paglapat ng mainit at malambot na bagay sa mga labi ko.
Idinilat kong muli ang aking mga mata at doon ko nalamang hinahalikan na niya pala ako!
D-Daemon...