Mhina
Sumunod na rin akong pumasok sa loob ng silid namin.
Naabutan ko siyang nakahiga nang muli sa kama. Pa-simpleng hinanap ng paningin ko ang phone ko ngunit hindi ko ito makita sa paligid.
Tsk. Napahinga akong muli ng malalim. Kinakabahan ako dahil baka tumawag muli doon si Ana at may masabi siyang hindi nararapat habang si Daemon ang nakikinig sa tawag niya. Hindi ito maaari.
Ngunit hindi rin ako makakilos sa ngayon dahil alam kong gising pa siya at binabantayan lang ang bawat galaw ko.
Wala akong nagawa kundi ang magtungo na lamang sa tabi niya at marahang umupo sa gilid ng kama.
Ramdam ko ang sobrang kabigatan ko at kaagad na paglubog ng kama. Gumalaw rin ang kinahihigaan niya pero hindi naman siya kumilos at nanatili lamang siyang nakatihaya at nakapikit ang mga mata.
Kinuha ko ang sarili kong kumot at itinabing sa kalahati ng katawan ko bago ako nahiga sa pinakagilid. Marahan lang ang naging paggalaw ko upang hindi ko na siya maistorbo pa.
Ganito na ang sistema namin simula pa noong makunan ako. Sing-lamig na ng yelo ang bawat gabi namin at parang may isang napakakapal at napakataas na pader na ang nakapagitan sa aming dalawa.
Never na niya akong tinangkang halikan o hawakan man lang. Para bang diring-diri siya sa akin na dati naman ay hindi.
Pero sanay na rin naman ako. Ang gusto ko nga sana ay magbukod na lang ng silid para hindi na siya mahirapan pa sa pag-iwas sa akin.
Tumalikod ako at kinuha ang isang unan na siyang naging kapalit niya bilang kayakap ko sa halos isang taon na naming ganito. Hindi ko na rin naman tinangka pang yakapin siya o lambingin siya dahil alam kong masasaktan lang ako.
Ginawa ko na 'yan noon pa pero tinatabig niya lang ako.
Nakatulugan ko na lamang ang malalim kong pag-iisip pero maaga pa rin naman akong nagising at nabungaran kong mahimbing pa ring natutulog si Daemon sa tabi ko.
Nakaharap siya sa gawi ko kaya naman malaya kong napagmamasdan ang maamo niyang mukha. Maamo lang sa tuwing natutulog siya pero parang mabangis na hayop sa tuwing gising.
Gayunpaman ay siya pa rin ang pinakaguwapong lalaki sa paningin ko. Siya pa rin ang pinakamamahal kong asawa kahit maraming beses na niya akong sinasaktan.
Naramdaman ko ang pagtulo ng luha sa gilid ng aking mga mata. Kaagad ko itong pinahid at marahang bumangon.
Pumasok ako sa loob ng banyo at ginawa ang morning ritwal ko.
Nang matapos ay lumabas ako at muling hinanap ang kinalalagyan ng phone ko.
Lumapit ako sa table at dahan-dahang binuksan ang drawer. Sinilip ko ang loob at nakahinga ako ng maluwag nang makita ko ito doon kasama ng phone at wallet niya.
Kinuha ko ito bago ako lumabas ng silid at bumaba ng bahay. Dire-diretso akong nagtungo sa kusina at nagbuklat ng mga kaldero. May natitira pa kaming kaning-lamig na sa tingin ko ay ayos pa at p'wede pang lutuin muli.
Ibinaba ko na lang muna sa mesa ang phone ko at sinimulan ko nang durugin ang natitira pang kanin. Masarap ito kapag sinangag sa umaga.
Kumuha ako ng sibuyas at bawang bago ginayat ang mga ito sa malilit na butil.
Matapos ay binuhay ko na ang gas range at ipinatong ang non-stick pot wok. Nilagyan ko ito ng kaunting mantika bago ko inihulog ang sibuyas at bawang. Isinunod ko naman ang kanin bago ko ito hinalo-halo.
Nagtungo ako sa ref at binuksan ang freezer. Nalaglag bigla ang balikat ko nang wala na akong naabutang stock ng p'wede kong lutuin ngayong umaga. Nagtingin-tingin din ako sa mga cabinet at halos pareho ang mga nabungaran ko.
Ubos na ang stock namin ng grocery at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ako binibigyan ni Daemon ng badget para sa mga ito.
Muli kong binuksan ang ref at nakita kong may dalawang piraso pa ng itlog sa storage box. Inilabas ko ito at bahala na siyang mag-itlog ngayong umaga. Huwag niya akong paghahanapan dahil wala naman siyang ibinibigay na pambili!
Inihalo ko na lang ang itlog sa sinangag na kanin dahil naubos na rin naman ang mantika. Pati na rin ang mga kape ay malapit na ring maubos.
Napapatanong na lang ako, bilyonaryo ba talaga ang asawa ko?
Sobra pa siya sa kuripot!
MATAPOS kong magluto ay inihayin ko na ito sa mesa. Eksakto namang nagtitimpla ako ng kape nang matanaw ko ang pagbaba niya ng hagdan.
Nakasuot na siya ng business suit niya at buhat na rin niya ang maleta niya. Nagtungo na ako sa mesa bitbit ang kape niya at inilapag ito doon.
"Good morning," mahinang bati ko sa kanya pagpasok niya ng dining room.
Hindi naman siya sumagot at kahit umaga pa lang ay salubong na kaagad ang mga kilay niya.
Lumapit siya sa mesa at ibinaba sa isang silya ang attached case niya. Pansin kong mas lalo pang nagsalubong ang mga kilay niya habang nakatunghay sa sinangag na kaning nasa harapan niya.
"Ito lang? Nasaan ang ulam?"
Doon siya lumingon sa akin at matalim akong tinitigan.
"Wala na tayong stock. Three weeks na simula noong mag-grocery ako."
"Magkano ba 'yong ibinigay ko sa iyo noon? Ten thousand, wasn't it? Just for the f*****g grocery. Saan napunta 'yong iba?"
"D-Daemon, mahal na ang mga bilihin ngayon."
"Where's the receipt of your purchases?"
Napahinto ako at halos malaglag ang panga sa sinabi niyang 'yon.
"W-Wala na, naitapon ko na 'yon."
"Damn it!"
Napapikit ako ng mariin nang bigla na lamang niyang sinuntok ng malakas ang mesa. Lumigwak ang tasa ng kape niya at natapon ang iba sa mesa.
"Huwag na huwag kong malalaman na niloloko mo 'ko! Mananagot ka sa akin!"
Napayuko ako habang tinatanggap ang panduduro niya sa akin habang binibigyan ako ng napakatalim na tingin. Mabilis niyang hiniklas ang attached case niya at padabog na lumabas ng dining room.
Napahabol na lang ako ng tingin sa kanya habang isa-isang pumapatak ang mga luha ko sa pisngi. Parang pinipilipit ang puso ko sa sobrang sakit nang ginagawa niyang ito sa akin.
Hindi ito ang inaasahan kong magiging buhay ko sa piling niya. Ang buong akala ko noon ay ako na ang pinakamasayang babae sa buong mundo noong bigla na lamang niya akong niligawan at inalok ng kasal.
Kung titigan niya ako noon ay para bang ako na ang pinakamagandang babae sa lahat. Kay tagal kong hiniling na mangyari 'yon. College pa lamang kami ay minahal ko na siya pero para lamang akong hangin noon na hindi nag-e-exist sa mundo niya.
Hanggang sa naka-graduate na lamang kami ay hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataong mapansin niya o makalapit man lang sa kanya. Masyado siyang masungit at para bang may sariling mundo.
Tanging mga kapatid niya lang din na lalaki ang nakikita kong kasama niya noon. Si Darren, Darell at Dexter. Sila 'yong mga kapatid niyang kasabay niyang nag-aaral sa isang University.
University ng mga maharlika. Na-swertihan lang akong nakapasok noon doon dahil sa scholarship. Awa ng Diyos ay nakatapos ako. Nakakuha ng magandang trabaho pero nahinto dahil kay Daemon.
Ngayon ay kailangan ko na talagang bumalik sa trabaho hindi lang para sa akin. Kailangan ko nang tanggapin na wala na talaga akong aasahan pa sa kanya. Hindi na ako aasa pa.
At kailangan ko na ring tanggapin na kailanman ay hindi niya ako magagawang mahalin.
Pinunasan ko ang mga luha ko sa pisngi bago ako kumuha ng basahan at nilinis ang natapon na kape sa mesa. Ako na lang ang kumain nang niluto kong sinangag at ininom ang natira pang kape sa tasa.
Kailangan kong makaisip ng paraan kung paano ako magkakapera ngayong araw. Kailangan kong makapagpadala kay Ana. Sobra na akong nahihiya sa kanya.
MATAPOS kong kumain ay mabilis lang akong naglinis ng kusina at muling umakyat sa itaas ng bahay, sa loob ng silid namin ni Daemon.
Naabutan ko ang magulo naming kama. Ni pagtupi ng kumot ay hindi man lang niya magawa. Inayos ko na lang muna ito at nilinis ang lahat ng kalat.
Matapos ay nagtungo ako sa walk-in closet. Binuksan ko ang isa kong drawer kung saan may mga nakatagong alahas. Mga alahas na regalo pa sa akin noon ni Daemon, noong nililigawan niya pa lang ako hanggang sa maikasal kami.
Hindi naman ako mahilig sa mga ganitong bagay pero tinatanggap ko dahil galing sa kanya. Sobra ako kinikilig kapag may mga ibinibigay siya sa akin, mapamahal man o mapamura. Malaki man o simpleng bagay lang ay sobrang naa-appreciate ko basta nagmula sa kanya.
Pakiramdam ko ay gano'n ako ka-importante para sa kanya noon. Pero hindi na ngayon.
Inilabas ko ang mga ito at isa-isang tinitigan. Mga kuwintas, bracelet, hikaw, relo, singsing. Hindi ko na rin naman naisusuot ang mga ito sa ngayon. Kahit ang wedding ring namin ay hindi ko na nagagamit dahil tumaba na rin ang mga daliri ko.
Hindi ko na rin naman nakikitang suot niya ang singsing niya. Matagal na at hindi ko alam kung saan niya iyon inilagay. Hindi ko na rin naman hinahanap pa. Para saan pa?
Mabilis akong naligo at nagbihis. Inilagay ko ang lahat ng mga alahas ko sa bag ko bago ako lumabas ng bahay at sumakay sa kotse ko.
Itong sasakyan na ito ay iniregalo niya sa akin matapos naming ikasal. Pakiramdam ko tuloy ay binili niya lang talaga ako noon at ibinenta ko rin naman ang sarili ko sa kanya, na may halong pagmamahal dahil mahal ko siya.
Bumiyahe ako palabas ng subdivision at nagtungo sa pinakamalapit na pawnshop. Siniguro kong hindi ito isa sa mga pag-aari ng mga Johnsons, ang pamilya ni Daemon sa mother's side niya.
Pag-aari ng lolo ni Daemon na isang Johnson ang napakaraming branch ng pawnshop hindi lang dito sa bansang Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. At ngayon ay salit-salitan siyang nagtatrabaho sa dalawang kumpanya. Sa mga Johnson at Delavega.
Pero ni kusing ay wala siyang iniaabot sa akin. Sakto lang para sa mga grocery at mga bayarin sa bahay ang ibinibigay niya sa akin. Kumukupit lang ako ng kaunti para kahit papaano ay may maipadala pa rin ako kay Ana.
Pero ngayon ay wala na talaga.
Ipinasuri ko sa teller ng isang pawnshop ang mga alahas ko.
"Ma'am, 12 grams po itong necklace niyo, 24K. Twenty-eight thousand five hundred eighty-three po ang magiging halaga nito, ma'am," saad ng teller sa loob.
"Twenty-eight thousand five hundred eighty-three?"
"Yes, ma'am."
"Hindi na ba p'wede 'yan sa thirty thousand? Saktuhin mo na, miss."
Nakipagtawaran pa ako sa babae pero hindi rin ako pinagbigyan. Ang dami pa niyang excuses na hindi ko naman halos maintindihan.
Wala akong choice, kailangan ko ng pera.
Kay bigat bitawan ng kuwintas na 'yon dahil isa iyon sa mga ibinigay sa akin ni Daemon noon. Pero wala akong magawa. Mas importante ang paglalagakan ko ng perang malilikom ko.
Ipapadala ko ang iba kay Ana para kay Dandan. Ang iba ay gagamitin ko para makahanap ulit ng trabaho. Maghahanap rin ako ng isang maliit na apartment na malayo sa lugar na ito.
Buo na ang desisyon ko, aalis na ako. Bahala na si Daemon sa buhay niya.
Alam ko namang ito na ang matagal niyang hiling, ang tuluyan na kaming maghiwalay. Kaya ibibigay ko na sa kanya para hindi na siya mahirapan pa.