CHAPTER 3: Dandan

1110 Words
Mhina Pagdating namin ng bahay ay mabilis siyang pumasok sa loob at padabog na umakyat ng hagdan. Napahinga na lamang ako nang malalim habang hinahabol siya ng tingin. Nagtungo na muna ako sa kusina at uminom ng malamig na tubig. Kumuha rin ako ng isang baso pa at dinala sa itaas. Pagpasok ko sa silid namin ay naabutan ko siyang nakatihaya na sa kama at mariin nang nakapikit ang kanyang mga mata. Tanging pang-itaas pa lang ang nahuhubad niya at suot pa rin niya ang sapatos at pantalon niya. Nagkalat din ang polo, coat at necktie niya sa sahig. "Uminom ka muna ng tubig," mahinahon kong sabi bago ipinatong sa bedside table ang isang baso ng malamig na tubig. Kaagad din naman siyang bumangon. Dinampot niya ito at mabilis na ininom. Nagtungo naman ako sa paanan niya at inisa-isang hubarin ang suot niyang sapatos, maging ang mga medyas niya. Muli siyang bumalik sa pagkakahiga at muli ring ipinikit ang mga mata niya. "Magpalit ka ng pajama," sabi ko naman habang naglalakad patungo sa walk-in closet dala ang mga sapatos niya. Ibinalik ko ito sa kinalalagyan bago kumuha ng isang piraso ng pajama at sando niya. Pagbalik ko sa kama ay nasa ganoon pa rin siyang posisyon. "Daemon, magpalit ka ng pajama at magsuot ka ng sando. Hindi ka makakatulog ng maayos niyan." "Tsk," singhal niya kasabay nang pagbangon niya at mabilis na hinubad ang suot niyang pantalon. Matapos ay kaagad niyang inagaw mula sa akin ang hawak kong pajama at sando at mabilis din niya ang mga itong isinuot. Pinabayaan na lang niya ang hinubad niyang pantalon sa sahig at muli lang humiga sa kama. Ganito naman na talaga ang habit niya araw-araw. Paano na lang kung wala ako? Baka nagmukha ng basurahan itong bahay na 'to! Dinampot ko ang pantalon niya at inalis sa mga bulsa nito ang phone at wallet niya. Inilagay ko ang mga ito sa drawer bago inilagay sa basket na lagayan ng mga labahan ang mga hinubad niyang mga damit. Binuksan ko na muna ang aircon bago ako nagtungo sa banyo at saglit na naglinis ng katawan ko. Kahit ako ay nauumay na rin sa mga taba ko pero ginusto ko naman ito. Ito lang kasi ang naiisip kong paraan para patunayan kung talagang mahal niya ako. At matagal ko na rin namang nakuha ang sagot. Simula pa lang sa umpisa. Matapos kong maglinis ay kaagad na akong nagpatuyo at nagsuot ng ternong mahabang pantulog at maluwag na pang-itaas. Ang mga sexy kong night dress ay malapit nang amagin sa drawer dahil halos isang taon ko na rin silang hindi naisusuot. Paglabas ko ng closet ay naabutan kong mahimbing nang natutulog si Daemon. Maingat akong lumapit sa bag ko at kinuha ang phone ko. Lumabas ako ng silid bago ni-dial ang phone number ng pinsan kong si Ana. "Hello, Mhina. Oh, gabi ka na tumawag. Kanina ka pa namin hinihintay." "Pasensiya na. May dinaluhan kasi kaming events ni Daemon kanina at kauuwi lang namin." Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa makababa ako ng hagdan. "Gano'n ba? Kailan ka uuwi dito. Hinahanap ka na ni Dandan." "P'wede ko ba siyang makausap?" "Naku, katutulog lang niya, eh. Napagod sa maghapong kalalaro." "Pinainom mo ba siya ng gatas?" "Oo naman. Busog naman siya bago nakatulog." "Salamat. Tatawag ako kapag uuwi ako d'yan." "Oh, sige. Huwag kang mag-alala. Ayos lang kami dito, ha." "Salamat ulit. Pasensiya na rin kung wala pa akong maipadala. Hindi pa rin kasi ako binibigyan ni Daemon." "Haay, sinabi ko naman sa iyo, hiwalayan mo na 'yang asawa mong 'yan. Tigilan mo na 'yang pagpapaka-martir. Hindi na 'yan uso sa panahon ngayon." Napahinga ako ng malalim sa sinabi niyang 'yon. Nakikinita-kinita kong umiikot na naman ang mga mata niya sa mga sandaling ito. "Uuwi na ako d'yan. Huwag kang mag-alala, malapit na." Pinunasan ko ang luhang pumatak sa pisngi ko. "Oh, sige na. Basta nandito lang ako. Huwag mo nang isipin 'yong gastos. Nagpapadala naman si Jowa sa akin." Ramdam ko ang kilig sa tinig niya. "Nahihiya na ako sa iyo. Hayaan mo babawi ako. Maghahanap lang ako ng trabaho." "Huwag mo nang i-stress 'yang sarili mo. Naku, mamaya niyan bigla ka na lang mangayayat at biglang bumait 'yang asawa mo." Natawa ako ng mapakla sa sinabi niya. Kahit siguro bumalik pa sa dati ang katawan ko, wala nang magbabago pa sa amin. Nakilala niya ako sa gano'ng katawan pero hindi naman pala talaga ako ang pakay niya kaya niya ako niligawan at pinakasalan. "Hoy, hindi ka na sumagot. Nagbibiro lang ako, ha, pero mas okay na rin kung tototohanin mo." Muli naman akong natawa sa sinabi niya. "Sige na, ibababa ko na. Baka magising si Daemon." "Alright. Reypin mo na, natutulog naman pala, eh." "Tsk. 'Di bale na. Baka mamatay pa siya sa bigat ko. Babay na. I-kiss mo na lang ako kay Dandan." "Okay. Goodnight. Umwaah!" Natawa na lang ako sa pahalik niyang 'yon. "Goodnight." Pinatay ko na ang linya bago ako muling humarap sa hagdan ngunit halos mapatalon ako sa gulat nang matanaw ko si Daemon sa itaas at taimtim na nakatitig sa akin habang nakasandal sa pader. "D-Daemon, g-gising ka pa." Bigla na lamang lumakas ang kabog ng dibdib ko. Nagmadali ako sa pag-akyat at halos hingalin ako nang makarating ako sa itaas. Nangatal ang katawan ko sa hindi maipaliwanag na takot na nararamdaman ko. "Sinong kausap mo?" tanong niya kasabay nang mabilis niyang pag-agaw sa phone ko. "S-Si Ana lang 'yon, 'yong pinsan ko," kaagad kong sagot habang sinisilip ang ginagawa niyang pagkalkal sa phone ko. "At these hours?" Sinamaan niya ako ng tingin matapos niyang makita ang name ni Ana sa recent calls. "Nangumusta lang naman siya. Masama ba?" Tinangka kong agawin ang phone ko ngunit kaagad niya itong inilayo mula sa akin. "What did you tell her?" "Ayos lang." "Ayos lang? May paglabas ka pa?" sarkastiko niyang tanong. "Baka kasi maistorbo 'yong tulog mo." "Who is Dandan?" Bigla akong napalunok at hindi kaagad nakasagot. "Si...'y-yong pamangkin namin. Nandoon daw ngayon sa kanila. Pumasyal daw, eh. Sa bayan kasi 'yon sila nakatira." "Huwag na huwag kong malalaman na lalaki mo 'to. I'm warning you, Mhina." Binigyan niya ako ng isang matalim at may babalang tingin bago niya ako tinalikuran at muling pumasok sa loob ng silid namin na dala ang phone ko. Napatanga naman ako dito sa labas at hindi kaagad nakagalaw. Nagpaulit-ulit sa isipan ko ang mga salitang sinabi niya. Napasapo na lang ako sa dibdib ko sa lakas ng kabog nito. Sa hitsura kong ito, makakapanlalaki pa ba ako? May papatol pa ba sa akin. Eh, kung siya nga umay na umay na, iba pa kaya? Tsk.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD