Chapter 3

1537 Words
Pagkapasok sa room ay mabilis kong binuksan ang ilaw sa loob, doon ay tumambad sa paningin ko ang malawak at malinis na unit, ganito 'yong mga pinapangarap kong bahay noon. Pinaghalong kulay puti at ginto ang naroon sa loob. Mula sa pinturang puti sa sementadong dingding, sa tiles na kay linis tingnan hanggang sa kisameng may touch of gold. Ang chandelier na nagsisilbing liwanag sa paligid, ang kurtinang umaalon dahil sa ihip ng hangin mula sa veranda ng kwarto at nang mahagip ng mata ko ang queen size bed ay nagtungo ako roon. Marahan kong inihiga si Reece na ngayon ay kinakamot-kamot na ang kaniyang mga mata, sa haba ng biyahe namin kanina ay ngayon lang siya nagising. Ang cute talaga ng batang 'to, napakabait kaya hindi ganoon sumasakit ang ulo ko sa kaniya, bagkus ay siya pa itong naging stress reliever ko. "Mamu..." Rinig kong sambit niya kaya hinalikan ko ito sa pisngi. "Kamusta ang tulog ng baby ko? Hmm?" tanong ko habang sumisiksik sa kaniyang leeg. Dahil doon ay narinig ko naman ang munti nitong pagtawa na siyang kay sarap pakinggan, tila pa isang musika sa pandinig ko. "Mamu, nasaan tayo?" aniya dahilan para balingan ko ito. Umayos ako sa pagkakaluhod ko sa kaniya at hinawakan ang magkabilaan nitong kamay, nilalaro ko iyon habang hindi maalis-alis sa labi ko ang isang ngiti. "Dito tayo pansamantalang manunuluyan, anak," pahayag ko rito. Pansamantala lang muna dahil hindi ko pa alam kung ano talaga ang pakay sa akin ni France, kung ano iyong magiging kapalit ng pagtulong niya sa amin ng anak ko. Kung maayos at matinong trabaho naman ay tatanggapin ko, walang problema iyon sa akin at baka pagbutihin ko pa para lang masuklian itong kabutihan niya sa amin. "Hindi ka ba nagugutom, anak? O gusto mo ulit kumain?" tanong ko nang muling kumalam ang sikmura ko. "Saan tayo kakain, Mamu?" "Sa baba raw, anak, may kainan doon. Samahan mo na lang ako?" Bumaba ako mula sa kama at naglakad palapit sa pinto kung saan nakalapag ang mga bag namin, hinila ko iyon palapit at naupo upang buksan. Kumuha ako ng isang pares ng damit para kay Reece saka siya pinalitan at inayusan na rin. Nang matapos ay pinatayo ko ito sa kama, roon ay nangingiti ko siyang pinagmasdan. Ang dalawang pares nitong mata, kulay tsokolate iyon na malayong-malayo sa akin na kulay itim. Ang matangos nitong ilong, ang mapupula at malambot niyang labi, hanggang sa mala-singkamas niyang balat. Kalaunan ay napawi ang ngiti ko nang ma-realize kong wala siyang nakuha sa akin, maliban na lang sa alon-alon nitong buhok. Lahat ng facial features niya ay namana nito sa kaniyang ama, na hindi ko na alam kung nasaan na o kung buhay pa ba. Wala naman na akong balak hanapin iyon dahil unang-una, siya ang nang-iwan sa akin six years ago. Umalis itong walang paalam kaya bahala siya sa buhay niya ngayon. Napangiwi ako nang nag-materialize ang itsura nito sa mukha ng anak ko. Wala sa sariling napabuga ako ng hangin. Kalaunan ay binuhat ko na rin pababa ng kama si Reece para makaalis na kami. Kailangan ko pa kasing hanapin iyong Resto na sinasabi ni France. "Mamu, nagugutom na rin ako," sambit ni Reece nang makapasok kami sa elevator. "Ako rin, anak." Tumawa ako at nailing na lamang sa kawalan. Pakiramdam ko nga ay mabubutas na ang tiyan ko sa sobrang pagkalam nito. Ilang segundo lang nang bumukas ang pinto ng elevator at iniluwa kami sa unang palapag kung saan nalingunan kami ni kuyang guard. "Oh, Miss, bakit pa kayo bumaba? May pupuntahan po ba kayo?" anang guard na inilingan ko lang. "Hindi po, ano kasi... nagugutom kami ng anak ko. Gusto ko lang din itanong kung nasaan iyong Resto rito?" "Ah! Dito po." Tinuro nito ang isang malawak na hallway, "Deretso lang po kayo roon sa dulo, pero hindi po kayo makakakain kung wala kayong access card." Sa sinabi nito ay natigilan ako at nilingon ang pwesto niya. Kumunot pa ang noo ko. Access card? Ano 'yon? Wala naman akong naalalang nabigyan ako ng ganoon maliban sa calling card at susi ng kwarto. "Naku, Kuya, wala ako no'n. Paano 'yan?" nalilito kong sambit. Binalingan ko pa si Reece na ngayon ay nakatingala sa akin, tahimik lang itong nagmamasid at nakikinig sa amin. Naramdaman ko pa ang paghigpit ng kapit niya sa kamay ko. "Hindi bale, Ma'am, akyat na lang po kayo roon sa room ninyo at tatawagin ko na lang si Antonio, isa sa roomboy dito at sasabihing dalhan na lang kayo ng pagkain sa taas." "Ganoon po ba?" Nag-isang linya ang labi ko, nalingunan ko pa iyong babae sa front desk na tahimik lang ding nakikinig sa amin. Ngumiti ito nang mapansin niyang nakatitig ako sa kaniya. Magkano nga kaya ang sinasahod niya? Kung ganiyang trabaho ang iaalok sa akin ni France ay mas mabuti, hindi ko na kailangang lumabas pa. Mas mababantayan ko pa ang anak ko. "Opo, Ma'am. Sige po, tawagin ko na si Antonio." "Sige ho, salamat," tugon ko sa kanila at nagpaalam nang aakyat na kami. Nang makapasok sa elevator ay mabilis ding umandar iyon pa-third floor kaya lumabas na kami ni Reece at muling bumalik sa kwarto. Binuhat ko ito at sabay kaming napahiga sa kama. "Mamu, walang pagkain?" tanong niya saka pa ako niyakap sa tiyan. "Mamaya raw, anak. Dadalhin na lang dito." Pumikit ako saglit habang hinihintay ang pagdating ng roomboy. Sa pagpikit ay muling nag-materialize sa utak ko ang mukha ng lalaking kailan man ay hindi ko naisip na iiwan ako, ang lalaking minsan ko nang minahal. "Luna!" Rinig kong sigaw sa hindi kalayuan dahilan para lingunin ko ito. Doon ay naaninag ko ang bulto ng isang lalaking papalapit sa kinaroroonan ko, sa katawan pa lamang at tindig nito ay nakilala ko kaagad siya. Umahon ako mula sa pagkakahiga ko sa duyan na naroon sa tabing ilog ng Cagayan. Ilang sandali lang din nang tuluyan na siyang makalapit at walang pasabing hinalikan ako sa labi. "Renz, ano ba? Anong ginagawa mo rito? Baka makita ka ni Lola Sireng." Tinulak ko siya nang bahagya para bigyan ng espasyo ang pagitan namin. Kilala naman na siya ni Lola pero baka magalit pa rin iyon kapag naabutan niya kami ritong magkasama, isipin pa no'n ay may ginagawa kaming milagro na hindi pa naman sumagi sa utak kong mangyayari nga. Wala itong anu-ano'y umupo siya sa tabi ko, kaya ngayon ay dalawa na kaming naroon sa duyan. Niyakap pa ako nito nang mahigpit sa baywang saka isiniksik ang mukha sa leeg ko. "Renz!" pagtili ko dahil nakikiliti ako sa hininga nito. "I love you, Luna... mahal na mahal kita," bulong niya sa tainga ko kaya wala sa sariling nangilabot ako, nagtaasan pa ang mga balahibo ko sa braso. Ano ba ang mayroon dito kay Renz? Nakaraan ay ganito rin siya, sweet na siya noon ngunit mas naging doble ang pagiging sweet at clingy niya sa akin. Ewan ko ba pero pakiramdam ko ay may tinatago ito sa akin. Kinakabahan ako, natatakot sa hindi malamang dahilan. "I love you always, Renz," mahinang pahayag ko at nangiti na lamang, isinawalang bahala ang pangamba. Sa edad na sixteen ay naging boyfriend ko na si Renz, fourth year high school kami nang sagutin ko siya mula sa higit isang taon niyang panliligaw sa akin at ngayon nga ay magtatatlong taon na ang relasyon namin. Tingin ko ay wala namang masama kung maaga kaming sumubok na magmahal, as long as alam namin ang bawal sa hindi. Malaki ang respeto sa akin ni Renz na talagang hinahangaan ko. Hindi siya katulad ng ibang lalaki na may hinahabol lang sa isang babae at saka iiwan sa ere. Malayo siya sa mga lalaking mataas ang tingin sa sarili kahit pa napakayaman nila. Kilala ang buong angkan niya sa pagiging marangya, ang iba kasi sa pamilya nito ay kabilang sa politika. Mayroon pang business tycoon at nagma-manage ng sariling company sa iba't-ibang bansa. Ibang-iba siya sa lahat, iyon nga lang ay hindi pa niya ako nagagawang ipakilala sa kanila. Siguro ay dahil na rin sa estado ng buhay ko, kaya nahihiya siya o mayroon pang dahilan? Ewan ko, bahala na. Masaya naman kami pareho at sa tingin ko ay magtatagal ang relasyon namin. Sa kaniya ko kasi nakikita ang magiging future ko kaya panatag ako kahit papaano. "I will never leave you, take note of that, okay?" sambit nito na siyang tinanguan ko at sinuklian na rin ang mahigpit niyang yakap. "Mamu..." Rinig kong tawag ng isang munting tinig sa gilid ko. Kasabay nito ay ang mahinang pagyugyog sa akin dahilan para unti-unti akong magmulat. Doon ay bumungad sa paningin ko ang nakaupong si Reece, maang itong nakatingin sa akin habang patuloy ang pagyugyog sa balikat ko. "Bakit, anak?" Paos kong tanong dahil sa malalim kong paghinga. "May kumakatok po, baka 'yung pagkain na 'yon." Nakatulog pala ako at ganoon na lang palagi sa tuwing ipipikit ko ang mga mata, si Renz at ang alaala namin sa nakaraan ang napapanaginipan ko na siyang pilit kong kinakalimutan. Kailan kaya darating ang araw na mabubura siya sa isipan ko? Kasi hindi na ako makapaghintay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD