Chapter 2

1581 Words
Hindi pa man kami nakakalayo nang huminto ako dahilan para matigil din ito sa paglalakad at nilingon ako sa bandang likuran. "Anong pangalan mo?" pagtatanong ko rito habang pinagmamasdan ang kabuuan niya. Just in case na masamang tao siya, at least ay alam ko kung anong pangalanan niya kung gagawan man ako nito ng mali pati na rin ang anak ko, na ngayon ay mahimbing ang tulog sa balikat ko. Nagbaba ako ng tingin sa hawak niyang bag pack, tinulungan kasi ako nito kanina sa pagbubuhat. Ang dami kong naiisip, masyado akong nilalamon ng takot pero nilalakasan ko ang loob ko. "Ah, pasensya na. Hindi ko pa pala nababanggit," aniya saka pa tumikhim. Gamit ang isang bakanteng kamay ay inilahad niya iyon sa akin. "Ako nga pala si France... at ikaw?" balik tanong niya habang nananatiling nakalahad ang kamay sa harapan ko. Maagap kong tinanggap iyon at nakipag-kamay, "Ako si Esperanza." Sa sinabi ko ay marahan itong tumango, sumilay pa ang isang mumunting ngiti sa kaniyang labi. "Napakagandang pangalan para sa isang magandang katulad mo," pahayag niya dahilan para pamulahan ako ng mukha, tila nahihiya sa kaniyang sinabi. Hindi naman ako ganoon kaganda, kahit pa ay marami ngang nagsasabi sa akin. Ayusan lang daw ako ng kaunti at magbihis ng maayos ay lalabas ang tinatago kong ganda. Tch, wala naman na akong oras para sa sarili. Lahat ng atensyon ko ay nasa anak ko na lang, iyong dapat na pambili ko ng sariling gamit ay iniipon ko para kay Reece. Iyong iba ay tinatabi ko just in case na magkasakit siya, na sana ay huwag namang mangyari. "So, tara na? Lumalalim na ang gabi at baka abutan pa tayo ng curfew," anyaya nito saka ako nginitian. Pilit akong ngumiti pabalik at nagpakawala ng buntong hininga bago kami nagsabay sa paglalakad. Ilang sandali lang din nang huminto kami sa harap ng isang kulay puting van. Puting van... shocks! Nagbukas iyon mula sa loob at doon ay tumambad sa paningin ko ang ilang kalalakihan na mga naka-tuxedo, masyado silang pormal para sa gabing ito. Sinundan ko ng tingin ang pag-abot ni France sa bag ko sa isang lalaking malapit sa pinto, inilapag niya iyon sa kalapit na upuan. Napalunok ako, animo'y unti-unting nawawalan ng kaluluwa. "Sorry, France, ha? Pero kung hindi mo sana mamasamain, bakit mo ako tinutulungan?" Naisatinig ko ang kanina pang bumabagabag sa isipan ko. Ang daming tao kanina sa lansangan, pero bakit ako pa ang nilapitan niya? "Kasi nakikita kong mas kailangan mo ng tulong," wika niya at tuluyan na akong hinarap. "Pero kasi... sorry ulit, pero hindi ba kayo mga scammer?" mahinang pahayag ko saka pa sinipat ng tingin ang ilang lalaki sa loob ng van. Tahimik lang ang mga itong nakatitig sa akin, kahit dim lights lang ang liwanag sa loob ay nagagawa ko pa silang masilayan. Blanko ang mga mukha at tila kay hirap para sa kanilang ngumiti man lang. Sa sinabi ko ay maarteng tumawa si France. "Syempre hindi, ano ka ba, girl? Kaya ka nga namin tinulungan ay baka mapunta ka pa riyan sa sinasabi mong scammer. Trust me girl, hindi ka magsisisi." Inakbayan ako nito saka mahinang itinulak papasok sa loob ng van, wala na akong nagawa kung 'di ang maupo. Mayamaya lang din ay sinarado na nito ang pinto at doon siya sa passenger's seat pumasok. Hindi rin nagtagal nang umusad ang van kaya pikit ang mga mata kong palihim na nananalangin. Mahigit isang oras ang lumipas at hanggang ngayon ay binabaybay pa rin namin ang kahabaan ng Edsa. Saan ba patungo ng mga ito? Malakas ang t***k ng puso ko pero hindi iyon dahil sa kaba o takot, kung 'di dahil sa gutom. Ewan ko kung naririnig ba nila itong pagkalam ng tiyan ko o sadyang hindi talaga nila pinapansin. Dumilat ako upang lingunin iyong lalaking katabi ko, deretso lang itong nakatingin sa harapan. Ang tindig ng pangangatawan nito ay masasabi kong isa siyang security personnel. Wala itong pake sa akin kahit pa todo titig na ako sa mukha niya. Kalaunan ay nag-iwas na rin ako ng tingin at piniling pumikit na lamang. Itutulog ko na lang din siguro itong gutom ko, ngunit hindi pa man ako tuluyang hinihila ng antok ay narinig ko nang nagsalita si France. "Nandito na tayo." Kasabay nito ay ang pag-slow down ng van dahilan para magmulat ako. Dinungaw ko ang labas kung saan naging visible sa paningin ko ang naglalakihang mga building, puro street lights ang nasa paligid at hindi maipagkakailang napakaganda rito. "Nasaan tayo?" tanong ko habang inaayos ang sarili. "Narito tayo ngayon sa Makati at nandito ang magiging kapalaran mo," makahulugang sambit ni France bago bumaba at lumabas ng van. Ilang segundo lang nang pagbuksan kami nito kaya mabilisan din akong bumaba, inalalayan pa ako ni France at sila na rin ang nagbuhat sa dalawa kong bag. Nang makababa ay doon ko nakita ang isang mataas na building na siyang nasa tapat namin, nasa apat na palapag iyon at sobrang lapad. Purong puti ang kulay at napapalibutan ng ilaw ang bawat palapag. "Halika na." Dinig kong turan ni France at nauna nang maglakad na siyang sinundan ko naman. Sa likod ko ay iyong limang lalaki na nakasunod lang din sa amin, gaya kanina ay tahimik ang mga ito hanggang sa tuluyan na kaming makalapit sa building. Sa gitnang bahagi no'n ay isang malapad na glass door, kita sa loob ang hagdan paakyat at sa tabi naman nito ay ang elevator. Naroon din ang front desk kung saan nakaupo ang isang maganda at unipormadong babae. Nasa pinakahamba naman ng pintuan iyong security guard at nang makita kami ay maagap kami nitong pinagbuksan ng pinto. Doon ay bumungad sa amin ang lamig sa loob na nanggagaling sa aircon. "Ito ang tinatawag naming Demoirtel, apartment na siyang tinutuluyan ng magiging empleyado ng Rampage Society." Sa sinabi niya ay halos mapanganga ako, nangunot din ang noo ko habang nanlalaki ang mata kong tinititigan ang mukha ni France. "E—empleyado ba kamo? At... ano iyong Rampage Society?" takang tanong ko rito. "Bukas ay malalaman mo. Sa ngayon ay maari muna kayong magpahinga ng anak mo at mukha na kayong pagod. Nasisiguro ko ring hindi ka pa kumakain dahil kanina ko pa naririnig ang pagkalam ng tiyan mo." What the heck? Halos pamulahan ako ng mukha dahil sa sinabi niya. Mariin pa akong napapikit para itago ang pagkapahiya. Ibig bang sabihin ay rinig na rinig talaga kanina ang pagkagutom ko? Napahinga ako nang malalim. Nakakahiya! Gusto ko mang isipin at magtanong pa ay tumango na lamang ako saka nagmulat ng mata. "Bukas ay pupuntahan kita rito, idi-discuss ko sa 'yo ang mga gusto mong malaman," pahayag niya na tinanguan ko ulit, "Mayroon ding Resto o kainan diyan sa loob, exclusive for all certified employee ng Rampage Society. Pwede kang pumanhik doon para makakain." "Ahm... France?" alanganing pagtawag ko. "Yes? Siya nga rin pala, ang magiging room mo ay depende sa front desk natin. Sa kaniya mo malalaman kung anong room ka. Kung may ilang katanungan ka pa ay huwag kang mahihiyang i-dial ang numero nila rito mula sa baba. O kung hindi naman kaya ay ito ang number ko." Yumuko ito para kunin mula sa bulsa ang ilang pad ng kaniyang calling card saka ako binigyan ng isa na mabilis ko lang ding inabot. "Pumasok ka na at bukas din ng alas otso ay babalik kami rito." "Sa—salamat," tipid kong sambit at ginawaran siya ng ngiti. "Wala iyon. Sige na, mauuna na kami." Matapos niyang makapag-paalam ay umalis na rin siya kasama ng mga security personnel. Tinulungan naman ako ni kuyang guard para buhatin ang dalawang bag para maipasok sa loob. "Good evening, Ma'am! Welcome to Demoirtel. Here's your key and your room number is 33, nasa ikatlong palapag po iyon," masayang tugon ng babae na nasa front desk. "Hello, good evening din. Ako si Esperanza," wika ko na siyang nginitian niya lamang. Gamit ang isang buzzer na nasa harapan niya ay pinindot nito iyon. Ilang segundo lang din nang may nagmamadaling tumakbo palabas sa isang room na naroon lang sa gilid. "Antonio, pakihatid na lang itong si Ma'am Esperanza sa magiging room niya." "Oh, may bago ulit," nakangiting sambit ng lalaki. "Ang galing talaga mag-recruit no'n ni France, kaya ginawang kanang kamay ni Madame, e." Hindi ko maintindihan kung anong pinag-uusapan nila kaya pinili ko na lamang manahimik. Hindi na rin ako masyadong nag-isip dahil ang gusto ko na lang ay magpahinga na. "Tara na, Ma'am, mukhang pagod na pagod ho kayo." Pagpuna ng lalaki na nagngangalang Antonio. "Oo nga, ang layo pala nito," tugon ko at saka pa mahinang tumawa. Binuhat na rin ni Antonio iyong dalawang bag ko at nag-umpisa nang maglakad, pinili nitong sumakay sa elevator dahil na rin nasa third floor ang room ko at may mga buhat pa kami. Nang makalabas ay kaunting lakad pa ang ginawa namin at bawat hakbang ko yata ay puro papuri na ang nasasambit ko sa isipan ko. Maihahalintulad kasi itong Demoirtel sa isang five star hotel sa sobrang gara at ganda. "Dito na po tayo, Ma'am." Si Antonio at siya na ang nagbukas ng pinto sa room ko. "Salamat, Antonio. Ilapag mo na lang din diyan sa gilid ang mga bag at ako na ang bahala. Salamat talaga sa tulong ninyo." Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag sa isiping may matutulugan kami ng anak ko ngayong gabi. Napakabuti pa rin talaga ng Diyos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD