Kabanata 6
NANG bumalik ako'y nag-aagaw na ang araw at ang buwan sa kalangitan. Nasa labas si Ericka at hinihintay ang aking pagbabalik. Bakas ko sa mukha niya ang matinding pag-aalala. Nang umabot ako sa harapan niya'y kinuha niya ang aking mga gamit at binigyan ako ng panyo. Ginulo ko lamang ang kanyang buhok at kinuha ang panyo sa kanya. Pinunasan ko ang aking basang buhok. Tahimik lang kaming naglakad pauwi.
NANG makarating kami sa bahay ay agad na pinalitan ni Ericka ang bendang nakarolyo sa aking braso. Matapos ay sa aking silid na ako nagpahinga.
HATING GABI na at kasalukuyan akong nakahiga sa aking kama. Imbis na gumala aypinalipas ko na lang muna. Hindi talaga maganda ang lagay ko. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong pangitain sa aking itinakda. Iyon ang ipinagtataka ko ng matindi. Kahit sa mga pinsan at kapatid ko'y nakikita ko ang itinakda para sa kanila. Ngunit pagdating sa akin ay biglang blangko. Tinanggal ko ang butones ng aking bestida upang luwagan ang aking suot na balabal sa aking leeg na nagkukunekta sa aking braso. Bigla na naman kasi itong namanhid kaya nilagyan ko ng suporta. Nang tumihiya ako ng buong puwersa ay biglang may tumunog sa ilalim ng aking kama. Bago pa man ako makabangon ay may mga mahahabang sinturon ang biglang gumapos sa akin sa kama. Akmang tatanggalin ko na sana pero biglang may nahulog sa ibabaw ng aking kama. Agad na tumarak sa magkabilang gilid ng leeg ko ang dalawang banal na punyal. Tatanggalin ko na sana ito pero bigla namang may dumagan sa akin.
"Ikaw!" utas ko.
Ang lalaking nasa likod ng puting maskara at ang kanyang kakaibang matinding amoy.
"Ssh," utas niya.
"Isang maling galaw mo lang ay madadagdagan ang sugat mo," dagdag niya pa. Agad na umigting ang aking panga.
"Sino ka ba talaga!?"
"Ang itinakda para sa iyo," aniya at umayos sa pagkadagan sa akin.
"Hangal! Hindi ang isang katulad mo ang nararapat para sa akin!"
"Talaga?" Napatawa pa ito. Bigla naman niyang inilapit ang isang banal na punyal sa aking leeg.
"Dapat pinatay na kita, unang beses pa lang na nagkaharap tayo pero hindi ko ginawa."
"Duwag ka lang!" Tinawanan niya lang ako at humugot pa ng isa pang punyal. Ang hiwa ng aking damit ay mas lalo pa niyang nilakihan gamit ang punyal. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Agad na tumambad sa kanya ang malulusog kong hinaharap. Pinadaan niya pa ang likod na parte ng punyal sa aking dibdib.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" mariin kong tanong sa kanya.
"Pinagmamasdan ka." Agad na kumunot ang aking noo.
"Huwag mo akong gawing laruan!"
Sa isang galaw ng aking binti ay agad ko siyang napaangat paalis sa pagkakadagan sa akin. Mabilis kong inalis ang dalawang punyal na nakatarak sa gilid ng aking leeg. Pinagpuputol ko ang pagkakagapos sa akin at napabangon. Dali-dali ko siyang sinugod. Ibinato ko sa kanya ang isang punyal ngunit nasalo niya lamang ito. Muli ko siyang sinugod at sinipa pero nahawakan niya ang aking binti at agad akong ibinalibag sa kama. Dumagan siya sa akin habang pinipigilan niya ang kanang kamay ko na may hawak na punyal. Ang kaliwang kamay ko naman ay nakasakal sa kanya. Nagbago ako ng anyo. Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakasakal sa kanya. Dumiin na ang mga kuko ko sa balat niya pero bago pa mas dumiin ito ng todo ay natabig niya ang aking kaliwang kamay. Nakuha niya ang punyal sa akin. Inangat niya ang dalawa kong kamay pero nakawala ang kaliwa ko kaya nasampal ko siya ng malakas. Natanggal ang kanyang maskara pero bago ko pa man makita ang kanyang mukha ay natakpan na niya ang mga mata ko gamit ang punda ng aking unan. Bigla niya pang kinabig ang aking batok atsiniil ako ng halik. Natigilan ako sa ginawa niyang iyon.
"Princeps prohibetur concupiscentia mea requiem..." bulong niya sa pagitan ng kanyang halik sa akin. Namilog ang aking mga mata. Bakit alam niya ang diyalektong ginagamit namin? Bakit alam niya?
"H-huwag..." anas ko ngunit huli na ako. Agad akong napasinghap at biglang nakatulog.
NANG magdilat ako ay agad akong napabangon. Nagulat pa si Ericka.
"Ate, buhay ka?" Kumunot agad ang aking noo.
"Hindi ako namatay Ericka. Nakatulog lamang ako," sagot ko.
"Po!? Hindi ba't hindi natutulog ang mga kagaya ninyo?" Nasapo ko ang aking noo.
"Oo," sagot ko. Kumuha ako agad ng pluma at papel. Agad akong sumulat ng mensahe para kay Steffano.
"Hanapin mo si Memphis sa pantalan. Ibigay mo ang sulat sa kanya. Sabihin mong para kay Steffano." Agad naman siyang tumalima. Naglalaman ang aking sulat patungkol sa aking itinakda. Alam ni Steffano ang lahat. Suwerte ko lang kung magsasalita siya. Tiningnan ko ang oras. Hindi pa ako huli sa aking huling klase. Inabot pala ako ng tanghali. Agad akong nag-ayos ng aking sarili. NANG makarating ako sa unibersidad ay agad kong tinungo ang aking klase. Ni hindi na nga ako dumaan sa silid ng pakultad. Igting ang aking panga nang makasalubong ko si Alquin sa pasilyo. Nagdududa na ako ng husto sa kanya. Siya lang ang alam kong may kakayahang gumamit ng diyalekto namin. Hindi basta-basta lengguwahe lamang iyon. Ginagamit namin sa ritual at pakikipagkapwa iyon. Lalo na sa pakikipag-usap kay Luna. Ngunit imposible dahil ang lalaking nakalaban ko kagabi ay nagproklamang siya ang itinakda para sa akin. Naguguluhan na ako. "Tinanghali ka yata," anito nang magtapat kami.
"Tinanghali ng gising," sagot ko at nilagpasan na ito.
"Mocha..." bulongng hangin sa akin. Agad akong napalingon kay Alquin ngunit wala na ito. Mahigpit akong napahawak sa aking dalang libro. Hindi ko ito pinansin na lamang.
NATAPOS ang aking klase ng matiwasay ngunit hanggang ngayon ay iniinda ko pa rin ang sugat ko sa aking kanang braso. Kasalukuyan akong nasa itaas ng gusali ng paaralan. Nagmamasid sa paligid. Hinubad ko ang aking mga sapatos at umupo sa barandilya. Delikado ang ginagawa ko pero gusto ko. Hindi pa ako nakuntento dahil tumayo ako sa bilugang korte ng barandilyang gawa sa bakal. Ginawa kong tila malapad na kalsada at prenteng humakbang.
"Hindi ka dapat tuluran ng mga bata," anang Alquin sa aking likuran. Pinaikot ko ang aking mga mata at hindi ito pinansin.
"Bakit ba mailap ka sa akin?" aniya dahilan para bumaling ako sa kanya. Umupo ako at pinagmasdan ang kalangitan. Nililipad ng hangin ang aking buhok.
"Bakit naman ako makikipaglapit sa iyo? Hindi ba't kabastusan iyan kay Erna?" sagot ko. Nginitian naman niya ako.
"Si Erna pala ang dahilan," aniya at tinitigan akong mabuti. Nililipad din ng hangin ang kanyang buhok. Nalanghap ko ang kanyang amoy. Hindi ito katulad sa lalaking iyon.
"Kapag ba nilayuan ko si Erna ay makikipaglapit ka na sa akin?" Natawa ako sa kanyang sinabi.
"Hindi ka rin ganoon ka hangal." Bumaba ako sa barandilya at lumapit sa kanya.
"Ganyan ka ba ka desperado?" wika ko.
"Iyan ba ang pakiramdam mo?" aniya at humakbang din palapit sa akin hanggang sa wala na akong maatrasan. Hindi ako lumubay sa malalagkit niyang mga titig sa akin.
"Bakit Alquin? Ano ba ang dapat kong maramdaman?" Bigla niya namang inilapit sa akin ang kanyang mukha.
"Bakit Mocha? Gusto mo bang maramdaman?" anas niya sa aking punong tainga. Nanigas ang aking leeg. Rinig na rinig ko ang pagtibok ng kanyang puso. Umurong naman siya at nakakalokong ngumiti sa akin.
"Mauna na ako sa iyo Mocha," anito at lumakad na palayo. Kumunot ang aking noo. Tila yata'y masiyadong may laman ang kanyang mga binibitawang salita. At hindi ko iyon nagugustuhan. Nakuyom ko ang barandilya at bahagyang bumaon ang aking kamay dito.
"Ate," tawag sa akin ni Ericka. Agad akong bumaling sa kanya.
"Dumating na po ang sagot sa liham ninyo," aniya at ibinigay sa akin ang maliit na kapirasong papel. Agad kong kinuha ito at binuklat.
"Hangal," sambit ko. Ang sagot niya sa mga tanong ko'y... 'Problema mo na iyan Mocha. Ipahahanda ko na ang regalo ko sa araw ng kasal mo.'
"Asar!" Napulbos ko ang papel.
"Kunin mo ang mga gamit ko Ericka at mauna ka nang umuwi sa bahay. May hahanapin lang ako." Tumalon ako pababa at tinungo ang silid ng pakultad. Naiwan ko ang lagayan ng aking inomin. Nang makapasok ako sa loob ay wala na ang mga kasamahan kong guro. Humakbang ako palapit sa aking mesa ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang may itim na rosas na nakapatong sa aking mesa. May papel pang nakaipit sa ilalim ng aking baso. Inis kong kinuha ito at binasa.
"Mamili ka Mocha, ang paslangin ka o ang maangkin ka?" Umawang ang aking mga labi. "Baliw!" bulalas ko sa kawalan. Kinuha ko ang itim na rosas at iniipit sa libro pati na ang lagayan ko ng aking inomin. Agad akong lumabas ng silid at umuwi sa bahay.
"ERICKA!" tawag ko. Kumaripas naman siya papunta sa akin at mukhang kagagaling niya lamang sa kusina. Amoy na amoy ko ang niluluto niyang ulam.
"Po ate?" "Itago mo iyan pagkatapos ay hatiran mo ako ng inomin sa silid-aklatan. Huwag mo ako tatawagin kung 'di naman importante." Hindi ko na siya hinintay pang sumagot dahil agad ko siyang iniwan. Agad kong hinubad ang aking uniporme at nagpalit ng bestida. Kumuha rin ako ng panyo. Pagkatapos ay diretso akong tumawid sa silid-aklatan. Narito na ang aking inomin kung kaya't agad kong inubos ang laman ng kopita at inilapag sa mesa. Inusog ko pa ang mesa upang magkaroon ng malawak na espasyo sa gitna. Kinuha ko ang aking dalawang espada at nilagyan ng takip ang aking mga mata. Ganito ang ginagawa ko kapag may kinaiinisan akong nilalang. Nag-eensayo at pinapatay siya sa utak ko. Iyon ay si Steffano! Huminga ako ng malalim at nagsimula na. Sa bawat pagkumpas ko ng aking sandata ay naririnig ko sa hangin ang malakas nitong puwersa.