Nahihiyang nakiusap si Anna kay Manilyn na sisikapin niyang mabayaran ang perang naiwala niya noong isang araw. Umabot iyon ng sampung libo mahigit kaya alam niyang hindi niya iyon mababayaran ng isang bagsakan lamang, kaya nakiusap siya sa ginang na kung maaari ay uunti-untiin niya ang pagbayad. At malaki ang naging pasasalamat niya nang walang pagtutol siyang narinig mula sa ginang, bagkus naawa pa nga ito sa sinapit niya.
"Huwag kang mag-alala, Anna, naiintindihan ko naman. Ewan ko nga kung bakit may mga tao na hindi marunong magtrabaho ng patas! Pero, Anna, ang mahalaga ay walang nangyaring masama sayo. Ang pera makikita pa naman natin iyan, pero ang buhay mo ay hindi na maibabalik kung iyon ang kinuha sayo, kaya pasalamat pa rin tayo at walang nangyaring masama sayo,"
Napaluha siya sa sinabi ng ginang. Bihira ang taong tulad ni Manilyn, na marunong umintindi kaya naman nagpapasalamat siya sa ginang.
"Maraming salamat po, Ate Manilyn," maluha-luha niyang wika sa ginang.
"Wala iyon, Anna," Tinapik-tapik nito ang balikat niya. "oh, saan na naman ang punta mo ngayon?" komento pa nito.
May raket na naman kasi siya ngayong araw ng martes. Taga-linis siya ng isang condo sa Forbes Park dito sa Makati. Isang sakay lang naman iyon mula sa tinitirhan niya sa Acacia Avenue. Ang kapatid ng kaibigan niyang si Tekla ang nagpasok sa kaniya sa nasabing raket na iyon, nagtatrabaho kasi ito bilang kasambahay sa isang mayaman na businessman sa bansa at sakto naman na naghanap ang amo nito ng taga-linis sa condo tuwing araw ng Martes lang. Wala naman nakatira sa condo na iyon, pinapalinis lang talaga ng may-ari. Bale pang tatlong beses na niya itong punta doon. Medyo malaki rin kasi ang bayad niya sa isang araw lang kaya naman hindi niya matanggihan.
"Sa Forbes Park po, Ate Manilyn." nakangiti niyang tugon sa ginang.
"Ay, oo pala! Tuwing Martes ka pala doon no?" Tumango naman siya, "hindi ka ba napapagod, Anna? Linggo lang yata ang pahinga mo e," komento pa nito.
Gustuhin man niyang magpahinga ay hindi pupuwede. May ginagatas siya, may bahay siyang binabayaran. Kahit ayaw iyong pabayaran ng kaibigan niya ay hindi naman iyon puwede sa kaniya. Pati nga ang pag-aalaga ni Tekla sa anak niyang si Brave ay ayaw rin nitong magpasuhol, pero hindi siya pumayag. Wala rin naman itong magagawa sa kaniya. At isa pa, wala rin naman siyang aasahan kaya wala siyang choice kundi ang kumayod nang kumayod.
"Hindi po ako napapagod, Ate Manilyn dahil may batang maliit na nag-aabang sa akin sa tuwing uuwi ako sa bahay. Pangalan palang po ng anak ko ay lumalakas ako't tumatapang na harapin ang araw-araw," pahayag niya.
Kaya niya pinangalanan ng Brave ang anak dahil iyon siya, matapang siya. Kaya nga nailuwal niya ito sa mundo. Nailuwal niya si Brave sa pamamagitan ng cesarian. Dahil malaki itong bata ay nahirapan siyang i-normal ito. Nagkaroon pa nga ito ng impeksyon dahil nakakain na ito ng dumi nang nasa sinapupunan pa lamang niya. Matagal kasi siyang nag-labor, ang akala niya ay kakayanin niya itong i-deliver ng normal, pero hindi. Nauwi siya sa cesarian. Isang linggo rin na antibiotic ang anak niya dahil sa duming nakain nito. Kaya ang nangyari ay matagal silang mag-ina naglagi sa Hospital ng Makati. Mabuti na lang at naroon si Tekla at inalagaan silang mag-ina. Ito rin ang naglakad ng mga importanteng papeles niya kaya wala siya halos binayaran sa panganganak.
"Bilib na talaga ako sayo, Anna. Isa kang ulirang ina." komento ni Manilyn.
"Salamat po, Ate." ani niya.
Nagpaalam siya kay Manilyn na papasok na sa trabaho. Katulad nang nakagawian niya ay iniwan niya ang anak kay Tekla.
Nag-abang siya ng dyip sa gilid ng kalsada. Nang may dumaan ay kaagad siyang nagpara. Hindi naman natapos ang apat na minuto ay bumaba na siya. Ang condo na lilinisan niya ay isa sa mga sikat na condo sa Pilipinas. Sagana rin iyon sa security at walang basta-basta makakapasok rito kung wala kang I.D na ipapakita na isa ka sa katiwala ng may-ari, at binigyan ng pahintulot. Naglakad pa siya papasok sa napakalawak na lugar. Ang Forbes Park ay isa sa mayamang lugar sa Pilipinas. Halos lahat ng nakatira rito ay mayayaman at kilalang tao. Katulad na lang ng mga celebrities at mga businessman sa bansa. Kaya malaking bagay sa kaniya na naka-apak siya sa lugar na ito.
Nang makapasok siya sa gusali ay kaagad niyang pinakita ang I.D sa sekyu. Kaagad itong napangiti nang makita siya. Kilala na kasi siya ng mga ito.
"Oh, Anna, kompleto na naman ang araw ko dahil nakita kita," anang sekyu na may ngiting sinusupil sa labi. May pagkabolero ito.
"Magandang araw, Troy." bati niya rito.
"Mas maganda ka sa araw, Anna!" tugon nito. Napailing na lamang siya.
Nilagpasan niya si Troy. Pumunta siya sa front desk upang kuhain ang susi ng unit na pupuntahan niya. Nang maibigay iyon sa kaniya ay kaagad siyang tumungo sa elevator na maghahatid sa kaniya sa ika-sampung palapag ng gusali.
Habang nakasakay siya sa glass elevator ay kitang-kita niya ang tanawin mula sa labas ng gusali. Nalulula rin siya dahil pataas siya nang pataas kaya naman pinipikit niya ang mga mata. Nang tumigil ang elevator ay saka siya nagmulat, at lumabas roon.
Habang naglalakad sa hallway ay hindi niya maiwasang kabahan katulad ng araw na nagsimula siyang magtrabaho rito. Paano naman kasi, nag-iisang unit lang ang nasa ika-sampung palapag ng gusali kaya naman hindi niya maiwasang matakot. Mabuti na lang at malaki ang kinikita niya sa trabahong ito kaya kahit papano ay ginaganahan pa rin siyang pumasok. Kailangan niya talaga kasi ng pera. Bilang isang ina ay kailangan niyang kumayod nang kumayod para sa anak. Kaya kahit kinikilabutan siya sa katahimikan ng paligid ay isinasantabi na lamang niya.
Napabuntonghininga pa siya, "Kung bakit naman kasi walang katao-tao dito," bulong niya.
Nang makarating sa labas ng pinto ay kaagad niya itong binuksan. Pumasok siya sa loob at kaagad na sinimulan ang trabaho. Lahat ng puwedeng linisin ay nilinis niya, iyon kasi ang bilin sa kaniya.
"Wala raw dapat kahit konting alikabok," sambit niya habang nagpupunas, "siguro babae ang may ari nito? Mukhang istrikta e." dagdag pa niya.
Inabot siya ng apat na oras sa paglilinis. Sinigurado niya na walang alikabok o kahit anong dumi na maiiwan. Nagpalit na rin siya ng bedsheets, kurtina at kung ano pa.
"Ang weird. Wala namang nakatira pero kailangan palitan ang lahat ng sapin?" natatawa na lamang siya sa mga pinagsasabi niya.
Pagkatapos siguraduhin na malinis na ang lahat ay nilisan na niya ang unit. Nang makababa siya ay isang babae na nasa front desk ang nag-abot ng sahud niya. Doon kasi iniiwan ng may ari ang binabayad sa kaniya.
"Thank you, Greta!" nakangiti niyang sabi sa babae.
"Okay, Anna! Ingat ka sa pag-uwi!" tugon naman nito.
Ipinasok niya ang pera sa bag at masayang nilisan ang gusali.
"Anna, kain muna tayo sa labas!" pahabol na sabi ni Troy.
Binalingan niya ito at nginitian, "Next time nalang, Troy. Hinihintay na ako ng anak ko."
"Next time na naman?" napapakamot sa ulo na reklamo ng lalaki. Tinawanan na lamang niya ito at nilagpasan. Ilang beses na rin kasi niya itong tinanggihan sa alok nito.
Ewan ba niya pero simula nang magkalayo sila ni Brett ay nawalan na siya ng atraksyon sa ibang lalaki. May mga nanligaw naman sa kaniya at willing pa nga tanggapin ang anak niyang si Brave. Pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ayaw tumibok ng puso niya.
Naging kontento na lamang siya sa anak, dahil para sa kaniya ay ito lang ang nagbibigay ng buhay sa puso niyang nanahimik sa loob ng mahabang taon.