(PETER)
~ KUNG GANO’N mundo ko talaga ang Lanarra at ang kahariang ito ng Arahandra ang totoo kong tahanan. Dahil si mama ay isa rin Aran. Isang Aran na may lahing Mayan mula sa kaharian ng kidlat, ang Kaharian ng Mayandra. Lahing nakuha ni mama mula sa kanyang lolo na isang Mayan. Kaya siya walang kakayahang lumipad o lumundag nang mataas kasabay ng hangin dahil ang lahing Mayan ang nangibabaw sa kanya.
Napangiti ako sa mga nalaman ko, naikuwento na sa akin ni ama ang nakaraan, ang tungkol sa kanila ni mama. At ngayon ay mas naunawaan ko na. At hindi talagang baliw si mama. Iba lamang siya at hinusguhan ng iba.
“Kung wala pong kakayahan si mama bilang Aran, may kakayahan po ba siya bilang Mayan? Ano po ang nagagawa ng mga Mayan na mula sa kaharian ng kidlat? May kapangyarihan po ba si mama? Kaya niya po bang magpalabas ng kidlat?” mga tanong ko kay ama.
“Ang mga Mayan ay kilalang mahusay humawak ng mga sandata at may kakayahang magpalabas ng kidlat sa kanilang katawan. Maging ang makiisa sa kidlat sa kalangitan ay kanilang magagawa. Malalakas silang lahi at mabibilis ang pagkilos na animo’y galaw ng kidlat. Ngunit mapayapang namumuhay na ayaw sa kaguluhan sa kabila ng kanilang mga kakayahan,” sagot ni ama. Napangiti siya na tila may matamis na naaalala. “Wala akong nasaksihang pagpapamalas ng iyong mama ng kapangyarihan. Ngunit mahusay siyang makipaglaban at humawak ng sandatang mga patalim. At mabilis siyang gumalaw kapag nakikipaglaban,” salaysay ni ama. Ang astig pala ni mama. Pero ang bilis lang sa pagsasalita niya ang nasaksihan ko sa kanya.
Kinuha ko ang balisong na bigay ni mama na lagi kong dala. “Tulad po nito?” tanong ko. Tukoy ko sa sinabi ni ama na mahusay gumamit ng sandatang patalim si mama.
Tumango si ama. “Alam mo ba kung bakit lagi niyang sukbit ang patalim na iyan?” tanong ni ama.
Sa totoo lang, hindi ko alam ngunit may ideya ako. “Dahil po sa mga taong tinatawag siyang baliw?”
“Hindi, anak,” ani ama. “Iyon ay dahil pakiramdam niya ay may dapat siyang protektahan…”
Napatingin sa malayo si ama, tinanaw ang ibabaw ng mga ulap at dinama ang ihip ng hangin.
“Protektahan?” tanong ko.
“Nakilala ko ang iyong ina sa kagubatan. Nangangaso kami noon, kasama ko ang Tiyo Celesto mo at ang iyong lolo, ang aking Amang Hari. May papanain akong usa noon mula sa himpapawid nang makilala ko ang iyong mama…”
Pinagmasdan ko si ama. Nakikita ko sa mga mata niya na talagang minahal niya si mama. Kaya hinayaan ko siyang magkuwento na lamang. Dahil wala naming masamang balikan ang inyong nakaraan kahit pa may sari-sarili na kayong buhay ng dati mong minahal at pinahalagahan.
“Bigla siya noong nagpakita, lumundag siya mula sa isang puno at hinarang ang kanyang sarili upang protektahan ang usa. Animo’y kidlat siya na tumama sa lupa, nanlilisik ang kanyang mga mata. Nasa kagubatang parte ng kanilang bayan kami noon, at pinuprotektahan niya ang mga ilang na hayop sa kagubatang iyon ng Bulhang. Ni hindi siya natakot kung sino man ako na kanyang kinalaban.” Napangiti si ama. “Ganoon siya katapang. Nakahanda siya noong ibato sa akin ang maliit niyang patalim, isang matalas na punyal. Iyon ang una naming pagkikita at pagtama ng aming mga mata. At mula noon, madalas na akong tumungo sa kagubatang iyon upang makita at makilala ang iyong mama. Hanggang sa nagtagumpay naman ako kahit pa sa una ay naging mailap at mailing siya tulad ng mga hayop sa gubat.”
Namayani ang katahimikan. Napapangiti ako, gano’n din si ama. Napapangiti ako dahil nakakatuwang malaman iyon. Si ama, marahil ay dahil matamis pa rin para sa kanya ang mga sandaling iyon, ang kanilang nakaraan ni mama.
“Ama, mamamana ko kaya ang mga kakayahan ninyo ni mama? Maging matapang din kaya ako, mahusay humawak ng sandata, mabilis kumilos, at magagawa ko kayang makalipad tulad n’yo nina Arvan at Tiyo Celesto? At magagawa ko kayang makakontrol ng hangin na nagagawa rin nina Arriane at Renzo?” muling mga tanong ko.
Hinarap ako ni ama at ipinatong niya ang kanyang kanang kamay sa aking balikat. “Anak, bawat nilalang ay may likas na katangian at kakayahang taglay mula pa nang ipanganak sila. Ngunit hindi lahat naipamalas iyon at naging mahusay. Bawat katangian at kakayahan mo ay kailangan mong sanayin ay linangin. Nakita ko sa iyo sa pagsasanay na nagagawa mo iyon, Peter. Nagiging kaisa mo na ang espada kapag hawak mo ito at mabilis na ang iyong pagkilos. Maaring dahil iyon sa iyong mama. At matapang ka, anak. Dahil hinaharap mo ang mabigat na tungkuling nais kong ipasa sa iyo, ang maging sunod na hari.”
“Ngunit sa palagay ko ay hindi pa ako gano’n kalakas?”
“Kaya nga, kailangan mong magsanay upang maging mahusay. Maniwala ka na bawat hangarin mo ay mapapasaiyo hangga’t pinaghuhusayan mo ito, anak.”
“Makakalipad kaya ako at magiging kaisa ng hangin upang makontrol sila? O magkakaroon kaya ako ng katangian ng Mayan?” diretso kong tinignan sa mga mata ang ama kong hari. “Nais kong maging malakas, ama. Nais kong patunayan sa lahat na isa akong karapatdapat na maging hari,” saad ko.
Tinitigan ako ni ama. Wari bang sinusuri niya ako. Dahil sa totoo lang, may agam-agam din ako sa pagtanggap ng mataas na tungkulin bilang isang hari ng isang malaki at makapangyarihang kaharian.
“Magagawa mo iyon, anak. Magiging malakas ka at karapatdapat na maging hari,” wika ni ama.
Ngunit sa totoo lang, hindi ko maramdaman sa sarili ko na may taglay akong kakayahan. Sinusuri ko rin ang aking sarili, na unang araw ko pa lamang sa mundong ito ay ginawa ko na mula nang masaksihan ko ang nagagawa ni ama. At nang makita ko pa ang paglipad ni Arvan at ang nagagawang pagtalon nang mataas ni Arriane. Lahat sila ay tila normal ang mga kakayahang iyon tulad nang sinabi ni ama na likas nang taglay mula pa ng ipanganak sila, kaisa na nila ang hangin. Ngunit ako, tila walang likas na kakayahan – walang init o kung ano mang kakaibang pakiramdam akong maramdaman sa aking katawan. Ang nagawa ko sa pagsasanay, na makakilos nang mabilis sa pakikipaglaban ay hindi naman sapat at hindi pa rin ako ganoon kahusay sa paghawak ng sandata. Sinasabi lamang ni ama ang nais kong marinig. Hindi kaya dahil mula sa magkaibang lahi ang nananalaytay sa mga ugat ko kaya walang likas na kakayahang na-develop sa katawan ko? Na-expired kaya o napaso ang mga kakayahan dahil hindi tugma ang mga pinagsamang dugo sa katawan ko? Napailing na lamang ako sa mga naiisip ko.
At ang pag-o-overthink kong iyon ay nabanggit ko kay ama.
Ngumiti lamang si ama. “Masyado kang nag-iisip, Peter,” sambit niya. Inakbayan niya ako at tinapik sa balikat. “Masaya talaga akong narito ka, anak…”
Hindi ko na naman maiwasang mag-isip sa huling sinabi ni ama. Pumasok sa isip ko kung ano nga ba ang dahilan nang maagang pag-anunsiyo niya ng aking pagiging sunod na hari, na naging katanungan din ni Tiya Rosaline sa paghaharap kanina sa bulwagan. At base sa kuwento, ganoon din siya noon, maagang iginawad sa kanya ang kanyang tungkulin. At ang dahilan ay may sakit ang kanyang ama, ang aking lolo na kasalukuyang hari noon, sakit na walang lunas.
Napatitig ako kay ama. Nakangiti niyang pinagmamasdan muli ang kalawakan ng dagat ng mga ulap at ninanamnam ang ihip ng hangin. Napakapayapa ng kanyang mukha. Gano’n pa man, sa mga mata niya ay may hibla ng kalungkutan akong nakikita.
Binitawan ako ni ama at nilingon niya ako, at nagsalita siya. Naunahan niya akong magsalita, hindi ko naibigkas ang katanungang binuo ko sa aking isipan. “Bilang hari ng isang kaharian sa mundong ito ng Lanarra, dapat mong malaman ang lahat sa mundong ito at makilala ang dalawa pang kaharian,” saad ni ama sa akin. “Ngunit bago iyon, dapat mo munang makilala ang kahariang iyong paghaharian.”
Nabanggit na iyon sa akin ni ama dati pa. At alam kong parang assignment ko iyon na dapat kong alamin at matutunan. Ngunit hindi iyon ang nais kong malaman sa ngayon. Si ama ang ulo ng kaharian. Alam kong ang bawat salitang sinasabi niya, kilos at desisyon ay nakaplano. Maaring ang nais kong bagay na malaman sa ngayon, ay hindi pa ngayon.
Nakangiting tumango ako bilang tugon kay ama.
May pinakawalan na asul na liwanag si ama na bumalot sa aming dalawa. At bigla na lamang naging iba ang aming kasuotan, simple at pangkaraniwan. Ang pantaas ko ay kulay gray na damit na medyo maluwag at kakaiba ang pagkakatahi ‘di tulad ng karaniwang t-shirt. Sa ibaba ay may mga guhit na kulay puti na naghuhugis parisukat at diyamante, at ang ilang nabuong hugis ay may kulay na asul. Kulay itim naman ang pantalon ko na malambot din ang tela. Parehong komportable sa katawan ang mga suot ko. Ganoon din ang pares ng brown na sandal sa mga paa ko na yari sa balat ng kung anong hayop. Si ama naman ay nawala ang korona at ilang ginto niyang palamuti na may mga mamahaling bato. Suot niya na ngayon ang mahabang asul na damit at puting pantalon. May kulay abo siyang mahabang balabal na nakapatong sa ulo at nakapulupot sa kanyang magkabilang-balikat. Gawa rin sa balat ang sapin niya sa paa na iba ang desinyo sa aking suot.
“Saan po tayo ama pupunta?” tanong ko.
“Ipapakilala kita sa Arahandra, Peter,” nakangiting sagot ni ama.
(SA MUNDO NG MGA TAO)
~ MADILIM ANG kalangitan, nagngangalit at nagbabadya ang pagbuhos ng malakas na ulan. Nasa labas ng bahay nila si Marina at nakatanaw sa langit. Awtomatikong gumuguhit sa kanyang labi ang ngiti sa tuwing gumuguhit ang mga kidlat sa himpapawid.
Hindi niya napansin ang paglabas ng kanyang asawang si Nestor na nag-aalala sa kanya na baka siya ay mabasa ng ulan sa oras na pumatak ito mula sa malawak na kulay itim kalangitan. “Ayan ka na naman sa werdong trip mo, mahal. Bakit ba tuwang-tuwa ka sa kulog at kidlat, samantalang takot na takot naman sa loob ang mga anak mo?”
Lumaki lamang ang ngiti sa labi ni Marina. Ang kakaibang hilig at pag-uugali niyang iyon ay isa pang dahilan ng pagtawag sa kanyang baliw noon ng kanilang mga kababaryo sa Tanay, Rizal. Ngunit para sa kanya, isang musika ang ingay ng kulog at isang hindi matatawarang halaga ang ganda ng kidlat sa tuwing gumuguhit ito sa langit, na tila ba isang mamahaling sining na likha ng nasa Itaas. At para ba siya nitong kinakausap.