(PETER)
~ HINAWAKAN AKO ni ama sa balikat at nagliwanag kaming dalawa. Nasilaw ako sa asul na liwanag na bumalot sa amin kaya naman napapikit ako. At pagkatapos ay bigla na lamang akong nakarinig ng mga ingay ng mga nag-uusap at yapak ng mga naglalakad. At sa pagdilat ko ay nasa isang eskinita na kami ni ama, malinis hindi tulad sa eskinita sa may sa amin sa Maynila.
“Narito tayo ngayon sa bayan sa baba ng ating palasyo. Handra ang pangalan ng bayan na ito na siyang sentrong bayan ng kaharian. Ang palasyo ang namamahala sa bayang ito, ito ang pinakamalaki at pinakamaunlad na bayan, sentro ng kalakaran,” sambit ni ama. Tinakpan niya nang bahagya ang kanyang bibig pagkatapos niyang magsalita ng suot niyang kulay abong balabal.
Nakuha ko ang nais ipahiwatig ni ama, ayaw niyang makilala siya ng mga Aran na narito sa bayan. At iyon din malamang ang dahilan kaya kailangan naming mag-teleport imbes na lumipad paibaba rito dahil ayaw niyang may makakita sa amin.
“Makikilala mo raw ang isang lugar sa kanyang mga pagkain,” sambit ni ama. “At saan mo iyon madaling matagpuan sa isang bayan? Siyempre sa pamilihang bayan,” aniya pa.
Naglakad kami patungo sa direksiyon na may maraming taong naglalakad papunta rin doon. Pamilyar ang pakiramdam, na para kang pupunta sa palengke. May mga Aran na may bitbit na basket gawa sa natural na materyales na parang balat ng abaka o kung anong halamang-baging, at may ilan naman na sa tela yari na may mga disenyong nahahawig sa suot ko. At ang kasuotan namin ni ama, halos katulad ng mga suot ng karamihan nagkakaiba lamang ng kulay at disenyo.
Ang hitsura ng mga Aran ay katulad din nating mga tao. Para lang akong nasa ibang bansa na may kakaibang kultura at pananamit ang mga tao. Ang pagkakagawa ng gusali, parang mga makaluma ngunit modernong tingnan na halos magkakapareho ang kulay na gray at puti. Matataas ang ilan, at para silang magkakapareho ng disenyo pero parang hindi rin naman? Tipong parang may sinusunod silang standard sa pagpapagawa.
Walang kalat sa paligid at kapansin-pansin ang mga halaman sa gilid ng daan na ang ilan ay namumulaklak pa. Lumiko kami, narating namin ang tila main road na daan, may mga sasakyan na at ang ilan ay nakalutang. Nakakamangha pa rin kahit na nakakita na ako ng mga ganyan makailang ulit na at nakasaksi na rin ng mga hiwaga at kapangyarihan. Para kasing nasa sci-fi-fantasy movie lang ako. At minsan talaga naiisip ko kung totoo ba talaga ang mga ito o sa reyalidad ay nasa mental hospital pala ako at nasa isip ko lamang ang kakaibang mundong ito.
“Narito na tayo sa pamilihan,” wika ni ama na bumasag sa pagmamasid ko sa paligid.
Sa harap namin sa kabilang kalsada ay may malaking doom na open area lang. Maririnig na ang ingay ng marami mula sa kinatatayuan namin ni ama. Huminto ang mga dumadaang sasakyan at tumawid kami kasabay ng ilan. May guhit din sa sementadong kalsada na nagsasabing iyon ang tamang tawiran.
Pagkatawid namin sa gilid ng kalsada ay marami na ang nagtitinda, mga prutas, gulay, at kung ano-ano tulad ng mga tela, kasuotan, sandal, sapatos at mga palamuti sa katawan. Kakaiba ang mga prutas at meron pang kulay asul. May mga sobrang malalaki at maliliit na mga berries. Ganoon din ang ibang gulay, isang tingin pa lang alam kong walang ganoon sa mundo ng mga tao. At siyempre, ang mga gamit ay talagang dito lang sa mundong ito matatagpuan.
“Mataba at masagana ang lupa sa ating kaharian. Sa tatlong kaharian dito sa Lanarra, ang Arahandra ang may pinakamayaman na kalikasan, sagana sa mga prutas at gulay. At marami tayong mga hayop na pinagkukunan ng karne dahil na rin sa mayaman nating kalupaan. May mga Mayan mula sa Mayandra ang nakikipagkalakaran sa ating kaharian. Mga prutas at gulay natin at karne kapalit ng mga metal na siyang ginagawang sasakyan. Ang Mayandra ay mahusay sa mga metal. Ang pagmimina sa ilalim ng lupa ang kanilang kalamangan sa tatlong kaharian. Iyon nga lamang, may asul tayong kristal na ating yaman din na wala sila,” salaysay ni ama.
“Ang isa pang kaharian, nakikipagkalakal ba sila sa atin?” tanong ko.
“Ang Yahara, Kaharian ng Niyebe ay makasariling kaharian. Malalaman mo rin ang tungkol sa kanila. At kailangan mo talaga silang kilalanin at pag-aralan, Peter. Dahil sila ay kalaban ng ating lahi. Isang banta na maaring bigla na lamang lusubin ang ating kaharian. Marami silang mga hayop na mistulang halimaw na pinakakawalan upang maghasik ng kaguluhan. Ganoon sila, mga mananakop at nais palakihin pa ang sakop ng kanilang kaharian na nababalot ng niyebe.”
Nakaramdam ako ng kaba sa narinig kong sinabi ni ama. Naalala ko ang binatang nahuli sa palasyo na nagtangkang lasunin ako. Ang sabi ay isa siyang Yahan. Nabanggit na iyon ni ama na ang Yahara ay mortal na kaaway ng aming kaharian.
May biglang lumapit sa amin na agad kong nakilala, si Renzo, hindi niya suot ang kanyang uniform pang-kawal at wala siyang baluti at espada. May inabot siya kay ama na nakalagay sa maliit na kulay asul na pouch.
“Nakalimutan ko magdala ng pera. Kaya bumulong ako sa hangin upang ipatawag siya,” nakangiting banggit ni ama. “May masasarap na pagkain dito, anak.” Nilingon niya si Renzo. “Makakaalis ka na,” aniya.
“Mahal na Hari, kung inyong mararapatin, nais ko po sana kayong samahan,” mahinang saad ni Renzo.
Umiling si ama. “Alam kong nag-aalala ka, ngunit hindi na kailangan. Nais ko lamang ipasyal ang aking anak sa ating bayan,” tugon ni ama.
“Ngunit, Mahal na Hari?”
“Iyon ay kung papayag ang aking anak?” biglang sabi ni ama.
Hinarap ako ni Renzo at bahagya siyang yumuko sa akin. “Pumayag na po kayo, Mahal na Prinsepe,” pakiusap niya na nananatiling bahagyang nakayuko.
Napatingin ako kay ama na napapangiti lamang. “Ah? Sige. Pumapayag na ako,” saad ko. “Baka may makapansin pa sa iyo, umayos ka na ng tayo,” dagdag ko pa.
Mabilis na umayos ng tindig niya si Renzo at nagpasalamat sa akin.
“Kahit hindi ka pumayag ay bubuntot pa rin siya nang palihim sa atin upang masiguro ang ating kaligtasan,” bulong ni ama sa hangin na ipinarating sa akin.
Naglakad kami papasok sa bilihan. Katulad lang din sa mundo ng mga tao, iba nga lang siyempre ang mga paninda. Naghahanap ako ng kakaibang nilalang, ‘yong sa mga fantasy movie mo lang makikita. Ngunit walang ni isa akong na-spot-an. At wala din akong nakikitang gumagamit ng kanilang kakaibang kakayahan, walang lumilipad o lumulundag nang mataas. At walang kumukontrol ng hangin upang palutangin ang mga bagay.
“May nais ka bang bilhin, Peter?” tanong ni ama makalipas ang ilang minuto naming paglalakad.
“Sa dami ko pong nakikita, parang hindi ko po alam kung ano ang gusto ko?” sabi ko.
“Kung ganoon, mabuti pang kumain na muna tayo. Medyo gutom na ako at talagang nasasabik ako sa mga pagkaing narito,” wika ni ama at naglakad siya patungo sa isang direksiyon na lahat ay stall ng mga panindang pagkain at mga maliit na kainan. Naalala ko ang mga lugawan sa kanto at mamihan na nakatayo ka lang habang kumakain, at ang mga street foods.
Sinundan namin ni Renzo si ama. Tila sanay si ama sa lugar na ito. Mukhang madalas niyang gawin ito, ang pumuslit sa palasyo at magpanggap na pangkaraniwang Aran.
“Madalas bang gawin ‘to ni ama?” natanong ko na rin kay Renzo. Nasa likuran kami ni ama na halos isang dipa rin ang agwat.
“Mula nang mapunta ako sa palasyo, naririnig ko na ang gawaing ito ng Mahal na Hari. At makailang ulit ko nang nasaksihan, ilang ulit ko na siyang sinundan sa tuwing lumalabas siya ng palasyo nang walang paalam. Minsan na rin niya akong naisama. Madalas siya rito sa bayan, minsan ay lumilipad sa mga kagubatan ng kaharian. O hindi kaya ay mananatili lamang sa ibabaw ng mga ulap,” salaysay ni Renzo. “Ginagawa niya ang ganito sa tuwing siya ay may dinadamdam o inaalala…”
Saglit akong natigilan at napatitig kay ama dahil sa huling sinambit ni Renzo. Hanggang sa lingunin niya kami. “Bakit tila hindi na ninyo maihakbang ang inyong mga paa? Gutom na rin ba kayo katulad ko?” nakangiting saad ni ama.
Mabilis na humakbang si Renzo. Ako naman ay naglakad na rin. “Kung gano’n, may inaalala si ama?” mahinang nasabi ko. Hindi lamang ito upang maging pamilyar ako sa kaharian, maaring may dinaramdam si ama. At kailangan niyang maglibang upang mawaglit iyon sa kanyang isipan.
Napakamot si ama nang marating namin ang kainan na gusto niyang kainan. Katulad sa mundo ng mga tao, may mga larawan at presyo ng pagkain na naka-display para may idea na ang costumer sa nais niyang kainin. At ang dahilan ng pagkamot ni ama ay dahil mahaba ang pila.
“Utusan ko kaya silang tumabi at umalis sa lugar na ito?” saad ni ama na ang mga nakapilang costumer ang tinutukoy.
“Ako na po ang mag-uutas sa kanina, Mahal na Hari,” wika ni Renzo.
Ngunit pinigilan siya ni ama. “Nagbibiro lamang ako,” nakangiting sambit ni ama.
“Ngunit hindi dapat pinaghihintay ang hari,” katwiran ni Renzo.
“Hindi ako hari ngayon. Isa akong ama na pinapasyal ang kanyang anak at kaibigan nito,” sambit ni ama.
Napatingin kami ni Renzo sa isa’t isa. Hindi ko alam kung kaibigan ko ba ang isang ito. Halos araw-araw kaming magkasama sa pagsasanay, ngunit hindi pa kami nagkabiruan o nag-usap bilang magkaibigan. Ang seryoso niya kasi at masyadong dedicated sa kanyang trabaho.
~ SA ‘DI kalayuan, may mga matang nakamasid kina Peter na kanina pa nakasunod sa kanila.