Habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan ni Ella ay mas lalong nag-aalala sa dalaga ang mag-ina. Noong unang mga buwan, kahit papaano ay kumakain si Ella ng maayos at hindi nito pinapabayaan ang sarili. Nahilig din ito sa prutas at gulay. Pero ngayong malapit na itong manganak ay saka naman nila na napapansin ang pagiging matamlayin nito. Pagiging tulala. Minsan pa ay nakikikita na lang nila itong umiiyak.
Minsan naisip na nilang hanapin ang pamilya ni Ella, ngunit hindi nila alam kung paano. Sinubukang hanapin ni Maric ang pangalan ni Ella Shelley sa social media ngunit hindi niya iyon makita. Pakiramdam niya ay nagdeactivate ng social media account si Ella bago pa ito napuntang San Nicholas. Hindi rin sabihin ng dalaga ang tunay nitong apelyido kaya naman paano nila malalaman kung sino ang pamilya nito.
Wala naman silang nababalita na may naghahanap sa dalaga. Kung sana lang ay may nakapagsabing nawawala si Ella ay baka sakaling mahahanap niya ang pamilya nito.
"Ella, ano bang nangyayari sayo? Bakit hindi mo sabihin sa akin ang problema?" tanong ni Nanay Angela ng maabutan nito si Ella na nakahiga sa kama at tahimik na umiiyak.
Awang-awa na silang mag-ina kay Ella. Ngunit paano nila tutulungan ang dalaga kung kahit ito ay tikom ang bigbig sa mga katanungan nila. Kahit anong pilit nila ay ayaw nitong magsalita.
Ilang beses na nilang itinanong kung saan ba ito nakatira sa Maynila ngunit hindi rin nito sabihin. Ang palaging sagot lang ni Ella ay doon ito nakatira sa bahay nila at sila lang ni Maric ang pamilya nito.
"Ayos lang po ako nay. Pasensya na po sa abalang dulot ko. Hindi na ako nakakatulong kay Maric sa gulayan. Palagi na lang akong nandito at nagmumukmok. Hindi ko po ito ginusto nay. Hindi ko ginusto, pero bakit po ganito? Bakit ibinigay siya sa akin?"
"Anak malalampasan mo din ang lahat ng problema mo at mga pinagdaanan mo. Pasasaan pa at magiging maayos rin ang lahat."
"Sana nga po nay, salamat po. Sorry po kung nagiging pabigat na ako. Yaan po ninyo at makakabawi din po ako sa lahat ng tulong po ninyo sa akin nay."
"Ella naman, kami ni Maric ang dapat magpasalamat sayo. Naalala mo ba noong unang dating mo. Halos hindi namin alam ni Maric kung paano ako magpapagamot. Pero ng dahil sayo, heto ako ngayon at magaling na. Kaya hayaan mo kaming alagaan ka Ella. Isa pa hindi ka pabigat Ella. Alam mo bang ikaw ang naging daan para makabayad kami sa utang naming mag-ina? Habang kumikita ang gulayan ay may kita pa rin dito sa bahay ang tindahan. Kaya huwag kang mag-isip ng kung anu-ano Ella. Ang paghandaan natin ay ang panganganak mo."
Ayon na naman ang luha sa mga mata ni Ella, naisip na naman niya ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa totoo lang sobrang gulo ng isipan niya noon. Hanggang sa dinagsa siya ng payo ni Maric at Nay Angela. Kaya naman ngayon ay nasa mabuti silang kalagayan ng kanyang anak na muntikan na niyang sukuan.
"Tahan na Ella, nandito lang kami ni Maric para sayo. Lakasan mo ang loob mo. Para sa anak mo. Magpakatatag ka. Nandito ako at tatayong lola sa anak mo. Si Maric naman alam mo naman di ba? Excited na maging tita."
"Salamat po nay. Tatanawin ko po talagang malaking utang na loob na nakilala ko po kayo ni Maric. Mula po ngayon ay aayusin ko po ang sarili ko para sa anak ko."
"Tama lang yan Ella ganyan nga. Nandito lang kami para sayo."
"Opo nay."
Isang nakakaunawang ngiti naman ang ibinigay ni Nay Angela kay Ella. Masaya pa nitong hinalikan ang noo ng dalaga. Nagulat pa si Nay Angela ng biglang humagulhol si Ella, at bumangon pa ito sa pagkakahiga at niyakap siya.
"Ayos lang po ako nay. Ayos lang po talaga," umiiyak pa ring sambit ni Ella. Pero ramdam ni Nay Angela na magiging maayos na lalo kay Ella ang lahat mula sa oras na iyon.
Sana nga lang ay gawin talaga ni Ella na ayusin ang sarili para na rin sa sanggol na umaasa dito. Napangiti na lang si Nay Angela ng bumalik sa pagkakahiga si Ella. Hindi pa rin naman ito tumitigil sa pag-iyak. Ngunit ilang hamplos lang sa ulo ay naging pantay na ang paghinga nito.
"Si Ella po?" tanong ni Maric sa ina ng makapasok ito sa loob ng bahay. Pabagsak pa itong naupo sa isahang upuang kawayan. Inabutan naman siya ng ina ng isang basong tubig.
Mula kasi ng magsimulang lumaki ang tiyan ni Ella ay hindi na niya ito hinayaang sumama pa sa palengke. Kaya na niya iyon. Ayos rin naman at kasama ito ng ina.
"Nakatulog na, habang tahimik na umiiyak. Pero nakausap ko na ngayon si Ella. Hindi man niya sabihin ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon. Sana lang ay gawin nga ni Ella ang magpakatatag."
"Sana nga po inay. Ako man ay hindi ko alam ang gagawin ko kay Ella. Nag-aalala na rin po ako kung hindi magpapakatatag si Ella. Maayos naman siya noong hindi pa niya alam na nagdadalangtao siya. Pero mula noon pakiramdam ko. Pinipilit lang niya ang kanyang sarili na huwag tayong mag-alala. Pero habang papalapit ang panganganak niya. Bigla na lang siyang nagkaganyan. Sana nga inay ay bumalik na ang dating Ella. Iyong kahit alam kong may problema siya, na hindi masabi sa atin, ay hindi naman siya iyong nagiging buhay na ang pag-iyak."
"Kaya nga anak. Mas nag-aalala ako pag natutulala siya. Dahil doon magsisimula na naman ngang umiyak."
"Hay inay. Sige po at pupuntahan ko na muna si Ella. Kanina pa ba siyang tulog?"
"Oo anak. Ako muna ay magluluto ng ating panghapunan. Magpahinga ka na rin lang muna."
Mula ng sinabi ni Ella na aayusin niya ang sarili niya ay ginawa nga nito. Hayon nga at kahit papaano ay nagiging masigla si Ella lalo na tuwing gagalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
"Maric!" sigaw ni Ella ng gumalaw na naman ang sanggol.
"Hala baby ang likot-likot muna. Wag mong pahihirapan si mommy mo paglalabas ka na ha. Alam mo bang excited na ang tita na makarga kita. Bukod pa doon ay ibibili kita ng maraming baril-barilan," ani Maric ng marinig nila ang tawa ng ina na nasa kanilang likuran pala.
"Ano pong nakakatawa inay?"
"Dahil babae ang anak ni Ella."
"Paano po ninyo nasabi ay hindi pa naman po nagpaultrasound si Ella. Ang ginagawa lang po kay Ella sa center ay ang mapakinggan ang heartbeat ng anak niya. Ang inay talaga."
"Basta at babae ang hula ko."
"Ang pusta ko inay ay lalaki."
"Kailan ka pa natutong magsugal Maricriz Montecillo?"
"Inay nakaimik lang ng pusta sugal na agad? Joke lang kaya nga hula, kung sino ang mananalo sa ating dalawa, sure na si Ella pa rin ang ina," napahagikhik naman si Maric sa sinabi niya. Ganoon din si Ella kaya nagkatinginan silang mag-ina.
Genuine ang tawang iyon ni Ella. Hindi nagkukunwari at hindi napipilitan. Masaya sila na kahit papaano ay pinipilit talaga ni Ella na ayusin ang buhay nito para sa sanggol sa kanyang sinapupunan.
"N-nay A-Angela, M-Maric!" nauutal na tawag ni Ella sa mag-ina. May kung anong gumuhit sa kanyang tiyan at parang hindi niya mapigilan ang sakit.
Madaling araw pa lang ng mga oras na iyon. Kaya naman nasa kasarapan pa sila ng tulog. Ngunit ang sakit na nadarama ni Ella ay hindi siya magawang mapatulog.
Noong una, akala niya ay simpleng pananakit lang iyon tulad ng palagi niyang nararamdaman. Ngunit kakaiba ang sakit na nadarama niya ngayon. Hindi na rin sobrang malikot ang kanyang anak. Pumipintig na lang ito sa kanyang puson.
"Nay Angela!" malakas niyang sigaw ng dumaan ang matinding sakit.
Halos magkandarapa naman si Maric sa pagtakbo papalapit kay Ella. Pabagsak pa nitong binuksan ang pinto sa labis na pag-aalala.
"Ella? Anong nangyayari sayo at tinatawag mo ang inay? Anong nararamdaman mo?" humihingal pa nitong tanong.
"Maric," ani Ella ng tingnan nito si Maric sa mukha, kasunod ang pagbaba ng tingin ni Ella sa paahan nito.
Sumunod naman ng tingin si Maric sa tinitingnan ni Ella. "Sh*t! Sh*t!" sigaw pa ni Maric na biglang nataranta. Basa ang sahig. Pumutok na ang panubigan ni Ella. "Nay manganganak na si Ella anong gagawin ko?"
Hindi naman magkainitindihan si Maric ng maabutan sila ng ina. Sa halip na tulungang makapaglakad si Ella at lumabas ng kwarto ay naglakad lang ito ng pabalik-balik at pagkatapos ay tititigan lang Ella.
"Maric hindi ikaw ang ama. Wag kang magpakataranta. Tumawag ka ng tricycle at dadalhin na natin si Ella sa lying-in" mahinahong saad ni Nay Angela.
Sa lying lang nila napagpasyahang manganak si Ella. Malapit lang iyon sa kanila. At hindi katulad ng halos nasa kulang-kulang isang oras ang byahe patungong ospital.
Saka lang parang natauhan si Maric sa sinabi ng ina. Mabilis nitong dinampot ang bag na matagal na nilang inihanda para sa panganganak ni Ella.
Inalalayan naman ni Nay Angela si Ella papalabas ng kwarto. Bago pa sila makalabas ng kabahayan ay may tumigil ng tricycle doon. Mabuti na lang at bago pa lang bibyahe ang kapitbahay nilang may tricycle, kaya mabilis na natawag ni Maric.
Habang nasa byahe sila ay tinawagan na ni Maric ang midwife na siyang tumingin kay Ella. Mabuti na lang at palaging ready ito, in case na biglaan.
Pagdating nila ng lying-in ay mabilis namang inasikaso si Ella.
"Push Ella, malapit na," wika naman ng midwife. "Iiri mo pa Ella. Kaya mo yan, lumalabas na ang ulo," dagdag pa nito.
Nasa labas ng paanakan si Maric habang kasama ni Ella sa loob si Nay Angela.
"N-nay," nauutal pang tawag dito ni Ella.
"Kay mo yan Ella. Nandito lang ako."
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang iyak ng sanggol. Maayos na naipanganak ni Ella ang kanyang anak.
"Congratulations, it's a baby girl," natutuwang saad ng midwife sa kanya. Naramdaman naman ni Ella ang paghalik ni Nanay Angela sa kanyang noo. Naramdaman din niyang may nagbukas ng pintuan. Si Maric.
"Congratulations Ella," dinig pa niyang sambit nito.
Sa narinig nilang malakas na pag-iyak ng sanggol. Ang lahat ng agam-agam ni Ella pati na rin ang takot niya ay parang pinawi ng mga iyak ng kanyang anak. Ang marinig ang unang iyak ng kanyang anak ay parang bagong pag-asa ang dala sa kanya.
Hindi niya akalaing ganoong kasaya ang mararamdaman niya. Akala niya noong una ay takot ang kanyang mararamdaman sa paglabas ng kanyang anak. Ngunit mali pala siya. Dahil purong saya ang nararamdaman niya ngayon.
"Jarred," bulong niya sa hangin habang patuloy na lumalandas ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Sana ay mapatawad mo ako kung hihiramin ko ang pangalan mo. Gusto pa rin kitang maalala kahit malaki ang kasalanan ko sayo. Kahit iyon lang sana. Kahit iyon lang," ani Ella sa isipan.
Narinig na lang niya ang tanong ng midwife kung ano ang ilalagay na pangalan ng bata.
Pinilit niyang imulat ang mga mata. Sobrang saya niya ng ipatong ng midwife sa kanyang dibdib ang kanyang anak. Nakita din niyang masaya para sa kanya si Nanay Angela at Maric.
"Jarra Rein."
Dinig nilang bulong ni Ella bago ito mawalan ng malay.