Habang naglalakad si Ella sa madilim na daan ay walang tigil sa pagbuhos ang kanyang mga luha. Sobrang sakit na ng nararanasan niya. Ngunit kailangan niyang tanggapin ang lahat ng dagok na nararamdaman niya. Kasalanan din naman kasi niya. Hindi kasi niya kayang magsalita. Natatakot siya. Natatakot siya sa mga pwedeng mangyari. Kung maaari nga lang niyang gawin ang huling sinabi ng mommy niya ginawa na sana niya. Sana nga isang araw wala na siya. Sana isang araw malimot na ng mundo na may isang siya na nakilala ng iba.
Napahugot pa siya ng hininga ng makita ang paligid. Hindi naman siya natatakot sa dilim. Mas nakakatakot pa nga ang katotohanang isinusuka na siya ng mundo. Sa isang iglap nagbago ang lahat. Iyong tipong natutulog ka lang. Pero paggising mo, hindi na ikaw ang dating ikaw. Nagbago na. Wala na ang dating siya dahil lang sa natulog siya.
Malayo na ang narating niya habang patuloy na binabagtas ang madilim na kalsada ng may humintong tricycle sa harapan niya kaya natigil siya sa paglalakad. Kung sa iba ay baka tumakbo na sa takot sa pwedeng mangyari sa buhay nito. Pero siya ay hindi. Wala na ring halaga ang buhay niya.
Ngunit hindi naman panganib ang dala ng driver ng tricycle na iyon ng magsalita ang driver. "Hija sasakay ka ba? Baka nais mong magpahatid. Buena mano lang sa umaga."
Doon lang niya napansing nasa tapat pala sila ng poste ng kuryente at may ilaw doon. Kaya naman pala nalaman ni driver na babae siya.
"Sa terminal po ng bus manong," aniya.
Bumaba naman ang driver at tinulungan siyang maisakay ang hawak niyang maleta. Pagkatapos noon ay sumakay na rin siya sa loob ng tricycle.
"Salamat hija sa pagsakay mo. Kahapon ay hindi ako nakabyahe, at sumama ang pakiramdam ng anak ng asawa ko. Bali pangalawa akong asawa ng misis ko ngayon. Naiwan sa akin ang anak niyang babae at katulong naman siya sa ibang lugar. Hindi ko naman maiwan ang anak niya dahil parang anak ko na rin. Kaya ngayon lang ako nakabyahe, maayos na kasi ang pakiramdam niya."
Naagaw ng driver ng tricycle ang atensyon niya ng magsalita ito. Kaya nabaling dito ang paningin niya.
"Nagtiwala pong iwan ng asawa ninyo ang anak niyang babae sa inyo? Kahit hindi naman kayo tunay na mag-ama?" gulat na tanong ni Ella at hindi makapaniwala sa narinig.
Natawa naman ang driver sa sinabi niya. Mukha namang hindi ito nagalit kahit pa sabihing nakakapagduda naman ang ganoong sitwasyon.
"Siguro ay mahilig kang manood ng mga balita hija, at kung anu-anong naiisip mo. Pero huwag kang mag-alala. Hindi naman ako nag-iisip ng masama sa sinabi mo. Bagkus ay gusto kong ipagmalaki na, wala man akong kakayahang magkaroon ng anak, ay parang nagkaroon ako ng sariling akin dahil sa pagdating ng aking asawa at ng anak niya. Mahal na mahal ko ang batang iyon na parang sariling akin. Sa katunayan ay kaarawan na niya sa susunod na buwan. Kaya talagang nagsisikap akong magsipag sa pagta-tricycle. Mabilhan ko man lang siya ng bagay na gusto niya. Sana daw ay magkaroon siya ng cellphone. Kaya talagang pinag-iipunan ko iyon hija. Dalaga na rin kasi at dese otso na."
Proud na pagkukwento ng driver na nagpatulo na naman sa mga luha ni Ella. Napahugot pa siya ng paghinga. Kung sana lang. Halos mapahagulhol pa siya ng pag-iyak na narinig naman ng driver. Sa gulat ay naitigil nito ang tricycle sa gilid at inikutan siya mula sa sidecar nito.
"Ayos ka lang ba hija," tanong ng driver habang nasa labas na gilid ng sidecar.
"Sorry po. Mababaw lang po ang luha ko. Nakakatuwa po kasi ang kwento ninyo. Sana po lahat ng lalaki ay katulad po ninyo kung magmahal. Kahit sa hindi ninyo kadugo. Sobra pong nakakaproud ang lalaking katulad po ninyo," ani Ella ng maramdaman niya ang pagtapik ng lalaki sa balikat niya.
"Hindi ko alam ang dahilan ng pag-iyak mo hija at wala akong karapatang magtanong. Ang masasabi ko lang. Lahat ng problemang dumarating sayo ay hindi ibibigay sa iyo ng Panginoon kung alam niyang hindi mo kakayanin. Lahat ng pangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Pangit man iyan o maganda. Sa lahat ng bagay na nararanasan natin sa buhay. Huwag tayong makakalimot magpasalamat sa Kanya," tumuro pa ang lalaki sa langit. "Kung may masakit ka mang pinagdadaanan ngayon, kung ano mang problema mo, huwag ka pa ring makakalimot na magpasalamat. Dahil kahit napakabigat ng problemang nararanasan mo, tingnan mo naman ngayon at tayo ay humihinga. Mamaya makikita pa natin ang umaga, ang araw. Kaya tahan na hija. Malalampasan mo lahat ng problema magtiwala ka lang sa Kanya."
Napatitig naman si Ella sa mukha ng lalaki. May edad na rin ito na sa tingin niya ay nasa mahigit ng singkwenta. Pero ang lahat ng sinabi ng lalaki ay mukhang bumaon sa puso niya. Masakit man ang pinagdadaanan niya. Kailangan lang siguro ay magpakalayo-layo at tanggapin ang lahat ng dagok na nararanasan niya.
"Salamat po, at palagi ko pong tatandaan ang sinabi ninyo. Pwede ko po bang malaman ang pangalan ninyo? Ako po si Ella."
Napangiti naman ang lalaki sa kanya. "Hija, Ella ako si nga pala si Romy. Tawagin mo na lang akong Manong Romy," anito at bumalik na sa pwesto nito kanina.
Hindi na rin naman nagsalita si Ella ng nagsimula na ulit nilang binagtas ang daan. Halos nasa tatlumpung minuto pa ang kanilang binaybay hanggang makarating sila ng terminal ng bus.
"Saan ba ang tungo mo hija at ng maihatid na kita. Mabigat naman itong maleta mo ay ako na ang magsasakay sa bus."
Wala naman siyang alam na pupuntahan, wala siyang alam na lugar kung saan siya pwedeng magtungo kaya naman hindi siya nakasagot kay Mang Romy.
"Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng pagtungo mo dito sa terminal hija. Sa tingin ko ay wala kang destinasyon. Naglayas ka ba?"
Paano niya sasabihin sa matanda na hindi naman siya naglayas kundi pinalayas siya. Paano niya aaminin iyon ng hindi magiging masama sa paningin ng matanda ang ina.
Humugot muna siya ng hangin bago nagsalita. "Hindi po. Alam po ba ninyo iyong mga documentary sa t.v? Naghahanap po ako ng malalayong probinsya na may magagandang lugar. Katulad po ng mga probinsyang hindi pa gaanong maunlad. Tulad po sa iba. Iyon pong mga probinsya na ganoon ay pinapasok ng mga nagdodkyumentaryo at pagnapansin ng mga namamahala ay napapagawan ng mga kalsada o kaya naman po ay mga patubig at kuryente. O kaya naman ay nagiging tourist destination. Kaya po hindi ako makasagot sa tanong ninyo nalobat po ang cellphone ko, habang naghahanap po ako kanina. Nakita po ninyong naglalakad lang ako sa dilim. Kaya po wala po talaga akong maisip na ganoong lugar," palusot niya. Iyon na lang ang magandang sabihin para hindi mapasama ang ina. Pero mas mabuti na ring pinaalis siya nito. Kay sa manatili sa lugar na iyon.
"Ganoon ba hija ang alam ko ay sa bayan ng San Nicholas. Mahirap lang bayan na iyon. Nasasakop iyon ng Probinsya ng Barbara. Gusto mo bang doon pumunta? Napakalayo lang ng bayang iyon dito sa Maynila hija. Sampung oras ang byahe mula dito hanggang Barbara. At mula sa bungad ng probinsya ay nasa apat na oras pa ang layo ng San Nicholas. Pero alam ko ang bus na nagmumula dito ay nakakaabot hanggang sa dulo ng San Nicholas kung sasakay ka ng byaheng San Antonio," paliwanag ng matanda na parang nagkaroon na ng direksyon ang pupuntahan niya.
"Sige po doon na lang po ako pupunta salamat po Mang Romy," buong puso niyang pasasalamat sa matanda.
Inihatid talaga siya nito sa tapat ng bus na sasakyan niya. "Ito po ang bayad ko, salamat po."
Nagulat naman ang matanda ng abutan niya ito ng limang libo. Sa katunayan deserve ni Mang Romy ang perang iyon dahil sa kabutihan nito. Mabibilang na lang sa daliri ng kanyang mga kamay ang lalaking katulad nito.
"Hija hindi ko iyan matatanggap. One fifty lang naman ang isang takbo ko, mula doon kung saan kita nakita hanggang dito. Kung gusto mo akong bigyan ng tip ay tatangap ako ng dalawang daan," natatawang sambit pa ng matanda. "Pero hindi ang ganyang kalaki hija. Sa probinsya kakailanganin mo ang pera. Mahirap na bayan ang San Nicholas. Magbabayad ka pa doon ng upa sa bahay at bibili ng pagkain sa tutuluyan mo. Hindi biro ang magtungo sa isang lugar na walang kakilala. Higit sa lahat ay ang kapos sa pera. Itago mo na iyan hija," tanggi pa ng matanda.
"May pera po akong dala wag kayong mag-alala. Ibili po ninyo ng cellphone ang anak po ninyo. Pagnaging masaya po siya masaya na rin po ako. Nakakaproud po ang tatay na katulad ninyo. Namimiss ko din po ang daddy ko. Pero hindi ko na po siya makikita pang muli. Ngayon lang po ako nagkaroon ng kausap na parang si daddy. Kaya sana po ay huwag na po ninyo akong tanggihan. Bukal po sa puso kong ibigay iyan sa inyo."
Pilit namang inilagay ni Ella ang pera sa kamay ng matanda. Hindi na rin ito nakatanggi sa pamimilit niyang iyon. Hindi man niya alam kung hanggang kailan tatagal ang nadala niyang pera. Pero nagmula iyon sa baong ipon niya. Pero sa ngayon deserve ni Mang Romy ang perang ibinigay niya.
Hindi naman napigilan ng matanda na yakapin si Ella. "Maraming salamat anak, Ella. Pagpalain ka ng Diyos sa iyong pupuntahan. Palagi ka sana Niyang gabayan. At ang problema na iniiiyak mo kanina. Sana ay iyong malampasanan. Magtiwala ka lang sa Kanya."
"Salamat po Mang Romy, sasakay na po ako," paalam niya ng tawagin ng konduktor ang mga pasaherong sasakay ng bus, dahil paalis na ito.
Ilang payo pa ang ibinilin ni Mang Romy, bago siya sumakay ng bus. Sa sandaling iyon, para tuloy siyang nagkaroon muli ng ama kahit saglit lang.