Bago pa sila makita ni Ella ay mabilis ng tumalikod si Jarred at lumabas ng emergency room. Si Nald naman ang nagtungo sa may billing para magbayad. Mabilis lang din naman at walang pila.
Tahimik lang sila sa loob ng sasakyan, si Nald naman ang nagmamaneho sa oras na iyon.
Halos ibagsak ni Jarred ang pintuan ng hotel room nila ng makapasok sila sa loob.
"Jarred magpakahinahon ka nga. Akala ko ba nakamove on ka na. Bakit ganyan ka na naman?" sita ni Teo na nag-aalala sa maaaring gawin ng kaibigan.
"Di ba sinabi kong huwag na huwag siyang magpapakita sa akin. Pero anong ginagawa niya dito? Nakita ba ninyo iyong kanina? Mukha siyang basura!" galit na saad ni Jarred.
Hinila naman ito ni Nald para mapaupo sa couch na nandoon.
"Huminahon ka Jarred. Una wala naman sigurong alam si Ella na nandito ka. Hindi ka ba naaawa sa kanya. Nakita mo ang pag-iyak niya at pag-aalala doon sa bata na walang malay. Ang liit pa noong bata, Jarred."
"So? Kasalanan ko bang nagkaanak s'ya? Kasalanan ko bang naospital ang anak niya kung talagang anak nga niya iyon. Kung kanya nga, sure namang anak niya iyon sa ibang lalaki. Mukha namang tatlong taon lang sa liit," may pagkasarkastikong saad pa ni Jarred.
"Eh ano nga kung anak niya sa ibang lalaki. Patahimikin na ninyo ang isa't-isa. Jarred hindi ka ba naaawa sa sarili mo. Wag mong hayaang pangunahan ka ng galit. Galit sa isang bagay na hindi na naman maibabalik pa. Kasi wala na kayo ni Ella. Matagal na," saad pa ni Teo.
"Hindi naman sigurong masama na makipagkita ako kay Ella di ba?" nakangising saad pa ni Jarred sa dalawa.
"Ano na naman yang iniisip mo Jarred. Nananahimik na iyong tao. Guguluhin mo pa. Tama na. Mahaba na rin ang mga taong hindi kayo nagkita. Nakita mo lang si Ella ngayon nagkaganyan ka na."
"Kasalanan niya iyon kasi nagkapakita pa siya sa akin?" natatawa na lang nitong sagot.
"Wala siyang kasalanan Jarred," saad pa ni Teo.
"Hindi kasi kayo ang nasa sitwasyon ko kaya naman nasasabi ninyo ang mga bagay na iyan. Hindi kasi kayo ang niloko at hindi kayo ang nasaktan. Sa totoo lang akala ko nakamove on na ako eh. Pero hindi pa pala. Bigla na lang bumalik ang sakit ng panloloko niya sa akin ng makita ko siya kanina. Pagbabayarin ko siya."
"Jarred maghunusdili ka. Hindi sagot ang paghihiganti. Pabayaan mo na si Ella."
"Pababayaan ko na siya pagnakuha ko na ang gusto ko."
"Pero Jarred. Ano pa bang gusto mo? Wala na kayong relasyon ni Ella. Matagal na," kontra pa noong dalawa.
"Alam ko ang ginagawa ko."
"Isipin mo Jarred, mula ng maghiwalay kayo ni Ella hindi ka na niya ginulo."
"Pero hindi rin ako tinitigilan ng multo niya tuwing maiisip ko ang panlolokong ginawa niya."
Nailing na lang ang dalawa kay Jarred. Hindi nila alam kung paano kakausapin ang kaibigan. Gayong sarado ang isipan nito para magpatawad.
Gabi na ng akala nila ay magstay na lang si Jarred sa loob ng hotel ng mag-aya itong lumabas.
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ni Teo na siyang nagmamaneho ng kotseng sinasakyan nila.
"Magdrive ka na lang tara na," sagot na lang ni Jarred na hindi na lang nila tinanong pa.
Napabuntong hininga na lang si Nald ng magkaroon siya ng idea kung saan sila pupunta.
Samantala, halos hindi magkamayaw si Ella dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakamalay ang kanyang anak. Hindi tuloy niya malaman kung ano ang gagawin. Kung pwede lang siyang makipagpalit ng sitwasyon kay Jarra ay gagawin niya.
"Ella, tahan na. Hindi makakatulong ang pag-iyak mo para malaman natin ang resulta ng mga kinuhang sample kay Jarra. May awa ang Diyos Ella. Hintayin na lang natin ang resulta ng laboratory test ni Jarra."
Kahit papaano ay kumalma si Ella sa sinabing iyon ni Maric. Hindi talaga niya alam kung anong gagawin niya kung wala ang mag-ina sa tabi niya.
Umaga pa lang bago sila pumuntang palengke ay naramdaman na niyang medyo mainit si Jarra. Pero hindi pa naman ito nilalagnat kaya akala niya ay ayos lang ito. Ngunit ng medyo tumatanghali na ay tinawagan siya ni Nay Angela na nilalagnat na naman si Jarra kaya mabilis siyang umuwi. Iniwan muna niya si Maric sa palengke.
Pagkarating niya ng bahay ay ayos pa naman si Jarra. Nakakain pa ito at nakainom ng gamot. Ngunit ilang sandali pa ay unti-unting nawalan ito ng kulay hanggang sa mawalan ng malay. Mabuti na lang at hawak niya si Jarra kaya hindi ito bumagsak sa sahig.
Eksakto namang dumating na rin si Maric dahil nag-aalala rin ito para kay Jarra kaya umuwi na muna. Ang tricycle na sinakyan nito ang sinakyan nila patungong ospital.
Kaya naman pagdating nila ng emergency room ay mabilis na silang humingi ng tulong. Mabuti na lang kahit papaano ay inasikaso kaagad sila ng nurse na nandoon.
May dumating namang pediatrician na siyang sumuri kay Jarra. Kinuhanan ito ng dugo for laboratory test at iyon ang hinintay nila ngayon.
Dahil inabot na rin naman ng gabi ang kanilang paghihintay sa resulta ay mas iniadvice ng doktor na e-admit muna si Jarra.
"Mama," tawag ni Jarra sa kanya. Maputla pa rin ito ngunit hindi na mataas ang lagnat.
"Anong nararamdaman mo anak? May gusto ka bang kainin?" tanong pa niya na ikinalapit din sa kanila ni Maric. Hinaplos pa ng huli ang ulo ni Jarra.
"Wala po akong nararamdaman mama. Pero bakit po ako nandito? Ayaw ko pong ospital. Magbabait po ako. Ayaw ko pong ospital," naiiyak na saad ni Jarra.
Halos para namang pinupunit ang puso ni Ella sa pag-iyak ng anak. Kung maaaring siya na lang sana.
"Lalabas din tayo bukas Jarra. Sa ngayon ay hayaan mo munang suriin ka ng doktor. Promise uuwi din tayo bukas."
"Ayaw ko po nito." Iniangat naman ni Jarra ang bagay na nakalagay sa kanyang kamay. Hanggang sa sundan nito ng tingin ang dextrose na nakasabit sa tabi nito.
"Kailangan iyan anak para lumakas ka. Bukas aalisin na rin iyan. Nandito lang si mama para sayo ha. Kaya tiisin mo lang lahat para gumaling ka. Kasi gagaling ka. Hmm."
Hindi naman maiwasan ni Maric na maluha sa nakikitang kalagayan ng mag-ina. Naiisip niyang kung sana ay kasama ni Ella ang ama ni Jarra. Sana ay hindi ganitong kahirap ang lahat kay Ella.
Halos wala ng pahinga si Ella. Araw-araw silang nasa palengke para magtinda. Pagdating ng bahay ay si Jarra naman ang asikasuhin nito. Ang hindi lang nila maintindihan ay ang halos palagi na lang may sakit si Jarra. Na dati naman ay hindi.
Noong pina-check up nila ito ay noon ng magkasakit si Jarra noong dalawang taon. Sabi ng doktor ay mahina daw ang baga ng bata. Ginamot ito ng anim na buwang gamutan hanggang sa sinabi ng doktor na ayos na si Jarra. Pero ngayong maglilimang taon si Jarra ay parang bumabalik na naman. Palagi itong matamlay. Mabuti na lang kahit papaano ay magana itong kumain. At mahilig sa prutas lalo na nga sa lychee.
"Lalabas lang muna ako Ella bibili ng pagkain natin. Ikaw Jarra may gusto ka bang kainin?"
"Kung ano na lang po. Pero baka po may makikita kang lychee Tita Maric."
Natawa naman si Maric sa sinabi ni Jarra. "Sige maghahanap ako. Pero sa tingin ko jelly ace na lang ang lychee na makikita ko," biro pa niya na ikinalaki ng mata ni Jarra.
"Talaga po? Kahit po iyon na lang kung wala pong fresh. Masarap po siguro iyon," halos magningning pa ang mga mata ni Jarra dahil sa sinabi ang bagay na iyon.
"Basta lychee anak. Ang hilig mo talaga."
"Masarap po kasi iyon mama."
"Sige na maghahanap muna ako ng pwede nating kainin. At hahanap ako ng lychee. Magpagaling ka na Jarra ha. Wag mo ng pag-alalahanin itong mama mo."
"Opo, Tita Maric. Papagaling po ako."
Pinagmasdan pa ng ilang saglit ni Maric si Jarra at nagpaalam na rin kay Ella.
Pagkalabas ni Maric ng pintuan ay hindi niya napansin ang isang lalaki kaya nabangga niya ito.
"Sorry hindi kita napasin. Hindi ko sinasadyang mabangga ka," saad ng dalaga ng mapatingin sa kabuoan ng lalaki. Matangkad ito at halos tingalain niya. Hindi lang niya nakikita ang mukha nito gawa ng nakasuot ito ng facemask at nakasuot ng shades.
"Gabi na, pero naka shades? Sabagay baka may problema sa mata niya," ani Maric sa isipan.
"Don't worry miss. I don't see you either," sagot ng lalaki sa kanya at nagpatuloy na rin itong tumalikod sa kanya.
"Hindi daw ako nakita, pero hindi din naman nagsorry, tsk," napailing na lang si Maric at nagpatuloy na rin siyang lumabas ng ospital para makabili ng pagkain.
Halos nasa tatlumpung minuto din bago pa makarating si Maric. Natutulog na muli si Jarra sa mga oras na iyon. Medyo nanghinayang pa si Maric dahil nakabili siya ng isang bungkos na lychee para kay Jarra tapos ay mayroon pa siyang dalang jelly ace.
"Mamaya na lang paggising," ani Ella ng mapatingin sila sa may pintuan at pumasok ang pediatrician na tumitingin kay Jarra. Napasilip pa si Ella ng hindi pa nagsasara ang pintuan ay may pumasok na isa pang doktor.
Bigla namang nilukob ng kaba si Ella sa kung anong sasabihin ng mga ito. Dahil bakit dalawang doktor ang pumasok sa kwartong iyon. Gayong sa tingin niya simpleng lagnat lang ang nararanasan ng kanyang anak at baka kailangan lang nito ng vitamins.
"Ms. Ella hindi na namin patatagalin pa ang sasabihin namin. Jarra needs a medical attention. Kailangan niya palaging mamonitor. Kailangan niyang magpalakas."
"Dok naguguluhan po ako. Ano po bang sakit ng anak. Humihina po ba ang baga niya? Dati po kasi dumaan siya sa anim na buwang gamutan. Need po ba ng vitamins? Ano po?" nanginginig na tanong ni Ella ng hawakan ni Maric ang kamay niya.
Hindi niya alam. Pero natatakot siya sa sasabihin ng doktor.
"She has a leukemia."
"Dok? A-ano pong sabi ninyo? Baka po nagkakamali lang kayo? Inaalagaan ko pong mabuti ang anak ko. Pero bakit po ganoon? Inulit po ba ninyo ang test? Baka po hindi po para kay Jarra ang resulta na hawak ninyo?"
Bigla na lang napaupo si Ella sa sahig. Parang gusto niyang magcollapse sa mga oras na iyon.
Iyon ba ang dahilan kung bakit palaging may sakit si Jarra. Iyon ba ang dahilan kung bakit ito palaging namumutla at nanghihina? Hindi niya alam ang bagay na iyon. Kung lumala ang sakit ni Jarra walang ibang dapat sisihin kundi siya.
Hindi na napigilan ni Ella ang maluha. Kahit pigilan niya ang pag-iyak ay ang mga luha naman niya ang walang patid sa pag-agos.
"Ano po ang kailangang gawin para gumaling si Jarra?" si Maric na ang nagtanong alam niyang hindi na kakayanin pa ni Ella.
"Chemotherapy. She needs to under go a chemotherapy. Four to eight treatments within three to six months," paliwanag pa ng doktor.
"Pwede po bang malaman kung magkano po ang pwede pong magastos para sa pagpapagamot kay Jarra?"
"The chemotherapy can cost twenty to one hundred twenty thousand. Pero sa kabuoang range para magamot ang isang pasenyente na may cancer pwedeng umabot iyon hanggang isang milyon."
Lalo ng hindi malaman ni Ella ang gagawin. Saan siya hahanap ng perang kakailanganin ni Jarra.
Nagpaalam na rin sa kanila ang doktor.
"Ella, kaya mo yan. Kaya natin ito magagawan natin yan ng paraan. Makakahanap din tayo ng pera. Tahan na," alo ni Maric sa kanya.
"Maric, lahat gagawin ko maipagamot ko lang ang anak ko. Siya lang ang meron ako Maric, siya lang," patuloy lang sa pagkuha si Ella kaya niyakap na ito ni Maric.
"Tahan na Ella. Tutulungan kita," paulit-ulit pa nitong sambit.
Napailing na lang ang dalawang lalaking nakatanaw sa nakaawang na pintuan. Habang nakasilip ang isa.
Dinig na dinig nila ang pagtangis ng isang ina sa kalagayan ng anak nito. Habang ang isa ay hindi nila malaman kung ano ang plano. Gusto man nilang pigilan ang balak nito, ngunit ayaw naman nilang itaya ang pagkakaibigan nilang tatlo.
Isang ngisi ang ang sumilay sa labi ng isa. Alam nilang mali ang ginagawa nito pero hindi nila mapigilan. Ang ipinangako na lang nila hanggat walang nasasaktan at mapapahamak ay babantayan na lang nila ang bawat kilos at galaw nito.