Nakaupo lang sa couch si Jarred sa loob ng hotel ng tumunog ang doorbell. Tumayo naman kaagad ang binata at pinapasok ang bagong dating.
Pinapanood lang nina Teo at Nald ang mga kilos ni Jarred, hanggang sa iniabot ng bagong dating ang isang envelope.
"Ano yan Jarred?" hindi mapigilang tanong ni Teo ng biglang iabot sa kanila ni Jarred ang hawak.
Wala namang pagdadalawang isip na kinula nila ang laman. Napatingin na lang din sila sa dumating ng magsalita ito.
"Si Ms. Ella Shelley po ay dumating dito sa San Nicholas six years ago. Kinupkop siya ng mag-inang Angela at Maricriz. Ayon po sa pagtatanong tanong ko, wala namang nakasalamuha or naging boyfriend si Ms. Ella mula ng magtungo dito. At tungkol po sa anak niya tunay pong anak niya iyon. Wala lang pong makapagsabi kung may kinatagpo po bang iba si Ms. Ella, o ano man. Lalo na po at walang makapagsabi. Hindi din po kasi iyon masigurado at wala po akong basehan. Ayon naman po sa pagkakakilanlan ng bata. Ang pangalan po nito ay Jarra Rein. Iyon ang nakuha kong impormasyon, ng magtanong ako sa ospital na ipagdalhan sa kanya. Pero wala pong surname na nakalagay. Hindi din nakarehistro ang bata sa Philippines Statistics Office. Pero si Ms. Ella ang biological mother ng bata. Walang nakakaalam ng identity ng ama ng bata," mahabang paliwanag ng lalaki kaya bigla silang naguluhan.
"Hindi nakarehistro ang bata?"
"At hindi mo nalaman kung sino ang ama?"
Nagtatakang tanong ni Teo at Nald na ikinatango lang ng kausap.
"Hindi ko na kailangang malaman kung sino ang ama ng anak ni Ella. Ang gusto kong ay mailayo ang bata sa kanyang ina," nakangising saad ni Jarred na ikinagulat ng dalawa.
"Anong kalokohan ang sinasabi mo Jarred? Mag-isip ka nga ng mabuti. Huwag mong idamay ang walang muwang na bata. Nakita mo naman ang paghihirap ni Ella di ba? May sakit pa ang anak niya. Kailangan pa niya ng malaking pera para maipagamot ang bata. Ano bang pagpapahirap pa ang gusto mong mangyari kay Ella. Kung hinihintay mo ay karma. Siguro mula ng nanganak siya. Pinagbabayaran na niya iyon," ani Teo na naiinis sa kaibigan.
"Sir heto po ang address kung saan nakatira si Ms. Ella. Nasa palengke po ngayon sila kasama ni Ms. Maric. Ang nasa bahay lamang po ngayon ay iyong nanay ni Ms. Maric at ang bata. Nakauwi na rin po kasi noong isang araw ang bata," paliwanag pa ng lalaki at tuluyan ng tumayo.
"Thank you," ani Jarred at iniabot ang isang envelope ng pera na hindi alam nina Nald at Teo kung paano nakakuha kaagad ng pera si Jarred. Gayong nasa probinsya sila at hindi naman sila nagkakahiwa-hiwalay.
Nagpaalam na rin ang lalaki sa kanila. Mabilis na kinuha ni Jarred ang susi ng kotse.
"Saan ka pupunta Jarred? Pabayaan mo na si Ella," naiinis na saad ni Nald na nginisian lang ni Jarred.
"Note this time. Kasalanan niyang nagtagpo ang landas namin. Ngayon maniningil ako."
Hindi na napigilan nina Teo at Nald si Jarred sa balak nito. Kaya naman, sumama na lang sila sa pag-alis nito.
"Anong gagawin natin dito?" nagtatakang tanong ni Teo ng tumigil sila sa may palengke.
"May bibilhin lang ako."
Hindi na nila napigilan si Jarred ng lumabas ito sa sasakyan.
Ilang beses pang inilibot ni Jarred ang paningin ng makita niya ang hinahanap. Malaki na talaga ang ipinagbago nito. Ngunit sa halip na maawa siya sa dating kasintahan ay kinasusuklaman pa niya ito.
Ngunit hindi niya alam kung bakit matapos makita si Ella ay parang hinila naman ang kanyang mga paa sa pwesto ng mga nagtitinda ng prutas. Naalala niyang bigla ang sinabi noong si Maric na gusto ni Jarra ang lychee. Kaya kahit hindi niya maintindihan ang sarili ay bumili siya ng tatlong bungkos ng lychee.
"Ano yan?" tanong ni Teo ng iabot ni Jarred ang mga lychee dito.
"Lychee, ano ba sa tingin mo? Hindi naman yan mukhang rambutan," natatawang sagot ni Jarred na ikinailing lang ni Nald.
"Naalala mo?"
Napatingin na lang sila kay Nald na ikinatango ni Jarred. "Hindi naman ako ganoong kasama. Pero nasaktan ako. Walang mapapahamak pangako."
Naging tahimik na lang sila sa byahe hanggang sa marating nila ang dalawang magkalapit na bahay. Ngunit malayo naman sa ibang kapitbahay. Akala nila noong una ay walang tao hanggang sa makita nila ang batang anak ni Ella. Napakaliit nitong tingnan at masasabi nilang nasa tatlong taon pa lang talaga ito. Nasa may teresa at naglalaro.
Nang makalapit silang tatlo sa may teresa ay napansin naman kaagad sila ng bata at kinawayan sila.
"Jarred seryoso ka ba sa binabalak mo? Hayaan mo na kasi ang mag-ina. Jarred tama na," pakiusap ni Nald na ikinailing lang nito.
Napahugot naman ng hangin si Teo. Silang dalawa ni Nald ang mababaliw sa kabaliwan ng kaibigan nila.
"Hi po, magbibili po kayo? Tatawagan ko po ang lola," malambing na wika ni Jarra sa tatlong lalaking nasa harapan niya ngayon. Hindi naman siya natatakot sa mga ito dahil mukha namang mababait. Pero ngayon lang niya nakita.
"Hindi kami bibili, pero may itatanong ako, wala ba dyan ang magulang mo?"
Napakunot noo pa si Jarra na wari mo ay hindi naintindihan ang sinabi ng lalaking kaharap. "Ang mama ko po? Nagtitinda po siya sa palengke. Kasama ni Tita Maric. Bakit po?"
"Wala naman. Nasaan ang papa mo?" Parang may bumarang kung ano sa lalamunan ni Jarred ng itanong niya iyon sa bata. Hindi pa rin talaga niya mapaniwalaan na ang kanyang munting si Ella noon, ay nagkaroon ng anak na sa ibang lalaki. Pero hindi naman siya nandoon para bigyan ng simpatya si Ella. Nandoon siya para ituloy ang balak niya.
"Papa? Hindi ko po alam. Wala naman po akong alam doon. Wala po ako noon," napanguso pa si Jarra habang sumasagot.
Napakunot noo naman bigla si Nald at Teo dahil sa sa pagdaan ng isang imahe dahil sa pagnguso Jarra. Nagkatinginan pa silang dalawa. "Nakita mo iyon? Pero imposible," sabay pa nilang wika na pareho lang nilang ikinailing.
"Guni-guni lang siguro," saad pa ni Teo.
"Baka nga," sang-ayon pa ni Nald.
Napatingin ulit sila kay Jarred na nakatingin pa rin sa bata. "Anong pangalan mo?" hindi na napigilang itanong ni Jarred.
"Ako po? Jarra Rein."
Nagkatinginang muli si Teo at Nald at sabay pang napaubo. Napakunot noo naman si Jarred dahil sa narinig. Kahit alam na nila ang pangalan ng bata. Ay iba pa rin talaga pag narinig mong mismo sa bibig ng may pangalan noon.
Lalo lamang nagtangis ang kanyang mga bagang sa pangalang narinig niya. Gusto tuloy niyang puntahan si Ella at sumbatan. Wala itong karapatang gamitin ang pangalang iyon sa anak nito sa iba.
Ilang beses pang humugot ng hangin si Jarred. Dahil kung hindi niya iyon gagawain ay baka matakot sa kanya ang bata. Bagay na hindi niya alam kung bakit ayaw niyang mangyari.
"Kayo po? Ano pong pangalan ninyo? At kayo po," sabay turo kay Nald. "At ikaw din po?" anito kay Teo.
"I'm Jarred, this is Teo and Nald. Mga kaibigan ko sila."
"Ah okay po. Wala po akong kaibigan. Hindi naman po ako pwedeng lumabas ng bahay dahil may sakit po ako. Alam po ninyo iyong palaging tinutusok ng karayom. Ayaw ko po noon. Ayaw ko po sa ospital," naiiyak na saad ni Jarra ng bigla itong lapitan ni Jarred at niyakap.
Hindi naman malaman ni Jarred kung bakit parang natuwa siyang mayakap si Jarra. Pero hinayaan lang niya ang bata naumiyak.
Doon sila naabutan ni Nay Angela na galing sa loob ng bahay.
"Sino kayo? Sino ka? Bakit mo yakap-yakap ang apo ko?" galit na tanong ni Nay Angela ng bigla nitong kunin si Jarra mula sa pagkakayakap ni Jarred. "May masama kayong balak sa apo ko? Umalis na kayo. Tatawag ako ng pulis," pagbabanta pa ng matanda sa kanila. Ngunit baliwala lang iyon kay Jarred.
"Nandito ako para kunin si Jarra," walang prenong saad ni Jarred na ikinagulat ni Nay Angela.
"Bakit? Anong karapatan mong kunin ang apo ko? Sino ka ba?"
"Kung sa batang iyan ay wala nga. Pero malaki ang kasalanan sa akin ng kanyang ina. Sa ayaw at sa gusto ninyo ay kukunin ko si Jarra."
"Hindi ako papayag. Anong karapatan ninyo at sino kayo. Lumayas na kayo dito sa pamamahay namin. Wala kayong lugar dito. Jarra pasok sa loob," utos ni Nay Angela.
Naguguluhan man si Jarra ay sumunod na lang ito sa utos ng lola niya. Pero pagdating sa loob ay doon lang siya sa may pintuan.
"Jarra," tawag ni Jarred sa bata at agad namang lumapit dito ang bata.
"Jarra, huwag matigas ang ulo apo. Sa loob ka na. Hindi mo sila kilala. Hindi natin sila kilala. Sabi ng mama mo huwag kang makikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala di ba? Kaya pasok na sa loob apo," pakiusap ni Nay Angela. Papasok na sana ulit si Jarra ng tawagin ulit ito ni Jarred. Sa pagkakataong iyon ay may hawak na itong isang bungkos ng lychee na binili niya kanina sa palengke. Iniabot iyon ni Teo sa kanya.
"Gusto mo ba nito, madami pa sa loob ng sasakyan," ani Jarred na halos magningning ang mga mata ng bata.
Parang nakalimutan na nito ang sinabi ng lola nito at mabilis na nagpabuhat kay Jarred. Bigla na lang tinalikuran Jarred si Nay Angela na sobrang nabigla sa nangyayari.
"Saan ninyo dadalahin ang apo ko? Sino ba kayo? Ano bang binabalak ninyo kay Jarra. May sakit ang apo ko. Pakiusap, wag ninyong kunin ang bata," pagmamakaawa ni Nay Angela habang umiiyak. Ngunit parang bingi si Jarred at walang naririnig.
"Nay," sabay pang saad ni Teo at Nald na naaawa sa matanda.
"Hindi po naming maiipaliwanag sa ngayon ang nangyayari, pero sisiguraduhin po naming nasa maayos na kalagayan si Jarra," paninigurado ni Nald na lalo lang nagpabuhos sa mga luha ng matanda.
"Magtiwala po kayong walang mangyayaring masama kay Jarra. Hindi po talaga kami masasamang tao. Si Ella lang po ang makakasagot ng lahat ng ito," ani Teo bago nila tuluyang iniwan si Nay Angela na umiiyak.
Nang mabuhay ang sasakyan, ay kahit na may katandaan si Nay Angela ay mabilis itong tumayo at tinakbo ang pwesto ng kotse.
"Mga walang hiya kayo! Ibalik ninyo ang apo ko! Jarra. Jarra," paulit-ulit na sigaw ni Nay Angela. Ngunit hindi na siya naririnig ng apo. Sa tingin niya ay nakatulog na ito ng ganoong kabilis. "Apo. Jarra. Mga walang hiya kayo ibalik ninyo ang apo ko. Wala kaming kasalanan sa inyo para kunin ninyo siya sa amin!"
Napaluhod na lang si Nay Angela sa gilid ng umandar ang sasakyan. Ilang sandali pa ay tumigil din iyon. Pero hindi na niya magawang makatayo.
Napaangat na lang si Nay Angela ng binalikan siya ng lalaking may buhat kay Jarra kanina.
"Siguro nga po masamang tao ako. Pero nasaktan din ako. Ngayon mararanasan ni Ella ang sakit na ipinaranas niya sa akin. Ang malayo sa isang taong napakahalaga sa kanya. Ang pagkakaiba lang ako ipinagtabuyan niya. Habang ang anak niya ang ilalayo ko sa kanya. Pakibigay po nito," ani Jarred sabay abot ng isang maliit na papel.
Nanginginig man ang kamay ay dinampot ni Nay Angela ang papel na iyon. Tapos ay tumingin kay Jarred ng mata sa mata. "Alam mo sa sarili mong mali ang maghiganti, pero ano itong ginagawa mo hijo? Pero kung magiging masaya ka sa ginagawa mo ngayon, sana nga. Dahil baka dumating ang panahon na baka mas masakit pa sa pinagdaanan mo noon ang pagdadanan mo ngayon," may diing saad ni Nay Angela.
"Hindi po mangyayari yan nay. Dahil wala ng sasakit pa sa iwan ka ng babaeng mahal na mahal mo ng walang matinong dahilan," pagalit na saad ni Jarred na hindi pa rin inaalis ang tingin sa matanda.
"Hindi mo alam ang pinagdaanan ni Ella. Oo wala din kaming alam dahil hindi niya sinasabi. Pero paalala lang hijo. Hindi paghihiganti ang sagot sa lahat ng sakit na naranasan mo," ani Nay Angela na hindi na pinansin ni Jarred ng talikuran nito ang matanda.
Napatanaw na lang si Nay Angela sa papalayong sasakyan. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Ella, ang nangyari iyon sa bahay nila. Na may tatlong lalaki na kumuha kay Jarra. Ngunit isa lang ang nasisigurado niya. May malalim na dahilan ang lalaking iyon kaya nito ginawa ang pagkuha kay Jarra, at ang paglalayo nito sa mag-ina.
Naiyak na lang si Nay Angela, dahil wala siyang nagawa para pigilan ang mga lalaking iyon sa pagkuha sa kanyang apo.