Tahimik lang na nagbabasa ng notes niya si Ella sa isang bench ng tabihan siya si Hanna at abutan siya ng ice cream. Napansin din naman niyang kumakain ito kaya mabilis niya iyong tinanggap.
"Salamat. Sinong manliligaw mo ang nagbigay?"
"Bastos, libre ko yan sayo. Mukha ba akong si palibre lang?" anito at inirapan lang siya.
Nagkatinginan sila at sabay na nagtawanan. Mula ng mawala ang daddy niya tuwing kasama lang niya si Hanna at si Jarred, doon lang niya nararamdaman na maging masaya. Natigilan naman siya ng maalala ang mommy niya. Halos ilang araw na rin mula ng tumira sa bahay nila si Roi. Naguguluhan siya sa mga kilos ng lalaki. Hindi niya malaman kung nagmamasid ba ito sa kanya. Tuwing huhulihin naman niya kung nakatingin ito sa kanya ay hindi naman niya makita dahil busy ito sa sariling ginagawa.
Napahugot pa siya ng paghinga at ipinagpatuloy ang naudlot na pagkain ng ice cream.
"Ang lalim noon ah. May problema ba? Akala ko ba okay na kayo ni Jarred tapos ngayon napansin kong hindi mo na suot ang kwintas pero nasa daliri mo na ang singsing. May nangyari ba sa inyo? Naku tatawagan ko na ba ang driver namin at susugurin ko iyong si Jarred mo," akmang kukunin ni Hanna ang cellphone nito ng pigilan niya.
"Ang war freak mo. Maayos ang relasyon namin ni Jarred. Busy siya sa trabaho, kahit hindi kami nagkikita ay palagi niya akong tinatawagan sa gabi hanggang sa makatulugan na namin ang isa't-isa."
"Ganoon naman pala, ang happy naman pala ng puso mo. Pero bakit mukha kang problemado. Kanina ko pa yan napapansin noong pagpasok natin. Hindi na lang ako nabigyan ng pagkakataong magtanong ng magsimula na ang klase."
"Si mommy kasi."
"O anong mayroon kay tita? Mag-aasawa na ulit? Sabi ko naman sayo may asim pa si Tita Elizabeth. Sa ganda ng mommy mo maraming magkakandarapa na ligawan si tita," biro ni Hanna na ikinatawa nito.
Palagi siyang binibiro ng kaibigan na hayaan na niyang mag-asawa ang mommy niya kung mayroon man itong manliligaw lalo na at bata pa rin naman ito. Pero sa nakikita niya kay Hanna akala siguro ng kaibigan ay biro lang talaga ang sinabi nito sa mga oras na iyon.
"Mag-aasawa na nga si mommy. Ipinakilala na niya sa akin noong isang araw ang boyfriend niya."
"Wait! What! Nagbibiro lang ako Ella."
"Pero hindi biro ang katotohanang magpapakasal ngang muli si mommy, at sa bahay na siya nakatira. Hindi ko alam kung magaan o mabigat ang pakiramdam ko sa lalaking iyon. Ngunit hindi ko kayang hadlangan ang kasiyahan ni mommy. Ngayon ko lang ulit nakita na ganoong kasaya ang mommy ko. Huli kong nakita na masaya siya ay noong kasama pa namin ang daddy."
"Alam ba ni Jarred? I mean nakwento mo na? Syempre ako bilang kaibigan mo ay naninibago rin ako, na hindi na lang kayo ng mommy mo ang magkasama sa bahay ninyo. Dapat malaman din ni Jarred."
"Sasabihin ko rin naman. Wala pa lang akong pagkakataon. Busy daw si Jarred. Para sa future namin," aniya ng kurutin siya ni Hanna sa tagiliran niya.
Masama namang tinitigan ni Ella ang kaibigan. Mapanakit talaga ito minsan lalo na pagkinikilig.
"Sorry na carried away lang ang beauty ko. Alam mo naman isa si Jarred sa crush ko. Tapos boyfriend na ng best friend ko. Kaya sinong hindi kikiligin. Pero ingat lang palagi Ella ha. Isipin mong bata pa tayo. Ang boyfriend dapat boyfriend lang at gawing inspirasyon. Hayaan mong ikaw ang maging mundo niya at hindi siya ang maging mundo mo."
"Ang lalim. Pero alam po ni Jarred ang limitasyon namin. Lalo na at mas bata ako sa kanya. Kaya wag kang mag-alala iyon ang dahilan kung bakit mahal na mahal ko ang isang iyon."
"Asus tamang kilig na lang talaga ang lola mo. Pero balik tayo sa pinag-uusapan natin kanina. Nawawala na ako dahil sa kaswertehan mo kay Jarred eh. Mabait ba ang mapapangasawa ng mommy mo?"
Muling nagseryoso ang mukha ni Ella, pero may ngiti sa kanyang labi. "Sa tingin ko naman. Mula ng ipakilala ni mommy si Roi, doon na rin ito tumira sa bahay. Hindi ko rin naman nakikitang pabigat ang lalaki. Hindi na umaalis ng bahay si mommy ng hindi pa kumakain sa umagahan. Palagi na ring may kasama si mommy sa boutique niya sa bayan. Hindi na rin ako nag-aalala na uuwi si mommy ng mag-isa kahit gabi na dahil palagi silang magkasama ni Roi."
"Ganoon naman pala. Naninibago ka lang Ella. Alam ko naman na mula ng mawala si tito, kayo na lang ni Tita Elizabeth ang nasa bahay ninyo. Kahit si Jarred ay ni minsan ay hindi pa nakatulog doon. Tama lang na magkaroon ka agam-agam dahil naninibago ka. Pasasaan ba at masasanay ka rin."
"Tama ka Hanna. Masasanay rin ko. Iilang araw pa lang din naman kasi. Isa pa masarap magluto si Tito Roi. Pakiramdam ko nga lalong nagpapaempress kay mommy eh," aniya at sabay pa silang napahagikhik ni Hanna.
"Sa Sabado pupunta ako sa inyo. Sabihin mo kay tita makikikain ako. Para bago sila umalis madaming lutong pagkain. Sabihin mo ha. Ayaw ko ng ikaw ang magluluto. Nilabong itlog at pansit canton lang pinapakain mo sa akin eh."
Lalo lang silang nagkatawanan ni Hanna. Kahit papaano ay gumaan talaga ang kalooban niya. Hindi man buo pero nakakapagpagaan ng damdamin ang may napapagsabihan ka ng iyong saloobin.
"Mommy," ani Ella ng maagang dumating si Roi habang buhat-buhat ang mommy niya. Napansin din niya ang pamumutla nito ngayon. Tinapik pa ng mommy niya si Roi para ibaba ito.
"Ano pong nangyari? Ano pong nararamdaman ninyo?" nag-aalala niyang tanong ng ngitian lang siya ng ina.
"Don't worry anak. Siguro ay dahil na rin sa pagod. Kahapon ay naabutan pa kami ng ulan ni Roi ng kami ang pumick-up ng mga damit na dapat ay idedeliver sa boutique. Nasiraan kasi ang truck nila. Ay order na iyon sa akin hindi pwedeng madelay."
"Ganoon po ba?" aniya na ikinatango na lang ng mommy niya.
"Pwede bang magdala ka ng maligamgam na tubig sa kwarto. Kailangan kong punasan ang katawan ng mommy mo ng bumaba ang lagnat niya. Hindi na ako nakabili ng gamot nataranta na kasi akong maiuwi siya ng bahay lalo na at ayaw namang magpaospital. Ang tigas ng ulo ng mommy mo," sumbong sa kanya ni Roi.
Siguro nga ay praning lang siya. Kitang-kita naman niya ang pag-aalala ni Roi sa mommy niya. "Sige po Tito Roi. Magtitingin po ako sa medicine kit. Parang palagi naman po doong may bagong gamot. Magdadala na rin po ako maligamgam na tubig."
"Sige, salamat Ella," anito at muling binuhat at mommy niya.
Sinundan lang niya ng tingin ang mga ito. Wala na nga siguro siyang dapat ipag-alala nakikita naman niyang mahal ng mommy niya at ng Tito Roi niya ang isa't-isa.
"Kumusta na po si mommy?" tanong ni Ella sa Tito Roi niya na papalapit sa kanya.
"Nakatulog na ang mommy mo. Kumain ka na?"
"Hindi pa po."
"Dyan ka na lang muna at magluluto ako. Sabayan mo na rin ako ng pagkain habang natutulog ang mommy mo. Mamaya ay ipagluluto ko naman siya ng lugaw, iyon na lang muna ang ipapakain ko kay Elizabeth para mas mabilis siyang gumaling," isang tango lang ang naging sagot ni Ella at ipinagpatuloy na lang ang naudlot niyang pagbabasa.
Matapos makapagluto ay tinawag na rin siya ni Roi para kumain na.
"Nagluto ka ng steak? Lagot ka po kay mommy Tito Roi, kung kailan may sakit siya at hindi pwede ang ganito ngayon ka pa nagluto ng ganito."
Pinipilit ni Ella na pakisamahan ng maayos si Roi. Kaya naman sa simpleng pagbibiro ay nagagawa niya. Narinig naman niya ang marahang pagtawa nito.
"Dyan ka nagkakamali Ella. May nakatabi na akong steak sa mommy mo. Hiniwa ko na rin iyon in bite size. Para madali niyang makain. Hindi nga lang mashed potato ang kapartner ng sa mommy mo kundi lugaw," sagot nito.
"Ayos na po iyon. Salamat po sa dinner."
Nagtungo muna si Ella sa may sink para maghugas ng kamay. Hindi niya napansin ang paglapit ni Roi sa pwesto niya. Bigla na lang niyang naramdaman ang paglapat ng isang matigas na bagay malapit sa kanyang likod sa itaas ng kanyang pang-upo. Halos manigas si Ella at hindi makagalaw. Hindi naman siya ganoong kainosente para hindi malaman ang bagay na iyon. Nararamdaman din naman niya iyon kay Jarred pag niyayakap siya nito ng mahigpit. Ngunit wala siyang nararamdamang malisya pag kay Jarred. Ngunit iba ang nararamdaman niya ngayon. Natigil din ang paghuhugas niya ng kamay.
"May problema ba?" tanong ni Roi na parang baliwala lang dito ang nangyari. Hindi tuloy niya maunawaan kung sinadya ba nito ang bagay na iyon o nagkataon lang.
Doon lang niya napansin na inabot nito ang chili garlic oil na nasa itaas na parte malapit sa may sink.
"Siguro nga ay ako lang ang nagbibigay ng maling pagkapahulugan," aniya sa isipan at itinuloy na ang paghuhugas ng kamay.
Nakaupo na si Roi sa upuang laan dito ng humarap siya sa may hapag habang naglalagay ng chili oil sa steak nito.
"Gusto mo?" alok nito ng mapansing nakatingin siya doon.
"Hindi po, naisip ko lang bagay po ba sa steak ang maanghang?"
Natawa naman ito sa tanong niya. "Depende, masarap kasi pag may kaunting sipa ng anghang ang kinakain ko. Kaya naman tuwing makikita ni Elizabeth na paubos na ang stock nito," sabay taas ng lalagyan ng chili garlic oil. "..ay ibinibili na agad niya ako." Kaswal nitong saad kaya napatango na lang siya.
Sabagay ay noong dumating lang si Roi, saka lang siya nakakita ng ganoon sa bahay nila. At ang isang maliit na bote ay parang nasa dalawa o tatlong araw lang dito.
Hindi siya mahilig sa maanghang kaya hindi siya nagtatangkang kumain ng may ganoon.
"Kain na lalamig ang pagkain. Pagkatapos mo dyan ay umakyat ka na sa kwarto mo. Ako ng bahala dito, ipagluluto ko pa ng lugaw ang mommy mo. Ako ng bahala sa kanya."
"Salamat po."
Pinagmasdan na lang ni Ella si Roi na maganang kumakain. Wala na ulit siyang nakitang malisya mula noong una niyang nakita ito. Baka nga tamang isipin na naninibago lang talaga siya kaya ganoon ang pakiramdam niya. Kaya ngayon pipilitin na niyang maging komportable sa bahay na iyon kasama ang mommy niya at ang step-father niya pag nakasal na ito at ang kanyang ina.