"S-sweetheart, n-nagbibiro ka l-lang di ba?" nauutal pang tanong ni Jarred na ikinailing ni Ella.
"Seryoso ako Jarred."
"Anong sinasabi mo Ella? Matigil ka nga. Kung nais mong magpahinga, magpahinga ka na. Kung gusto mong mapag-isa, hahayaan kita. Pero wag kang magsasalita ng bagay na alam mo namang makakasakit sayo. Pati na kay Jarred. Ilang taon rin kayong magkasama at naghihintayan. Parang kailanlang, napakasaya pa ninyong dalawa. Ano yang mga sinasabi mo Ella. Kung may problema ka sabihin mo. Hindi ganyang padalos-dalos ka ng desisyon," paangil na sita ni Elizabeth sa anak. Sobra siyang nagtataka sa ikinikilos ni Ella nitong nakaraan. Tapos magdedesisyon ito ng bagay na alam naman niyang pagsisisihan nito.
"Buo na po ang desisyon ko, at seryoso po ako. Akala po ba ninyo biro lang ang magdesisyon ng katulad nito. Nagkakamali ka mommy, pinag-isipan ko itong mabuti," matapang na sagot niya sa ina bago binalingan ng tingin si Jarred.
"Hindi ako nagbibiro Jarred ayaw ko na. Tapusin na natin kung ano mang meron sa atin. Hindi kita mahal, mahirap bang intindihin yon?"
"Ella, sweetheart may mali ba akong nagawa? Pag-usapan natin ito ng maayos. Kung may ayaw ka sa akin babaguhin ko. Kung anong gusto mo susundin ko. Wag lang ganito Ella. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala ka sa akin. Kausapin mo ako. Sabihin mo sa akin ang problema mo," pagsusumamo pa ni Jarred ng sumilay ang isang ngisi sa labi ni Ella.
"Nakakatawa. Hindi mo ba alam na pinaglaruan lang kita. Alam kong babaero ka. Pero hindi mo man lang nahalata na pinapaikot lang kita sa palad ko. Ngayon napag-isip-isip ko na tapos na ang laro. Hindi na ako bata. Kailangan ko ng magseryoso sa buhay. Hindi ang katulad mong babaero ang nararapat sa akin. Kaya umalis ka na. Ayaw na kitang makita. Tinatapos ko na ang relasyon natin na simula pa lang ay hindi naman totoo."
"Ella!" Sigaw ng mommy niya, pero hindi naman pinansin ng dalaga.
Parang dinudurog ang puso ni Jarred sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Ella. Pero hindi siya kombinsido ng magsalita ang dalaga. Habang nagsasalita ito ay nag-iwas ito ng tingin. Pakiramdam niya ay may mali lang talaga kaya nito nasasabi ang mga bagay na iyon.
"Bakit hindi ka tumingin sa akin? Umiwas ka pa ng tingin sa akin. Kung talagang totoo iyang mga sinasabi mo. Bakit hindi mo ako matitigan ng mata sa mata?" paghahamon pa ni Jarred.
Mula sa kung saan nakatingin si Ella ay mas pinatapang niya ang titig kay Jarred. May halong pagkasuklam at pandidiri ang nakikita ng binata ngayon sa mata ng kasintahan. Napahakbang paatras si Jarred. Wari mo ay para siyang napapaso sa mga titig na iyon. Nakakapanghina.
"Ano sa tingin mo, biro lang ang lahat ng sinabi ko sayo? Totoo ang lahat ng iyon Jarred. Hindi kita mahal at hindi kita minahal. Pinaglaruan lang kita. Lahat ng nangyari sa atin ay puno lang ng pagkukunwari. Hindi totoo ang lahat ng ipinaramdam ko sayo. Walang katotohanan ang mga sinabi ko sayo noon. Ito ang totoo, ang mga sinasabi ko ngayon."
Napahilot ng noo si Jarred. Sumasakit talaga ang ulo niya sa mga sinasabi ni Ella. Gulong-gulo ang isipan niya sa nangyayari sa kasintahan.
"Ella, tama na. Kung prank lang ito, sinasabi kong nagtagumpay ka. Dalang-dala ako sa mga sinasabi mo at masasabi kong ang sakit sa dibdib. Kaya tama na Ella. Please tell us na prank mo lang ito. Please tell me, say it Ella. Na biro lang lahat," pagsusumamo ni Jarred ng biglang tumawa ng malakas si Ella.
"Hindi ako nagbibiro Jarred. Wala akong panahon para sa kahit na anong joke mo sa buhay. Seryoso ako. Ayaw ko na sayo at maghiwalay na tayo. Kung seryoso ka talaga sa akin, sorry I'm not so serious about you. Hindi ang katulad mo ang nababagay sa akin. Makakaalis ka na. Sana ito na ang huling beses na makikita ko yang pagmumukha mo. Oh by the way," tumayo si Ella at lumapit kay Jarred. Nakatitig pa rin siya ng seryoso sa binata.
Pakiramdam niya ay gusto niyang tumakbo. Natatakot siya. Pero iyon ang dapat niyang gawin. Wala na itong atrasan. Ang nasimulan niya ay tatapusin niya. Makikipaghiwalay siya kay Jarred.
Halos manginig naman ang palad ni Ella ng isa-isa niyang alisin ang mga singsing na galing kay Jarred na suot niya. Pero pinilit niyang magpakatatag ng hawakan niya ang kamay ni Jarred. Huminga siya ng malalim para mapatibay niya ang sarili para hindi maramdaman ni Jarred ang panginginig niya.
Naguguluhang nakatingin pa rin si Elizabeth sa anak. Bakit parang gusto niyang sampalin si Ella para magising sa mga kalokohan nito. Gulong-gulo ang puso at isipan niya. May kurot sa puso niya ang mga sinasabi ng anak. Ngunit wala siyang makuhang sagot kung ano ang nangyayari dito. Pakiramdam niya ay nakapiring siya at walang makita. Bilang isang ina ay nasasaktan ang kalooban niya sa nakikitang nangyayari sa anak. Ngunit wala siyang makuhang sagot sa isipan niya kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.
"Hindi ko na kailangang magkunwari Jarred. Ibinabalik ko na sayo ang singsing na ito. Hindi ko na kailangang itago at magkunwaring mahal kita. Dahil ang katotohanan ay sinabi ko na sayo. Hindi kita mahal, ayaw ko na sayo. Nagsasawa na ako sa relasyon natin na ikaw lang naman talaga ang nagmamahal. Akala ko noon magagawa kitang mahalin. Pero mali ako kaya pinaglaruan lang kita. Laro lang sa akin ang lahat. Iyon ang katotohanan. Makakaalis ka na."
Humakbang paatras si Ella habang hindi inaalis ang mga mata sa mata ni Jarred. Pinapatigas niya ang tinging iyon. Ayaw niyang makikitahan siya ni Jarred ng kahit na anong kahinaan.
Hindi naman natinag sa kinatatayuan si Jarred. Nakatingin lang siya sa dalawang singsing na inilagay ni Ella sa palad niya, tapos muling tititigan ang magandang mukha ng dalaga. Oo nga at kita ang puyat sa mga mata nito. Hindi naman nakaapekto iyon sa ganda nito.
"E-Ella," nauutal pang sambit ni Jarred sa pangalan ng dalaga. Hindi niya kayang mawalay dito. Kahit magpakatanga siya ay gagawin niya wag lang siyang iwan ng kasintahan.
Dahan-dahang lumuhod si Jarred sa harapan ni Ella. Napasinghap naman si Elizabeth sa ginawa ng binata.
Halos gustong pigilan ni Ella si Jarred sa ginawa nitong pagluhod. Hindi na iyon kailangan, unti-unting nasisira ang pagmamatigas na ginagawa ni Ella sa sarili. Ngunit hindi dapat siya panghinaan ng kalooban. Ayaw na niya. Dapat na silang maghiwalay ni Jarred.
"Kahit lumuhod ka pa sa harapan ko habang buhay, hindi magbabago ang katotohanang hindi kita minahal."
Daig pang ilang beses na tinamaan ng bala ng baril ang puso ni Jarred. Sa isang iglap biglang nagdilim ang lahat sa kanya. Hindi na siya makahinga ng mga oras na iyon. Nanghihina siya. Ang lakas niya ay parang isang matatag na kandila na unti-unting tinutupok ng apoy. Para siyang kapirasong kahoy na nagpapalutang-lutang sa gitna ng karagatan. Ang bawat hampas ng alon ang nagbibigay sa kanya ng direksyong walang patutunguhan. Para siyang nilalamon ng kawalan at walang hanggang kadiliman.
Tinalikuran ni Ella si Jarred. Hindi na rin nagawang magsalita ni Elizabeth na sobrang nasasaktan. Hindi para sa anak. Kundi para kay Jarred na ngayon ay nakaluhod habang patuloy na nagmamakaawa kay Ella at umiiyak.
Hindi na pinansin pa ni Ella si Jarred at ang mommy niya. Nagtungo siya sa cabinet na lalagyan niya ng mga damit at kumuha ng isa doon tapos ay mabilis na magtungo sa banyo.
Ilang sandali pa ay lumabas itong nakaayos na. Hindi pa rin natitinag si Jarred mula sa pagkakaluhod. Napatingin si Jarred sa dalaga. Maayos na ito at hindi mo na mababakas ang nakakaawang itsura kanina. Natakpan na ng make-up ang pangingitim ng mga mata nito.
Kinuha ni Ella ang kanyang sling bag matapos makapagsuot ng rubber shoes. Na terno naman sa maikli niyang palda at halos kakarampot na damit. Hindi ganoong mag-ayos si Ella. Kaya talaga lahat ng nangyayari sa dalaga ay nakakapagtaka.
"Saan ka pupunta Ella?" galit na tanong ni Elizabeth na nginitian ni Ella. Daig pang nang-aasar ang dalaga sa ina.
"Gusto ninyo akong lumabas sa kwartong ito di ba? Ito na ang pagkakataon mommy. Gusto pa yatang tumira ni Jarred dyan sa pwesto niya. Bahala s'ya. Aalis ako at makikipagkita ako sa lalaking tunay na gusto ko," ani Ella at walang pag-aatubiling mabilis na lumabas ng kwartong iyon.
Lalo lang nasaktan si Jarred sa narinig. "Kulang pa ba ako Ella? Hindi pa ba ako sapat? Nagbago ako ng dahil sayo. Pero bakit naman ganito?" mas napaiyak lang si Jarred. Hindi na naman narinig ni Ella ang sinabi nito.
Tinulungang makatayo ni Elizabeth si Jarred. Sobrang awang-awa siya sa binata. Wala talaga siyang alam sa biglaang pagbabago ni Ella. Pero sa lahat ng mga pinagsasasabi ng anak ay nagkakaroon siya ng galit dito. Hindi iyon ang anak niya. Pero paano niya mababalik ang sweet na Ella kung wala siyang alam sa nangyari dito.
Pagkalabas ng kwarto ay tinakbo ni Ella ang hagdanan. Nakita pa niya si Roi na papalabas ng kusina kaya naman mas binilisan niya ang pagtakbo para makalabas. Sakto namang may dumaang taxi kaya pinara niya iyon.
Blangko lang ang kayang nararamdaman. Hungkag at walang patutunguhan. Nagpahatid siya sa isang parke. Bagamat may kadiliman at mayroon namang liwanag. Saktong pagkaupo niya ay may isang lalaki na tumabi sa kanya. Nakaramdam siya ng takot. Ngunit kung ang lalaking ito ang maghahatid ng kamatayan niya ay maluwag niyang tatanggpin.
Ngunit iba ang nangyari. Bigla na lang siyang hinalikan ng lalaki sa labi. Dahil sa gulat niya ay naibuka niya ang bibig. Hanggang sa maramdaman niya na para siyang papel na binuhat ng lalaki para maiupo sa kandungan nito.
Ramdam na ramdam niya ang paghaplos ng lalaki sa katawan niya. Ngunit wala siyang pandidiring nadama.
"Sorry for doing this miss. Need ko lang ng tulong. I know we're strangers. Kaya lang gusto ko lang maipakita sa stalker ko. Kababaeng tao ayaw akong lubayan. Sorry talaga, nakita ko na naman siya," bulong ng lalaki na ngayon ay para na lang humahalik sa may leeg niya ngunit bumubulong na lang talaga at humihingi ng pasensya.
Sabay silang napalingon ng may sumipa sa basurahan malapit sa pwesto nila. Si Jarred.
Inalalayan siyang makatayo ng lalaki. Wala na rin ang babaeng sumusunod dito. Bumulong pa ng pasasalamat sa kanya ang lalaki.
"Kung ito ang gusto mo. I set you free Ella. Wag lang sanang magtatagpo muli ang landas natin. Dahil sisiguraduhin ko sayong pagsisisihan mo ang panahong nakilala mo ako. Isa pa wala ng halaga ito."
Alam ni Ella na singsing ang hawak ni Jarred. Halos mapasinghap pa siya ng itapon iyon ni Jarred kasama ng mga natapong basura.
"Parang ganyan ka lang din Ella. Basura," may diing saad ni Jarred at mahahalata mo ang sakit at galit sa boses nito.
Tinikuran na siya ng binata at mabilis na pinaharurot ang kotseng sinasakyan.
Napasunod na lang siya ng tingin hanggang sa mawala sa kanyang paningin ng tuluyan ang kotse ni Jarred. Kinausap din niya ang lalaking tahimik lang sa kanyang tabihan at sinabing ayos lang ang lahat. Hanggang sa nagpaalam na ito at umalis.
Doon lang niya muli nararamdaman ang pag-iisa. Gamit ang ilaw ng cellphone niya ay pilit niyang hinanap ang singsing na itinapon ni Jarred sa mga nagkalat na basura.
Tama si Jarred. Isa lang siyang basura. Basura na patapon na hindi na pwedeng mapakinabangan pa. Walang recycle dahil mabubulok na lang siya sa kasalanan niya. Kasalanang nakapanakit siya. Sinaktan niya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Sinaktan niya ang taong nagmahal at nag-aruga sa kanya. Sinaktan ang nag-iisang lalaki na hindi nang-iwan sa kanya.
Walang wala na siya. Ang meron na lang sa kanya ngayon ay yakapin ang kapalaran niyang nabubuhay siya ngayon sa matinding pagdurusa at kasalanan.