Mula ng tumuntong ng San Nicholas si Ella ay pinilit niyang maging normal ang buhay niya. Pinipilit niyang kalimutan ang mga nangyari sa kanya. Pinilit niya ang sarili na maging masaya.
Sa bawat paggising niya palagi pa rin siyang nagpapasalamat na nakikita niya ang gabi tapos ay kasunod ang umaga. Tulad ng payo sa kanya noon ni Manong Romy.
Dinadaanan pa rin siya ng bangungot na iyon pero hindi na iyong nakakatakot kasi malayo na siya. Ngayon alam na niya ang kahulugan ng kasal nila ni Jarred na hindi natuloy. Ang piring at ang paglalayo ng lalaking nagpiring sa kanya sa simbahan.
Hindi sila ni Jarred ang para sa isa't-isa. Hindi siya nababagay para sa kanya ang binata kahit sobrang minahal niya ito. Kahit naman lumayo siya at iniwan si Jarred ng walang matibay na dahilan, ay totoo namang minahal niya si ito. Kaya lang dahil lang sa bagay na iyon hindi na talaga sila pwede. Mahirap at masakit, pero kailangang tanggapin.
Sa halos araw-araw na routine ni Ella ay nasasanay na siya. Gigising ng maagap para magtungo sa palengke at magtinda kasama ni Maric tapos ay hapon na uuwi. Ang makapag-aral na pangarap niya noon ay nasa puso na lang niya. Alam niyang hindi na iyon matutupad. Ang mahalaga na lang sa kanya ay may bubong siyang masisilungan. May kamang mahihigaan at pagkaing magiging panangga niya sa gutom.
Naging regular ng kasama ni Maric si Ella sa maliit na pwesto sa palengke ng mapag-alamang may tuberculosis si Nay Angela. Bukod sa bawal itong ma-expose sa madaming tao ay kailangan din nito ng pahinga at anim na buwang gamutan. Kaya kahit papaano ay masaya si Ella sa kakarampot na kinikita niya sa araw-araw ay mayroon siya.
Nadagdagan naman ang paninda nina Maric dahil sa perang bigay ni Ella. Iyon ay tira noong nagpagamot si Nay Angela. Kaya naghati sila sa pwesto. Si Ella ang humaharap sa prutas habang si Maric ang sa gulay.
"Maric pabili nga ng sitaw," ani ng isang ginang na dumadampot ng bibilhin nito. Napatingin naman ito kay Ella. "Kay gaganda ninyong tindera. Wala ba kayong mga balak magsipag-aral na mga bata kayo?" dagdag pa ng ginang na ikinangiti ni Maric.
"Hindi po talaga kaya ng budget ang makapag-aral."
"Sino ba itong dalagang ito? Noong isang araw ko pa sana itatanong. Napakadami lang nabili noon at linggo kaya hindi na ako nakapagtanong."
"Si Ella po. Kamag-anak po namin. Bali solo na po siya sa buhay kaya po kinupkop namin ng inay."
Napatango na lang ang ginang at hindi na muling nagtanong pa. Kinindatan naman ni Maric si Ella pagkaalis ng ginang. Iyon na lang ang palaging sinasabi nila tungkol sa katauhan ni Ella, para wala ng maraming tanong ang mga curious na magtanong.
Mag-iisang buwan na rin sa San Nicholas si Ella. Kahit papaano ay maayos naman ang pamumuhay niya. Malapit ng humapon at dumadalang na rin ang mga mamimili.
"Ella magsara na tayo, wala na ring mamimili sa oras na ito."
"Sige, pero Maric naisip ko lang. May ilang bahayan din naman malapit na inyo. Nakikita ko ang iba ay doon sa tindahan pa sa may bungad bumibili. Bakit kaya hindi tayo magtayo ng munting tindahan sa bahay ninyo. Para may mapaglibangan si Nay Angela. Sa palagay mo?"
Napaisip naman si Maric sa sinabi ni Ella. Matagal na rin nga niyang plano ang bagay na iyon. Kaya lang wala naman silang pang budget pa para sa munting tindahan sa kanila. Isa pa ay wala namang tumatao sa bahay nila sa umaga dahil pareho silang nasa palengkeng mag-ina noon.
"Naku naplano na namin iyan ng inay. Kaya lang kapos sa budget. Alam mo na, lalo na pag hindi nauubos ang panindang gulay nalulugi pa."
"Iyon nga ang dahilan para naman kahit maliit na halaga may pumasok na kita. Ako ang bahala sa kapital. Kahit sa limang libo ay may mapagsimulan. Pasasaan pa at sa palaki din iyon."
"Ewan ko ba Ella. Bakit mula ng dumating ka sa buhay namin ng inay gumaan ang buhay namin? Hindi naman kami humihingi ng malaking biyaya dahil nagpapasalamat na kami sa sapat na. Pero ng dumating ka, ang sapat ay naging sobra-sobra. Hulog ka talaga sa amin ng langit Ella," masayang saad pa ni Maric na ikinangiti lang ni Ella.
"Siguro nga ay hulog ako ng langit. Pero ang langit na ito naranasan na ang impyerno. Baka nga sinusunog na doon ang kaluluwa ko sa kasalanan ko," ani Ella sa isipan. Halos mapalunok pa si Ella ng may magbara sa kanyang lalamunan. Mabuti na lang at nabawi niya ang umuusbong niyang pag-iyak ng tingnan siya ni Maric.
"Ang drama naman ng babaeng ito," aniya kay Maric. "Pagpapasalamat ko lang na kung hindi dahil sa inyo ni Nay Angela, hindi ko na alam kung nasaan na ako ngayon. Pero bago pa tayo magdramang dalawa. Bilisan na natin para umabot tayo sa grocery. Mga pangunahing pangangailangan lang muna ang bilhin natin. Kasi mas mabilis iyong mabenta."
Nagulat na lang si Nay Angela ng paguwi nila ng bahay ay mayroon na silang halos tatlong kahong pinamili. Maaari iyong itinda ni Nay Angela sa may balkonahe ng mga ito. Lalo na at may bakod na kawayan ang pinaka teresa ng bahay. Pwede talagang pagsabitan ng mga paninda. Ang mga sardinas naman ay sa isang maliit na table na nandoon.
"Ano ang mga iyan anak, Ella?" tanong ni Nay Angela ng makaalis ang tricycle driver na sinakyan nila.
"Inay naisip po ni Ella na mamili kami ng kaunting grocery para ang ilan nating kapitbahay ay dito na bibili. Mas malapit naman po dito kay sa doon sa may bungad," paliwanag ni Maric.
"Ay paano ang puhunan natin anak sa palengke. Hindi natin pwedeng pabayaan iyon. May renta tayo doon palagi na dalawang libo sa isang buwan. Magtinda ka man o hindi. Kaya dapat ay palagi tayong nakakapagtinda," nanlulumong saad ng matanda.
"Nay Angela, " agaw pansin ni Ella dito. "Napag-usapan na po namin iyan ni Maric. Ako po ulit ang maglalabas ng puhunan para sa idedeliver na mga gulay sa atin bukas. Wag po kayong mag-alala at mababayaran po natin iyon. Habang kayo naman po ay nandito malilibang din po kayo sa maliit na tindahan. Sana po ay wag kayong magalit sa kapangahasan naming dalawa ni Maric. Lalo na po at ako ang gumawa ng aksyon ng hindi kumukunsulta sa inyo," nakatungong saad ni Ella ng lapitan siya ng ginang at ni Maric.
Niyakap naman siya ng dalawa. "Bakit mo ba ito ginagawa Ella? Ang laki ng tiwala mo sa aming mag-ina. Halos ibuhos mo sa amin ang perang dala mo. Gayong sabi mo ay kaunti lang naman iyon kaya ka nga pumasok na tindera sa maliit naming pwesto. Bakit mo ito ginagawa?" tanong pa ni Nay Angela.
"Una po sa lahat nagbabawas po ng kasalanan," natatawang saad pa ni Ella. "Nay Angela, Maric, hindi po ako naging mabuting anak. Hindi po ako naging mabuting kasintahan. Hindi po ako mabuting tao. Pero sana naman po ay sa simpleng gawa kong ito, maipakilala ko ang sarili ko sa inyo, ang tunay na ako. May malalim po akong dahilan, siguro po paghanda na ako sasabihin ko rin ang problema. Sa ngayon nagpapasalamat po ako sa pagtatanggap ninyo sa akin," paliwanag ni Ella ng mas naramdaman pa niya ang mahigpit na yakap ng mag-ina.
Ilang sandali pa at si Maric na ang bumitaw. "Tama na nga, mula ng dumating si Ella naging madrama na tayo inay. Tayo naman ay maging masaya lalo na at magkakaroon na tayo na munting pagkakakitaan dito sa bahay. Bukod pa ang sa palengke. Nakakatuwa lang," saad naman ni Maric.
"Anak ikaw na ang mag-ayos niyan at ako ay magluluto na ng panghapunan nating tatlo. Ella, salamat ulit. Magpahinga ka na muna Ella ipapatawag na lang kita kay Maric pag nakaluto na ako. May gusto ka bang kainin?"
Napaisip naman si Ella, bigla tuloy ay para siyang naglaway sa tanong sa kanya ni Nay Angela. "Hindi ko po alam nay parang gusto ko ng maasim na sabaw."
Napaisip pa ang matanda kung ano ang masarap lutuin na maasim na sabaw. "Gusto mo ba ng paksiw na bangus o sinigang na bangus? May gulay naman tayo dito. Tamang-tama at sa panindang binili ninyo ay mayroong sinigang mix. Anong gusto mo Ella?"
"Parang gusto ko po ng sinigang na bangus. Tapos po ay maraming ampalaya," halos magningning ang mga mata ni Ella sa naisip na ulam. Parang gustong-gusto niyang higupin ang sabaw ng maasim na sinigang na may mapait na ampalaya.
Napangiwi naman si Maric sa sinabi ni Ella, habang napakunot noo ang kanyang inay.
"Sigurado ka Ella sa gusto mo? Gusto mo talaga ng sinigang na may ampalaya?" tanong pa ni Maric.
"Oo gustong-gusto ko."
"Sige na Ella magpahinga ka muna ipapatawag na lang kita kay Maric pag nakaluto na ako."
Mabilis namang tumalima si Ella at hinayon ang palabas ng bahay at tinungo ang bahay na tinutuluyan niya. Halos apat na hakbang lang naman ang layo noon sa bahay nina Maric. Kaya naman hindi siya natatakot na mag-isa.
Nang makapasok si Ella sa loob ng bahay ay mabilis na lumapit si Maric sa ina. "Inay mali po ba ako ng hinala?"
"Anak parang iisa tayo ng hinala. Napakabata pa ni Ella. Pero wala naman tayong magagawa. Nandito lang tayo para sa batang iyon. Wala man akong alam sa pinagmulan niya, sa mga pinagdaanan niya. Pero mula ng isinama mo dito si Ella alam kong may mabigat siyang problema. Pero masaya akong kahit papaano ay lumalaban si Ella hindi katulad ng iba na basta na lang sumusuko."
"Tama po kayo inay. Kung talagang tama ang hinala ko. Nandito lang din po ako para kay Ella."
"Sige na, ayusin mo na iyan at magluluto na ako."
"Pero seryoso inay sa sinigang na bangus na may ampalaya?" nakangiwing saad pa ni Maric na ikinatawa ng ina.
"Malay mo naman at masarap. Pait lang naman anak ang bago. Kaya makakain natin iyon," natatawang saad pa ng ina kaya natawa na rin lang siya.