Chapter 13 Seen with his Naked Eye

2171 Words
Chapter 13 Raine NANG tuluyang mawala sa paningin namin si Usman. Hawak kamay kami ni Nick habang lumalabas sa pulungan. Ramdam ko ang bawat t***k ng puso ko, hindi lamang dahil sa mga banta ni Usman, kundi dahil sa bigat ng mga mata ng mga taong nakatingin sa amin. Alam kong marami pa rin sa kanila ang may pagdududa kay Nick, at naiintindihan ko iyon. Pero higit sa lahat, alam kong mahal ko siya at iyon ang dahilan kung bakit handa akong ipaglaban ang aming pagmamahalan. Nang marating namin ang gitna ng tribu, napansin ko ang mga naghihintay na tao, nag-aabang sa anunsyo ng aking ama. Ang ilan ay nag-uusap, at alam kong ang kasal namin ni Nick ang sentro ng kanilang mga usapan. Alam kong hindi madali para sa kanila na tanggapin si Nick bilang kabiyak ko, lalo na’t matagal nang nakatakda ang aking kasal kay Usman. Pero buo na ang loob ko, at handa akong harapin ang lahat ng ito kasama siya. Tumigil kami sa gitna ng tribu, at narinig ko ang malalim na hininga ni Nick. Lumingon ako sa kanya, at nakita ko ang determinasyon sa kanyang mga mata. Tumingin din siya sa akin, at isang banayad na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. "Handa ka na ba?" bulong niya, puno ng kasiguruhan ang tinig. Tumango ako, at sabay kaming humarap sa harap ng aming tribu. Ramdam ko ang suporta ng aking ama sa kabila ng lahat, at iyon ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Tumayo ang aking ama sa mataas na plataporma, at nagsimula siyang magsalita. "Mga anak ng tribu Ilongot," malakas at matatag ang kanyang tinig, "—nais kong ipaalam sa inyo na sa nalalapit na kabilugan ng buwan, ikakasal ang aking anak na si Dayang kay Nick." Saglit na katahimikan ang bumalot sa paligid bago nagsimula ang mga bulungan ng mga tao. Alam kong hindi ito ang inaasahan nila, ngunit alam ko rin na ito ang tamang desisyon para sa akin. "Mahal kong mga kasama," patuloy ng aking ama, "—hindi madali para sa akin ang desisyong ito. Alam kong marami sa inyo ang nagtatanong kung bakit hindi si Usman, ngunit nais kong ipaalam sa inyo na ang desisyon na ito ay ginawa sa pagkakaisa at pagmamahal. Si Nick ay ipinakita na ang kanyang dedikasyon sa ating tribu, at handa akong bigyan siya ng pagkakataon." Malakas na sigaw ng aking amang hari sa lahat. Nang marinig ko ang mga salitang iyon mula sa aking ama, napangiti ako. Alam kong hindi niya ito sinasabi nang walang dahilan. Ang kanyang mga mata ay puno ng pag-unawa, at naramdaman ko ang kanyang pagtanggap kay Nick bilang bahagi ng aming pamilya. Ngunit bago pa matapos ang pag-anunsyo ng aking ama, biglang may nagpatuloy sa harap ng mga tao. Isa ito sa mga matatanda ng tribu, ang pinaka-respetado sa lahat. Nakita ko ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata, ngunit wala akong takot. Tumindig ako nang mas matuwid, handa akong pakinggan ang kanyang sasabihin. "Dayang," mahinahon niyang sabi, "—batid kong ikaw ay nagmamahal, ngunit nais ko lamang ipaalam sa iyo ang aming pag-aalala. Ang kasal ay isang sagradong bagay para sa atin, at ang pagpili ng iyong kabiyak ay hindi dapat minamadali. Si Nick ay isang dayuhan, at bagaman siya ay tinanggap na ng iyong ama, nais naming masigurado ang kanyang intensyon sa iyo. Dahil ikaw ang prinsesa ng tribong ito, ikaw ang susunod sa kanyang yapak at hindi naman yata tama ng isang estranghero ang magiging hari ng ating tribu." Naghiyawan ang mga tao. Inawat niya ang mga ka tribu para tumigil sila. Natahimik ang lahat, nag-aabang sa aking sagot. Ramdam ko ang kabigatan ng mga salita ng matanda, ngunit ramdam ko rin ang katotohanan sa puso ko. Tumikhim ako, at sumulyap kay Nick. Isang nakakaunawang ngiti ang itinugon niya. Kaya mas lalong lumakas ang loob ko. "Hindi ko minamadali ang desisyong ito," sagot ko, buo ang loob at puno ng emosyo. "Napagisipan kong si Nick ang taong nais kong makasama habambuhay. Alam kong hindi madali para sa inyo na tanggapin ito, ngunit hinihiling ko na pagkatiwalaan ninyo ako, tulad ng pagtitiwala ko sa kanya." Nagkaroon ng mahabang katahimikan, at naramdaman ko ang pag-tingin ng mga tao sa akin at kay Nick. Alam kong hindi lahat ay magiging madali, pero handa akong harapin ang lahat ng ito. "Kung ganoon," sabi ng matanda, "—ipinagkakaloob ko ang aking basbas sa inyong kasal. Ngunit tandaan ninyo, Nick, ang tribu na ito ay mahalaga sa amin. Kung hindi mo tunay na mahal si Dayang, ikaw ay may pananagutan sa aming lahat." Nick nodded, at nakita ko ang sinseridad sa kanyang mga mata. "Mahal ko si Raine," sagot niya, "...at gagawin ko ang lahat para mapatunayan sa inyo na karapat-dapat ako sa kanyang pagmamahal." Napangiti ako at sapat ang mga salitang iyon, naramdaman ko ang pagbuhos ng suporta mula sa aming tribu. Naghiyawan silang lahat bilang sa pagtanggap sa amin. Matapos ang anunsyo, nagsimula na ang mga paghahanda. Ang buong tribu ay abala, puno ng buhay at saya, habang inaasikaso ang mga detalye ng nalalapit naming kasal. Agad kumilos ang buong tribu para sa aming kasal. Habang abala ang buong tribu sa paghahanda para sa nalalapit naming kasal, naglakad-lakad kami ni Nick sa buong paligid ng tribu. Ang mga kababaihan ay nagtatali ng mga bulaklak at naghahabi ng mga dekorasyon, habang ang mga kalalakihan naman ay naghahanda ng mga pagkain at mga kagamitan para sa seremonya. Ramdam ko ang saya at kasabikan sa kanilang mga kilos, ngunit sa kabila ng lahat, nararamdaman ko rin ang bigat ng isang bagay na tila bumabagabag kay Nick. Kanina ko pa napapansin na tila, may gumugulo sa isip niya. Habang naglalakad kami, bigla siyang tumigil at tumingin sa akin, seryoso ang mukha. "Raine," simula niya, medyo nag-aalinlangan ang boses, "pwede ba kitang tanungin tungkol sa inyong Anito?" Napatigil ako at hinarap siya. Hindi ko inaasahan na magtatanong siya tungkol doon, lalo na sa oras na ito. Ngunit ramdam ko ang kanyang sinseridad, kaya’t tumango ako bilang tugon. "Bakit?" tanong ko, hinuhulaan ang mga posibleng dahilan ng kanyang interes. "Ano ang nais mong malaman?" Sumandal siya sa isang puno at inekes ang dalawang binti, na parang nag-iisip ng maayos na paraan para ipahayag ang kanyang nais sabihin. "Nabanggit mo na sa panahon ng kabilugan ng buwan, nagbibigay kayo ng pasasalamat sa inyong Anito," sabi niya, tila sinusukat ang bawat salita. "Ano ba talaga ang inyong Anito? Paano siya nakakaapekto sa inyo at sa inyong tribu?" Nagsasalubong ang kilay ko dahil sa kuryusidad sa kanyang mga mata. Ngumiti ako, naalala ang mga kwento ng aking ama noong bata pa ako. "Ang aming Anito," simula ko, "ay isang sagradong nilalang na aming sinasamba at pinaniniwalaang nagbibigay sa amin ng proteksyon at kasaganaan. Siya ang aming gabay, ang nagbibigay-buhay sa aming lupa at kalikasan. Sa bawat kabilugan ng buwan, binibigyan namin siya ng handog bilang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap namin." Maragan na tumango–tango si Nick, ngunit hindi pa rin nawala ang kuryusidad sa kanyang mukha. "At ang mga handog na ito, saan ito inilalagay? May sagradong lugar ba kayo para sa Anito?" Hinawakan ko ang kanyang kamay, naramdaman ko ang lamig nito sa kabila ng mainit na araw. "Oo," sagot ko, "may isang sagradong lugar sa loob ng gubat kung saan kami nag-aalay ng mga handog. Doon kami nagtitipon upang magdasal at magbigay ng mga alay sa kanya. Sa tuwing kabilugan ng buwang nagdadasal kami sa kanya." Napansin ko ang pagliwanag ng mga mata ni Nick sa aking sinabi. Hindi ko alam kung bakit, pero tila may kakaibang interes akong nakikita kay Nick. "Bakit mo tinatanong ito, Nick?" tanong ko, medyo nag-aalala. "Mayroon bang bumabagabag sa'yo?" Bahagya siyang ngumiti, ngunit hindi ito umabot sa kanyang mga mata. "Wala naman, gusto ko lang mas maunawaan ang inyong kultura," sagot niya, na tila pilit na nagpapakumbaba. "Mahalaga sa akin na malaman ang lahat ng bagay na mahalaga sa'yo. Malapit na kitang maging asawa, Raine , dapat lang siguro na alam ko, diba?" Ngumiti ako at niyakap ko siya, ramdam ko ang t***k ng puso niya sa dibdib ko. "Salamat, Nick," bulong ko. "Pero sana huwag kang mag-alala ng sobra. Ang ating Anito ay mapagpala at mabait. Hangga't ipinapakita natin ang ating pananampalataya, patuloy tayong gagabayan at iingatan niya." Pagak siyang ngumito. At tumango si Nick, ngunit alam kong may mga bagay siyang hindi pa sinasabi. Ngunit sa ngayon, pinili kong manahimik. Alam kong darating ang oras na magiging handa siyang ipahayag ang lahat ng nasa loob niya. Habang patuloy ang aming paglalakad, nakatingin si Nick sa direksyon ng gubat, tila iniisip ang mga bagay na hindi niya kayang ibahagi. Nagpatuloy ang aming paglalakbay, at sa kabila ng saya ng mga naghahanda para sa aming kasal, ramdam ko ang isang hindi maipaliwanag na kaba sa loob ko. Habang naglalakad kami pabalik sa sentro ng tribu, biglang tumigil si Nick at hinila ako palapit sa kanya. "Raine," sabi niya, seryoso ang boses, "gusto kong makita ang Anito niyo." Napakunot ang noo ko at nag-aalangan. "Bakit, Nick?" tanong ko, ramdam ang kabang nagsisimulang umusbong sa dibdib ko. "Hindi basta-basta pinapakita ang sagradong lugar na iyon, lalo na sa mga dayuhan." Hinawakan niya ang kamay ko nang mas mahigpit, tila ipinapakita ang kanyang sinseridad. "Mahal kita, Raine, at gusto kong malaman ang lahat ng bagay na mahalaga sa'yo. Nais kong makita ang lugar na iyon para mas maintindihan ko ang paniniwala at kultura niyo." Tinitigan ko siya, pilit na binabasa ang kanyang intensyon. Alam kong hindi madali para sa aming tribu na magbukas ng ganitong klaseng sagradong kaalaman sa iba, ngunit si Nick ito, ang lalaking pinili kong mahalin. Sa kabila ng pag-aalangan, nangingibabaw ang tiwala ko sa kanya. Sunod–sunod akong tumango. "Sige," sagot ko sa wakas, kahit may bahagyang pagdududa pa rin. "May tiwala ako sayo, Nick. Ipapakita ko sa'yo, pero kailangan mong pangako na igagalang mo ang lugar at hindi mo sasabihin kahit kanino." Mabilis siyang tumango, ang mga mata ay puno ng determinasyon. "Pangako, Raine. Hindi kita bibiguin." Matapos ang ilang minutong paglalakad, sinimulan kong gabayan si Nick patungo sa sagradong lugar. Ang gubat ay tahimik, ang mga puno ay tila nagbabantay sa bawat hakbang namin. Habang papalapit kami sa lugar, ramdam ko ang bigat ng responsibilidad sa aking mga balikat. Ang lugar na ito ay sagrado, at alam kong hindi dapat basta-basta ipakita ito sa kahit sino. Sa wakas, narating namin ang bibig ng kweba. Tulad rin ito sa maliit na kweba na pinuntahan namin pero di mas hamak na malaki ito kumpara roon. Natatakpan rin ito ng makakapal na damo at halaman, halos hindi rin mapapansin na may kweba pala rito. Tumigil ako sa harap ng nakatagong pasukan, humarap kay Nick, at nagbigay ng isang huling paalala. "Ito ang lugar kung saan kami nag-aalay ng mga handog sa aming Anito," pahayag ko, mababa ang boses. "Ang kweba na ito ay sagrado at hindi dapat bastusin. Sundin mo lang ako, at tandaan mong igalang ang bawat bahagi ng lugar na ito." "I understand, Raine," sang ayon niya. "Pasok tayo," sabi ko, sa mahina na boses. "Pero mag-ingat ka, Nick. Ang kweba na ito ay sagrado at dapat igalang. Hindi mo ito pwedeng lapastangin, Nick," ulit kong paalala. Tahimik siyang tumango, at pumasok kami sa loob. Habang naglalakad kami papalalim, dama ko ang lamig ng hangin at ang bigat ng katahimikan sa paligid. Sa loob ng kweba, halos hindi namin makita ang daan dahil sa dilim. Kumuha ako ng isang maliit na sulo mula sa gilid ng pader, sinindihan ito, at agad na nagliwanag ang buong paligid. Ang mga anino mula sa apoy ay sumayaw sa mga pader ng kweba, at unti-unti, lumitaw sa aming harapan ang altar ng aming Anito. Sa gitna ng altar, nagniningning sa liwanag ng apoy ang isang malaking gintong Buddha—halos kasing laki ng isang tao. Ang kanyang anyo ay puro ginto, nagliliwanag ito sa bawat sulok ng kweba, tila ba nagbibigay ito ng isang banal na presensya. Habang nakatitig si Nick sa gintong Buddha, napansin ko ang kakaibang kislap sa kanyang mga mata. May kung anong pagnanasa, isang uri ng kasakiman, na biglang sumiklab sa kanyang tingin. Napatigil ako, biglang nag-aalangan sa desisyon kong ipakita ito sa kanya. "Nick..." tawag ko sa kanya, ang boses ko ay bahagyang nanginginig. "Heto ang aming Anito. Dito kami nag-aalay at humihingi ng gabay at proteksyon." Tahimik pa rin siya, ang mga mata niya'y tila nakadikit sa gintong Buddha. Para bang ngayon lang siya nakakita ng ganito kagandang bagay, at alam kong hindi simpleng paghanga ang nararamdaman niya. May isang bagay na nagkukubli sa likod ng kanyang mga mata—isang bagay na nagpaparamdam sa akin ng pangamba. "Salamat, Raine," bulong ni Nick, ngunit sa kabila ng kanyang mga salita, hindi nawawala ang kislap na iyon sa kanyang mga mata. Sa kabila ng lahat, ipinagdasal kong sana'y mali ang aking nararamdaman, at na sana'y tunay na pag-unawa at hindi kasakiman ang nagtulak sa kanya para makita ang aming Anito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD