ARABELLA
"Mama, graduate na po ako at valedictorian pa. Tingnan niyo po ang medal ko." May pagmamalaki kong sabi.
Mula sa harap ng puntod ay hinubad ko ang suot na medal sa aking leeg at iniharap sa puntod para ipakita sa namayapa ko nang tunay na ina.
"Sana po Mama, proud po kayo sa akin tulad po nila Tatay Nestor at Nanay Jona." Nakaramdam ako ng lungkot.
Mas masaya siguro ako ngayon kung magkakasama sila, nila Tatay at Nanay sa pagsabit ng medalya sa akin.
Naramdaman ko ang palad ni Tatay sa balikat ko. Tiningala ko siya at pilit na ngumiti.
"Sigurado kami ng Nanay mo, kung nasaan man ngayon ang Mama mo, sigurado sobrang proud na proud siya sa 'yo." Ani Tatay na nagpagaan ng kalooban ko kahit paano.
Bata pa lang daw ako nang mamatay si Mama sa isang aksidente. Mayroon din akong kakambal na inampon ng mag-asawang mayaman at dinala sa America.
"Beshe, dalaga na talaga ang anak mo, at napakaganda parang ikaw. Pero sana naman magpakita ka sa panaginip niya at takutin mo siya at sabihin na huwag na munang magpaligaw!" napabuka ang bibig ko sa narinig na iyon mula kay Nanay.
"Nanay naman, hindi naman po ako nagpapaligaw a, magtatapos muna po ako at tutulong sa inyo ni Tatay. Pag-aaralin at patatapusin ko rin po muna si Lito ng kolehiyo," ang nakanguso kong sabi.
Napahagikgik si Nanay. "Parami nang parami kasi ang nagkakagusto sa 'yo sa barangay natin, nag-aalala lang ako at baka maaga kang makapag-boyfriend."
"Marami nga, pero hindi naman sila pinapansin nitong anak natin," ang pakli ni Tatay sa katuweran ni Nanay.
"Tama po kayo, Tay. Napakabata ko pa para diyan," segunda kong sabi.
"Huwag kang mag-alala Beshe, gagawin namin ang lahat ni Nestor para makatapos ng pag-aaral si Arabella sa kolehiyo. Itataguyod namin siya pangako iyan, gaya ng pangarap mo para sa anak mo, magtatapos siya." Umiiyak na ani Nanay Jona.
"Ang ganda ganda siguro ng Mama mo, Ate kasi ang ganda ganda mo e," anang kapatid kong si Lito. Nag-iisang totoong anak nila Nanay Jona at Tatay Nestor.
" Aba, oo naman. Napakaganda talaga ng best friend kong iyon, kamukhang kamukha niya si Arabella."Biglang sumiglang pagmamalaki ni Nanay. Nag-tsk si Lito.
"Sayang, sana siya na lang ang Nanay ko e, 'di sana magandang lalake rin ako- aray naman Nay!" Ang malakas na piksi niya nang kurutin siya ni Nanay sa tagiliran.
"Anong akala mo sa akin napakapangit?"
"Hindi naman po Nay, pangit lang po tanggalin n'yo na 'yong napaka--Ah!" napahagikgik kami ni Tatay nang maghabulan na naman si Nanay at Lito.
"Joke lang Nay, hindi naman kayo mabiro, pero thankful talaga ako at kamukha ko si Tatay!" ang sigaw pa rin niya habang nagpapaikot-ikot silang dalawa.
Napakamalokong bata at laging nitong binibiro si Nanay Jona.
"Anak doon muna ako sa puntod nila Lolo at Lola mo, " paalam ni Tatay at tinuro ang puntod kung saan naman nakalagak ang kaniyang ama at ina.
Tipid ang ngiti kong marahang tumango sa kaniya. Alam ko, gusto lamang nilang mapag-isa ako dito sa harap ng puntod ni Nanay para kahit paano makausap ko siya ng sarilinan.
Saglit muna akong napatitig sa lapida kung saan nakaukit ang kaniyang pangalan.
"Mama, huwag na po kayong mag-alala sisikapin ko pong makatapos ng pag-aaral. Matratrabaho po ako ng husto at hahanapin ko po si Arabelle para sa inyo." Nag-init ang mga mata ko. Inalala ang nawalay na kapatid, lagi rin kasing laman ng isip ko kung nasaan na siya. Kung maayos ba ang kalagayan niya at kung alam nitong may kakambal siyang umaasa na makikita siyang muli pagdating ng araw.
"Pangako ko po iyan Mama, hahanapin ko po siya at kapag natagpuan ko na po siya dadalhin ko po siya sa inyo. Makikita niyo po ulit siya Mama. Balang araw makikita n'yo po kaming magkasama ng kambal ko." Pinahid ko ang masaganang luhang namalisbis mula sa aking mga mata.
Napaupo ako sa harap ng puntod niya at tahimik na umiyak. Naaksidente si Mama sa araw mismo nang puntahan niya si Arabelle para dalawin.
Mabait daw sa kaniya at parang pamilya ang turing na pinakita ng mag-asawang iyon kaniya kaya madali siyang nagtiwala.
Wala raw kakayahang mabuntis ang among babae ni Mama. Kaya naman nang alokin daw siya nito ng malaking halaga para sa aking opersayon, kapalit ng pagpapa-ampon sa aking kakambal ay pumayag siya.
Napilitan daw siyang ipaampon sa mag-asawa niyang amo ang aking kambal na mas nakakatanda sa akin dahil wala siyang kakayahang ipagamot ako.
Minsan, kahit sinasabi nila Tatay at Nanay na wala akong kasalanan, hindi ko maiwasang sisihin ang aking sarili sa mga nangyari.
Kung pinanganak lamang akong walang sakit siguro, masaya kaming magkakasama ngayon.
Hindi mararamdaman ni Mama ang pagiging ulila niyang lubos dahil kasama niya kami ni Ate Arabelle. Napatingala ako sa langit.
Hindi ko mapigalan ang muling pagbukal ng luha sa mga mata ko.
"Saan ka na kaya, Ate? Sana gabayan ako ni Mama papunta kung saan ka man naroon para balang araw makasama na kita," ang tumatangis ko pa rin na sabi.
**
"Huwag ka na ngang malungkot diyan, pati ako nahahawa e." Ani Mena habang nagpupunas ng mga luha.
"Akala ko ba sabay tayong magkokolehiyo? sabay tayong ga-graduate at magiging nurse?" ang tangis ko.
"Akala ko nga rin e, kaso walang wala talaga kami ngayon. Ang sabi ni Nanay, unang patatapusin muna si Kuya at kapag may trabaho na ito at gusto ko pang magpatuloy sa kolehiyo, do'n pa lang ako makakapag-aral." Ang malungkot na aniya.
Pinuntahan niya ako dito sa bahay namin para sabihing aalis na siya sa paparating Linggo upang lumuwas pa Maynila.
May nahanap na raw na trabaho para sa kaniya ang kaniyang tiya at mag-uumpisa na nga raw siya sa Lunes.
Tatlong araw ko na lang pala siya makakasama at siguro, matagal tagal kami ulit na magkikita.
Akala ko pa naman sabay kaming ma-e-enroll sa isang unibersidad dito sa probensya namin sa Pangasinan. Excited pa naman ako.
Tapos saka lang niya sasabihin na hindi siya makapagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa problemang financial.
"Kung mayaman lang sila Nanay at Tatay, baka magmakaawa na lang akong pag-aralin ka rin para sabay tayo, pero sa akin pa lang alam kong mahihirapan na rin sila." Ang tangis ko. Nagyakapan kaming dalawa.
"Okay lang ako Besh, mag-iipon na lang muna ako. Malay mo suwertehin ako sa Maynila at sa susunod na pasukan, makapag-enroll na rin ako." Hindi ko pa rin mapigilan ang pagtangis ko.
"Tama na 'yan Besh magkikita pa naman tayo e, babalik pa rin ako dito sa baryong malubak ang daan na ito," tumawa siya. Alam kong pinipilit lang din niyang maging masaya.
"Nalulungkot lang ako dahil ngayon pa lang, nami-miss na kita."
"Ano ka ba. Hahabol na lang ako sa 'yo. O, kung malungkot kang talaga na hindi tayo magkasabay sa kolehiyo, e, 'di huminto ka na lang at sumama sa akin para magtrabaho?" Bigla akong natigilan at napangiwi. Naisip ko ang mga pangako ko kay Mama at ang balak kong paghahanap kay Ate.
"Sayang ang taon Mena at kung gustuhin ko mang sumama sa iyo sa Maynila siguradong hindi ako papayagan nila Tatay at Nanay-"
"Joke lang," tumawa siya.
"Alam ko naman na hindi ka papayagan ng Tatay at Nanay mo. Isa pa tama ka, sayang ang taon kung mapapalipas mo lang Mena." Nakakaunawang niyakap akong muli ni Mena napagkasunduan namin na sulitin na lang ang tatlong araw na nalalabing magkasama kami kaya sa loob ng tatlong araw ay nagpupunta nga siya sa amin sa hapon at kasama kong nagbabantay ng tindahan.
Pero ang tatlong araw ay matuling lumipas at hindi na kami nakapag-usap ng personal bago siya umalis.
Madaling araw ng Linggo kasi nang bumiyahe
siya.
At mukhang nami-miss na rin ako ni Mena kakaagad dahil nang huling gabi bago siya umalis ay nagawa pa niya akong pag-trip-an.
Mena: Besh saan ka nagpunta kanina bihis na bihis ka a, bagay na bagay sa iyo ang ayos mo nagmukha kang mayaman.
Ako: Sira. Sa tingin mo saan naman ako nagpunta? E, narito lang naman ako sa bahay at nagbabantay ng tindahan.
Nakangisi kong sabi at pinindot ang send.
Then bumabol ako ng pangalawang text.
Ako: Nami-miss mo na ako Besh, huwag ka na lang kayang umalis.
With crying emoji.
Mukhang nakaabang lang siya sa text ko. Napakunot ang noo ko at umalon ang dibdib ko nang mabasa ang text niya,napagtanto kong seryoso siya at hindi nagbibiro.
"Nakita talaga Besh sa may labasan. Tinawag nga kita pero hindi mo yata ako narinig dahil hindi mo ako pinansin. Agad ka nang sumakay ng dyip. Baka nga nami-miss na kita at namamalikmata na ako.
Agad kong in dial ang numero niya dahil hindi maawat ang kaba sa aking dibdib.
Kilala ko si Mena, alam ko seryoso ito at hindi nagbibiro.
Parang may kung anong bagay naman ang tila naglilikot sa isip ko.
Kamukha ko, hindi kaya?
Possible naman 'di ba? Pero bakit hindi siya nagpakita?
Nakapag-enroll nga ako sa isang malapit na unibersidad dito sa probensya namin.
Nursing ang kinuha kong kurso at kahit magastos ang kursonh iyon ay nakikita kong nagsisikap talaga sila Nanay at Tatay para makapagtapos ako.
Hindi nawala ang kumunikasyon ko kay Mena walang araw na hindi kami nagkakakumustahan sa social media at sa text.
Hanggang sa buwan, taon ang matuling lumipas.
Nagawang makapagbakasyon ni Mena ngunit saglit lang. Sa pangalawang taon ay hindi pa rin nito nagawang makapag-enroll sa kolehiyo. Samantalang nagpatuloy naman ako sa pangalawang taon.
"Papasok ka pa ba talaga sa lagay na iyan? Namumutla ka e," ang dinig kong ani Nanay kay Tatay.
"W-wala ito, kaya ko pa naman."
"Magpatingin ka na kaya sa doktor, kinakabahan na ako Nestor ilang araw ka nang ganiyan." Lumabas ako ng kuwarto.
Nakabihis at handa na para pumasok sa eskuwela.
"Oo nga po Tay, magpatingin na po kayo sa doktor mas mabuti iyong nakakasiguro tayo.
Ang putla niyo po, at napapansin ko rin na lagi kayong nakangiwi. Huwag niyo na pong pilitin Tay kung may nararamdaman kayo mag-aalala lang po kami ng husto ni Nanay."
"Naku, lumalabas na ang pagka-nurse ng anak ko a. Pero huwag kayong mag-alala, kayang kaya ko 'to at kung sakaling hindi ko na kaya e, ako na ang kusang pupunta sa doktor para magpatingin." Alam kong pilit lang ang ngiti niya.
Nag-tsk si Nanay at pumasok sa kusina.
"Naku Nestor, may sinat ka na mula pa kagabi pinagpipilitan mo pa. Bakit hindi ka na lang makinig sa amin ng anak mo? Binalingan ako ni Nanay.
"Heto ang baon, Anak." Ang abot ni Nanay ng aking baon at pamasahe.
Halos napapako ang mga paa ko dahil nag-aalala pa rin ako sa kalagayan ni Tatay. Nakikita ko kasing may kakaiba talaga siyang nararamdaman.
"Sige na, Arabella at baka mahuli ka na sa eskuwela." Ang pagtataboy ni Nanay sa akin.
Tinanguhan naman ako ni Tatay pareho ko silang binigyan ng halik sa pisngi at nagpaalam na.
Ala una ng hapon nang makatanggap ako ng text mula kay Nanay. Umalon agad ang dibdib ko sa pinaghalong kaba at pag-aalala.
Nanay: Sinugod namin sa ospital ang Tatay mo, nawalan siya ng malay.
Nanlalaki ang mga mata ko. Nanginginig ang kamay na dial ko ang number ni Nanay.