Nagmamadali si Maggy na tinungo ang building kung saan ang huling klase ni Charlie. Medyo nahuli siyang nakalabas sa kanyang huling subject, dahil sa sobrang daldal ng kanilang professor. Agad naman niyang natanaw si Charlie na pinagkakaguluhan ng mga babae.
‘Mga hitad, hindi kayo talo niyan. Pareho kyo ng type!’ sabi niya sa sarili.
“Babe, halika na. Hinihintay na tayo nila ninang.” Sabay angkla sa kaliwang braso nito.
Naglakihan naman ang mga mata ng mga babae sa paligid niya, at unti-unting tumabi sa kanilang daraanan. Madalas nilang gawin ito lalo na kapag gusto nilang itaboy ang mga babae, o lalake na umaaligid sa isa’t-isa.
“Babe, buti naman at dumating ka na! Kanina pa ako naghihintay,” ganting sabi naman ni Charlie, saka masuyo siyang hinalikan sa ulo.
“Ahhh, girls sorry, taken na kasi ako saka selosa ‘tong babe ko. Sige mauuna kami.” Sabay pasimple na siyang hinila ni Charlie. Nang makalayo sila, ay saka sila humagalpak ng tawa.
“Nakita mo iyong pamumutla ng mukha no’ng isang girl?” Tatawa-tawang sambit pa niya dito.
“Ayyy, chacka sis! Grabe kulang na lang lamunin ako ng buhay ng mga iyon. EEEwwww!” Nandidiring sambit naman ni Charlie.
“Itsura mo gagi! Halika na nga para maaga kang masistensyahan.” Biro niya sa kaibigan na agad sumimangot sa kanya.
Naglakad sila nang kaunti sa may sakayan ng tricycle, at sumakay agad sa unang tricycle na nakaparada doon. Agad silang nakarating sa bahay ng mga Rivero. Pagbabang-pagbaba nila ng tricycle, huminto muna sila sa gate bago buksan iyon.
“Kaya natin ito sis. Fighting!” magkapanabay pang sabi nila.
Agad silang nagtungo sa kusina upang hanapin ang mommy ni Charlie. Maswerte naman sila at nandoon ang ginang. Wala pa ang daddy ni Charlie, kaya napagdesisyunan muna nilang kausapin na ang ina nito.
“Mabuti naman at naisama mo dito si Maggy anak,” magiliw na sabi ng ginang sa kanila.
“Opo ninang. May sasabihin po kasi si Charlie sa inyo. Sinamahan ko lang po.” Umpisa niya.
Bahagya pa silang nagsisikuhan ni Charlie, na napansin naman ng ina ng huli.
“Ano ba iyon at parang nagtuturuan pa kayo? ‘Wag niyong sabihin na…” Natutop pa nito ang bibig, at nanlalaki ang mga matang nagpapalit-palit pa ng tingin sa kanila.
Nagkatinginan naman sila ni Charlie, at nang makuha ang ibig sabihin ng ina nito ay sabay silang napailing.
“No mommy! Walang nangyare sa amin ni Maggy okay? Kumalma ka mother.” Hindi na napigilan ni Charlie na magsalitang baklush sa harap ng ina.
“Ganito kasi yun mommy… I-promise mo muna na hindi mo ako itatakwil bilang anak mo,” sabi pa nito.
“Teka nga at maupo tayo ng makapag-usap tayo ng maayos.” Humila ito ng upuan saka naupo.
Ginaya naman nila ito, at magkatabing naupo paharap sa ina ni Charlie.
“Mommy mag-promise ka na muna,” ulit ni Charlie sa ina.
“Oo na promise hindi kita itatakwil anak. Ano ba kasi yun?” naguguluhan pa ding tanong nito.
“Ano kasi mommy eh…” Halatang tense na tense na si Charlie, at nilalaro-laro pa nito ang laylayan ng polo ng uniform nito.
Siniko naman niya ito at pinanlakihan ng mata.
“Ninang, Bakla po si Charlie.”
“Mommy, Bakla po ako.” Magkapanabay na bulalas nila.
Gulat na gulat naman ang ina nito sa kanilang rebelasyon.
“Mommy, bago ka mag-react patapusin mo muna ako.” Agad na awat ni Charlie sa ina bago pa makapagsalita ito.
“Kaya po ayaw ko ng mga courses na ipinapakuha niyo sa akin. Gusto ko po kasi sanang fashion design ang kunin ko. Bata pa lang ako mommy iyon na talaga ang hilig ko.” Tumutulo na ang luha nito na agad naman ding pinapahid nito.
“Charlie, bakit hindi mo sinasabi sa amin anak? Maiintindihan ka naman namin ng Daddy mo.” Madamdaming pahayag ng ina nito.
“Natatakot po kasi ako mom, baka itakwil niyo ako at palayasin ni dad.” Umiiyak pa ding sabi nito.
“Naku anak, ‘wag na ‘wag mong iisipin na itatakwil, at palalayasin ka namin ni daddy. Wala kaming ibang hangad sa inyong magkakapatid kundi ang makatapos kayo sa pag-aaral niyo, at maging matagumpay balang araw sa karerang tatahakin niyo.” Tumayo na ang ginang at nilapitan ang kaibigan niyang nakayuko, at umiiyak pa din.
Niyakap ito ng mommy nito, at agad din namang gumanti nang pagkakayakap si Charlie sa ina.
“Mommy thank you!” Nakayakap pa ding sambit ni Charlie.
“Eh, ninang paano po ba iyan tatlo na ang anak mong babae?” nakangising tanong ni Maggy. Natawa naman ang dalawa sa sinabi niya.
“Oo nga hija. ‘Di bale kahit ano pa sila okay na okay lang sa amin ng ninong mo.” Pinahid na nito ang luha ng kaibigan.
“I love you anak, kaya sana pagkatiwalaan mo kami ni daddy. At ‘wag na ‘wag mong iisipin na itatakwil ka namin, ng dahil lang sa gender preference mo,” nakangiti pang sabi ng ina saka hinalikan ito sa pisngi.
“Naku ito talagang panganay ko oo. Teka at ipaghahanda ko kayo ng miryenda.” Kumilos na ito upang kumuha ng miryenda.
“Okay na bessy, gumaan na ba yang kalooban mo?” tanong niya sa kaibigan.
“Oo bessy, Salamat ng marami sa iyo. Kung hindi mo ako sinamahan ngayon baka habang buhay na akong magtatago ng tunay kong pagkatao.” Niyakap pa siya nito.
“Hayyy, tigil na sa drama sis. Namumugto na iyang mata mo ang jonget mo na!” Natatawa niyang sabi sa kaibigan.
Agad naman itong umayos ng upo at nakisabay na sa pagtawa sa kanya. Finally, nasabi na din ng kanyang bestfriend ang matagal na isinisekreto sa kanyang pamilya. Masaya na silang nagmiryenda at nagkwentuhan, kasama ang mommy nito na tila aliw na aliw sa mga pinag-uusapan nila. Masaya siya para sa kaibigan niya.
Inihatid na siya ni Charlie sa sakayan ng tricycle pauwi sa kanila. Gusto sana siyang ihatid nito, ngunit tumanggi siya dahil ito naman ang gagabihin pag-uwi kapag hinatid pa siya nito.
“Sis, thank you so much talaga. Kundi dahil sa iyo malamang hanggang ngayon problemado pa din ang beauty ko sa kakaisip kung paano ipagtatapat ang tunay na ako sa parents ko.” Yakap-yakap pa siya nito habang nagpapasalamat.
“Wala iyon Charlotte. Ikaw pa ba?” humahagikgik na sabi niya dito. Tinawag kasi niya itong Charlotte imbis na Charlie.
“Gagsti, ‘wag kang maingay diyan baka may makarinig sa iyo. Pero I like it!” Nakangiting saway nito sa kanya, pero sumangayon naman sa itinawag niya dito.
“Hay sige na, ayan ng trike. See you tomorrow!” Bineso pa niya ang kaibigan bago sumakay sa tricycle.
Kumaway pa ito sa kanya habang umaandar ang sinakyan niyang tricycle. Masaya siyang natulungan niya ang kanyang kaibigan. Dahil simula ng araw na iyon malaya ng nakakakilos ang kanyang best friend. Alam na din ng kanyang mga magulang ang tungkol sa naganap sa bahay ng mga Rivero. Nagulat din ang mga magulang niya sa nalaman. Ang akala kasi ng mga ito ay nagkakamabutihan sila ni Charlie. Sa sobrang close kasi nila madalas pumapasyal ang kaibigan sa bahay nila, at nag-o-overnight tuwing byernes. Ang hindi alam ng mga ito kapag nagpupunta si Charlie sa kanila, ay puro kalandian at boy hunt ang ginagawa nila sa kwarto niya. Nandiyang kulutin siya nito, o kaya naman ay make-up-an. Minsan pa nga mani, and pedi pa ang trip nila.
Kaya ngayong araw ay isa sa pinakamalungkot na araw sa buhay ni Maggy. Aalis kasi ang best friend niya upang mag-aral sa France. Nakakuha ito ng scholarship sa isang paaralan sa Paris. Minsan itong nagpasa ng application, at hindi naman nila aakalain na mai-impress ang paaralang iyon sa kanyang mga gawa. Agad siyang pinag-ayos ng mga dokumento, at pinadalhan ng flight details. Kasalukuyan silang nasa tree house na madalas nilang tambayan tuwing nagpupunta ito sa kanila.
“Ang daya mo naman sis, iiwan mo ako. Sino na lang ang magkukulot, magmemake-up, at magmamani-pedi sa akin ‘pag umalis ka na?” Nagmamaktol na sabi ni Maggy.
“Opurtunista ka din eh no?!” Hinampas pa siya nito sa balikat dahilan para bahagya siyang tumalsik sa kinauupuan.
“Hoy, Charlie! Baka nakakalimutan mong nasa katawan ka pa din ng lalake ha!” Reklamo niya dito saka hinimas ang nasaktang balikat.
“Sorry na sis!” Tumawa ito at agad siyang niyakap.
“Pero sis modern world na ngayon ‘no. May sss na, IG, Tweeter, Skype, at kung ano-ano pang social media. Madali na lang ang communication.”
“Eh, bakit iyan bang mga iyan eh mamemake-up-an ako? Makukulot, at mamamani-pedi?” nakangusong sabi niya dito.
“Gagsti, syempre hindi! Bruha ka talaga! Sis saglit lang ako doon. Sayang naman kasi ang opportunity. Minsan lang ito, kaya carry na!”
Napabuntong hininga na lang siya, at hinarap ang baklitang kaibigan, “Sige na nga. Pangarap mo naman talaga iyan kaya sige, go!”
“Ayyy Salamat sis. After fifty thousand years, pumayag ka na din..” He even rolled his eyes before hugging her again.
“Basta bessy, ipangako mo sa akin na ako ang unang-una mong ipagtatahi ng wedding gown.”
“Wedding gown agad? Hanap ka muna ng fafa girl.”
“Naku ka Charlie kakalbuhin kita kapag hindi ako ang una mong ginawan ng wedding gown.” Banta niya sa kaibigan.
“Oo na oo na! Ikaw ang una kong gagawan ng mga gown na gusto mo. I love you best friend!” Sang-ayon nito sabay yakap sa kanya, na agad naman niyang ginantihan din ng yakap.
Mami-miss niya talaga ang best friend niya. Wala na kasi siyang makakasabay sa pagkain sa school nila. Wala na din siyang makakaharutan ‘pag free time nila. At higit sa lahat wala na siyang makakasamang manlait, at mag-boy hunt. Napabuntong hininga na lang siya sa isiping iyon. ‘Di bale magiging okay din ang lahat saka independent naman siya, kaya makakaya naman niyang mag-survive ng wala ang kaibigan.