Chapter 3

2213 Words
Matuling lumipas ang dalawang taon. Ngayong araw ang graduation niya. Masaya ang kanyang mga magulang dahil ga-graduate siya ng may karangalan. Natutuwa din siya na sa wakas tapos na siya sa kolehiyo. Makakapag-trabaho na siya, at makakalipad sa iba’t ibang bansa. Isa kasi siya sa mga mapalad na napili, para magtrabaho sa isang kilalang airline bilang flight attendant. Ito naman talaga ang gusto niyang gawin, ang magpatalon-talon sa iba’t ibang lugar. “Anak, congratulations!” Bati ng kanyang ina sa kanya, habang inaayos ang kanyang toga. Nangingilid ang mga luha nito sa sobrang kaligayahan. “Ma, ‘wag ka nang umiyak. Masisira ang make up mo.” Biro niya sa ina. “Oh, ready na ba ang aking reyna at prinsesa?” tanong ng kanyang ama na papasok sa kanyang silid. “Wow, poging-pogi naman ng papa ko!” Sabay yakap niya sa kanyang ama. “Itong anak mo talaga lakas makapambola.” Natatawang sabi ng ama niya at ginantihan din siya ng yakap nito. “Uyyy pa, hindi bola iyon ah. Talaga namang pogi ka, sa iyo nga ako nagmana eh,” sabi pa niya dito. Natawa naman ang kanyang ama at ina sa sinabi niyang iyon. “Naku, bolerang bata. Tara na nga at baka mahuli tayo sa pagmamartsa mo.” Hinila na sila ng kanyang ina palabas ng kanyang silid. Natapos ang kanyang graduation march, at ngayon ay nasa loob na sila ng kanilang bakuran upang ganapin ang konting salo-salong inihanda ng kanyang pamilya. Labis-labis ang kanyang kaligayahan ng mga sandaling iyon. Lalo na ngayon at kausap niya ang kanyang matalik na kaibigan. “Bessy! Congrats!” patiling bati sa kanya ni Charlie. Magkausap sila ngayon sa Skype. “Thank you bessy! Kailan ka ba uuwi? Baka pag-uwi mo ako naman ang wala.” Excited siyang ibalita dito ang tungkol sa magiging trabaho nya. Hindi naman lingid sa kaalaman ng kaibigan na gusto niya talagang maikot ang mundo. “Ayyy ‘wag kang mag-alala sis, medyo matatagalan pa ako dito sa Paris. May Fashion Show pa kasi kaming kailangan tapusin. And you know what bessy?” he giggled. “May entry ako sa show na ito!” Nangingislap pa ang mga mata nito sa pagbabalita sa kanya. “Wow! That’s great sis!” Sabay pa silang nagtititili nito. “Oh, paano bessy tatawagan na lang kita ulit. Call of work. Mag-iingat ka. I miss you. I love you. Bye!” sabi pa nito sa kanya. Nagpaalam na din siya at kontentong pinatay ang gadget. Pareho nilang natutupad na magkaibigan ang kanilang mga pangarap. Matamis ang mga ngiting naiwan sa labi niya habang pabalik sa kanilang bakuran, kung saan nagtitipon ang kanilang mga bisita. Nakisaya siya sa mga ito at nakipagkwentuhan. Masiglang bumangon sa kanyang kama si Maggy. Ngayong araw kasi sya mag-uumpisa ang kanyang training bilang FA. Agad siyang nagtungo sa banyo upang maligo at maghanda sa pagpasok. Nang matapos siya sa pag-aayos, ay agad naman niyang kinuha ang kanyang bag, at lumabas na sa kanyang silid. Nadatnan pa niyang nagluluto ang kanyang ina sa kusina. “Hmmm, ang bango naman niyan ma. Nakakagutom!” agad siyang dumulog sa hapagkainan, at nagtimpla muna ng kape. “Ma, si papa?” maya-maya’y tanong niya sa ina. “Nasa garahe anak inaayos ang sasakyan, at ihahatid ka daw niya sa trabaho.” Nakangiting baling sa kanya ng kanyang ina. “Wow, perks of being the only child!” nakangising saad niya dito. Nagpatuloy na siya sa pagtitimpla ng kanyang kape. Nang maluto ang agahan, agad siyang sumandok ng sinangag at itlog. Nasa kalagitnaan na siya ng kanyang pagkain nang pumasok ang kanyang ama. “Oh, nakabihis na pala ang anak kong maganda,” bati sa kanya ng ama. “Good Morning pa. ‘Wag mo na po ipagsigawan na maganda ang anak mo baka dumugin ako ng manliligaw,” nakangisi niyang turan sa kanyang ama. Tumawa naman ang mga magulang niya sa kanyang sinabi. “Kayo talagang mag-ama, kumain ka na din pa, at ihahatid mo pa ‘tong anak mo.” Dumulog na nga ang ama sa hapag kainan, at sinabayan na siya sa pagkain. Matapos ang kanilang agahan, nagtungo siya sa kanyang silid para mag-toothbrush. Paglabas niya ng kanyang silid ay handa na din ang kanyang ama. Humalik siya sa kanyang ina, at lumakad na patungong garahe kung saan naman nag-aabang na ang kanyang ama. “Maggy, good luck anak. Galingan mo ha, make us proud anak!” bilin ng kanyang ama, bago siya bumaba ng sasakyan. Nginitian niya ito at saka hinalikan sa pisngi bago tuluyang umibis ng kanilang sasakyan. “Ingat sa pagmamaneho pa ha?” bilin niya dito na sumilip pa sa bintana ng sasakyan. Tumango naman ang kanyang ama at pinaandar na ang sasakyan. Huminga siya ng malalim bago tuluyang pumasok sa gusali kung saan siya magsisimula ng kanyang training. Maayos naman ang unang araw ng training ni Maggy. Mababait ang mga kasama niya sa training, at gano’n din ang instructors nila. Kaya naman masaya siyang umuwi ng kanilang bahay. Nang makarating siya sa kanila’y, nakita niya ang kanyang lola na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay. Agad niyang nilapitan ang matanda at nagmano. “Lola, ano pong ginagawa niyo dito sa labas? Halina po kayo sa loob. Sila mama at papa po ba?” tanong niya sa matanda. “Apo, umalis lang sila saglit, ang sabi nila’y bibisita lang sa ninong mo.” Tumayo na ito at inakay ni Maggy papasok ng kanilang bahay. “Ganun ba ‘la. Sige po maaga pa naman. Nagmiryenda ka na po ba?” “Tapos na apo. May iniwang pansit ang mama mo sa lamesa para daw kapag dumating ka eh may makain ka.” “Sige po magbibihis lang muna ako lola. Manood ka na lang po muna ng balita.” Binuksan niya ang TV bago pumasok sa kanyang silid. Mabilis na nagpalit siya ng kanyang damit saka muling lumabas ng kwarto. Nagtungo siya sa kusina upang kunin ang pansit na iniwan ng ina para sa kanya. Dinala niya ito sa sala kasama ng isang baso ng juice na kinuha niya sa loob ng ref. tumabi siya sa kanyang lola at nakinood na din ng balita habang kumakain ng pansit. Agad siyang tumayo ng may maulinigang sumisigaw sa labas ng kanilang gate, at tinatawag siya. Sinilip muna niya kung sinong tumatawag na iyon bago siya tuluyang lumabas ng kanilang bahay. “Aling Inday bakit po?” pinagbuksan niya ito ng gate, at saka inimbitang pumasok. “Naku Maggy, Mabuti at nandito ka na. Ang mama at papa mo isinugod sa hospital!” hinihingal na sabi nito. Agad nanlamig ang buo niyang katawan sa narinig. Napahigpit ang kapit niya sa kanilang gate. “Aling Inday, ‘wag po kayo mag-jo-joke ng ganyan. Nakila ninong lang sila mama.” Nag-uumpisa ng mangilid ang luha niya, at mangatal ang kanyang tinig. “Naku Maggy bakit naman ako magbibiro ng gano’n? Ang mabuti pa’y puntahan mo na sila sa hospital, magmadali ka na hija!” Sinabi nito kung saang hospital dinala ang kanyang mga magulang. Agad na siyang pumasok sa loob ng kanilang bahay at kinuha ang kanyang bag. Sinabi din niya sa lola niya ang nangyare sa kanyang mga magulang at saka sila nagtungo sa hospital. Humahangos na nagtungo sila sa information desk ng makarating sila sa ospital. “Nurse, saan po dinala iyong mag-asawang naaksidente sa bayan?” agad niyang tanong sa nurse na naka-duty doon. “Kaano-ano ho kayo ng mga pasyente?” balik tanong nito sa kanya. “Anak po nila ako, at ito po ang lola ko,” stubiling sagot niya dito. “Ma’am nasa emergency room pa po sila…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin ng nurse, at agad silang nagtungo ng lola niya sa direksyon papuntang emergency room. Namamalisbis na ang kanyang mga luha ngunit hindi niya ito alintana. Agad siyang sinalubong ng ninang niya nang makita sila nito. “Maggy, anak..” tanging sambit nito saka siya niyakap nito. “Ninang, ano pong nangyare? Bakit naaksidente sila mama?” Humahaguhol na siya habang yakap ang ginang. Iginiya muna siya paupo ng kanyang ninang. “Ang sabi ng mga nakakita, bigla daw may isang itim na van na mabilis ang takbo, at sumalpok sa sasakyan ng mga magulang mo. Pinilit naman ng papa mo na umiwas ngunit sadyang mabilis ang takbo ng van.” Lalong lumakas ang palahaw niya at napahigpit ang yakap niya sa kanyang ninang. Hinihimas naman ng lola niya ang kanyang likod at gaya niya, umiiyak na din ito. Nasa ganoon silang sitwasyon nang lumabas mula sa emergency room ang isang doctor na nag-aasikaso sa kanyang mga magulang. Agad siyang tumayo at lumapit sa doctor. “Doc, kumusta ho ang mga magulang ko?” atubiling tanong niya habang nasa likod niya ang kanyang lola. “I’m sorry hija, we did all that we can pero masyadong marami ng dugo ang nawala sa kanila,” malungkot na pagtatapat sa kanila ng doctor. Sunod-sunod na iling ang ang ginawa niya. “Hindi totoo iyan doc! Please tell me na okay sila, na nakaligtas sila. Please doc, tell me na nagpapagaling na sila.” Hawak pa niya ang coat ng doctor at bahagyang inaalog ito. Agad naman siyang inawat ng kanyang ninang at lola, at pilit inilayo sa pobreng doctor. Napaupo na lang siya sa sahig habang umaatungal ng iyak. “Lola, iniwan na ako nila mama. Kung alam ko lang na mangyayare ito sa kanila sana hindi na lang ako pumasok. Sana hinayaan ko na lang iyong training ko. Sana sinamahan ko na lang sila. Sana…” humihikbi pa niyang saad. “Maggy, kailangan nating tanggapin ang nangyare apo. Andito pa naman ang lola. Hindi kita pababayaan apo. Kakayanin nating malampasan ito.” Niyakap siya nang mahigpit ng matanda, at saka sabay na nakiiyak sa kanya. ‘Pa, ma, ang daya n’yo naman eh. Kaninang umaga lang, ang saya-saya pa natin. Proud na proud pa na kayo sa akin. Ang dami ko pang pangarap para sa atin. Sabi ko pa sa inyo na ililibot ko kayo sa buong mundo. Bakit niyo naman ako iniwan agad?’ umiiyak na kausap niya sa sarili ang mga magulang habang pinagmamasdan ang mga labi ng mga ito. “Maggy, anak, kumain ka na muna. Kaninang umaga ka pa hindi kumakain.” Ang ninang niya iyon nang makalapit ito sa kanya. Nakaburol na ang mga magulang niya sa kanilang bahay. Tatlong araw lang nila balak gawin ang burol dahil na rin sa kagustuhan niya. “Hindi pa po ako nagugutom ninang,” nanlalalim ang mga matang saad niya dito. “Anak, alam kong masakit ang pagkawala ng mga magulang mo. Pero tingin mo ba magiging masaya sila kapag nakita ka nilang ganyan? Kailangan mong lumaban anak, para sa sarili mo, para sa lola mo.” Napaluha naman syang muli at tinanguan ito. “Ninang, ang sakit kasi sabay pa silang nawala.” Napahikbi na siya nang tuluyan. “Maggy, may dahilan ang Diyos kung bakit niya kinuha ang mga magulang mo. Kung ano man ang dahilang iyon tiyak kong iyon ang mas mabuting mangyare.” Pang-aalo ng ninang niya sa kanya, “Minsan talaga kailangan nating pagdaanan ang pinakamatinding pagsubok para kapag natapos na ang pagsubok na iyon, ay mas maging matatag na tayo, at kakayanin na natin ang mga susunod pang hamon sa ating buhay.” Pinahid na nito ang kanyang mga luha saka inakay siya papasok sa kanilang bahay. Pinilit niyang kumain at magpahinga. Dahil din sa pagod kaya agad siyang nakatulog. “Maggy anak, ‘wag ka nang malungkot. Tahan na anak, nandito lang naman kami ng papa mo. Palagi ka pa rin naming babantayan, at susubaybayan. ‘Pag nalulungkot ka, isipin mo lang palagi ang masasayang ala-ala nating tatlo. Mahal na mahal ka namin anak kaya gusto naming ipagpatuloy mo ang buhay mo. Ipagpatuloy mo ang pangarap mo. Sa ngayon kailangan naming magpaalam ng papa mo,” masuyong wika ng kanyang ina at hinalikan siya nito sa kanyang pisngi. “Huwag kang mag-alala anak, oras na ma-miss mo kami ng mama mo darating kami. Aalagaan mo ang sarili mo Maggy, lalo na ngayong malayo na kami sa iyo. ‘Wag mong sayangin ang buhay mo anak. Gusto naming ipagpatuloy mo ang mabuhay. Balang araw, may darating sa buhay mo at magmamahal sa iyo ng lubos. Mahal na mahal ka namin palagi mong tatandaan iyan. Paalam aking prinsesa.” Hinalikan siya ng ama sa kanyang pisngi kagaya ng iginawad ng kanyang ina. Niyakap siya ng mga ito at unti-iunting naglaho. Nagising si Maggy na humihikbi, ‘Panaginip. Napanaginipan ko sila, parang totoo sila.’ Kinapa pa niya ang kanyang pisngi kung saan siya hinalikan ng kanyang mga magulang. Kasabay niyon ay ang tila mabining hangin na yumakap sa kanya. Alam niyang ang mga magulang niya iyon. Naiyak na naman siya sa pangungulila sa mga ito, pero nangako siya na huling beses na siyang iiyak para sa mga magulang. ‘Ma, pa, promise po ipagpapatuloy ko ang aking mga pangarap… ang pangarap niyo para sa akin. Mahal na mahal ko po kayo. Palagi niyo po akong babantayan.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD