Isang araw nasalubong ni Maggy ang dati niyang kaklase, at kaibigan na si Trixie. Nasa mall siya ng araw na iyon, at kasalukuyang naghahanap ng gamit para sa kusina.
“Trix!” “Maggy!” magkapanabay na tili nila.
Mag-kaklase sila noong College, at isa ito sa humaling na humaling sa bessy niyang paminta.
“Kumusta ka na? Saan ka ngayon nagwo-work?” magkasunod na tanong niya dito.
Ang huling balita kasi niya sa kaibigan, eh noong mag-resign ito sa dating pinapasukan nito bilang tour guide. Maliit kasi ang kinikita niya at pagod pa.
“Nagba-barko na ako girl!” tuwang-tuwa namang sabi nito. Naglakad sila papunta sa malapit na Crepe store.
“Ay, talaga? Kumusta naman ang experience doon? Hindi ko akalain na magba-barko ka samantalang ayaw mong nalalayo sa pamilya mo.”
“Hay naku girl, kesa naman pagtyagaan ko iyong kinikita ko sa dati kong work na stressful. Kaya naman noong may mag-alok, gora na ang lola mo,” kikay pang sambit nito.
Natawa naman siya dito. Mahilig din ito sa mga adventures iyon nga lang hindi ito sanay na malayo sa pamilya niya. Kaya naman laking gulat niya nang sinabi nitong nagbabarko siya.
‘Interesting huh!’
“Ano bang requirements diyan parang gusto kong i-try,” nakapangalumbabang sabi niya dito.
“Seryoso ka ba girl?” nakakunot noong tanong ng kaibigan, “Ang laki na ng kinikita mo sa pagiging FA ah!” Inabot nito ang menu at pumili nang oorderin.
“Nakakasawa din pala eh,” pabuntong hiningang sagot niya dito.
Kinuha din niya ang menu, at namili ng kakainin. Umorder muna sila bago nagpatuloy sa pagkwe-kwentuhan.
“Ayy naku day, kung talagang interesado ka, sige ibibigay ko sa iyo iyong agency namin. Madali lang ang requirements. Pasa ka ng resume para ma-interview ka agad.” Inabutan siya ni Trixie ng isang maliit na papel, kung saan nakalagay ang address ng opisina ng agency nito. Agad naman niyang itinago iyon, at nagpasalamat sa kaibigan.
“Kumusta na nga pala iyong best friend mo?” Biglang nagning-ning ang mga mata ni Trixie. Napangiti siya at saka ito hinarap.
“Hanggang ngayon crush mo pa din si Charlie?” manghang tanong niya dito.
Nang umalis si Charlie walang nakaalam ng tunay nitong pagkatao kaya hindi na siya magtataka, kung hanggang ngayon ay gusto pa din ito ni Trixie.
“Ay naku day, alam mo namang patay na patay ako sa kaibigan mong iyon noon pa man. Kaya nga siguro hanggang ngayon eh hindi ako nag-jo-jowa kasi hinihintay ko siya.”
Natawa naman siya sa pinagsasabi ng dalaga, “Girl, alam mo ba iyang pinagsasabi mo?” napapailing na tanong niya sa kaibigan.
Dumating na ang order nila at agad nilantakan iyon ni Trixie. Hindi pa rin ito nagbabago, galasgaw pa rin kumilos.
“Oo naman girl. Siya lang ang nais ng puso ko!” sabi pa nito sabay arte pa nito.
“Naku Trixie, hindi ka papatulan no’n!” tatawa-tawang sabi na lang niya.
“Ouch huh, masakit girl! Dahan-dahan naman!” kunwa’y nasaktan ito ng tunay.
“Umayos ka na nga diyan Trix. Basta malalaman mo din. Maiba ako bukas pwede mo ba akong samahan sa agency mo?” Agad namang tumango ang kaibigan, at magana na uling ipinagpatuloy ang pagkain.
Nag-ikot-ikot pa sila at kung ano-ano pa ang mga binili bago sila tuluyang maghiwalay. Natutuwa siyang nakitang muli ang kaibigan. Gaya ng dati, kikay pa din ang babae, at talagang hindi pa din nagbabago. Nakakatuwang na-conquer nito ang fear nitong mapalayo sa pamilya nito. Ayon din naman kasi sa kaibigan eh siya na lang talaga ang inaasahan sa kanila ng kanyang pamilya. Nagkasakit kasi ng malubha ang kanyang ama, at naging dahilan nang pagkakapatong-patong ng utang nila. Kaya kahit ayaw niyang lumayo, tiniis na lang nito.
“Girl, ang daming tao,” sabi niya kay Trixie nang pagdating nila sa opisina ng agency nito, ay halos mapuno ang loob niyon.
“Okay lang iyan. Akin na ang resume mo, i-drop na lang natin sa front desk para makaalis na din tayo.” Iniabot niya dito ang resume, at lumapit na sila sa front desk.
Pagka-drop ng resume, ay may iniabot ang babae na papel para sa list of requirements. Agad niya iyong pinasadahan ng basa at itinago.
“Punta tayong traning center para makapag-enroll ka na agad ng BT mo. Kailangan kasi iyon eh, tapos apply ka na ng seaman’s book,” paliwanag sa kanya ni Trixie.
May ilan pa itong sinabi sa kanya na kakailanganin daw niya. Mataman naman siyang nakinig dito, at inintindi ang mga pinagsasasabi nito sa kanya.
Nakatanggap nang tawag si Maggy mula sa agency ni Trixie. Isang lingo matapos silang magtungo sa opisina nito. Ipinaalam sa kanya ang kanyang interview, at ipinaliwanag din ang mga requirements na kakailanganin pa. Tuwang-tuwa naman siya sa natanggap na tawag. Matapos ang tawag na iyon ay agad niyang tinawagan si Trixie upang ipaalam ang tungkol doon. Tuwang-tuwa din ang kaibigan niya sa ibinalita niya.
“This is it pansit!” bulong sa kanya ni Trixie, “Kaya mo iyan. Sisiw na lang sa iyo ito wih your credentials.” Kinindatan pa siya nito.
Ngumiti naman siya dito at saka tumayo nangg tawagin na siya na siya na ang susunod. Huminga siya nang malalim, at saka sinundan ang babaeng tumawag sa kanya.
Ilang sandali pa at lumabas na siya sa kwartong pinasukan kanina. Agad naman siyang sinalubong ni Trixie.
“Oh ano? Okay ba?” tanong agad ng kaibigan.
Agad sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi, at saka hinila si Trixie palabas ng gusali. Pagdating sa parking saka siya nagtititili.
“Nakapasa ako!” masayang hinawakan niya ang kamay ng kaibigan at nagtatatalon sa tuwa.
Nakitili na din si Trixie at nakitalon. Nagyakap sila saglit saka walang humpay na pasasalamat ang sinambit niya sa kanyang kaibigan. Natawa naman ito at inawat na siya nito. Napakapalad lang talaga niya sa mga kaibigan.
‘Ma, pa, another journey to make. Thank you sa pagbabantay sa akin kahit malayo kayo.’
Mabilis na natapos ni Maggy lahat ng mga requirements na hinihingi sa kanya. Naipasa naman niya lahat iyon, at naghihintay na lang nang tawag kung kailan siya aalis. Hindi naman siya nabigo dahil ng araw ding iyon, ay nakatanggap siyang muli nang tawag at sinabi sa kanyang aalis na siya in two weeks. Walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan. Na-eexcite na siya sa bagong kabanata ng kanyang buhay.
“Lola, mag-iingat po kayo dito ha? Medyo matatagalan na tayong magkita ulit.”
Yakap niya ang kanyang lola habang nakaupo sila sa labas ng airport. Ito na ang araw ng kanyang alis, kaya naman inihatid siya ng mga ito sa airport.
“Basta apo, mag-iingat ka palagi doon ha? At kung makakahanap ka na ng nobyo, aba’y ‘wag mo ng pakawalan pa,” bilin pa ng lola niya sa kanya.
“Lola, talaga ba? Grabe ha hindi pa naman ako matanda ah. 24 lang po ako ‘la,” napapantastikuhang sabi niya dito. Nagtawanan naman ang kanyang ninang at ninong, gayun din ang tita at tito niya na kasama sa paghatid sa kanya.
“Ay basta apo. Mainam na iyong may makakasama ka sa buhay. Hindi naman habang panahon na nandito kami ng mga tito mo.” Niyakap na siya nito at hinaplos ang kanyang buhok.
Nagpaalam na siya sa mga ito nang makitang open status na ang gate niya. Niyakap niya sila isa-isa, at humalik sa mga ito. Hinila na niya ang kanyang mga maleta saka pumasok sa paliparan. The new chapter of her life will soon begin again.