Episode 2: Ang Great Land China

1020 Words
Ipinalalabas ang tugtog ng National Anthem ng binansagan na ngayong Great Land China. Ang gubyernong pinaiiral ay tinaguriang Republic Technocracy. Kabisado ko na ang pambansang awit na ito sa wika ng China. May salin din ito sa Filipino (Tagalog), na simula kong natutunan noong simula na akong makapag-utal ng mga salita. Malinaw pa sa isipan ko kung paano inagaw ng mga piring na ito ang aking kamusmusan. Ang A E I O U... BA BE BI BO BU, o ang Abakada ay torture sa aking mga tainga noong simulang malaman ng piring ko na kaya ko nang umutal ng salita. Uulit ulitin muna ang bawat patinig (vowels), hindi ito titigil hangga't di mo ito naiuutal ng tama. Hanggang sa mga tunog ng mga patinig (consonants), at ang mga kumbinasyon nito, mula sa unang pantig hanggang sa pinakamahabang salitang may kabuluhan. Reward and punishment ang paraan ng reinforcement ng pagkatuto. Kapag umiiyak ako at ayaw nang magpatuloy, ay may kung anong masamang lasa ang napupunta sa bibig ko. Hangga't di ako tumatahan ay hindi mawawala yun. Hindi ko ito nakikita sa aking headgear kung paano iyon napupunta sa aking bibig. Ang sunod na pinakamalalang punisment dun ay bigla na lang akong malulunod sa ilalim ng tubig. Nung unang naranasan ko ito ay pinasukan ng tubig ang ilong ko at hindi kaaya aya ang dulot na hapdi nito. Hindi naman ako ihinagis o inilublob ang ulo ko sa isang lalagyan na may tubig. Basta bigla ko na lang naramdaman sa ilong at bibig ko na ako'y nasa ilalim ng tubig. Malamang yun ay gawa noong tumatakip na mekanismo sa ilong at bibig ng A-eyegear. Ang dalawang punishment lang na yan ang sunurang ginagamit sa akin at minsan pa nga ay sabay. Para naman sa reward, kung makakapag-utal ka ng tamang bigkas ng mga kataga (syllables) ay may masarap na lasa na biglang mararamdaman mo sa bibig. Mga matatamis ang nalalasahan ko. Ilan sa mga pamilyar ay gatas, fruit juice, at cake. Halimbawa ay kailangan kong maka-60% sa bawat exercise; 6 out of 10 ay gatas, kapag nasa 7 ay fruit juice, at pag 80 pataas ay cake. Kung maka-100% ay hindi mo na babalikan ang exercise na yun at iba na ang kasunod. At least ay may sampung set ng 10 exercises ng puro sa pag-develop ng phonetics yun. Ang passing grade sa kada module na yun (1 module = 10 sets of exercises) ay 75%. Kapag nakapasa ka ay isang reward ang naghihintay sa iyo; isang power nap. Napakasarap na reward sa lahat. Sa tantya ko ay umaabot ng hanggang dalawang oras ang power nap, at gigisingin ka uli para sa susunod na bagong module. Natuto akong makapag-utal ng salita sa gulang na apat (4). Natapos ko ang buong kurso para sa pagsasalita pagkalipas ng isang taon. Kasabay na rin noon, alam ko na ang lahat ng Filipino-English alphabets. Noong 5 years old ako ay tuloy lang ang Literacy na mas nagiging advanced. Hinaluan na lang ito ng Numeracy, at yung training sa personal hygiene. Kaya sa gulang na anim (6) ay average speaker na ako at equipped na ng magandang communication skills. Sa gulang na pito (7) ay sinimulan na akong turuan ng coding sa iba't ibang computer languages. Etong piring ko sa mata ang tanging tumayong magulang at guro ko simula ng mamulat ako sa pekeng mundong nakikita ko. Wala akong konsepto ng tinatawag na magulang, kapatid o kapwa tao. Ang alam ko normal na kapiling ko na simula at sapul ang piring sa aking mata. Tsaka tuwing gabi bago matulog ay may pill akong iniinom, at sa tuwing tumatalab iyon ay para ba gang tinatanggap ko na ng maluwag sa aking isip, na ang piring ko sa mata ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko. Binubura nito ang bawat agam agam at pagtatanong sa aking isipan na siya namang nagtatagumpay sa lahat ng pagkakaon. Pero mayroong kung anuman na nararamdaman ko sa loob ng aking dibdib ang hindi nito mabura bura; at ito nga ang dahilan kung bakit ko nasabing nakapaglaan ako ng isang lugar sa isipan ko na hindi naaabot ng piring na ito at ng pills na iniinom ko. Matapos ang pambansang awit ng Great Land China ay isang panunumpa naman ang iyong sasambitin sa harap ng vanity mirror. Nasa tamang lakas, at dapat saulado mo ang bawat salita sa pagkakasunod sunod nito habang ang kanang kamay ay nakataas; pantay sa balikat ang siko na eskwalado. Matapos ang panunumpa ay kailangan kong magtikas-pahinga pagkat ipalalabas naman ang kasaysayan ng Great Land China. Ayon dito, ang Great Land China ang tanging bansa, gubyerno at relihiyon sa buong sangsinukob simula pa nang likhain ang mundong ito. Ipinakikita ang 10-minute short movie series; ang kasaysayan ng buong sangsinukob. Simula noong 8 years old ako ay nadagdag ito sa aking kurso ng pag-aaral. Pumasa rin ako dito, at gaya nga ng mga naunang istilo ng pag-aaral ay kailangan mong panoorin, pakinggan at isaulo ang mapapanood na kasaysayan ng Great Land China. Sa bawat module ay may tigla-labinglimang (15) exercises naman, at kailangang 100% lagi ang iyong score. Ugong at electric shock na ang pumalit na punishment sa bawat pagkakamali mo sa exercises, at kung hindi mo maaabot ang markang 100% ay wala kang rasyon ng pagkaing matatanggap sa araw na iyon; ni tubig na inumin ay wala. Natapos ko ang kursong iyon kasama ng Literacy at Numeracy sa loob lang ng isang taon. Noong sumunod na taon ay nadagdagan naman ng kurso ang pag-aaral ko, tungkol sa istruktura ng gubyerno ng Great Land China. Sa kabuuan ay meron akong subject na Literacy, Numeracy, Reading (pero mostly parang viewing at listening na lang), Coding Language, History at Governance. Walang writing pagkat gamit ang speaking ability ko, ang A-eyegear ko na ang nagtitipa ng mga lecture ko. Ito naman yung isang laya ko sa buhay na maaari kong gawin kung kelan ko lang gustuhin. Nakalilikha ako ng kwento o sanaysay; pero mas lamang ang paglikha ng mga fiction stories at nobela. Yun nga lang dapat laging maganda ang mga salita lalo na kung tutukuyin ang gubyerno, at kasaysayan ng Great Land China. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD