Uugong ng papalakas ang loob ng tenga ko, na nakangingilo, at yun ang nagsisilbing alarm clock ko simula ng magkaroon ng muwang sa mundo. 5:00 am ay ihinahanda na ng A-eyegear ('ey-ay' o A.I ang basa) ang aking mata na makapag-adjust sa liwanag na makikita ko sa loob ng headgear ko. Suot ko na yata ito buhat noong ipinanganak ako. May screen ito na parang nakabalot sa buong ulo ko, at ito ang sumisilaw sa akin tuwing magigising ako sa umaga. Walang paraan para alisin ko ito. Inaaalis lang ito kapag may diperansya, o kaya ay kakalbuhin ako. Yung takip lang na nasa bunbunan ko ang inaalis pero yung nasa mata ko na goggles ay nakapalibot sa aking tenga, na nagdudugtong sa aking baba. Inaaalis at pinapalitan lang ito kapag masikip na sa aking buong mukha. Pag maliligo ako ay pumapasok lang ako sa isang tubular machine na halos eksakto lang ako. Ang tawag dito ay iBathe. Ang tube ay yari sa transparent na materyal. Hindi ko kailangang alisin ang anumang nasa katawan ko. Hindi ko alam ang salitang 'damit' o anumang termino na tumutukoy sa kasuotan. Basta mapupuno lang ng likido ang tube na pinagliliguan ko. May biglang tumatakip sa bahagi ng aking ilong at bibig na palagay ko'y mekanismo rin ng A-eyegear. Kailangan ko kasing tumayo ng legs apart, at ang mga siko ko ay dapat overhead, at ang mga daliri ko sa paa at kamay ay pipilitin kong magkakahiwalay. Saka papasok ang likido na magmumula sa ilalim ng tube na yun. Yung likido ay medyo mahapdi sa balat. Wari ko ay napupuno ang buong tube ng likido dahil mararamdaman kong parang nasa ilalim ako ng tubig. Sandali lang yun at raragasa naman ang maginaw na tubig. Hindi ko rin alam ang konsepto ng tubig o anumang bagay na kaugnay nito. Wari ko sa pakiramdam pagkatapos ng pagligo ko na iyon ay talagang nararamdaman ko ang linis sa aking balat. Pagkalabas ko ng tube ay kailangan ko lang tumapat sa isang vanity mirror. Ito ay nasa isang metro ang lapad at isa't kalahating metro ang taas mula sa cupboard (iCabinet). Sa loob ng A-eyegear ko, ipinakikita ng screen ang sarili ko na kulang sa mga detalye. Yung outline lang ng katawan ko ang aking makikita at detalye ng A-eyegear, hindi ko makikita ang ilong at bibig ko, ni ang detalye sa aking dibdib at pagitan ng hita. Wala akong konsepto ng mga iyon dahil sa aparatong nakatakip sa aking mga mata. Ang reyalidad ko ay ang nasa loob ng mga piring na ito.
Animo'y magic sa loob ng aking A-eyegear na bigla na lang parang pintura na babalot sa aking katawan ang aking kasuotan. Malagkit ito sa balat na unti unting pumepresko pag natutuyo. Light blue na hapit sa aking buong katawan ang itsura ng aking iJumpsuit, na mababanaag ko sa aking headgear. Ang hangganan ng iJumpsuit uniform na ito ay hanggang sa mga pulsuhan ko, at mataas naman ng kaunti sa bukong-bukong. Matatakpan nito ang aking batok at kabuuan ng aking leeg. May mekanismo ang headgear ko na ibina-vacuum seal nito ang hangganan ng iJumpsuit sa batok at ang aking leeg. Magno-notify sa aking screen na perfectly sealed na ang hangganan ng aking kasuotan sa leeg at aking batok. May mga accent ng puti at itim na lining naman ang iJumpsuit na ito, na tanging sining na nauunawaan ko. Maganda sya sa aking paningin. Kapag nakahapit na sa akin ang kasuotang iyon ay lilitaw naman sa ibabaw ng cupboard na nasa harapan ng vanity mirror ang pares ng iGloves. Ang hiwaga rin ng paglitaw ng mga gloves na yun out of thin air dahil sa nililikhang augmented reality ng aking headgear. Pero normal lang sa pang-araw araw na buhay ko iyon. Maya maya naman ay magko-command ang A-eyegear ko na itaas ang kaliwang paa ko at mararamdaman ko na lang na naisusuot na ang iBoots ko. Ganun din sa kabila.
Noong nakatatayo at nakalalakad na ako ay nagsimula ang pagsasanay ko para sa personal hygiene routine kong ito. Kapag hindi ako bumangon sa ugong na nililikha ng headgear ko ay bigla na lang akong kinukuryente nito. Sa oras na maka-adjust na sa liwanag ng screen ang mata ko ay dapat hindi na ako nakadikit sa kama ko at kung hindi ay electric shock ang aabutin ko. Sandali lang ay dapat nasa iBathe na ako; shock na naman galing sa headgear kung matatagalan ako. Sa loob ng tube, kapag hindi nakaunat ang mga paa't kamay ko ay ilang beses uulitin ang paglunod sa akin sa mahapding likido at ragasa ng malamig na pambanlaw. Kapag nagbukas ang tube ay tuyo na rin ang aking katawan at dagli na dapat akong makalabas at humarap sa salamin. Lahat ng prosesong ito hanggang sa maisuot ko ang iBoots sa kanan kong paa ay dapat kalkulado. Huli kong isusuot ang mga pulseras sa magkabilang pulsuhan ko bilang lock na rin sa aking gwantes na bawal kong alisin sa buong araw na nasa labas ako. Meron ding mga anklets naman bilang kandado sa aking mga paa. (iBracelet at iAnklet). Magno-notify sa bawat suot ko ng mga kandadong ito sa aking headgear.
//iJumpsuit nape 100% sealed complete
//iJumpsuit neck 100% sealed complete
//iJumpsuit forearmL 100% sealed complete
//iJumpsuit forearmR 100% sealed complete
//iJumpsuit legL 100% sealed complete
//iJumpsuit legR 100% sealed complete
//iJumpsuit wholebody scanning for impurities
...
//iJumpsuit wholebody scanning complete
//iJumpsuit pathogens scanned : none
//iJumpsuit 100% installed complete
//iJumpsuit connect A-eyegear complete
//iJumpsuit-A-eyegear connect iHivehyperdrive complete
//Drone Kanna iHivehyperdrive : online
Matatapos itong lahat bago mag-5:30 am. At saka bubukas ang TV screen sa vanity mirror (iMirror), o ito na rin mismo ang TV... pero sa isang dako ng isip ko ay alam kong ilusyong likha ito ng aking piring sa mata. Salamin lang talaga ito at ang TV ay likha mula sa loob ng A-eyegear.
Itutuloy...