Sa laboratoryo na pinagtatrabahuan ko ay hindi mo makikita ang ibang mga tao. Alam ko yun at ni Linno; at malamang ng iba pa naming kasamahan. Inililihim na lang namin para hindi kami mahuli at maparusahan. May iChamber akong uupuan at bigla akong uunat ng halos nakahiga saka magsasara ito ng isang translucent bluish-green na salamin at yun ang magiging kabuuan na screen ko pag nag-connect sa iChamber ang A-eyegear. Hindi ko na muna idedetalye ang mga ginagawa ko dito sa iChamber, pero dito nakalaan ang maraming oras ko hanggang sumapit ang gabi. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng araw at gabi. Ang sense of time namin ay nakabase sa digital clock sa screen ng A-eyegear at naka 12-clock time format ang akin. Pagsapit ng 8:00 pm ay timeout ko na. Magnonotify yun as objective sa aking A-eyegear. Maglalaan uli ng 15 minute expiry ang aking headgear para matupad ang objective na yun. Nasa 13 minutes ay naroon na ako at doon may pagkakataon kaming mag-communicate ni Linno o kaya sa iba ko pang kaibigan, pero lahat yun ay hindi ko na magagawang basahin. Saka na lang tutulo ang luha ko sa sakit na mararamdaman habang inaalis ko isa isa ang mga gwantes, boots, at mga tanikala sa pulsuhan at paa. Ilalagay ko iyon kung saan lumilitaw sa cupboard. Mawawala na lang ang mga ito na parang magic. Saka naman lilitaw ang iPill at isang basong tubig, at yun ang iniiyakan ko dahil sa oras na tumalab iyon ay mabubura ang marami sa karanasan ko sa araw na iyon. At gagalugadin ako ng iHive, sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng A-eyegear at iBed. Yung iBathe naman ang tutunaw sa iJumpsuit kung saan temporary naka-store ang pinadalang mensahe sa akin. Miski ang mga kaibigan ko ay nalilimutan ang bagay na yun. Naging habit na nila at parang loop sa isipan nila na dapat nilang gawin. Issue yan ng lahat ng mga indibidwal dito sa iComplex. Mahirap maipagwagi ang tunay at totoong kalayaan habang bahagi kami ng iComplex na ito. At yun na nga at nag-shut off ang A-eyegear.
Babangon ako na walang ala-ala at uulitin lang ang lagi kong ginagawa. May rasyon akong pagkain, kaya ibig sabihin ay wala akong parusang matatanggap. Pag wala akong rasyon ay hindi ako makapag-aaral at trabaho, na pinagkukunan ko ng pribilehiyo sa pagsakay ng iVessel, at syempre ng rasyon na pagkain. At ang ibig sabihin lang noon ay hindi ko na mabubuksan ang mga .txt ko na pinagkukunan ko ng inspirasyon at motivation. One strike pa lang ako, at meron pa akong apat nito sa loob ng isang taon. Nare-replenish din naman ito at pwede ring matanggal ang strike kapag nakakumpleto ka ng isang gumaganang program. Sa ngayon ay may kinalaman sa iEducation-0 ang ginagawan ko ng program. Kumbaga curriculum specialist na ako. Yung ginagawa kong program o curriculum ay dun lamang nai-store sa iChamber, hinding hindi at walang kahit anong paraan na makapaglalagay ako ng kopya sa .txt ko. Tiyak mahuhuli ako at ayon sa kontrata ay kamatayan na ang parusa doon sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng inumin at pagkain. Ayaw ko ng pakiramdam ng gutom na naranasan ko nang isang beses. Masakit sa buong katawan at parang binibiyak ang bungo ko. May kung ano sa iFood na dinisenyo o formula para wag mo itong tanggihan. May kasama itong conseqence agad pag tinanggihan mo; at parusa nga ito na napakasakit at nakaiirita sa pakiramdam. Aayawan mo talaga ang pakiramdam na iyon at hindi na uulit pa sa pagtanggi sa pagkain. Sa gabi ay walang pagkain, sapat na yung one iFood per day. Natutunan ko mula kay Danna at Vanna, na merong benefit ang fasting namin sa gabi na walang laman ang tiyan. Yun daw ang dahilan kung bakit wala kaming anumang sakit at cancer cells. Yun daw ang oras na nagre-repair at naga-alis ng damaged cells ang aming katawan at lahat ng iyon ay toxins na inilalabas namin sa iBowl. Trabaho rin na suriin ng iBowl kung may sakit kami; o magkakasakit pa lang. Pero wala pa kaming nababalitaan na nagkasakit o dinadala sa iClinic. O kaya siguro dahil nga censored ng A-eyegear ang kapaligiran namin. Mamaya siguro pag nakasakay na ako sa iVessel ay maaalaala ko ito.
Pagkalabas ko ng iCapsule ko ay natanggap ko agad ang objective. Sabi dito ay wala si Master Lurroy sa bulwagan at nag-iwan ng task na magtungo ako sa iLibrary para basahin ang revision na ginawa niya sa aking tuntunin. Ilaan ko raw lahat ng oras ng paggabay nya sa akin sa pagbabasa ng mga libro at thesis doon. May pass na raw siyang ipinadala sa library na ang gagawin ko doon ay bahagi ng aking kurso. Mayroong inilaang isang oras para makapag-disconnect ka mula sa iHive at magsulat ng thesis at iba pa. Pero bago ka umalis ay gagalugarin ka ng iLibrary, at ng A-eyegear mo. Ang iHive ay magre-revise ng mga isinulat mo o kaya ay idi-delete ito ng permanente.
Habang nakasakay na ako sa iVessel ay naiisip kong patibong ito. Syempre wala akong ibang magagawa kundi sundin ito, dahil objective ko ito. Ang magagawa ko ay magsulat at iimbak ito sa mga file cabinet, at syempre sa decoy ko na silid sa partition E. Hinding hindi ko susubukan mag-imbak sa .txt ko, at malamang ay akitin ako ng library sa dami ng mga nakaimbak na karunungan doon. Siguradong aakitin ako ng iLibrary sa mga impormasyon nakakikiliti ng damdamin at imahinasyon at kung anu ano pang makapagpapaunlad ng pagkatao ko.
Ibinuod ko at itinago ang tuntunin na ito sa decoy kong imbakan. Nasa title lang ito na may file name NVROPNXXX.ihhd (Never open txt) at ENCDCOY.ihhd (Encode decoy). Kumbaga ang decoy ko ay ang storage ko ng secret short memory. At kailan lang nga ay napansin kong nagde-deteriorate ang mga files ko dito kaya yung iba ay di ko na maalaala. Ito rin sigurado ang target na burahin ng iLibrary mamaya.
Nagbasa uli ako ng mga mensahe gaya ng lagi kong ginagawa. 20 minutes ang inilaan sa akin ng A-eyegear para makarating sa iLibrary. Matagal tagal ito. Hindi ko rin masukat unawain kung gaano kalawak ang iCompound na ito. Hindi mo mararamdaman kung gaano kabilis ang usad ng iVessel kaya sa isip ko, kung ito ay mabilis; malamang napakalawak ng palapag nito. Mayroong isang daang (100) iVessel sa palapag na ito at ang bilang ng working students ay 500, at ang mga Masters ay 100. Alam ko lang ang impormasyong ito habang nasa iVessel, maya maya ay malilimutan ko na ito pagkasara ko ng mga .txt.
In-update ko ang mga nakasulat na impormasyon sa mga .txt ko mula sa mga mensahe ng aking mga kaibigan, lalong lalo na ang mensahe ni Linno. Nalaman ko ngayong araw na si Danna ay 4'8", si Vanna ay 4'10. Si Dinno ay 5'8", at si Kinno ay 5'9". Karaniwan siguro na mas matangkad ang mga lalake sa babae, yun ang naisip ko sa impormasyong ito. Si Vanna ang nag-relay tungkol dito. Siya ang nagsikap na mag-survey sa aming magkakaibigan gamit ang iJumpsuit at nalaman kong ako na lang ang hinihintay nya. Pero naiintindihan daw nya dahil alam nyang natatakot ako na baka mahuli. Kaya bumawi na lang daw ako sa susunod na party patch. Mamaya na pala yun.
Nalaman ko naman kay Dinno na ang iComplex ay may labindalawang (12) palapag. Ang dalawang palapag ay naka-usli sa lupa. Nalaman niya ito bahagi ng kurso nya sa iMechanical.
Si Kinno ay inalala ang ilang mga sikretong impormasyon sa mga nauna naming kasamahan na mga iNutritionist. Ang iPill daw ay walang kinalaman sa pagbubura ng memorya natin, pampatulog lang daw yun.
Itutuloy...