Ako naman ang gumawa ng mensahe para sa lahat. Gaya ng sinabi ni Linno ay copy-paste na lang sa lahat. Ang mensahe ko ay kusang matatatakan ng pangalan ng pagbibigyan ko nito.
//________, kamusta rin sa iyo? Ako naman ay tuloy pa rin sa paga-aral sa ilalim ng gabay ni Master Lurroy sa kursong Metacognition. Lagi akong sabik sa pagaaral ng kursong iyon dahil sa personal level communication patch kapag kami ay naguusap. Doon ay nasusubukan kong makipag-usap ng kaswal. Sana nga ay mas maging matagumpay ang pag-develop ni Linno sa program na ginawa nya sa A-eyegear. Sabik din akong maranasan nating magkakaibigan ang ganun kalayang pagpapahayag. Pasensya na kung hindi ako madalas makapagbigay sa inyo ng mensahe pagkat may hiya pa akong nararamdaman dala ng maikli pa lang nating pagkakakilala. Apat na buwan na ang nakalilipas, at sa apat na buwan na iyon ay kayo lang lagi ang nagbibigay ng mensahe sa akin gamit ang iJump. Aaminin ko may takot din kasi ako at bagabag na baka mahuli ako at maparusahan. Dagdag pa, gabi gabi akong umiiyak, na sa tuwing iinumin ko na ang iPill ay alam kong hindi ko na kayo uli maaalaala. Patawad kung hindi ganoon kalakas ang pananalig ko sa inyo. At salamat dahil sa inyo ay nakapag-imbak ako ng samu't saring emosyon at pakiramdam, na palihim kong dinadamdam kapag may pagkakataon. Lumawak ang isipan ko kahit na ito ay nakapinid ng ating mga piring, at gabi gabing hinuhuli ng iHive. Lagi kayong laman ng isip ko.//
Naging madamdamin din ang naging tugon nila sa mensahe ko. Si Linno ay mas nag-alab ang damdamin na matapos niya ang program ng A-eyegear sa lalong madaling panahon.
Yun ang kauna-unahang pinaka-makabuluhang apatnapu't limang (45) minutong pagbabanyo ko. At ito ang simula ng kasaysayan ng aming sikretong libangan at bisyo na rin.
Pagkatapos ng pagbabanyo ay natanggap ko ang sunod kong objective. Lahat kami ay may kani-kaniyang objective. May sampung (10) minuto ako para makarating sa programming laboratory. Kasama ko si Linno dito, sikretong nalalaman ko, at kabilin bilinan n'ya na manatili akong walang alam tungkol sa kanya upang hindi kami pagsuspetyahan na nagsasabwatan. Dahil kaming dalawa lang ang programmer sa Level 1. Natuto rin sya ng Metacognition sa gabay ni Master Lurroy. At sa totoo lang pasikreto nya akong tinutulungan sa pag-aaral dito. Ahead sa akin ng dalawang taon si Linno, sina Danna, Vanna, Dinno at Kinno ay mga ka-edad kong mga sampung (10) taong gulang din. Kaya mas kilala ko si Linno, alam kong mas matangkad siya sa akin. Ako ay 5'0, at siya ay nasa 5'11". Siya ang dumadantay ng braso sa aking kaliwang balikat tuwing magkakasalubong sa corridor. Gaya ko ay may iCapsule din sya, at alam kong magka-kapitkwarto lang kami. Siya ang nagpakilala sa akin ng gawi ng pagkikiskisan ng iJumpsuit. Yun ay thesis nya noong nag-aaral pa siya sa gabay ni Master Lurroy. Binigyan nya ako ng tunay na kopya ng thesis nyang iyon na ibinulid ko ng husto sa pagkakatago sa mga .txt files ko. Binigyan din ako ng kopya ng thesis na iyon ni Master Lurroy bilang inspirasyon ko sa pagaaral ng Metacognition, pero alam kong madaming inalis doon. Alam kong iyon din ang dahilan kung bakit may bagong iJumpsuit. Alam na ng iHive ang tungkol dun.
Next year ay mapo-promote na si Linno sa Level 2. Mandatory yun; na sa gulang na 13 ay kailangang ma-promote sa Level 2 ang lahat. May tatlong taon pa kaming magsasama nina Danna, Vanna, Dinno at Kinno. Sana gaya kay Linno ay lubos ko pa silang makilala. Hindi ko pa alam ang mga height nila. Edad at kasarian lang ang nalalaman ko sa kanila, at ang vocation nila ay kanina ko lang nalaman. Sina Danna at Vanna ay sa iMedicine, at si Dinno at Kinno ay sa iMechanical. Yung mga naunang dalawa kay Linno ko nalaman, na sila ay sa iFood. Sila ang responsable sa mga kinakain namin dito sa iCompound.
Kapag sinabing iCompound, eto at tumutukoy sa palapag o storey. Kaya ang iCompound ay tumutukoy sa Level 1 na yun. Ibang iCompound na ang Level 0 at iba pang mga palapag. iComplex naman ang tawag sa kabuuang gusali na ito. Mula sa Level 0 hanggang sa palapag na naka-litaw na sa lupa. Hindi ko alam kung ilang palapag ang buong iComplex, miski si Linno at mga kaibigan ko ay walang alam. Hindi ko naman magawang maitanong ito kay Master Lurroy, at kung sakali man na tatangkain ko na ay nakalilimutan ko ito. Ang sabi ni Linno, ang kutob nya ay bukod sa iComplex na ito ay mayroon pang iba at marami ito na bumubuo sa iColony. Palagay din niya ay ang iHive ay magkakaiba sa bawat iComplex. Naging inspirasyon ko ang mga natutunang ito mula kay Linno, na makarating sa ibabaw ng lupa. Nahihirapan akong buuin ang konseptong iyon. Meron akong mga basag basag na alaala tungkol sa ibabaw ng lupa mula sa napapanood kong movie series ng kasaysayan ng paglikha sa sansinukob. Binura itong pilit ng iHive pero yung ibang fragments ay isinulok ko kasama sa mga .txt files ko. Kaya kahit papaano alam kong may ibabaw ng lupa ang iComplex; at may palapag ang gusaling ito na nakalitaw sa ibabaw ng lupa. Naaalaala ko rin ang hitsura ng lupa may mga berde at putik na kulay. Naaalaala ko lang ito kapag sinasariwa ang mga iniimbak kong .txt files. Sana mabuo ko na rin ang .exe na magpapaandar ng mga inipon kong sikretong impormasyon.
Itutuloy...