BAGYO JR:
TAHIMIK akong nagkukubli dito sa likod ng bahay na nakikinig sa susunod na hakbang nila Tatay sa pagbaba sa syudad. Kabado man at pakiramdam ko'y tatraydorin ko si Tatay pero kung hindi ako kikilos? Hindi sila magkaka-encounter ni Dos.
Alam ko namang nangungulila na rin si Tatay sa pamilya niya. At kahit masakit sa akin. . . nakahanda akong magsakripisyo maibabalik lang siya sa kung saan siya dapat naroroon. At 'yon ay sa syudad. Kung saan naroon. . . ang totoong pamilya niya.
Pagkalabas nila ng nayon ay palihim akong sumabit sa jeep nito at sumunod sa kanila pababa ng bayan. Mabuti na lang at hindi sila nakakahalata ng lumipat na sila sa bigbike motor na nirentahan nila habang nakasunod ako sa 'di kalayuan.
PAGDATING namin ng syudad ay agad kong hinanap sa internet ang pangalan ni Dos. Mabuti na lang at nakalagay sa page ng headquarters nila ang cell number ni Police Captain nila kaya napadalhan ko ito ng mensahe tungkol sa magaganap na kilos nila Tatay at Tito Troy, ang ama ng kaibigan kong si Tight.
Palakad-lakad ako sa kinakukublian ko malayo sa pwesto nila Tatay at Tito Troy na nagmamasid sa hide out ni sen Joannes. Ang sunod nilang target.
Hindi na ako nakapaghintay at tinawagan na ang numero ni Dos. Halos tumalon palabas ng dibdib ko ang puso ko sa sobrang kaba ng sumagot ito sa kabilang linya.
Pagkatapos kong i-remind ito sa transaction na magaganap ngayong gabi ay muli kong in-off ang ang cellphone ko at pinanood sina Tatay na humahanap ng tiempo. Pipi akong nagdarasal na sana ay dumating si Dos at 'di nga ako nagkamali.
Dumating siya sakay ang bigbike motor nitong ikinubli din sa kalapit kong malaking puno ng acacia. Saglit din itong nagmasid-masid sa paligid hanggang sa may dumating na naka-motor din.
Nangunot ang noo ko na may tinawagan ito pero nagpapa salamat na rin na mukhang kaibigan lang nito ang tinawagan at hindi buong departamento.
Nangingiti na lamang akong pinagmasdan silang maingat na pumasok ng bahay sa gawing likod. Siya namang pagpatumba nila Tatay at Tito Troy sa mga nagkalat na bantay sa harapang bahagi at ikinubli ang mga katawan sa mga sasakyang nakaparada.
Alam ko namang kayang-kaya nila Tatay ang pagsalakay sa target nilang senador na isang kurap at protector ng mga syndicate ng bansa kaya 'di na ako sumunod na pumasok.
ILANG sandali lang naman at nakita ko ng palabas na sila Tatay at Tito Troy ng bahay. Nang biglang sumulpot si Dos na nakatutok ang baril sa dalawang ikina-alarma ko! Akmang papagitna ako sa kanila dahil nagkakatutukan na silang tatlo ng baril ng matigilan si Tatay at mukhang namukhaan. . . si Dos.
Napakubli na lamang ako ng inawat na ni Tatay si Tito Troy na ibaba ang baril at kalmadong nakipag-usap kay Dos na natigilan din sa sinaad ni Tatay sa kanya. Hindi ko man marinig ang usapan nila pero kita kong nabigla si Dos at ng makabawi ay sinugod ng suntok si Tatay na agad ding nailagan ito at sinalo ang kamao ni Dos paikot sa likod nito sabay yakap.
Kusang sumilay ang ngiti ko na makitang mahigpit itong niyakap ni Tatay mula sa likuran nito na ikinatigil din ni Dos. Iglap lang ay umalis na rin sila Tatay at Tito sakay ang motor nila palayo sa lugar kaya sumunod na rin ako dahil naririnig ko na ang mga hugong ng mobile ng mga patrol na back up nila Dos.
LUMIPAS ang mga araw at kita ko ang ilang pagbabago kay Tatay. Naging mas maaliwalas na ang mukha nito dahil sa pagkakaharap niya kay Dos at nayakap pa niya ito. Kaya mas nanaig ang kagustuhan kong maibalik na ito sa pamilya niya para tuluyan na itong maging masaya na tanging pamilya niya lang ang makakagawa.
Para namang umaayon sa akin ang tadhana ng minsang lumuwas ng syudad si Rosas na kaibigan at kababata ko rin at nagkaharap sila ni Dos na napagkamalhan niyang ako. Laking gulat ko pa na si Dos ang sumagot sa telepono nito at sinabing napagkamalhan siya ni Rosas.
Kahit kabado ay pikitmata kong sinabi dito kung saan kami naroroon para makarating ito sa nayon. Ito na ang pagkakataon kong mapagharap silang muli ni Tatay at umaasang sana ay matanggap ni Dos kung sino ngayon ang ama nitong buong akala nilang namayapa na.
Nagdidiwang ako sa loob-loob ko na nakikipag-cooperate naman si Dos ng pinagbihis at pinagpanggap kong ako. Para malaya itong makapasok ng nayon na walang naghihinala sa kanya.
Habang kumakain kami na magkaharap ay pasimple kong tinanong ito tungkol sa kanyang pamilya. Lalo akong nakonsensya na malamang hanggang ngayo'y nagluluksa pa rin pala ang Mommy nito sa pagkawala sa kanila ni Tatay dahil sa kagustuhan nitong malinis ang gobyerno.
Masaya akong nakagaanan ito ng loob at kitang nagustuhan ang luto ni Tatay. Bakas din dito na open-minded sa lahat ng bagay kaya mas nagkalakas-loob akong pagharapin sila ni Tatay at nagbabaka sakaling matanggap pa rin nito si Tatay sa katauhan nito ngayon.
Pero mukhang hindi nakauwi si Tatay dahil paggising ko ay wala pa ito at magliliwanag na. Siya namang pagkatok ni Rosas sa pinto at nagpapahatid na sa bayan dahil may klase na ito.
"Magandang umaga!" bungad nito pagbukas ko ng pinto.
"Magandang umaga, hilamos lang ako," ganting bati ko.
Sinilip pa nito si Dos na nahihimbing pa rin sa katre ko kaya nangingiti ko itong pinaningkitan dahil nangingiti itong ninanakawan ng sulyap ang Kuya ko.
"Ahemm!"
Napalis ang pagkakangiti nito sa pekeng pag-ubo ko at napaiwas ng tingin.
"Ang kulit niya, noh?" tudyo kong ikinapula nito pero nangingiti naman na napagha halataang kinikilig kay Kuya.
"Mas makulit pa sa inyo ni Tight. Pero masaya ako Bagyo. Kita at ramdam ko namang. . . mabuti siyang tao at mapagkaka tiwalaan natin siya sa sikreto ng samahan natin dito sa nayon. Pero. . . p'wede bang magtanong?" mahinang tanong nito at sumunod sa akin dito sa labas na tinulungan akong maghilamos.
Habang nagsasabon ako ng mukha, siya naman ang sumasalok ng tubig sa drum na siyang dahan-dahan nitong ibinubuhos sa mukha ko.
"Ano 'yon?"
Baling ko pagkatapos kong maghilamos at sipilyo. Siya namang dating ni Tight na hihikab-hikab pa.
"Umamin ka nga, sino si Dos? Bakit buong-buo ang tiwala mo sa kanya at nagawa mo pang dalhin siya dito sa nayon? Bakit magkapangalan kayo? Lalong-lalo ng bakit. . . bakit iisa ang mukha niyo?" mahinang bulong nito kaya maging si Tight ay nakiusyoso na rin.
"Nandito si poging bay!? Saan?!"
Sinaway ko itong hinaan ang boses kaya napatikom ito ng bibig.
Sinilip din nito sa loob si Dos na nahihimbing at nanlalaki ang mga mata nitong bumaling sa akin.
Nagtimpla naman na si Rosas ng kape naming tatlo at magkakatabing naupo dito sa balkonahe.
"Atin-atin muna ito. Kaya h'wag kayong maingay," babala kong ikinatango-tango ng mga itong matamang nakikinig sa akin.
"Si Dos kasi. . . ay anak ni Tatay," pagtatapat ko.
Namilog ang mata ng mga ito kaya inagapan ko ng tinakpan ang bibig ni Rosas na katabi ko habang si Tight ay sinubuan ko ng nilagang kamote sa bunganga nitong nakanganga na!
"Sabing h'wag kayong maingay," bulong ko kaya napatikom pa ng bibig ang mga ito.
"Kaya dinala ko si Dos dito. . . para magkaharap na sila ni Tatay. Dahil buong akala ni Dos at pamilya niya. . .wala na si Tatay. Tulungan niyo na lang ako, please? Tulungan niyo akong mapagharap ang dalawa. Alam kong gustong-gusto na ni Tatay na makabalik sa pamilya niya. Kaya ako na ang gumagawa ng paraan. . . para makabalik na siya," paliwanag kong ikinatango-tango ng mga ito.
"May isa pa kayong dapat malaman. . . si Dos, hindi siya basta-bastang anak mayaman. Isa pala siyang. . . Montereal."
Namilog muli ang mga mata ng mga ito sa muling pinagtapat ko na bakas ang pagkagimbal! Napatakip pa ang mga ito ng bibig at natutulalang nilingon si Dos sa loob.
"M-Montereal. . .? Hindi ba't sila ang pamilyang--"
"Pinaka makapangyarihan at mayamang pamilya dito sa bansa," tuloy ko sa sasabihin ni Rosas.
"Kung gano'n. . .si Suprimo ay--"
"Tama. Manugang siya ng pamilyang pinakamayaman dito sa bansa. Asawa niya. . .ang isa sa quadruplets ng pamilya Montereal. Si Señora Catrione Montereal." Sagot ko.
Namutla ang mga itong natutulala na tila hindi mag-sink-in sa utak nila sa mga pinagtapat ko sa katauhan ni Dos at ni Tatay.
"Kaya, Tight. Bantayan mo si Dos habang nasa bayan kami. Ikaw ng bahalang magbantay sa kanya dito, huh?" habilin ko pa kay Tight na nakatulala na at napapatango-tango na lang.
MAGKASAMA kaming bumaba ni Rosas ng bayan. Hanggang dito ay napakatahimik nito na tila kay lalim-lalim ng iniisip. Ni hindi namalayang nakarating na kami ng bayan.
"Huy, ayos ka lang?" natatawang untag kong ikinapitlag pa nito.
"Huh?!"
Natatawa kong pinitik ito sa noo ng magising ang natutulog nitong diwang ikinabusangot nito sa akin na napapahilot sa noo.
"Ang lalim ng iniisip mo."
Napailing itong pilit ngumiti at napapahinga ng malalim.
"Kaya pala."
Napalingon ako dito sa sinaad at nangunot ang noo dahil nangingiti itong napahalukipkip.
"Kaya pala ano?"
"Kaya pala pinagkaka guluhan at tilian siya kahapon sa mall. Akala ko pa naman ikaw siya at nag-glow-up ka lang," natatawang saad nito.
"Nalulula nga ako sa kanya kahapon mula sa postura, sasakyan at sa biniling tanghalian namin. Sa isang exclusive restaurant pa ito nag-take-out na umabot ng 50,000 pesos eh dalawang box lang ang pagkain na 'yon!" bulalas nitong mahinang ikinatawa ko.
"50,000? Sus, sa yaman no'n barya lang sa kanya 'yon," natatawang saad kong ikinatango-tango nito.
"Bakit?" takang tanong ko ng pamulaan ito at napatitig sa kamay.
"Ang kumag na 'yon! Nagpapasubo pa siya sa akin kahapon habang nagmamaneho. Akala ko naman ikaw kaya hindi na ako umangal na sinusubo sa kanya ang kamay ko. Kaya naman pala napakapresko at bolero niyang kausap! Nakakainis ang kapatid mong 'yon, hah! Tinatawag-tawag pa akong sweetheart at panay rin ang yakap sa'kin kagabi, haist!" sunod-sunod na bulalas nito at napapasabunot pa sa buhok na ikinatawa ko kaya sinamaan ako ng tingin.
"Niyayakap-yakap ka, kamo. . . at hinayaan mo lang?" tudyo kong ikinapula nito at nag-iwas tingin sa mga mata ko.
"Ang kulit nga niya eh, ayon. . . biniro ko tuloy na may mga alaga tayong dwende sa nayon kaya natakot at panay na ang yakap. Ewan ko kung totoong natatakot o nananantsing lang pero ngayong alam ko na kung sino siya at anong buhay ang kinalakihan niya? Masasabi kong natakot ko nga siya. Hmfpt! Buti nga sa kanya. Napakapresko niyang nilalang!"
Kahit kitang nagpupuyos ito sa inis kay Dos ay kumikinang naman ang mga mata at may munting ngiti sa mga labi.
"Mukhang tinamaan--"
"Hindi ah! Wala akong gusto doon, noh!" putol nitong ikinahalakhak ko.
Namumula na ang mukha nitong napatikom ng mga labi at halatang nahihiya na rin.
"Eh bakit defensive ka? Ang sinasabi ko lang naman, mukhang tinamaan. . . si Dos sa'yo. Napaghahalataan ka ah," muling tudyo kong ikinaningkit nito at padabog na bumaba ng pick-up.
"Aminin mo na kasi. . . may gusto ka rin kay Dos, noh?!" hirit ko at sinundan na ito dahil magkatabi lang naman ang clinic dito at ang skwelahan ng mga daycare na tinuturuan nito.
"Hell no!! Ang yabang-yabang kaya niya. Ipagmalaki ba naman sa akin na siya ang nililigawan sa syudad ng mga artista daw, models at beauty queen na binabasted niya lang," ismid pa nito na napapaikot ng mga mata.
"Hindi naman na nakakapagtaka na hubulin siya. Syempre. . . nasa kanya na lahat. Professional, kagwapuhan, kakisigan, kasikatan higit sa lahat. . . ?galing siya sa angkang kilala na nagsanib-pwersa. Del Prado at Montereal ba naman ang angkang pinanggalingan niya. Sinong 'di maghahangad mapaibig siya?" saad ko.
Napahinto ito at napakibot-kibot ang nguso.
"Tama ka. Kung sabagay. . .may maibubuga naman talaga siya," sagot nito sa malungkot na tono at napapahinga pa ng malalim.
"Eh bakit malungkot ka?"
Napailing ito at pilit ngumiti.
"Wala lang. Naisip ko lang kasi kung gaano siya kalayo sa isang tulad ko."
Nangingiti kong binunggo-bunggo ito sa balikat.
"Aray, ano ba?" mahinang asik nito.
"Ahem! Bakit mo naman iniisip kung gaano kalayo ang estado ng pamumuhay niyong dalawa, hmm?"
Napakamot ako sa ulo ng batukan ako nito at nagmart'yang pumasok ng center nito. Tatawa-tawa na lamang akong pumasok na rin ng clinic para makapagbukas.
ILANG oras pa lang akong nag-aasikaso ng mga pasyente ko nang bumungad si Tight na ikinakunotnoo ko dahil wala naman si Dos na kasunod nito.
"Bakit nandito ka?"
Naupo ito sa bakanteng silyang kaharap ng table ko.
"Hinatid si Captain..Ang hina pala ng sikmura, bay! Akalain mong nahilo at sumuka siya na isinakay ko sa kabayo pababa dito," natatawang bulalas nitong ikinatigil ko sa pagsusulat ng record ng pasyenteng sinusuri ko.
"Anong ibig mong sabihing hinatid mo?"
" May tumawag sa kanya. Ate niya yata. Bigla nga siyang nataranta kaya hinatid ko na dito. Ang astig nga no'ng sasakyan, bay!"
Napasapo ako sa noo at problemadong napakamot na lamang.
"Nagkita ba sila ni Tatay?"
Nanghina akong napasandal ng upuan ko nang umiling ito na mapait na ngumiti.
"Papunta na kami ng sakahan para magkaharap na sana sila eh. Pero nag-vibrate ang phone niya at 'yon nga, mukhang nagka-emergency siya sa pamilya." pagkukwento nito.
Natigilan akong napapalunok sa sinaad nito.
"Nakaalis na ba?"
Tumango-tango itong ikinasapo ko sa noo ko at wala ng nagawa kundi mapabuntong hininga na lamang.
"Pinasilab nga kaagad ang sportscar nito."
MAAGA pa lang ay umuwi na kami ni Rosas paakyat ng nayon. Bagsak ang balikat kong napurnada pa ang plano kong pagharapin si Tatay at Dos. Pagdating ko ng bahay siya namang dating ni Tatay galing sa sakahan at naghandang luluwas ng syudad para sa sunod nilang target.
Lihim akong napangiti at sumunod sa mga ito ng 'di nila nalalaman.
Alam kong malaking gulo kapag nagkaharap na silang mag-ama sa mga posibleng mangyari. Pero disidido na akong magharap sila at malaman ni Dos at pamilya nitong buhay pa si Tatay na pinagluluksaan nila.
Pagdating namin sa syudad. Tumuloy sila Tatay at ilang kasama nito sa Quiapo church para magpalipas ng oras. Kaya kahit delekado ay nagpadala ako ng mensahe sa team ni Dos na namataan ang grupo ni Tatay o Suprimo na nasa Quiapo at ilang sandali lang ay dumating nga si Dos na nakauniporme pa!
Napasunod ako dito ng mamataan niya sila Tatay na palabas na ng simbahan at patungo na sana sa lugar ng target nilang isa ring senador. Pero napurnada ng makatunog ang mga itong may pulis na tumitiktik sa kilos nila kaya naghiwa-hiwalay ang mga ito.
Kaagad kong sinundan si Dos ng si Tatay pa ang ang nasundan nito! Kahit plano kong pagharapin sila ay ayo'ko namang magpatayan sila na hindi makilala ang isa't-isa lalo na si Dos na buong akala ay patay na ang ama!
Pero natigilan ako ng makilala ni Dos si Tatay na natigilan din sa pagkaka-corner ni Dos dito sa iskinitang sinuotan nito.
Mapait akong napangiti ng hindi na nga pinakawalan ni Dos si Tatay at pinatakas pa si Tito Troy na nabigla ring makita si Dos na unipormado at tila inakalang ako ito.
"Sana maging masaya ka na, Tay. Dahil deserve mo at ng pamilya mong sumaya at magsama-sama na buo kayo. Ako ng bahala sa nayon natin. Pangangalagaan ko sila. . . katulad sa kung paano mo kami inalagaan."
Tumulo ang luha ko habang nakamasid sa kanila ni Dos na nawalan ng malay at kinarga ni Tatay pasakay ng taxi.
PAGDATING ko ng nayon ay nagtitipon-tipon na ang lahat at binubulyawan ni Nanay ang mga nakasama ni Tatay sa pagluwas ng syudad kaya patakbo akong lumapit na nakaagaw ng kanilang attention.
"Saan ka galing, huh?! Nahuli ang ama mo pero nasaan ka?! Bakit hindi ka sumama sa lakad nila?!" sunod-sunod na bulyaw nito sa akin.
Nakayuko lang naman ang lahat at nakikinig sa pagtatatalak ni Nanay na ngayo'y sa akin na naibaling ang galit!
"Pasensiya na po."
"Pasensiya?! Lumuwas ka ng syudad at alamin mo kung sino ang putang inang batang pulis na siyang nakadakip sa ama mo at ibalik mo siya dito ng buhay!" bulyaw pa nitong dinuduro-duro pa ako sa sobrang galit nito.
Napipilan ako at 'di alam ang tamang isagot lalo na't nakaharap kami sa buong kanayon namin. Hindi ko naman p'wedeng aminin sa lahat na ibinalik ko si Tatay sa pamilya nito.
Baka si Nanay pa mismo ang siyang kikitil ng buhay ko sa pagbabalik ko kay Tatay sa pamilya nito. Gayo'ng galit na galit na nga sa akin si Nanay na 'di ko masuyo ang ama kong mabuo kaming pamilya pero ngayo'y pinalala ko pa at lalong pinalayo ito sa amin ng ina ko.
Napaangat ako ng mukha nang tumayo na si Tito Troy na kanang kamay ni Tatay at ito na ang nagsalitang ikinaangat din ng mukha ng lahat sa anunsyo nito.
"Habang hawak ng pulisya si Suprimo, Primo anak. . .ikaw muna ang hahalili sa pwesto ng ama mo. Pag-aaralan natin kung sino 'yong pulis na nakadakip kay Suprimo. Dahil siya ang lead natin para matunton kung saan nila dinala ang ama mo," saad nitong sinang-ayunan ng lahat.
Maliban kay Nanay na kitang galit na galit pa rin at mukhang sa akin na naman nito ibabaling ang galit sa pagkakadakip nila kay Tatay.
Tumuwid ako ng tayo at pilit ngumiti sa lahat na ngayo'y nakamata na sa akin at naghihintay ng isasagot ko.
"H'wag po kayong mag-alala. Hindi ko pababayaan ang ating nayon bilang bago niyong. . . Suprimo."