CHAPTER 18

2114 Words
"Jinky, tara na. Umuwi na tayo," pahayag ko habang hawak-hawak siya sa kaniyang braso. "No! I wanna dance!" Pilit siyang pumipiglas sa akin ngunit hindi ko lang talaga ito magawang bitawan gayong wala na ito sa sarili. Kapag hinayaan ko siya ay walang pagdududa na sa sahig ng dancefloor ito babagsak at baka tuluyan siyang hindi makatayo sa sobrang kalasingan. Paano at gusto niyang magsayaw kung kaya ay sinundan ko siya rito. Ramdam ko man ang pagkaubos ng pasensya ko, lalo at ilang ulit akong nasasangga at nasisiko ng ilang mga tao sa paligid namin na maligalig kung magsayaw. Masakit na rin sa mata ang patay-sinding ilaw sa kabuuan ng bar. Mas nagwawala pa ngayon ang mga tao dahil na rin sa uri ng kanta. Panay ang hiyawan at sigawan, may iba pang kababaihan na nagpapatalbugan sa gitna dahilan para mas maramdaman ko ang pagkahilo. "Look, Elsa! Ganiyan din 'yung ginawa natin no'ng nakaraan, hindi ba ay nagbudots pa kayo ni Mareng Chloe? Ulitin mo nga 'yon, mukha ka kasing uod na binudburan ng asin no'n, e." Dinig kong palatak ni Jinky, kasabay nang mahinang paghagikhik nito. "Tapos ay napunta tayo sa presinto, tapos.... dumating si A—Andrew..." Sa narinig ay maang na tinitigan ko si Jinky, gamit ang disco lights ay mas maliwanag sa paningin ko ang pagkislap sa dalawang mata nito na hanggang ngayon ay hilam pa rin ng luha. Hindi maitatangging galing ito sa matinding pag-iyak. Umimpis ang labi ko pagkatapos kong magpakawala nang malalim na buntong hininga. Humigpit din ang pagkakakapit ko kay Jinky at mas minabuting yapusin ito sa kaniyang baywang bilang alalay at suporta na huwag siyang ma-out of balance. "Si Andrew na akala ko ay mahal ako, si Andrew na ipinaramdam sa akin iyong importansya at halaga ko bilang babae, si Andrew na palaging nandiyan kapag wala ka para pasayahin ako." Muli ay nagsimula na namang humikbi si Jinky. "Ang dami kong akala. All this time, palabas lang pala ang lahat na ginagamit lang niya ako para ipangsalag sa 'yo. Of all the people, Elsa, bakit ako pa? Hindi naman ako naging masamang tao para masaktan ako ng ganito— ang sakit kasi, na akala ko ay mahal ako... umasa ako, alam mo 'yon? Minsan lang ako magmahal, pero ganito pa ang kahahantungan ko." Malakas itong napasinghot, wala naman akong nagawa kung 'di ang makisimpatya sa nararamdaman niya. Malaki iyong parte na naiintindihan ko si Jinky, kaya awang-awa ako sa kaniya ngayon na hindi ako makapagdesisyon nang maayos. Knowing na ang rason ni Andrew kung bakit siya nakipaghiwalay dito ay si Annalisa. Iyong anak ko na walang kinalaman ay nadamay, pero sa kabilang banda naman ay naiintindihan ko si Andrew. He wants his child. Hindi ko lang alam kung totoo na gusto niya rin ba akong bumalik at makapagsimula kami ng panibago katulad ng kaninang sinabi ni Jinky. Naguguluhan ako, kasi sa totoo lang ay parang huli na ang lahat. Nagparaya na ako, pinilit kong maging masaya at tanggapin silang dalawa, nagawa ko na ring ipakilala si Annalisa sa kaniyang ama at naging masaya na rin si Jinky kay Andrew. Kaya hindi ko mawari at parang bumaligtad ang lahat. Nang magtuluy-tuloy ang paghagulhol ni Jinky ay hindi na ako nagdalawang-isip na hatakin ito palabas ng bar. Sa labas pa ay doon siya napaupo at maagap na tinakpan ang kaniyang mukha gamit ang dalawa nitong palad. Nasa likod lang niya ako habang pinapanood ang sunud-sunod na pagtataas-baba ng balikat nito, tahimik kong pinakikinggan ang mumunti niyang paghikbi. Mariin akong napapikit, sino ba sa aming dalawa ang mas deserve na sumaya? Sino sa amin ang maaaring deserve ni Andrew? Ako nga ba? Ako na minsan siyang sinaktan at iniwan. O si Jinky na walang ibang ginawa kung 'di ang alagaan ito at ibigay ang lahat nang makakaya niya upang suportahan siya? Si Jinky na minahal siya nang higit pa sa buhay niya, o ako na palaging naiipit at handang magparaya? Ako na hindi malaman kung ano ang ipinaglalaban, o si Jinky na may mabuting hangarin kay Andrew? Huminga ako nang malalim bago tumabi sa gilid ni Jinky, sandali ko pang tiningala ang madilim na kalangitan. Walang bituwin o buwan ngayon na sumisilip, tila ba nagbabanta pa roon ang malakas na pagbagsak ng ulan. Nang kunin ko ang cellphone ko mula sa sling bag ko ay nakita kong pasado alas onse na ng gabi, kaya nagpasya na rin akong mag-abang ng taxi upang iuwi si Jinky total ay alam ko naman kung saan ito nakatira. Mayamaya lang nang damayan ko ito sa kaniyang pagkakaupo habang maiging naghihintay ng taxi cab. Hindi pa maiwasang mapatingin ako sa bag nito nang marinig ko ang paulit-ulit na pag-ring ng cellphone niya. Dagli kong tiningnan si Jinky na patuloy sa kaniyang tahimik na pagtangis, nang wala siyang balak na sagutin ang kung sino man ang tumatawag sa kaniya ay minabuti kong kunin iyon at baka ang Mama niya ito. Ngunit nagulat na lang ako nang tumambad sa paningin ko ang rehistradong number at pangalan ni Andrew sa screen ng cellphone ni Jinky. Ilang minuto akong natigilan hanggang sa mamatay iyon, makalipas ang ilang segundo ay muli iyong nag-ring. Umawang ang labi ko, kapagkuwan ay nanginginig pa ang kamay ko nang sagutin ko iyon. Balak ko pa sanang ibigay iyon kay Jinky ngunit natagpuan ko na lamang ang sarili na dahan-dahang itinatapat iyon sa tainga ko. "Jinky?" paunang bungad ni Andrew sa kabilang linya. "Nasaan ka? Hello? Jinky? Nasaan ka?" Nasa boses nito ang labis na pag-aalala, rason para malusaw ang kung ano man ang emosyong namumutawi sa akin kanina. Naging blanko ang mukha ko at napatitig sa madilim na kalawakan habang pilit na pinapatahimik ang nagtataksil kong puso. "Kasama mo ba si Elsa?" dagdag nito na talaga namang nagpatigil ng hininga ko sa ere, kasabay nang pagkagat ko sa pang-ibabang labi ko. Hindi ko nagawang makapagsalita dahil literal na naputulan ako ng dila. Wala ako sa tamang huwisyo para magsalita, lalo at masyado akong naliliyo sa kung paano magrigodon at magwala ang dibdib ko. Pakiramdam ko ay mahihimatay ako nang 'di oras. Kalaunan nang mahinang bumuntong hininga si Andrew. Matagal na namutawi ang katahimikan sa pagitan naming dalawa na marahil ay akala niyang si Jinky ang kausap nito, kaya rin ay hindi ko magawang umimik dahil may kung ano sa akin na gustong marinig ang boses niya. Lalo kung ano man ang sasabihin o idudugtong nito sa huling nabanggit niya. Talaga bang hinahanap ako nito? O baka naman nagkataon lang dahil alam naman niyang magkasama talaga kaming dalawa. "Jinky... alam ko na galit ka sa akin sa nagawa kong kasalanan. Aminado ako na mali ko ang lahat, alam ko rin na walang kapatawaran ang nagawa ko. And I'm so sorry for that, hindi man sapat ang salitang sorry, pero gusto ko pa ring humingi ng paumanhin. Umaasa ako na darating iyong araw na mapapatawad mo ako— kami ni Elsa. I'm sorry... pero mahal ko pa kasi siya. Gaano ko man itago, pilit ko mang pagtakpan ay hindi ko kaya. Magpanggap man ako na ikaw ang gusto ko ay iba ang nais ng puso ko, kaya sorry, Jinky. Sorry sa lahat, pero sasabihin kong lahat ng ipinakita ko sa 'yo ay totoo na sa totoo lang din ay hindi ka naman mahirap mahalin. I could love you with all of my heart... kung hindi ko lang nakilala si Elsa, but I'm still thankful na ipinakilala ka sa akin ng tadhana. Bilang kaibigan, Jinky, mahal kita." Napakurap-kurap ako sa mga isinawalat ni Andrew, kasunod nang pagtulo ng luha ko kung kaya ay maagap ko iyong pinunasan. Halos hindi ko pa malaman kung paano iipitin ang paghikbi ko para hindi marinig ni Andrew. "Gusto pa rin kitang maging kaibigan na sana ay walang magbago sa atin, I treasure you that much. Masaya ako na nakasama kita, na kasama kita at nakakasama kita at mas masaya ako kung makakasama pa rin kita sa darating pang mga araw... namin ni Elsa. You're our true friend," maagap na dagdag ni Andrew sa mababang himig. "And I know, hindi masamang magpahinga, naiintindihan ko. Naiintindihan kita, so, rest well, Jinky— salamat." Nang hindi ko mapigilan ay kumawala ang ilang paghikbi ko dahilan para mabilis kong takpan ang bibig ko. Itong pag-iyak ko ay hindi para sa akin dahil sa mga narinig ko ay tila ba ako pa itong nasasaktan para kay Jinky. Animo'y nasa sapatos ako ni Jinky at ramdam na ramdam ko kung ano iyong nararamdaman niya ngayon kung bakit din siya umiiyak. Naging sunud-sunod ang pagtangis ko, para lang kaming nagkasundo ni Jinky sa halos magkasabay kaming paghagulhol. "Sorry, Jinky," muling sambit ni Andrew, saka ko pa narinig ang pagpiyok sa boses nito. "So—sorry, sorry, sorry... sorry, Jinky. I'm sorry..." Hindi ko alam kung nagpapasalamat ba ako na ako ang nakasagot sa tawag ni Andrew, hindi ko kasi ma-imagine kung ano pang sakit ang mararamdaman ni Jinky ngayon kung sakaling narinig niya ang mga ito. "Nandito si Jinky sa Midnight Bar, pakisundo na lang siya," kalaunan ay pahayag ko na siyang ikinagulat ni Andrew. "Hindi siya makapagsalita dahil lasing siya, saka... lasing din siya." Nagpanggap na lang ako na kahahawak ko lang ng cellphone ni Jinky at hindi ko narinig ang kaninang mga sinabi niya. Mahinang tumikhim si Andrew, saglit namang namutawi ang katahimikan sa amin. Hindi pa nagtagal nang maputol ang linya, rason para harapin ko ang cellphone kung kaya ay natanto kong marahil ay sinadya iyon ni Andrew. Naging kibit ang balikat ko, kapagkuwan ay nagpahid ng pisngi. Ibinalik ko na rin ang cellphone sa bag ni Jinky bago ko siya niyakap sa balikat nito. Ilang ulit ko ring hinahaplos ang likod niya bilang pagpapatahan, nasa ganoong ayos lang kami sa nagdaang minuto. "Sorry for all the lies, Jinky," bulong ko ngunit tama lang din para makaabot pa sa pandinig niya. "And thank you for everything, you are not just as my friend but you're my kapatid sa ibang ina. Thank you, sis Jinky." Mayamaya lang nang mapalingon ako sa harapan namin nang may biglang bumisina, kasunod nang pagparada ng isang kotse. Nang ma-realize at mamukhaan ito ay maagap akong napatayo, kapagkuwan ay tinulungan ding makatayo si Jinky. Mula sa driver's seat ay lumabas doon si Andrew na nakapambahay lang, suot lang niya ang isang jersey sando, shorts at tsinelas. Dere-deretso itong umikot patungo sa gawi namin, isang beses niya akong tiningnan bago nito kinuha sa akin si Jinky at dinala sa back's seat ng kotse. Sinundan ko sila roon at nakita kung gaano iningatan ni Andrew si Jinky na huwag mauntog. Dala na rin ng kalasingan at mabigat na damdamin ay wala nang naging pakialam si Jinky sa nangyayari. Baka nga ay hindi siya aware na si Andrew na ang kasama namin ngayon. Kalaunan nang maisarado ni Andrew ang pinto dahilan para mapaatras ako at madaling tiningala ito, siya namang baling niya sa akin. "Si—sige na, ihatid mo na si Ji—Jinky," utal kong banggit dahil hindi ko alam kung paano ba magpapanggap na hindi ko narinig lahat nang sinabi niya kanina. "Ikaw?" maang na pagtatanong nito kung kaya ay wala sa sarili nang ituro ko ang kalsada. "Maghihintay ako ng taxi—" "Pwede ka namang sumabay sa kotse. Ihahatid din kita," pagpuputol nito sa kung ano pa man ang rason ko, saka pa niya binuksan ang pinto sa passenger's seat. "Pumasok ka na." Umawang ang labi ko, nagugulat man ang kaluluwa ko ay nagawa ko pa ring makapasok sa loob. Hinila ko ang pinto upang isarado at madaling inayos ang seatbelt ko, samantala ay pumasok din kaagad si Andrew sa kabila. Wala nang pagdadalawang-isip na pinausad nito ang kotse at sa biyahe naming iyon ay naging tahimik ang paligid. Tantya ko pa ay nakatulog na si Jinky sa likod, hindi ko lang siya magawang lingunin dahil para lang akong natuod sa pagkakaupo ko. Sa oras na iyon ay naging mabilis lang din ang biyahe namin, since 'di gaano ang sasakyan at wala na rin masyadong tao sa tabing kalsada. Hindi ko pa napansing umikot ito sa isang kanto kung saan ang lugar nina Jinky. Huminto ang kotse sa isang tabi, saka ko naman napansin ang isang matandang babae na nag-aabang sa pagbaba ni Jinky na siyang nakilala kong ina nito. Wala ako sa sarili upang sundan ang naging galaw ni Andrew, namalayan ko na lang na pareho na kaming nasa labas. "Hmm," ungot ni Jinky habang nakapikit ang kaniyang mga mata, saka pa nito niyapos ang baywang ng kaniyang ina. "Boyfriend ka ba ng anak ko?" anang ginang na ikinagulat ko ngunit maagap namang umiling si Andrew bilang pagtanggi. "Hindi po— may asawa na po ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD