CHAPTER 17

2106 Words
"Cheers!" malakas na sigaw ni Jinky, kasunod nang pagtaas nito ng bote sa ere na siyang hawak-hawak niya. Napangiti ako sa kawalan, saka ko naman din sinabayan ito sa kaniyang kabaliwan. Higit isang oras na kaming naroon ni Jinky sa bar at hindi ko na nga rin mabilang sa mga kamay ko kung nakailang bote na kami. Gaano man din kaingay ang paligid dahil na rin sa malakas na tugtog at sa mga taong naghihiyawan habang malanding sumasayaw sa gitna ng dancefloor ay mas nangingibabaw pa rin ang boses ni Jinky sa pandinig ko. Sa nakalipas pang oras ay wala akong ibang ginawa kung 'di ang panoorin siya na ramdam ko man din ang sarili kong kalasingan ay nagagawa ko pang sundan ang mga nangyayari at sinasabi ni Jinky. Matapos kong tunggain ang natitirang laman sa boteng hawak ko ay marahas akong napabuga sa hangin. Magkasabay pa kami ni Jinky nang maibaba namin iyon sa round table na kinalalagyan naming dalawa. "Parang mas sumarap ngayon ang alak. Nalasahan mo ba? Lasang ampalaya" aniya sa may kalakasang boses upang mas marinig ko ito. Naging kibit ang balikat ko. "Hindi ko sure, pero ganoon pa rin naman ang lasa." Ngayon ko masasabi na totoong may dinadalang problema si Jinky. Kanina pa siya nawawala sa tamang huwisyo, sunud-sunod ang paglagok niya na kulang na lang ay mag-order pa ulit ito ng isang bucket ng alak. Hindi maiwasan na mapatitig ako sa mukha niya, gaano man kalawak ang ngiti nito sa kabaliwan niya ay hindi naman iyon literal na masasabing masaya siya. Panay pa ang pagkislap ng mga mata nito sa nagbabadyang emosyon niya. Ewan ko, hindi ko nga rin alam kung ako lang ba o talagang hindi niya ako magawang tingnan. Madalas ay nag-iiwas ito ng tingin na para bang nahihiya siya sa akin, kalaunan nang mapahinga ito nang malalim. Gustuhin ko man ding magtanong ngayon ay hindi ko magawa. Pakiramdam ko na kapag pinangunahan ko siya ay para ko na ring pinatunayan kung ano man ang tumatakbo sa utak nito ngayon. "Elsa..." pukaw niya sa akin, saka pa nagbaba ng tingin at minabuting paglaruan sa kaniyang kamay ang isang bote ng alak. "Hmm?" Hindi ko alam kung narinig niya ba iyon, siya namang pag-ismid nito sa kawalan. "Si Andrew..." panimula niya, samantala ay mas pinili ko na lang ang manahimik. "Noong mga panahon na may pinagdadaanan si Andrew kung saan na kwento niya iyong ex-girlfriend niya na iniwan siya na sumama sa ibang lalaki, ako iyong nasa tabi niya para aluhin at suportahan siya. Ako iyong naging balikat niya na pwedeng iyakan, unan na pwedeng yakapin at pagsabihan ng mga hinanakit sa buhay." Napasinok ito bago dumukwang sa lamesa, ginawa nitong suporta ang dalawang siko niya na itinukod nito sa gilid at saka pa ako unti-unting nilingon. Doon ay nagkatagpo ang mga mata namin ni Jinky. Actually, alam ko na ang parteng iyan sa buhay ni Jinky. Matagal niya nang sinabi sa akin ang naging sitwasyon nila dati ni Andrew, kaya ganoon din katibay ang bond nila sa isa't-isa at ganoon sila ka-close. "Sa akin siya madalas tumatakbo kapag may problema siya, ako palagi iyong hinihingian niya ng opinyon sa tuwing magdedesisyon siya. Nandoon ako noong mga panahon na nagmu-move on siya at ako ang unang nakasaksi sa muling pagngiti niya. Nakita ko iyong pagbabago ni Andrew na mula sa nanlalamig at matigas niyang puso ay unti-unti ring lumambot. Sa totoo lang ay ang dami na naming pinagdaanan sa mga nakalipas na panahon na magkasama, itinuring namin ang isa't-isa na magkasangga at sa tagal na 'yon— aminado ako na nagustuhan ko si Andrew. Who wouldn't, right? Ikaw nga ay nagustuhan mo siya at kung may isang bagay man ako na hindi sinabi sa 'yo at itinago ay iyon ang pagmamahal ko kay Andrew." Umawang ang labi ko, maang pa akong napatitig sa mukha ni Jinky na seryoso lang kung pagmasdan niya ako. Wala akong mabasang expression sa dalawang mata niya, kaya hindi ko mawari kung ano ba ang sasabihin ko. "Na-realize ko na matagal ko nang mahal si Andrew, hindi ko lang masabi at hindi ko maamin dahil na rin sa nariyan ka. Nauna mong nabanggit kay Andrew na gusto mo siya, rason 'yon para pigilan ko ang sarili ko at mas pinili na unahin ka. Kasi bilang kaibigan mo ay nirespeto ko iyong nararamdaman mo na kahit ako ang nililigawan ni Andrew ay nagpigil ako, masyado kitang inalala. Ayaw kitang masaktan, ayoko na ma-disappoint ka sa akin at ayoko na magkasiraan tayo dahil lang sa isang lalaki kung kaya ay kinimkim ko iyong akin na habang tumatagal ay napapamahal na rin ako sa kaniya," pahayag nito, hindi naglaon nang mapait siyang mapangiti sa kawalan. Kasunod nito ay ang pagsinghot niya kung saan napanood ko pa ang pag-alpas ng luha nito sa kaniyang pisngi na maagap naman niyang pinunasan. Mahinang natawa si Jinky bago tumingala at mariing pumikit. "Sorry, ah? Pero alam mo ba na natutuwa ako sa tuwing nag-aaway kayo? Ibig sabihin lang no'n ay wala kang epekto kay Andrew, na okay lang pala kahit saglit ko siyang bitawan at ipaubaya sa 'yo, kasi ako pa rin naman ang gusto niya. Kaya nga laking tuwa ko rin noong tuluyan mo siyang ibigay sa akin." Sa pagkakataong iyon ay mas bumuhos ang mga luha ni Jinky, kitang-kita ko iyon na halos pumuno sa kaniyang pisngi. Hindi na rin niya nagawa iyong punasan, useless din naman na dahil sa panibagong luha nito. Napakurap-kurap ako sa harapan niya at saka pa mabilis na nagbaba ng tingin sa lamesa nang maramdaman ko ang pagbigat sa dibdib ko nang tila may kung anong nagbara sa lalamunan ko. Totoo na isa iyon sa hindi ko alam patungkol sa kaniya. Pareho lang din pala kami na iniintindi ang isa't-isa na akala ko ay napakabait ko na dahil nagawa kong magparaya para may Jinky, pero nauna na pala niya iyong nagawa sa akin. Ngayon ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Nagmukha lang akong naputulan ng dila at hindi ko magawang makapagsalita, wala rin akong lakas para aluhin siya gayong isa naman ako sa dahilan kung bakit ito umiiyak. Ilang sandali pa nang mag-angat ako ng tingin dito. "Masaya ako, Elsa. Ang saya ko noong nagkaroon ako ng laya na sagutin si Andrew nang walang naiipit, pero lahat ng kasiyahang naramdaman ko sa araw na iyon ay mabilis lang din na naglaho nang makipaghiwalay din siya sa akin ilang araw ang makalipas. Imagine, Elsa, mas tumagal pa iyong paghihintay ko sa tamang panahon kaysa sa relasyon namin. Hindi ko alam kung ano 'yung mali. Noong una ay hindi ko mawari kung bakit kailangan niyang makipaghiwalay, kasi 'di ba? Niligawan niya ako, pero ganoon lang din pala? Kung nakikipagbiruan lang pala siya sa akin, sana ay tinawanan ko lang din siya, hindi ba?" Pagak na natawa si Jinky bago nagbaba ng tingin sa akin, kitang-kita ko ang pang-uuyam sa parehong mata nito habang maigi akong tinititigan. Wala pa sa sarili niya nang mapabuga ito sa hangin. Kasunod nang pagtungga nito sa panibagong bote ng alak, samantala ay tahimik ko lang siyang pinapanood. Tanaw ko pa ang paggalaw ng kaniyang leeg sa bawat paglagok niya habang nakapikit ang mga mata. Mayamaya lang nang halos mapatayo ako sa pagkakaupo ko upang abutin ang kamay niya dahil sa walang awat nitong pag-inom na balak pa niyang ubusin iyon nang isahan lang. Mabilis kong inagaw ang bote sa kaniya. "Elsa!" tili nito ngunit mas inilayo ko iyon sa kaniya. "Pati ba naman 'yan ay aagawin mo?" Sumama ang tingin nito sa akin dahilan para mapahinto ako, sa pagkakawala ko pa sa sarili ay nabitawan ko iyong bote sa sahig kung kaya ay tuluyan akong tumayo at saka madaling inagapan ang mga bubog sa sahig. Natatakot lang din ako na baka may maaksidente pa dahil dito at sa katatabi ko ng ilang basag na bote ay hindi naiwasang madaplisan ang daliri ko ngunit hindi ko na iyon ininda pa, mabuti at may dumating din na waiter upang linisin iyon. Hinayaan ko na ang waiter at kaagad na binalingan si Jinky, nakadungaw ito sa akin habang bakas sa kaniyang mukha ang tila pagkaburyo. Kalaunan nang umayos ako ng tayo at nilapitan siya sa upuan nito. "Lasing ka na, halika na at umuwi na tayo," mahinahong pahayag ko bago hinawakan ang braso nito ngunit tinabig lang niya iyon. "Ikaw, Elsa? Ano bang kwento ng buhay mo? Hindi ba ay nag-usap tayo na kukwentuhan mo ako ngayon?" Pinagtaasan ako nito ng kilay, saka naman ako napabuntong hininga. "Lasing ka, Jinky, ikwento ko man din ay alam kong hindi mo na iyon maaalala bukas—" "Well, hindi ba't mas maganda iyon? Para kung ikasasakit man ng damdamin ko 'yung ikukwento mo ay ayos lang, kasi makakalimutan ko rin naman kinabukasan." Muli ay napabuntong hininga ako, napipilan ko pang tinitigan si Jinky ngunit seryoso lang niya akong sinusuklian ng tingin. Mayamaya lang nang bumalik ako sa pwesto ko at nag-umpisang ilahad sa kaniya ang lahat. "Una muna sa lahat, alam ko na huli na para humingi ng sorry dahil sa hindi ko pagsasabi sa 'yo nito— pero sorry pa rin. Sorry kasi hindi ko nasabing ako iyong ex-girlfriend ni Andrew." Tipid akong napangiti, siya namang pagkagulat ni Jinky. Sa itsura nito ay para lang siyang nakakita ng multo sa katauhan ko at hindi makapaniwalang napatigalgal sa akin, tanaw ko pa ang ilang pagkurap-kurap niya. Kasunod nang pag-awang ng labi nito sa pinaghalong gulat at pagkamangha. "Ikaw iyong gold digger at selfish ex-girlfriend na sumama sa matandang lalaki..." Napangiti ako sa pagtatama nito. "Hindi ko alam kung deserve mo ba na marinig pa itong kwento ko, base pa lang sa sinabi mo ay nauna mo na pala akong nahusgahan. But anyway, since it's my promise ay utang ko pa rin sa 'yo ito. You can call me all you want, Jinky, but to tell you honestly, ginawa ko iyon dahil may rason ako at iyon ay dahil gusto kong gumaling sa sakit kong leukemia. Noong panahong iyan ay nagdadalang-tao rin ako, kaya hindi pagiging selfish ang tawag doon. It's for our own sake, sa akin, sa bata at kay Andrew." "I never thought you had come this far, user ka rin pala," wala sa sariling banggit niya. Mas lumawak ang pagkakangiti ko, kasabay nang malayang pagtulo ng luha sa pisngi ko. Hearing those words make me feel numb, galing pa sa kaisa-isahang tao na inakala kong naniniwala sa akin. Pakiramdam ko ay nawasak ang puso ko at ramdam ko ang pagkapira-piraso nito. Dinaig ko pa iyong na-broken na galing sa isang relasyon, ang sakit na makarinig ng ganoong panghuhusga mula kay Jinky. "Hindi mo ako maiintindihan hangga't wala ka sa sitwasyon ko. Hindi rin kita masisisi, alam ko na nasasaktan ka—" "Pero paano?" maagap niyang segunda na pinapahinto ako sa nais ko pang sabihin. "Paano?" pag-uulit ko. Tumango-tango ito. "Paano mo naatim na paglihiman ako, Elsa? Pinagmukha mo akong tanga, pinaniwala mo ako sa lahat ng kahibangan mo. At hindi kita maintindihan? Girl, wake up, umpisa pa lang ay hindi mo na pinaintindi sa akin." Gaano man katigas ang expression ng mukha nito ay siya namang patuloy nitong pag-iyak, animo'y nagpapaligsahan lang kami at nagpapadamihan ng luha. Mukha man kaming ewan na sa kabila ng ingay sa paligid ay mayroon kaming sariling mundo. Wala kaming pakialam, hindi na alintana sa amin kung may ilan man na nakatingin sa gawi namin at pinag-uusapan kami. Sa totoo lang ay gusto ko pang patunayan ang sarili ko kay Jinky, pero katulad ng sinabi ko kanina ay useless na rin dahil sa mga panghuhusga nito. Isa pa, ayoko nang pahabain itong nangyayari. Ayokong mapunta kung saan pa itong pag-uusap namin. Pareho kaming nakainom kung kaya ay pareho ring malakas ang loob namin, ayokong humantong na tuluyang masira ang pagkakaibigan naming dalawa. "I'm sorry." Malalim akong napabuga sa ere bago nanunuyong tinitigan si Jinky. "Pero gusto ko lang din linawin sa 'yo na wala akong inagaw. Nagsinungaling ako, oo, pero maniwala ka na hindi ko inagaw sa 'yo si Andrew." "Ano lang?" Tumagilid ang ulo ni Jinky na para bang ina-analyze pa nito sa kaniyang utak ang sinabi kong iyon. "Wala akong kinalaman sa kung ano ang kinahinatnan ng relasyon ninyong dalawa," pahayag ko, kapagkuwan ay mapait na napangiti. "Kung ano man din ang dahilan ni Andrew ay hindi ko alam. Hindi ko hawak ang utak at desisyon niya..." "Dahil sa anak niyo, Elsa," mabilis na sagot ni Jinky kung kaya ay natahimik ako. "He wanted a new life, a new beginning. Not with me, but with you. He wants his family back. He needs you."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD