CHAPTER 12

2111 Words
Sa totoo lang ay hindi ko na alam ang gagawin ko, para lang akong zombie na paroon at parito sa kinalulugaran ko. Nanginginig ang magkabilaan kong balikat, samantala ay halos mapudpod naman ang mga kuko sa daliri ko sa kangangatngat ko roon. Wala akong maintindihan sa paligid, o mas magandang sahihin na literal na nawawala sa mundo ang kaluluwa ko. Lumilipad ang utak ko, wala ako sa tamang huwisyo upang makapag-isip ng tama. Pagod ako buong maghapon ngunit hindi ko iyon maramdaman ngayon, para bang namamanhid ang buong katawan ko, kasama nang panlalamig kahit pa hindi naman ganoon kalamig sa loob ng hospital. Damang-dama ko ang bawat pagtulo ng pawis sa noo at leeg ko, gayon pa man ay hindi ko na iyon pinansin pa. Kalaunan nang mapahinto ako sa ginagawang paglalakad at saka pa maang na napatitig sa kawalan. Sa malawak at pahabang hallway na iyon ay walang masyadong tao, sa nagdaang oras ay mas marami ang pagkakataon na ako lang ang nandoon kung kaya pakiramdam ko pa ay para akong nilalamon ng liwanag. Mula sa kulay puting dingding, sa nakasisilaw na puting ilaw at sa katahimikang namumutawi sa kabuuan ng hallway. Kasabay pa nito ay ang malakas na pagtibok ng puso ko na ano mang oras ay kakawala na lang iyon sa dibdib ko. Natuyo na lamang din ang luha sa pisngi ko. Hindi ko namalayang pasado alas otso na ng gabi, hindi ko na nga alam kung ano pang itsura ko at hindi ko na rin ininda iyong gutom na kanina pang bumubutas sa tiyan ko. Wala na akong mailuha ngayon sa higit isang oras kong pagtangis kanina, tila ba natuyo na lang din ang katawan ko at para akong lantang gulay. Sa totoo lang ay gusto kong magwala, pero wala akong lakas. Masyado akong nanghihina sa katotohanan na nasa loob ng emergency room ang anak ko— si Annalisa habang nag-aagaw buhay. Hindi ko na nga alam kung ano pang dasal ang gagawin ko dahil lahat na ng santo ay nabanggit ko na. Hindi ko na pinagtuunan ng pansin kung kumusta na ba sina Andrew at Jinky. Wala na akong naging pakialam pa sa kanila, kahit pa alam kong sobrang saya nila habang ako rito ay hindi na alam kung paano pa kakalma. Ewan ko, dasal ako nang dasal ngunit ngayon ko mas napatunayan na paborito ako ng Diyos na pahirapan. Tipong sa dinami-rami ng populasyon ng tao sa buong mundo ay ako palagi ang nakikita niya. Puro si Elsa, si Elsa na lang parati— si Elsa, ako na lang palagi. Hindi ko man lang magawang maging masaya, mas marami pa iyong pagkakataon at panahon na umiiyak ako, na natatakot ako at naghihirap ako. Mahirap bang pagbigyan iyong kahilingan ko na sana ay sumaya man lang ako? Kahit alam ko sa sarili na marahil ay ito ang kabayaran at karma ko sa nangyari noon sa amin ni Andrew, pero please lang— huwag naman si Annalisa. Kahit ako na iyong mahirapan, kahit ako na lang iyong masaktan at mag-agaw buhay, huwag lang ang anak ko. Huwag lang iyong kaisa-isahang tao na pinagkukuhanan ko ng lakas, huwag iyong taong kasiyahan ko. Kasi tanggap ko na, kahit pasurahan ako nang paulit-ulit ay ayos lang, basta makita ko lang ang anak ko na nasa maayos na kalagayan. Makita ko lang siyang mapabuti, magkaroon ng magandang kinabukasan ay okay lang ako kahit anong ibato sa akin. Wala sa huwisyo nang masapo ko ang mukha ko nang maramdaman ko ang pagtatangkang sumabog ng emosyon ko, tahimik ko ngayong kinikimkim iyong sakit at takot. Kalaunan nang mapaupo ako sa mga nakahilerang upuan sa gilid ng hallway. Ngunit kaagad din akong napatayo nang marinig at makita ko ang pagbukas ng pinto sa room na pinagdalhan kanina kay Anna. Ako na rin mismo ang lumapit sa doctor nang lumabas ito na halos pagod na pagod ang itsura. "Doc, ano pong resulta? Kumusta po ang anak ko? Okay lang naman po siya, hindi ba? Wala naman siyang sakit? Magigising pa naman po ang anak ko 'di ba? Babalik pa naman siya sa akin 'di ba?" sunud-sunod kong sambit na punung-puno ng pag-asa at pag-aasam. Ayokong isipin na may mangyayaring masama kay Annalisa, para ko na ring sinabi na mawawala siya sa akin. Kaya hanggang ngayon na kahit wala pa ring sagot ang doctor ay hindi ako napanghihinaan ng loob. Kumakapit ako sa katotohanan na matapang si Annalisa, she's brave enough para tanggapin ang buhay na kinamulatan niya. Matalino siya, kaya alam nito kung paano haharapin ang buhay na mayroon kami. Hindi basta-basta sumusuko ang anak ko, maski nga grade nito sa school ay ipinaglalaban niya. Kaya hindi ko mawari kung bakit ganito, papaanong nangyari at humantong sa ganito ang sitwasyon ni Anna. Mayamaya pa nang bumuntong hininga ang babaeng doctor. "Calm down, Misis. Everything is okay now, nagpapahinga na lang po ang anak ninyo sa loob. Kaya marapat din na huminga at magpahinga na muna kayo." Sa narinig ay para akong mamamatay na halos sambahin ko ito sa harapan ko, gusto ko pang lumuhod dahil na rin sa panghihina ng mga tuhod ko kung hindi lang maagap na nahawakan ng doctor ang braso at balikat ko. Isang maaliwalas na ngiti ang iginawad nito sa akin, kapagkuwan ay nagpaalam na rin kung kaya ay mag-isa na lamang akong naiwan doon. Hindi pa nagtagal, lumipas ang ilang minuto nang payagan akong makapasok sa loob. Bumungad pa sa akin ang kulob ng kwarto kung saan ang bawat tunog ng isang machine ay nagpapaulit-ulit sa pandinig ko. Dim lights ang naiwang ilaw, ganoon pa man ay hindi iyon naging sabagal para hanapin ng paningin ko si Anna na payapang natutulog. Lumapit ako rito, gaano man din nangangatog ang mga binti ko ay napagtagumpayan kong sakupin ang espasyong nakapagitan sa amin. Huminto lang ako nang nasa tabi na ako nito, siya namang dungaw ko sa mukha niya. "Ano mang kagustuhan kong pagsabihan ka kung bakit kailangan mong patayin ang sarili mo, pero ayokong gawin— baka magtampo ka pa sa akin," mahinang palatak ko habang pigil-pigil ang sarili na huwag maiyak. Hindi na food poison ang anak ko, ang totoo ay nilaklak nito iyong isang bote ng dishwashing liquid. Ewan ko rin ba kung ano ang pumasok sa utak niya para gawin iyon. God, kamuntikan nang mawala sa akin si Annalisa. Huminga ako nang malalim upang pakalmahin muli ang sarili at saka pa nakagat ang pang-ibabang labi, mariin kong tinitigan ang mukha ni Anna. Hindi ko maramdamang galit ako sa kaniya, bagkus ay mas nag-aalala pa ako. Ayon sa doctor, she needs help. She needs guidance. Ayaw mang banggitin ng doctor ngunit natanto ko na baka masyadong naapektuhan ang utak ng anak ko. She felt lonely that's why. At wala akong ibang sinisisi roon kung 'di ako— hindi si Anna o si Andrew, ako mismo. Nagkulang ako, nawalan ako ng oras, pinagdamutan ko siya ng atensyon, pinigilan ko siyang mapalapit sa akin. Iyong tipong inakala ko na ang perfect ko na bilang ina, kasi tumayo na rin akong ama para sa kaniya. Nagtatrabaho ako 24/7, hindi lang sa Dela Vega Publishing house, pati na rin dito sa bahay ay walang katapusan ang gawain ko. Lahat ng perang nalikom ko ay kay Anna ko pinagkagastusan, lahat ay ginawa ko para lang mapabuti siya at mailagay sa magandang landas. Ngunit baliwala pala iyon kung atensyon ang gusto ng isang bata. Hindi ko naisip na sa sobrang abala ko ay unti-unting lumalayo ang loob niya sa akin, na wala itong naging pakialam sa lahat ng effort ko na maibigay ang lahat ng pangangailangan niya dahil ako mismo ang kailangan nito. Kaya ang laki ng pagsisisi ako, nagagalit ako para sa sarili. I kept blaming myself. Kaya maging sa sarili ko ay awang-awa ako. Ang dami kong akala na sa tingin ko ay tama, pero sa mata ni Anna ay mali ang labas. Sa pagmuni-muni ko ay hindi ko napansin ang dahan-dahang paggalaw ng daliri ni Anna ngunit sa paninitig sa maamo niyang mukha ay madali kong napanood ang unti-unting pagdilat nito na halos mapanawan ako ng ulirat. Umawang ang labi ko, natuliro ako at hindi mawari kung ano ang gagawin. Tangka pang tatalikod ako upang tumawag sana ng nurse ngunit nahinto rin nang maramdaman ko ang pagdampi ng kamay ni Anna sa kamay ko. Kaagad ko itong nilingon bago nagbaba ng tingin sa kamay niyang nakahawak sa akin na para bang pinipigilan ako nito sa gusto kong gawin. Sa sobrang lamig pa ng palad niya ay nanunuot iyon sa katawang lupa ko. Sanhi iyon para magising ang diwa ko. Mayamaya lang nang balingan ko siya, mabilis lang din na nagtagpo ang mga mata namin dahilan para maiyak ako sa galak sa katotohanang gising na nga ito. "A—Anna..." bulalas ko at hindi na rin napigilan ang sarili nang walang pagpipigil na bumuhos ang panibago kong luha. Halos yakapin ko pa ang braso nito sa dibdib ko, kasabay nang paulit-ulit kong paghalik doon. Iyak lang ako nang iyak sa harapan niya, samantala ay nananatili namang tahimik si Anna na nakatitig lang din sa akin. Paminsan-minsan pa ay may nililingon ito sa bandang likod ko, partikular sa pinto na para bang hinihintay niyang may papasok doon. Hindi ko na iyon pinansin, nang hindi pa matuwa ay niyakap ko ang katawan nito. "Hu—huwag mo nang uulitin iyon, ah? Please lang, huwag mo nang ga—gagawin 'yon..." sambit ko habang ngumangawa sa kaniyang dibdib. "Kapag inulit mo pa iyon ay hindi ko na talaga alam ang gagawin ko." Walang imik si Anna, marahil ay epekto iyon sa kaninang nangyari. Muli ay hindi ko na iyon inabala pang isipin, mas natutuwa lang din ako dahil nagising siya at mas pinili nitong manatili sa tabi ko. "Huwag mo nang gagawin 'yon. Huwag mo akong iwan, anak— ikaw na lang 'yung mayroon ako, ikaw na lang 'yung nariyan para sa akin—" "Si Papa?" untag nito na naging rason para matigil sa ere ang pagsasalita ko. Sa narinig pa ay wala sa sarili nang umahon ako, saka ito maang na tinitigan. Napakurap-kurap ako, tila pa umurong ang luha ko sa reyalisasyong ako iyong nandito at nahihirapan ngunit iba ang hinahanap niya. Hindi maiwasan na mas masaktan ako, hindi ko na rin alam kung kanino pa ako manlilimos ng awa para sa sarili. Tama rin pala iyong sinasabi ng karamihan— kung sino pa iyong masiyahin, sila pa iyong mas maraming pinagdadaanan. "Nasaan si Papa?" pag-uulit nito nang manatili akong walang imik. Napakamot ako sa batok ko, sa totoo lang ay hindi ko alam kung anong sasabihin at ire-react ko. Nadismaya ako ngunit ayoko namang ipakita iyon kay Anna, kalaunan nang umimpis ang labi ko para sa isang tipid na ngiti. "Wa—wala ang Papa mo," utal kong sagot na sana lang ay tama ang sinabi ko. "Ganoon ba?" Napalabi ito bago tiningala ang puting kisame sa kwartong iyon. "Bakit mo hinahanap? Nanaginip ka ba? Nakita mo ba siya sa panaginip mo?" "Hindi." Marahan itong umiling. "Ang sabi kasi ng kaklase ko, subukan ko raw ang magpakamatay. Sa ganoong paraan daw kasi natin malalaman kung importante ba tayo sa buhay ng isang tao." "A—ano?" gulantang kong saad na halos dungawin ko ito para lang makita kung nagbibiro ba siya. Ngunit sa seryoso niyang mukha ay na-realize kong hindi kung kaya ay tuluyan nang bumagsak sa sahig ang panga ko. Hindi makapaniwalang pinagmasdan ko si Anna. Kaklase? Sino ba ang tinutukoy niya at nang maidemanda ko. Ewan. f**k. Gusto kong magalit, kating-kati iyong mga kamay ko na magwala ngunit sobrang laki nang pagpipigil ko sa sarili. Isama pa na kaunti na lang ay sasabog na ako sa halu-halo kong emosyon. "Sinabi mong wala si Papa, hindi siya dumating. Ibig sahihin lang ay hindi ako mahalaga sa kaniya, wala lang ako para sa kaniya." Tumango-tango ito sa kawalan. "Pasalamat na lang din ako na maaga kong nalaman kaysa umasa ako na darating pa siya sa araw ng graduation ko." "Anak..." bulong ko sa hangin dahil masyado akong namamangha sa kaniya. "Kaya siguro hindi mo rin siya maipakilala sa akin, o maski ang maipakita. Pero katulad naman ng palagi kong sinasabi, ayos lang iyon sa akin. At least... alam ko na rin ngayon." Lumamlam ang parehong mata ni Annalisa, nang malingunan pa niya ako sa gilid nito ay doon ko nakita ang pagbabadya ng kaniyang luha ngunit imbes na umiyak ay malaking ngiti ang iginawad nito sa akin. "Hindi iyon sa ganoon, anak." "Okay lang, Ma. Sana lang talaga ay noon ko pa tinanggap na wala akong ama, kaysa ipinaglaban ko pa siya sa mga kaklase ko na balang-araw ay makakasama ko rin siya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD