Chapter 1

1976 Words
"SERIOUSLY? Siguro naman kaya nating kumita ng sapat na halaga mula sa fund raising na 'yan nang wala sila. You're asking too much, Elza." "Pero friend, mas malaki ang kikitain natin 'pag nando'n sila sa event. Mabenta sila, alam mo 'yon. Posibleng hindi lang organization project ang mapupuntahan ng funds, pati na rin 'yung mga outreach programs natin. Kaya mas magandang invited sa event ang Zero Degree." Napabuntong hininga ako at nilaro ang ballpen na hawak ko. We're inside the council office. Pinag-uusapan namin ang darating na pageant. It's a fund raising activity of the council. "Pero wala sa usapan natin na mag-iimbita tayo ng banda," I insisted. Ngayon ko lang talaga na-realize na sana pala hindi na lang ako pumayag na maging representative ng curriculum namin sa council. Masyadong maraming alalahanin lalo na 'pag may gaganaping mga events. "Iyon na nga, eh. Sa susunod na linggo na 'yung pageant pero wala pa sa kalahati ang nabebentang mga tickets. Hindi naman natin puwedeng gawing compulsory ang pagbebenta dahil hindi papayag ang president. Baka masita pa ang council. And I don't want that to happen. Kaya iyon lang ang naisip kong paraan para makabenta tayo ng mas maraming tickets. Hindi lang mga estudyante sa loob ng university ang mabebentahan natin, tiyak pati ang mga outsiders," mahabang paliwanag ni Elza na siyang tinanguan ng lahat. "Tama." "I agree." "I think that's the most brilliant idea." I just sighed. May punto naman talaga sila. I just don't like the idea because I will be the one to personally invite the Zero Degree since I'm the event's co-chairperson. Zero Degree is a well-known acoustic band inside the campus. Technically, hindi lang sa loob ng university. Marami silang fangirls sa labas ng eskuwelahan na lagi silang tinitilihan 'pag nagpe-perform. Hindi ko lang talaga bet ang mga gano'n. I'm too busy with my studies to insert that fangirl-ing thing. "Since kayo naman ang nakaisip niyan, bakit kaya hindi na lang kayo ang kumausap sa kanila?" I suggested. That made Elza roll her eyes. "Kaya ko nga sinasabi ito kasi ikaw lang ang makakagawa no'n, friend. Magaling ka kasi sa sales talk. Baka naman puwede mong i-apply 'yon sa kanila. I'm confident na mapapayag mo sila. Please, Serenity?" For the nth time, I blew a deep breath. Ano pa nga ba'ng magagawa ko? Kung hindi lang talaga ako concerned sa fund raising project na ito, kanina pa ako umuwi. "Fine. Pakigawa na lang ako ng letter of invitation at ako na ang maghahanap sa kanila para i-abot," pagsuko ko. "Hindi mo lang i-aabot ang invitation sa kanila, you need to talk to them, friend. Kailangan mapapayag mo sila. Alam ko na napaka-busy nila, pero for sure hindi ka nila matatanggihan," pahabol pa ni Elza. Tumango na lang ako. Napakasuwerte naman ng council dahil kay Elza. She's very dedicated towards her work despite her hectic schedule. She's a Mass Communication student. Pareho kaming nasa third year na rin. Magtatapos na ang first semester. Malapit ko na talaga makamit ang inaasam kong diploma, tatlong semester na lang. "Sige na, ako na ang bahala. Pero hindi ko maipapangakong mapapayag ko sila. But I'll do my best," sabi ko. "I'm very confident that we can get a yes from them, friend." Ngumiti na puno ng kumpiyansa si Elza. Palibhasa kasi kilala niya ako na hindi madaling sumusuko. Laging positibo ang kinakalabasan ng mga ipinapagawa niya sa aking mga tasks. "Oo na nga, Madam Elza. Basta ba--" "Oo na, ililibre kita ng lunch bukas!" aniya. Natawa kaming lahat. We call her Madam Elza. It's actually her nickname we derived from her real name, Eleanor Zamora. "This meeting is adjourned. Please give me latest updates, ha?" "Yes, chair!" Sabay na sabi ng lahat. "And by the way, friend, puwede mo nang daanan ang invitation pagkatapos mong mananghalian. Gagawin ko na agad ngayon." Tumango ako at saka nagpaalam na rin bago lumabas  ng University Student Council office. Agad ko ring tinext ang isa pang kaibigan ko, si Marga. Paniguradong kanina pa iyon naghihintay sa cafeteria. Mabuti na lang at wala na akong subject pagkatapos nito. Pagkatapos ng pananghalian ay saka ko na pag-isipan kung paano mapapayag ang Zero Degree na mag-perform sa pageant night. Mahirap pa naman silang hagilapin. Duda akong papansin nila ang isang ordinaryong estudyante katulad ko. Sabagay, malapit ko na rin naman makamit ang mga pangarap ko. Masasabi kong masuwerte ako dahil isa ako sa mga napili na maging scholar ng Micaller International University. After graduation, there's already a job waiting for me. Kailangan ko lang talagang i-maintain ang grades ko. Being an academic scholar is a big challenge for me. Pero sa tuwing naiisip ko ang mga magulang ko ay lumalakas ang loob ko. Nami-miss ko na nga sila pero kailangan ko munang magtiis dito sa siyudad. Uuwi rin ako sa probinsiya pagsapit ng bakasyon. Agad akong naupo sa bakanteng upuan sa loob ng cafeteria. Ang sabi ni Marga ay nandito na siya kanina pa. I roamed my eyes. Napatampal na lang ako sa noo nang makita siya sa 'di kalayuan lamesa. Kaharap niya ang ilan sa mga varsity players sa eskuwelahan. Binuksan ko ang cellphone ko saka nagpadala ng mensahe sa kanya na nandito na ako. Napansin kong tiningnan lang niya ang hawak niyang cellphone saka itinuon ulit ang atensyon sa kausap na mga kalalakihan. Ang landi talaga. "Marga!" I called out. Alam kong naririnig niya ako dahil hindi naman masyadong maingay sa loob ng cafeteria. "Marga!" I called out once again. Nilingon niya na ako at ngumiti saka sumensyas ng wait lang. Napasimangot na lang ako at dinutdot ang cellphone ko. Naisipan ko na lang na basahin muna ang mga notes ko habang naghihintay na matapos ang pakikipaglandian niya. Pero umabot na ng sampung minuto ang paghihintay ko pero hindi pa rin tumatayo si Marga sa kinauupuan niya. Pansin ko rin ang panay niyang pagsabit ng buhok sa tainga niya. Halatang nagpapa-cute sa kausap niya. "Marga!" tawag ko ulit. Tumutunog na ang tiyan ko dahil ala una y media na ng hapon pero hindi pa ako nakapananghalian. Ang inggratang Marga hindi pa rin ako pinansin. Hindi ba siya nagugutom? O talagang busog na siya sa mga kausap niyang mga pa-poging lalaki? Tsk! "Marga!" Nagsimula na akong mainis. Kung ayaw niyang sumabay sa akin kumain , bahala siya sa buhay niya. Pero, hindi puwede dahil nangako siyang ililibre niya ako ng lunch pagkatapos ko siyang tulungan sa feasibility study niya. Sayang din 'yung libre, dagdag savings din 'yon. Tumayo ako mula sa upuan saka namaywang bago tawagin ang buo niyang pangalan. "Marvin Garcia! Nagugutom na ako---" Natawa ako nang bigla siyang tumayo mula sa upuan at kumaway sa mga kausap niyang lalaki. Mabilis pa sa alas kuwatrong lumapit siya sa puwesto ko at tinakpan ang bibig ko. "Gaga ka talaga! Sinabi ko na sa 'yo dati na huwag na huwag mo akong tatawagin sa buong pangalan ko sa maraming tao! I hate you, girl!" maarte niyang sabi at akma niya akong babatukan pero umilag ako. "The feeling is mutual," irap ko sa kanya. "Kanina pa ako nag-aantay rito pero parang wala kang balak na lumapit, eh. Kanina pa ako nagugutom, just so you know. At huwag ka nga mag-inarte, kokonti lang naman ang mga tao rito dahil ala una y media na," sagot ko. Marga is my long time friend. He's  gay. Magkaklase kami mula pa no'ng first year. Pareho kaming kumukuha ng kursong Business Administration major in Management. He wanted to be called Margaret sometimes but I prefer calling him Marga. Atleast, blended word iyon ng buong pangalan niya. "Oo na, sandali lang. Mag-order lang ako. Napaka-demanding mo talagang babae ka," aniya saka tumayo para mag-order. Tiningnan ko rin 'yung puwesto ng mga kalalakihang kausap niya kanina pero palabas na sila ng cafeteria. Buti naman. Mga ilang minuto pa'y bumalik na si Marga bitbit ang tray na may lamang mga pagkain. "O, ayan na po, Mahal na prinsesa Serenity!" nakasimangot niyang sabi pagkalapag ng tray. "Labag ba 'to sa loob mo?" untag ko ngunit inikutan niya ako ng kanyang mga mata. "Bakit kasi hindi ka na lang muna um-order ng pagkain mo habang naghihintay? Istorbo ka!" aniya. "Whatever! Siyempre, ikaw magbabayad ng pagkain ko, remember? Tsaka mamili ka naman ng lalandiin mo!" sagot ko saka nagsimulang kumain. "Eh, sino namang lalandiin ko? 'Yung Zero Degree? Para mo na ring sinabi na susuntukin ko ang buwan," aniya. Natawa ako. Aside from being a popular band in the campus, Zero Degree members are all good-looking men. Palibhasa kasi galing sila sa ellite families. Sa katunayan ay anak pa ng may-ari ng university ang isa sa kanila, si Levi Micaller. Ni minsan ay hindi ko pa sila nakakaharap nang malapitan. I've seen them performing on stage before pero hindi ko alam na gano'n pala kalakas ang kanilang impluwensya. Freshman pa lang ako no'ng narinig ko silang kumanta sa isang event na ginanap sa university cultural center. "Speaking of Zero Degree, friend... Tulungan mo naman ako," pagbubukas ko ng usapan habang kumakain. "What? Gusto mong landiin ang Zero Degree---aray!" Binatukan ko siya. "Abnormal! Hindi ako kagaya mo na malakas ang loob mambola ng mga lalaki. At saka wala sa bokabularyo ko ang iniisip mo!" Ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa status ng paparating na pageant at ang pag-iimbita sa Zero Degree. Tumango-tango naman siya. "You mean, ha-hunting-in natin ang mga fafabols na 'yon?" Tila naghugis-puso ang mga mata ng kaibigan ko. Napailing na lang ako. "Oo, kaya tulungan mo akong makausap sila. Dadaanan ko sa office 'yung invitation letter pagkatapos nito. Wala naman na tayong subject ngayong hapon kaya kailangan makausap ko na sila agad. Sayang oras, ilang araw na lang pageant na." "Ay, sige ba! Kahit ako pa ang mag-abot ng sulat, kering-keri, meym!" aniya. Pagkatapos kumain ay dumaan nga kami sa office para kunin ang invitation. Sa laki ng university ay nakakangalay maglakad papunta sa ibang building. Mabuti na lang din at lagi akong nakasuot ng flat shoes. Maliban kasi sa hindi ako sanay sa high-heeled shoes, mas convenient din magsuot ng flats 'pag nagmamadali. Nakasunod lang ako kay Marga habang naglalakad patungo sa dulo ng Engineering building. "Sigurado ka ba na tama itong pinupuntahan natin, meym?" tanong ko. Kung hindi ako nagkakamali ay patungo kami sa likod ng building. "Oo nga. Ang sabi kasi nila nandito raw sa likod 'yung tinatambayan palagi ng mga fafa na 'yon. Sumunod ka na lang kaya?" Napakamot na lang ako ng ulo saka sumunod sa kanya. Ang awkward dahil pareho kaming naka-uniform na pang-BA. Iba-iba kasi ang uniform per college. Isang malawak na hardin ang sumalubong sa amin. Ngayon lang ako nagawi sa bahaging ito ng university. Napanganga pa ako sa mga halaman, mukhang alagang-alaga sila. "Ayan!" turo ni Marga sa isang maliit na building. Para siyang bahay na itinayo rito. "Sigurado ka ba?" nag-aalangang tanong ko. Ngunit hinatak niya lamang ako papunta sa pinto. Kumatok siya ngunit walang bumukas. "Baka walang tao. Baka may mga pasok ang mga 'yon," sabi ko. Kumatok siyang muli ngunit gano'n pa rin. Kumatok na rin ako. Walang sagot. "Teka, subukan ko nga pihitin ang seradura." Nagkatinginan kami ni Marga nang bumukas ang pinto. May tao nga sa loob! "Baka hindi lang nila narinig," untag ko. Para kaming mga magnanakaw na nagbubulungan para walang makarinig. Sumilip si Marga sa siwang ng pinto. "Ano? May tao ba?" usisa ko. 'Di siya sumagot. Nakadukdok lang ang ulo niya sa siwang. "Uy, meym! Ano na?" Kinalabit ko siya. No reaction pa rin. Naisipan ko na lang na sumilip na rin sa siwang. Medyo tinulak ko ang pinto para lumaki ang siwang saka sumilip. Ngunit gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko sa nakita ko sa loob. "Aaah!" I shouted. "Ay!" Nagulat si Marga kaya naitulak niya nang malakas ang pinto. Pareho kaming bumagsak sa sahig. With me on top of him. ©GREATFAIRY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD