Ilang beses pang bumuntong-hininga si Lacim, nakapatong ang kanyang dalawang paa sa table, nakasandal ang kanyang likod sa swivel chair habang ang kanyang kamay ay nasa batok niya. Nasa loob pa siya ng kanyang opisina, matamang nag-iisip sa kanyang dapat na gawin. Ilang araw na siyang ginugulo ni Eurice at ng kanyang ina, mapa-opisina man iyon o condo unit niya. Hindi niya tuloy maiwasang hindi patayin ang kanyang cellphone upang hindi siya matawagan. Hindi niya na sinabi pa iyon kay Aleigh para hindi mag-alala ang asawa niya sa kanya ngayon. Patuloy siyang humahanap ng ibang paraan, at hangga’t kayang uwiwas ay ginagawa niya iyon. Ayaw niyang mag-cause pa iyon ng gulo sa loob ng kanilang pamilya at madamay pa ang asawa.
“Dude, ano bang nangyayari sa’yo, ha?” ilang sandali pa ay pasok ni Mico sa loob ng opisina niya, kunot ang noo nitong matamang nakatingin sa kanyang mga mata. Sa itsura nito ngayon ay halatang nag-aalala na siya sa inaasta ang kaibigan na dati namang masiyahin pa. “Ilang araw ka ng lutang diyan, may problema ka na ba agad sa suliraning ginawa niyong dalawa ni Aleigh.”
“Shut up, Dude!” ngising sambit ng lalaki sa kaibigan niyang nakatingin pa rin sa kanya.
“Iyan ang sinasabi ko sa’yo Dude, kumuha ka ng batong ipupukol sa iyong ulo mismo!” paninisi nito sa kaibigang naiiling lang sa pagpapayong kanyang ginagawa, “O baka may nabuntis ka?”
“Ulol ka, Dude!” muling halakhak ni Lacim kahit hindi naman siya natatawa sa parteng iyon.
Mabilis na tinanggal ni Lacim ang kanyang paa sa lamesa at cool niya ng hinarap ang kaibigan.
“Bakit nandito ka na naman?” tanong niya ditong halos araw-araw siya doong pinupuntahan.
“Masama ba?” baliktanong ni Mico sa kanya, “Tinitingnan at sinisgurado ko lang na maayos ka pa. Weekend na bukas, pumunta tayo ng bar mamaya.” magaang aya nito na naupo na sa sofang nasa tanggapan ng malaking opisina ni Lacim, “Matagal na noong huli kang sumama.”
“Passed, hindi ako pwedeng sumama.” mabilis na pagtanggi ni Lacim na ikinagulat ni Mico.
“Ha? Bakit?”
“Pupunta yata si Mommy at Eurice mamaya sa condo ko para sa aming dinner,” bigo niyang tugon sa kaibigan, “Hindi ako umuuwi ng bahay kaya sila na ang nag-adjust para sa akin.”
“Buong family mo?”
Nagkibit-balikat lang si Lacim, hindi niya alam kung tototohanin ng ina ang banda nito sa kanya.
“Gusto mong sumama sa unit ko, Dude?” tanong ni Lacim nang maisip niya iyon para mahiya ang kanyang buong pamilya kung sakaling pagagalitan man siya ng mga ito sa hapagkainan.
“No, Dude.” mabilis pa sa alas-kwatrong pagtanggi ng kaibigan niya sa kanya, “May lakad ako.” natatawa nitong saad na alam naman ni Lacim na wala, ayaw lang nitong makinig ng sermon.
Mabilis nang tumayo si Mico at pagkatapos siyang tingnan ng may kahulugan ay humakbang na ito palabas ng kanyang opisina. Ilang minuto pa ay muling sumungaw ang kanyang ulo sa pinto.
“Sabihin mo na sa kanilang kasal ka na kaya hindi ka na pwedeng magpakasal pa,” anito pa.
“Gunggong ka!” palatak ni Lacim na masamang tiningnan ang pintuan na sumara na.
Muling naging tahimik ang loob ng kanyang opisina, isa pa iyon sa mga problema niya ngayon. Hindi niya na tuloy alam kung saan niya ilalagay ang kanyang sarili. Naisip niyang mabuti na lang at maunawain ang kanyang asawa na hindi madalas mag-demand ng kanyang panahon at oras. Muli pang binalot ng katahimikan ang kanyang buong opisina, panaka-nakang maririnig doon ay ang malalim at malakas na pagbuntong hininga niya. Bagay na mas nagpabigat pa sa sitwasyon. Tumayo siya at kinuha na ang kanyang mga gamit, uwian na rin at ilang minuto na ang lumipas. Wala sa sarili siyang nagmaneho pauwi ng kanyang unit, hindi pa rin binubuksan ang cellphone.
“Sabi ko naman sa’yo na ipakilala mo na siya sa mga magulang mo,” payo na ni Julian sa kanya nang tawagan niya na ito upang hingan ng kanyang opinyon, “Sabihin mo na siya ang babaeng pakakasalan mo, magmatigas ka sa kanila. Wala na namang magagawa ang mga iyan, Dude.”
“Dude, nagpa secret wedding na kaming dalawa noong—” hindi niya na natuloy pa ang kanyang sasabihin nang malakas na itong sumigaw mula sa kabilang linya.
“What the f**k! Anong sinabi mo Lacim?!” hindi makapaniwala nitong tanong, “Bakit mo iyon—goodness, gumawa ka ng problemang napakahirap sulosyunan, “Pumayag siya na magkasal?”
“Oo Dude, napagkasunduan naming dalawa iyon.”
Narinig niya ang mga mahina nitong pagmumura sa kabilang linya. Hindi niya tuloy mapigilang makaramdam ng guilt, alam nitong kasintahan niya si Aleigh pero si Mico lang ang mayroong alam sa pinlano niyang sekretong kasal. Bagay na ng mga oras na iyon ay pinagsisisihan niya.
“Bakit ka ba mura nang mura diyan?” tinig iyon ni Freya, “Sino ba iyang kausap mo?”
“Lacim,” narinig niyang tugon ng kaibigan sa asawa nitong kasama sa Hongkong, “Gago eh!”
“Bakit? May panibagong babae na namang kinakalantari?”
Malakas na tumawa si Lacim, hindi niya alam kung saan nito nakuha ang ideyang iyon sa kanya.
“Hoy Lacim, istorbo ka!” sigaw ni Freya na sinundan ng malakas nitong pagtawa.
Pagbalik ni Julian sa tawag ay paulit-ulit siya nitong pinagalitan na kanya lang matamang pinakinggan. Hindi siya sumagot o kahit mangatwiran nang taliwas sa pananaw ng lalaki.
“Dude, gusto mo bang magaya sa resulta ng ginawa ko?” tanong nito na bagama’t naiinis ay nandoon pa rin ang pag-aalala sa kanyang tinig, “Gusto mo ba iyong maranasan din, Dude?”
Aminado si Lacim na mali nga ang kanyang naging desisyon, at naging padalos-dalos siya doon. Ngunit hindi niya na maibabalik ang oras at panahon na ginugol nila doon, dahil ito ay lipas na.
“Ang mabuti pa ay aminin mo na sa kanilang kasal ka na, at wala na sila doong magagawa pa.” matinong plano ni Julian, “Dude, tanggapin mo ang sapak at suntok nila pero sabihin mo na.”
“Alright, gagawin ko ang sinabi mo.”
“Be a man, Dude, be a real man.” saad pa ni Julian na isa sa kanyang matalik na kaibigan.
Mabilis na niyang pinahrurot ang kanyang sasakyan patungo ng kanyang unit, nakapagdesiyon na siya. Sa kanilang dinner ay sasabihin na niya ang tunay na dahilan ng kanyang pagtanggi.
“Ano ba naman ang itsura nitong unit mo, Lacim?” bungad ng kanyang ina pagkabukas niya ng pintuan ng kanyang unit, may ilang tagapaglinis doon na tahimik na naglilinis, “Makalat na ay madumi pa, hindi ka man lang ba nagpapalinis ng iyong unit ha?” palatak pa nitong tanong, “Dito ang ating family dinner at pasunod na rin dito ang iyong mga kapatid at ang Daddy mo.”
Tuloy-tuloy na pumasok si Lacim, hindi niya pinansin ang mga sinasabi sa kanya ng ina. Mabilis lang siyang natigilan nang makita niyang nandoon din si Eurice, nakaupo at nakangiti sa kanya.
“Oh, you are home.” maligayang saad nito na tumayo at humakbang pa palapit sa kanya.
Wala sa sarili niyang mabilis itong nilagpasan. Wala siya sa mood makipaglampungan ngayon. Tuloy-tuloy siyang pumasok ng kanyang silid, narinig niya pa ang naging litanya ng kanyang ina.
“Pasensiya na Eurice, mukhang pagod si Lacim sa kanyang trabaho ngayong araw.”
“Ayos lang po Tita, nauunawaan ko naman po ang pagod niya.”
Isinarado niya na ang pintuan ng kanyang silid, mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang bahagyang kumalma. Hindi niya na alam ang kanyang gagawin, tila umurong na naman ang kanyang dila upang sabihin sa mga ito na kasal na siya. Hindi niya na alintana kung mawalan man siya ng kabuhayan at mana mula sa kanilang pamilya, ang mahalaga ay nanindigan na siya.
“Aamin na ako mamaya,” hinga niya nang malalim, “Sasabihin kong nagpakasal na ako sa iba.”
Sa kabilang banda naman ay malawak ang ngiti ni Aleigh nang lumabas ng kanyang opisina, plano niyang saglit na dumaan sa supermarket upang mamili ng kanyang ihahandang pagkain nilang dalawa ni Lacim sa dinner. Mamimili rin siya ng mga panlinis ng unit dahil alam niyang marumi na naman iyon dahil sa matagal-tagal na hindi niya pagpunta sa condo ng asawa niya.
“Anong oras kaya siya uuwi? Ano kayang gusto niyang kainin sa dinner?” tanong niya pa sa kanyang sarili habang tulak ang isang cart sa loob ng pamilihan, “Tawagan ko nga siya ulit.”
Bagsak ang balikat na tinigilan niya ang pagatawag sa kabiyak, hindi niya pa rin makontak ang number ng lalaki. Hindi niya mahulaan kung anong nangyari na dito. Kung nawala na ba ang cellphone nito, o naubusan ng battery, o hindi kaya naman ay nakalimutan niyang buhayin.
“Mamaya ko na lang siya tatanungin,” ana pa ni Aleigh sa kanyang sarili at ipinagpatuloy na ang kanyang ginagawa, “Magkikita naman kami at mag-uusap mamaya.” dagdag niya pa sa litanya.
Pagkaraan pa ng isang oras ay nabili niya na ang mga kailangan at mga pakay sa supermarket. Inilulan niya na iyon sa sasakyan at abot-tainga ang ngiting nagmaneho na patungo sa BGC kung saan matatagpuan ang unit ng kanyang kabiyak. Mabagal niyang ipinarada ang sasakyan sa parking lot, maliit pa siyang napangiti nang makita doon ang sasakyan ng kanyang asawa.
“Nakauwi na pala siya dito?” bulong niya sa sarili na panay ang sulyap sa sasakyan ni Lacim na nakaparada na doon. “Baka nakatulog siya kung kaya naman hindi niya na na-check pa ang kanyang cellphone.” patuloy na kumbinsi niya sa kanyang sarili, bagama’t iba doon ang nafi-feel niya sa mga oras na iyon, tila may mali ang ginagawa nitong pag-iwas sa kanyang mga tawag. “Hindi naman siguro, baka may iba pa siyang pinagdadaanan ngayon.” parang sirang muling saad niya na umikot na upang kunin sa likod ng sasakyan ang kanyang mga pinamiling gamit.
Humakbang na siya patungong lift, hindi pa rin napapawi ang ngiti sa kanyang labi kahit pa marami ng mga bagay ang kanyang naiisip na mga posibleng nangyari sa binata. Naisip niya na baka kailangan lang nito ng oras upang mag-isip at ipaalam na sa kanilang pamilya ang kasal. Ngumiti siya sa babaeng nasa mid-fifties na lumabas ng lift, tumango lang sa kanya ang babae na hindi niya alam na siyang ina ng lalaking pinakasalan niya. May kukunin lang ito sa sasakyan nila. Nakangiti na si Aleigh na lumulan doon, inayos niya pa ang envelope ng kanilang marriage contract ni Lacim na nakagay sa kanyang shoulder bag na bukas upang hindi iyon magusot. Nakasuot pa rin siya ng kanyang damit na pang-opisina, simple lang iyon pero branded na gawa mismo at design ng kanilang clothing line company. Pagkatapos na marahang umubo ay pinindot niya na ang button ng huling palapag na siyang penthouse ng building na iyon, naiinip niya ng pinagmasdan ang mabagal na pagtaas ng numero sa screen doon na siyang kulay pula.
“Hindi na ako makapaghintay pa,” muling bulong niya sa kanyang sarili, hindi niya na maitago pa ang sayang kanyang nararamdaman kagaya ng excitement na nakabalatay sa mukha niya.
Bumukas ang pintuan ng lift kasabay ng isa pang lift sa kabila nito. Iniluwa noon ang Ginang na kanyang nakasalubong kanina paglabas nito ng lift. Napipilitan siya ditong ngumiti, hindi pa nagsi-sink in sa kanyang isipan na ang penthouse na iyon ay tanging pag-aari ni Lacim. Ang ibig sabihin ay walang nakakapunta maliban na lang kung mayroong sadya at kaugnayan sa lalaki. Napipilitan siyang ngumiti nang kuryusong tinangnan siya ng babae mula sa ulo hanggang paa. Hindi niya maintindihan pero kaagad siyang binalot ng labis na hiya sa mga oras na ito sa babae. Ngunit kabaligtaran iyon sa isipan ng Ginang, alam niyang ang anak niya ang tanging naroroon. Nang humakbang siya ay sumunod si Aleigh sa iisang direction na patungo sa main door ng unit ni Lacim, hindi niya pa rin naiisip na pareho ang lugar na pupuntahan nila. Nang ilang hakbang na lang ang layo nilang dalawa sa pintuan ay nilingon na siya ng mapanuring mukha ng Ginang.
“Saan ang tungo mo, Miss?” tanong niya ditong nanunuri na ang mga mata, sa araw na iyon ay hidni nagsuot ng kahit anong jewelry si Aleigh, kamakailan kasi nang maiwala niya ang hikaw na suot nang mahulog iyon sa banyo habang nagniniig sila ng kabiyak. Nagtanda na siya, lalo pa at ang singsing na iyon ay regalo sa kanya ng kanyang Inay Felia. Kung pagmamasdang mabuti ay isa lamang siyang ordinaryong babae na pumapasok ng opisina, “Mukha yatang naliligaw ka.”
Doon na natauhan si Aleigh, halos mabitawan niya ang ilang eco-bag ng kanyang mga pinamili nang mayroong napagtanto sa sinabi ng babae. Doon niya naalalang ang penthouse na iyon ay tanging si Lacim lang ang may-ari, at ang kanyang kapamilya lang rin ang may access sa lift nito. Iyon ay sa pamamagitan ng puting card na itinatapat nila sa numero na nasa loob ng lift mismo.
“P-Pasensiya na po, mali po ako ng napuntahahan.” kaagad na tugon ni Aleigh na pinagpawisan na ng malamig, mabilis niyang inilagay sa likod ang kamay na may suot mismo ng wedding ring.
Mabilis siyang napatungo, hindi na alam ang kanyang gagawin at sasabihin. Doon niya pa lang napagtanto na kaya siguro nakapatay ang cellphone nito ay dahil naroon ang pamilya ng lalaki.
“Isa ka ba sa mga parausan ng aking anak?” bulgar na tanong ng Ginang sa kanya na mabilis niyang ikinailing, nungkang aamin siya sa babaeng kasal sila. “Kung ganun ay anong ginagawa mo dito?” tanong pa ng Ginang na hindi pa rin nawawala ang masamang tingin sa kay Aleigh.
Mabilis na napkurap-kurap ang dalaga, hindi niya na alam ang dapat na sabihin pa.
“Kung isa ka sa mga babaeng iyon, ngayon pa lang ay gumising ka na.” muli pang saad ng Ginang, “Nasa loob ng unit niya ang fiancee niya ngayon at masinsinan na silang nag-uusap tungkol sa nalalapit nilang kasal. Bukas ay tutungo sila sa pre-nuptial photoshoot na dalawa.”
Humigpit ang hawak ni Aleigh sa tangkay ng mga eco-bag na dala, hindi niya na matagalan pa ang mga sinasabi nito na bagama’t imposible ng mangyari dahil kasal na sila ay nasasaktan pa rin siya. Nagseselos pa rin siya sa ideyang nasa loob nga ng unit ni Lacim si Eurice sa mga oras na iyon. Mabilis siyang kumurap-kurap, pilit pinipigilan ang kanyang rumaragasang damdamin.
“Well, mukha namang hindi ka papasa sa panlasa ng aking anak.” dagdag pa nitong sinipat siya ulit mula ulo hanggang paa, kagaya ng nakasanayan ni Aleigh ay wala na rin siyang kolorete sa mukha, hindi niya na rin nagawa pang magsuklay ng kanyang mahabang buhok na dumgdag sa pagiging iba ng kanyang appearance ngayon sa appearance niya aura kapag nasa opisina na.
Pinilit niyang ngumiti nang mag-angat ng tingin, mga ngiting pilit pero totoo.
“Pasensiya na po Madam,” pa-demure na sambit niyang umayos pa ng tayo, “Isa po ako sa mga employee ni Sir Lacim na madalas utusan niya ditong magpunta at maglinis ng kanyang unit.” inayos niya pa ang kanyang tindig, “Katunayan po ay nagpabili po siya nito sa akin upang lutuin raw po sa pagpunta ng kanyang fiancee at magulang. Ihahatid ko po sana,” pilit kumbinsi niya sa Ginang, na ipinakita pa ang mga panlinis na kanyang binili. “Dapat po ay kanina pa ako bago po kayo dumating,” nahihiya siyang tumawa, “Kaso nagkaroon po ng aberya sa taxi na sinakyan ko. Pasensiya na po kung naabutan niyo ang unit na maruming-marumi, pakisabi na rin po kay Sir Lacim na pasensiya na. Sana po ay huwag niya akong tanggalin sa trabaho nang dahil dito.”
Mabilis na napanganga ang Ginang na kanyang kaharap nang dahil sa kanyang mga sinabi.
“Ibig mong sabihin na isa ka sa mga naglilinis ng kanyang unit?” kumakalma na niyang tanong na itinuro pa ang unit ni Lacim, mabilis na tumango si Aleigh. “Pasensiya na kung napagkamalan kitang isa sa mga kumakalantari sa aking anak.” nahihiya ng ngiti ng Ginang sa kanya.
“Naku, hindi ko po iyon magagawa, Madam.” pangungumbinsi pa rin ni Aleigh sa Ginang na bahagya nang natawa, “Ang balita nga po sa opisina ay malapit na siyang ikasal sa nobya.”
Nakangiti ng tumango sa kanya ang Ginang.
“Oo, lalo pa ngayong nagdadalang-tao na ang kanyang fiancee sa magiging unang anak nila.” masaya nitong turan na mabilis ikinapawi ng mga ngiti ni Aleigh, hindi niya iyon inaasahang malalaman pa mula sa kanya, “Tuloy ka muna hija, magpakita ka na rin sa boss mo para naman hindi na siya magalit sa’yo.” anitong humakbang na palapit sa pintuan ng unit ng binata.
Mabilis niyang hinabol ang Ginang at hinawakan ang isa nitong palad.
“Pasensiya na po Madam, pakiabot na lang po nito sa kanya.” aniyang ibinigay sa Ginang ang ecobag na kanyang mga dala, “Baka po lalo siyang magalit sa akin, sa office na lang po ako magpapaliwanag sa lunes. Pasensiya na po, Madam at may anak pa sa aking naghihintay.”
“Ganun ba?” naguguluhang tanong nito sa kanyang tinanggap na ang ecobag.
“O-Opo, dumedede pa po iyon sa akin tuwing uuwi ako.”
“Ah sige, hija, iaabot ko na lang ito sa aking anak mamaya at sasabihing dumaan ka.” sang-ayon pa nito sa kanya, “Ano pa lang pangalan mo—”
“Marami pong salamat!” mabilis na yukod niya sa Ginang na nagtataka pa rin ang mga mata.
Walang lingon at likod na siya doong tumalikod, halos takbuhin na rin niya ang bumukas na lift. Malakas na siyang humagulhol ng iyak pagkapasok niya dito habang hawak ang dibdib. Hindi niya alam pero labis ang paglamon sa kanya ng lungkot, hindi siya naniniwalang buntis ang fiancee nito. Ngunit, sa kaso ng pag-uugali noon ni Lacim ay hindi iyon malabong mangyari pa.
“Ang tanga-tanga ko.” mahinang sambit niya habang hinahaplos-haplos ang masakit na dibdib. “Pumayag ako sa kalokohan mo, pumayag akong magpatali sa lalaking hindi pa rin nagbabago.”