HALOS malukot ang mukha ni Britney sa takot. Nang makita ang mga lalaking tauhan ng kanilang magiging amo sa dining area. Sanay naman siyang makihalubilo sa mga lalaki, dahil may mga tauhan rin naman ang kanyang papa at kasama nila minsan sa bahay. Ngunit ngayon parang kakaiba ang nadarama niya sa mga taong naroon.
Maya-maya pa lumapit sa magpinsan si Steven at sinamahan sila papunta isang babae na halos kaedad lang din nila. Pagkaalis ni Steven agad niyaya ni Kate ang magpinsan sa kanilang kuwarto. Itinuro niya sa dalawa ang magiging kuwarto ng mga ito, na katabi lang din ng kanila. Matapos mag-chi-chika sa sala, dumating si Aling Melba at niyayang kumain ang magpinsan.
“Oh, ano hindi kayo hihingi ng paumanhin sa dalawa?” istriktong tanong ni Aling Melba sa dalawang lalaki. Kanina kasi tinanong ng ginang kung kumain na ang magpinsan sa mga ito. Oo, ang isinagot ng dalawa, nang tanungin ng ginang ang magpinsan, hindi pa naman pala kumakain ang dalawang dalaga. Kaya galit na galit ang ginang at senermunan ang dalawa.
“Pasensya na sa ginawa namin,” si Michael parang maamong tupa sa harap ng magpinsan.
“Sorry. Nagbibiro lang naman kami,” si Joel titig na titig pa ito kay Britney. Para bang nakakita ng anghel na bumaba sa langit.
Ngumiti si Cristina. “Okay lang. Sa susunod huwag n’yo ng uulitin, kahit biro lang kasi masakit.”
Inirapan ni Britney ang dalawang lalaki. “Sa akin ’di okay!” Sabay sipa niya sa binti ni Joel na nasa ilalim ng lamesa. Saka tumayo at iniwan ang mga ito, tinungo ang kitchen at pumasok sa kanilang kuwarto.
Sinundan lang ng tingin ni Joel ang dalaga habang himas ang binting nasaktan. Maya-maya pa nagpaalam na rin si Cristina sa dalawa at sinundan ang pinsan. Naabutan pa niyang nagkukuwentuhan si Kate at Britney sa kanilang kuwarto.
“Ang ganda-ganda naman dito,” papuri ni Britney sa kanilang kuwarto. Sinuri pa ang mga gamit na naroon.
Habang si Cristina naman ay kinuha ang bag at dinala sa itaas ng kama saka sinimulang isalansan ang damit sa closet.
“Kate, bakit ang daming lalaki rito?” curious na tanong ni Britney. Nakaupo ito sa gilid ng kama.
“Ah sila ba. Mga tauhan sila ni Sir Bryan, ’yong amo natin. May sarili siyang kompanya at ang mga iyan ay katuwang niya sa pagpapalakad nito at saka bodyguard din sila,” sagot ni Kate. Tinulungan pa nito sa Cristina magtupi ng mga damit.
“Ang galing naman, siguro ang yaman-yaman ng amo natin. Mabait ba si Sir Bryan? Bagay kayo, Kate,” biro ni Cristina.
Ngumuso si Kate. “Hindi kami bagay no’n. Kasi tao kami.”
“Hala, grabe siya oh. Kurutin ko kaya ’yang singit mo,” biro ni Cristina. Iniamba pa ang daliri sa binti ni Kate.
“Sus, kunwari pa kitang-kita nga kanina ang titinginan n’yo ni Sir Bryan. Iyon nga agad kanina ang napansin ko,” segunda naman ni Britney. Humilata ito sa kama na parang tamad na tamad kumilos.
Binalingan naman ni Kate si Britney saka inirapan. “Namamalikmata ka lang. Walang ganoong tinginan.”
“Aminin mo na kasi.” Sabay sundot ni Cristina sa tagiliran ni Kate.
“Wala nga.” Lumayo si Kate kay Cristina at tinungo ang kabilang side ng kama. Malapit kay Britney.
Tumayo mula sa pagkakahiga si Britney. Gumapang siya kama papunta kay Kate. Pagkarating niya roon, kiniliti niya nang kiniliti si Kate.
“Tama na!”
“Hindi. Hangga’t hindi mo inaamin na crush mo si Sir Bryan!”
Ilang sandali pa at napuno ng tawanan na may kasama pangsigawan ang kuwarto ng mga babae.
UMAGA, halos hindi mai-drawing mukha ni Bryan nang humarap sa hapagkainan. Tiningnan niya ng masama ang mga lalaking tauhan saka ibinaling sa tatlong babae ang tingin, particular na kay Kate.
“Kagabi ang ingay, halos ’di ako nakatulog. May party bang naganap sa mansion ko?” masungit nitong tanong saka ibinalik sa mga lalaki ang masamang tingin.
“Natulog kami ng maaga kagabi, boss,” katuwiran ni Steven.
“Oo nga, boss. Gusto pa nga sana namin mag-inuman, kaso hindi pumayag si Lolo Dante,” segundang biro ni Michael.
Sinamaan naman ni Dante ng tingin si Michael. “Paano kapag nalalasing kayo, pare-pareho kayong apat na may mga talent? Mabuti sana kung maganda panoorin ayos lang. Ang kaso baka pati mahal n’yo sa buhay itakwil kayo kapag nakita ang pinanggagawa n’yo.”
“Sus, nagsalita ang best actor,” kantyaw ni Joel kay Dante.
“Oo nga, mas malala ka pa nga sa amin,” si Jake.
Magsasalita pa sana si Steven ngunit biglang pinukpok ni Bryan ang lamesa.
“Enough, para kayong mga bata!” sigaw ni Bryan. “Isa lang ang tanong ko, sumagot na kayong lahat!”
“Pasensya na boss,” panabay ng mga lalaki.
“So-Sorry po kagabi, kami po ang maingay,” pahayag ni Kate. Nakatingin sa mga platong nasa harapan niya.
“Next time, sa labas ko na kayo patutulugin!” Sabay tayo ni Bryan sa upuan at iniwan sila sa dining area.
Pagkalabas ni Bryan sa dining area. Nagsunuran na ring tumayo ang mga lalaki sa pangunguna ni Steven. Hindi sila sumunod sa kanilang amo, bagkus sa kitchen sila dumaan palabas ng mansion. Habang naglalakad papuntang barracks nila, nagsisihan pa ang mga ito sa nangyari.
Matapos pagtulungang ligpitin ng mga babae ang hapagkainan ay binigyan naman sila ni Aling Melba ng kani-kanilang trabaho.
“Kate, nalinis mo na ba ang kuwarto ni Sir Bryan?” tanong ni Aling Melba. Abala ito paglalagay ng ulam na natira sa mga tupperware.
Umiling si Kate. “Hindi po. Baka naroon si sir, sa kanyang kuwarto.”
“Bueno, pagtulungan n’yo na lang ni Cristina, ang linisin dito sa loob at ikaw Britney, doon ka muna sa garden diligan mo ang mga halaman, susunod ako mamaya pagkatapos ko rito,” utos ni Aling Melba sa tatlo.
Nang marinig ni Britney ang utos ni Aling Melba agad siyang nagpaalam rito at lumabas ng kitchen area. Binaybay niya ang daan sa harapan ng mansion papuntang garden. Masayang-masaya ang dalaga habang pinagmamasdan ang malawak na garden ng kanyang amo. May swimming pool, mayroon ding bahay na tanging maninipis na puting kurtina ang nagsisilibing harang no’n, napapalibutan ng kulay brown na sofa at may nakasalansang pillow sa ibabaw nito.
Matapos busugin ni Britney ang mga mata sa pagtanaw sa paligid. Kinuha niya ang hose, binuksan ang gripo at sinimulang diligan ang mga rose sa tabi ng bahay. Nang matapos iyon lumipat naman siya sa mga bulaklak ng orchids. Habang nagdidilig ay may pakanta-kanta pa siya at masayang hinahaplos-haplos ang talulot ng orchids.
Ang hindi alam ng dalaga kanina pa siya pinapanood ni Joel. Nakasandal ito sa pader ng mansion habang naninigarilyo roon. Inihagis niya sa lupa ang upos ng sigarilyo at saka naglakad papunta sa dalaga. Habang naglalakad inamoy-amoy pa niya ang bibig, nang masigurong mabango pa naman ang hininga. Binati niya si Britney.
“Hi!”
“Ay kabayo!”
Sigaw ni Britney sa gulat niya naiharap niya ang tumutulong hose sa katawan ni Joel.
“f**k!”
“Hala, sorry,” nakangiting sabi ni Britney. Nag-peace sign pa ito sa binata. “Ikaw kasi nanggugulat ka. Hayan tuloy nabasa ka.”
“Bakit mo kasi iniharap sa akin ang hose? Alam mo namang bukas ’yong gripo!”
“Nagulat nga ako. Malay ko ba nandiyan ka sa likod ko. Teka lang, bakit ka nga ba nasa likod ko? Siguro may binabalak ka no? Manyakis!” Muling hinaharap ni Britney ang hose sa binata. Ngunit sa pagkakataong iyon natunugan ng binata ang balak niya. Kaya nakipagduwelo ito sa kanya ng agawan sa hose.
Ilang sandali pa at halos hindi namalayan ng dalawa na pareho na silang nabasa.
Unang bumitaw si Britney nang makaramdam ng lamig. Nang tingnan niya ang kanyang damit, doon na siya naalarma nang makitang basang-basa ang damit at hindi lang ’yon, bakat na bakat din ang itim niyang bra sa suot na blouse.
“’Yang mata mo dudukutin ko ’yan! Kung saan-saan nakatingin.”
Ngumisi si Joel. “Nice view, ang sarap sa mata.”
“G*go!” mura niya sa binata saka nagpapadyak paalis ng garden.
“Maligo ka agad, baka sipunin ka!”
“f**k you!”
Tatawa-tawa lang si Joel habang sinusundan ng tingin ang papalayong dalaga. Natutuwa siya kahit papaano nagantihan niya ito.
“Someday I will f**k you, baby ...”
Gigil na gigil naman si Britney habang hinuhubad ang damit na nabasa, kulang na lang mapunit ang kanyang blouse dahil sa marahas niyang paghubad.
“May araw ka rin sa aking lalaki ka, gagantihan kita!” himutok niya sa sarili. Maya-maya pa nagsimula na siyang maligo.
PAGSAPIT NG GABI, nagtulong-tulong halos ang mga tauhan ni Bryan sa paghahanda ng hapunan. Kailangan kasi nilang magpa-impress sa kanilang amo para mawala ang init ng ulo nito.
“Wow tinolang manok, sarap nito. This is my favorite ulam,” pahayag ni Joel. Inamoy-amoy pa nito ang usok na nagmula sa kaldero.
“Hoy, baka naman mahulugan ’yan ng laway mo!” sigaw ni Michael na nasa pintuan ng kitchen.
Humarap si Joel sa kasama at inilagay ang hawak na sandok sa isang plato.
“Sino ba sa atin ang laging tulo ang laway?”
“Sa ibang putahe lang tumutulo ang laway ko. Hindi tulad mo!”
“Magsitigil na nga kayong dalawa. Kung ano-ano ang lumalabas d’yan sa bibig n’yo. Hindi na kayo nahiya kay Nanay Melba!” saway ni Dante sa dalawa. Nagsimula na itong kumuha ng mga plato sa istante.
Tumahimik naman ang dalawa sa isang tabi. Maya-maya pa lumabas ang tatlong babae mula sa kanilang kuwarto at nagtuloy-tuloy sa dining area, para ayusin ang hapagkainan. Nang maiayos na ang lahat ng pagkain, tinawag ni Steven ang kanilang amo.
Samantala hindi mapakali si Britney sa kanyang kinatatayuan sa kitchen area. Talagang kating-kati ang kamay niya na makaganti kay Joel. Sa tuwing nasusulyapan niya ang binata, bumabalik sa kanyang isipan ang paninitig nito sa kanyang dibdib, kaya naiinis siya rito.
Bitbit ang pitsel na may tubig, tinungo niya ang dining area. Iyon sana ang naisip niyang gawin, ang ibuhos sa ulo ng binata ang laman no’n. Ngunit maraming madadamay na inosente.
“Britney, kumuha ka pa nga ng sabaw para kay Joel, naubusan siya,” utos ni Aling Melba sabay abot niya rito ng bowl.
Inilapag ni Britney ang pitsel sa tabi ng binata saka kinuha ang bowl kay Aling Melba at bumalik ng kitchen.
“Ano kaya kung lagyan ko ito ng sili?” saad sa sarili habang sumasandok ng sabaw sa kaldero. “Tama. Yes, makakaganti na ako sa iyong lalaki ka.”
Agad tinungo ni Britney ang refrigerator at kumuha ng siling labuyo. Dinurog niya ng bahagya at inilagay sa sabaw, itinago niya iyon sa dahon ng sili para ’di mahalata.
“Lagot ka ngayon, tingnan natin kung ’di sasabog sa anghang ’yang bunbunan mong panot.” Sabay tawa ng dalaga na halos siya lang ang nakakarinig.
Bitbit ang bowl, lumabas nang nakangiti si Britney.
“Ito na ’yong sabaw mo. Enjoy!”
“Salamat.”
Umupo si Britney sa kanyang puwesto at sinimulan na rin niyang lagyan ng pagkain ang sariling plato. Habang ginagawa niya iyon, patay malisya niyang pinapanood si Joel sa pagkain.
‘Patay hindi ’ata tumalab. Mukhang nagustuhan pa ’ata?’ tanong ng marites niyang utak.
Bahagyang iniangat ni Britney ang mukha upang tingnan ang bowl sa harapan ni Joel. Halos gustong pumalakpak sa saya ang dalaga nang makitang naroon pa ang dahon ng sili sa sabaw. Maya-maya pa nakita niyang sinandok iyon ni Joel at deretsong isinubo sa bibig. Wala pang minuto halos masamid-samid si Joel sa ubo at ’di rin maipinta ang mukha nito. Mabilis itong tumayo at tinungo ang kitchen area.
“Nakaganti rin,” mahinang sabi ni Britney. Ngingiti-ngiti pa ito habang sumusubo.
Ilang sandali pa at bumalik si Joel sa dining area. Pulang-pula ang mukha at may bahagyang inuubo.
“Ano’ng nangyari sa iyo, Medrano?” tanong ni Bryan.
“Wala, boss. May sumabotahe lang sa akin,” sagot ni Joel. Ngunit ang mga mata ay nakatingin kay Britney. “Kapag napatunayan ko lang, papakainin ko rin siya ng sili.”
Biglang nabulunan si Britney nang marinig ang tinuran ni Joel sa kanilang amo. Agad itong uminom ng tubig at saka inirapan ang binata.