BUMABA ng sinasakyang pick-up si Joel at masayang tinanaw ang arko ng Hacienda Hesraileta. Galing siyang Thailand at doon nag-aaral sa kursong Business Management. Bilang panganay na anak, obligado siyang pamahalaan ang Medrano Empire pagdating ng araw. Kaya habang maaga tini-train siya ng kanyang papa sa bagay na may kaugnayan sa kanilang negosyo.
Nang makita niyang binuksan ng kanilang tauhan ang malaking gate na yari sa bakal. Excited siyang sumakay muli sa kanyang sasakyan at pinaharurot iyon papasok sa malawak nilang bakuran, na napapalibutan ng mga puno ng niyog, iba’t-ibang klase ng prutas, at ang pinaka-atrraction ay ang garden ng kanyang mama na halos makikita roon ang mga di-klaseng orchids na galing pa sa kabundukan ng Zamboanga.
Nang masiguro ng binata na maayos niyang nai-parking ang sasakyan sa garahe. Agad siyang bumaba, bitbit ang duffel bag at masayang naglakad papunta sa maindoor ng kanilang mansion.
“Welcome home, hijo!” masayang bati ng kanyang mama. Nang mabungaran niya ito sa sala, kasama ang kanyang papa.
Matapos ibaba ang bag. Malalaking hakbang ang ginawa ni Joel patungo sa kanyang magulang. Pareho niyang niyakap ang mga ito, nang makarating siya roon.
“Kumusta ang biyahe, hijo. Hindi ba maalon ang dagat ngayon?” tanong ni Don Charlie. Inakbayan ang anak at iginaya paupo sa sofa habang si Doña Emerald nagpaalam na titingnnan muna ang mga pagkaing ipinaluto sa kanilang kasambahay.
“Okay naman papa. Masaya nga po at marami akong nakasabay na mga pinoy galing Thailand,” sagot ni Joel sa ama. Saka hinubad ang suot na jacket at inilagay iyon sa sofa. Nakita pa niya ang pagkuha nang isang dalagita sa kanyang bag. “Alpa, pakilagay mo na lang ’yan sa kuwarto. Ako na mamaya ang mag-ayos.”
Binalingan siya nang dalagita at ngumiti. “Sige po, kuya.”
“Si Jude, nga pala, hindi ba uuwi?”
“Baka mamayang gabi pa po. Marami pa raw siyang tatapusing project.”
Biglang dumilim ang awra nang don sa narinig. “Project nga ba o babae?”
Tumawa ang binata. “Hayaan n’yo na lang siya. Malaki na ’yon at kayang-kaya na niyang pangalagaan ang kanyang pangalan.”
“Sana nga lang,” malungkot na saad ng don.
Maya-maya pa at dumungaw si Doña Emerald mula sa dining area.
“Lunch is ready!” masaya niyang sigaw sa mag-ama niya.
Sabay na tumayo ang mag-ama mula sa kinauupuang sofa saka tinungo ang dining area. Hindi pa man sola nakakalayo sa sala, nang biglang may sumigaw mula sa maindoor. Si Charles ang bunsong kapatid ni Joel.
“Hello! Wala ba akong pa-welcome home?” Sabay lakad niya sa gawi ng dalawa. Agad itong nagmano kay Don Charlie at tinapik sa balikat ang Kuya Joel niya.
“Bakit ngayon ka lang? Kanina pa nakauwi si Alpa, ah,” masungit na sermon ni Don Charlie sa anak. Tiningnan pa nito ang ayos ng binata.
Napakamot sa ulo niya si Charles. “Traffic po.”
Hindi na nagkomento ang don sa tinuran ni Charles. Pero binigyan niya ito ng isang matalim na tingin, bago tinalikuran at naunang naglakad papasok ng dining.
“Welcome home, kamahalan,” biro ni Joel sa kapatid. Saka sinundan ang ama sa dining.
Ilang sandali pa at masayang pinagsaluhan ng pamilya ang inihandang pagkain ng ginang.
KINABUKASAN maagang nagising si Joel. Matapos ayusin ang sarili, lumabas siya ng kuwarto at deritsong bumaba ng hagdan. Hindi pa man siya tuluyang nakakababa sa sala, may narinig siyang tawanan, kuwentuhan, at masasayang biruan sa labas ng kanilang mansion. Binilisan niya ang pagbaba ng hagdan at agad dumeritso ng dining.
“Magandang umaga, Kuya Joel!” masayang bati ni Alpa sa kanya. Inaayos nito ang mga fresh na bulaklak sa vase, na naka-display sa dining table.
“Magandang umaga rin. Pakisabi kay Nanay Emma, igawa kamo ako ng kape,” may suyo nitong utos kay Alpa. Na agad naman nitong sinunod. Ilang sandali lang dala na nito ang kapeng hinihingi niya, galing kitchen.
“Kuya, alam mo ba sabi ni Don Charles, si Kuya Jude, pala ang nagprisintang sponsor-an ang pag-aaral ko,” nakangiting kuwento ni Alpa. Inilapag niya ang kape sa lamesa at binalikan ang ginagawa.
“Talaga. Natutuwa ako, para sa iyo. Kaya mag-aral kang mabuti, h’wag ka munang magbo-boyfriend,” payo ni Joel kay Alpa. Dahil wala silang kapatid na babae, halos kung ituring niya ang dalaga ay para ng kapatid. Anak ito ng kanilang dating tagapag-alaga, ngayon ay sumakabilang buhay na nga. Kaya inampon ng kanyang papa si Alpa.
“Wala sa isip ko ’yon, kuya. Siguro kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho, baka ’yon puwede na,” pahayag ni Alpa. Pangiti-ngiti pa ito na para bang nag-di-dreaming habang inilalagay ang mga bulaklak sa vase.
“Hindi pa rin puwede!” masungit na sagot ni Charles. Nakatayo ito sa pintuan ng dining. Dahil pareho silang nakatalikod doon, hindi man lang nila naamoy ang presensya nito.
Napanguso na lang ang dalaga sa tinuran ni Charles. Kahit kailan talaga, asungot sa kanyang buhay ang binata. Walang hindi pinapakialaman pagdating sa mga bagay na may kauganayan sa kanya. Mabilis niligpit ni Alpa ang mga bagay na ginamit sa pag-arranged ng bulaklak. Mabilis niyang tinungo ang pintuan papuntang kitchen, ngunit bago pa man ’yon niya narating agad siyang naharang ni Charles.
“Subukan mo lang mag-boyfriend. Sasabihin ko kay papa na itigil na niya ang pag-sponsor sa iyo.”
“Bakit ka ba nakikialam, kung mag-boyfriend ako? Ikaw ba pinakikialam ko?”
Ngumisi si Charles. “Wala akong pakialam kahit sampo pa ang gawin mong boyfriend. Ang sa akin lang pahalagahan mo ang bawat sentimo na ibinibigay sa iyo ni papa!”
Isang mapaklang ngiti ang sumilay sa labi ng dalaga. Dahil sa inis kay Charles naiiyak na rin ito.
“Huwag kang mag-alala Senyorito Charles, lahat ng tulong mo o kung mayroon ka mang ambag sa pag-aaral ko. Babayaran ko ’yon sa iyo, may tubo pa!” mariing sagot ni Alpa sa binata. “Para pagdating ng araw, wala ka ng isusumbat sa akin.”
Muling ngumisi si Charles sabay hawak sa kanyang labi at tinitigan maigi ang dalaga, particular na sa labi nito.
“Kahit kailan hindi mababayaran ang mga naibigay namin sa iyo,” mayabang nitong sagot sa dalaga.
“For your information, hindi ko hiningi ang mga iyon. Kusang ibinigay iyon ni Don Charlie at Kuya Jude!” sigaw ni Alpa sa mukha ng binata. Mabilis niya itong tinalikuran at nagtuloy-tuloy palabas ng dining.
Hindi naman nakapaniwala si Charles sa asal na ipinakita ni Alpa sa kanya. Sa bagay hindi naman niya masisi ang dalaga kung pakitaan siya nang hindi magandang ugali nito. Dahil lagi niya itong inaasar at sinusingitan. Aso at pusa na nga kung tawagin sila ni Don Charlie dahil sa tuwing magkikita laging may away sa pagitan nilang dalawa.
“Tama na ’yan, Charles. Ako na ang bahalang magpangaral sa kanya,” sabi ni Joel sa kapatid. Tumayo ito at balak ng lisanin ang dining.
“Kaya lumalaki ang ulo ng babaeng iyon, ini-spoiled mo kasi!” sagot ni Charles. Inunahan na nitong makalabas ang kuya niya sa dining.
Napailing na lang ang binata habang sinusundan ng tingin ang kapatid. Ilang sandali lang at lumabas na rin siya doon. Tinungo niya ang maindoor at tuluyang lumabas ng kanilang mansion, dumiretso siya sa likod bahay kung saan doon niya narinig kanina ang masasayang tawanan ng kanilang mga tauhan.
“Magandang umaga, Senyorito Joel!” nakangiting bati sa kanya ng ilan nilang tauhan. Kahit abala ang mga ito sa kanya-kanyang trabaho. Nagawa pa rin siyang lingunin ng mga ito at ngitian.
“Magandang umaga rin po. Kumusta kayong lahat dito?” masaya niyang tanong sa mga ito. Tumabi pa siya sa katiwala ng kanyang ama—si Tatay Agusto kung tawagin nilang magkakapatid.
“Okay lang kami, senyorito,” tugon ni Tatay Agusto. Agad pinaikot ang kawayan na may letchon-g baboy.
Ginaya ni Joel ang ginagawa ni Tatay Agusto. Masaya niyang inikot-ikot ang letchon sa itaas ng nagbabagang apoy.
“Balita ko po, maganda ang ani ng mga prutas ngayon?”
“Opo, senyorito. Mukhang nakisama sa atin ang ating mga pananim. No’ng nakaraang anihan ’yong mangga, naka-isaandaang tiklis lang ang naani namin. Ngayon halos dalawangdaan ang nakuha namin,” paliwanag ni Ben. Isa rin sa pinagkakatiwalaan ni Don Charlie sa pagma-manage ng Hacienda Hesraileta.
Isang masayang ngiti ang ibinigay ni Joel sa mga tauhan nila. Batid niya kung gaano kahirap ang trabaho sa loob ng hacienda. Kaya nararapat lang na makatanggap ang mga ito ng kaukulang pabuya, para lalong maging masipag.
“Hayaan n’yo po, kakausapin ko ang papa, na bigyan kayong lahat ng karagdagang bunos sa inyong kasipagan at imumungkahi ko rin na dagdagan ang inyong sahod,” masayang pangako niya sa mga tauhan nila.
Nakita ni Joel ang malalaking ngiti sa labi ng mga kalalakihan. Masayang-masaya ang mga ito habang pinapalakpakan nila ang binata.
“Maraming-maraming salamat Senyorito Joel, mabuhay po kayo!”
“Wala pong anuman. Mabuhay po tayong lahat!”
Ilang sandali pa at masayang pinagtulong-tulungan ng mga kalalakihan na dalhin ang letchon-g baboy sa loob ng mansion. Nagprisinta pa nga ang binata sa mga ito na magbubuhat din siya ng letchon, dahil mapilit ito pinabayaan na lamang siya ng mga kalalakihan.
PAGSAPIT NG GABI, halos mapuno nang bisita at mga sasakyan ang malawak na bakuran nang Hacienda Hesraileta. Ngayon ang ika-pitumpu’t kaarawan ni Don Charlie. Present ang lahat nang empleyado niya sa Medrano Empire, naroon din ang pili niyang kaibigan, at mga kasosyo sa negosyo. Hindi rin nawala sa okasyong iyon ang dalawa niyang nakakabatang kapatid, na sina Fabian at Frank.
Halos bumaha rin ang pagkain sa buffet table at nagkalat din sa okasyong iyon ang mga waiter na panay ang serve sa mga bisita nang inumin.
Samantala, mula sa bintana nang kuwarto ni Joel masaya niyang pinapanood ang kaganapan sa malawak nilang bakuran. Bihis na rin siya at handa ng bumaba upang maki-party sa mga bisita ng kanyang ama. Ngunit tinamad siya nang mabalitaang darating si Erica, ang babaeng nakatakda niyang pakasalan. Hindi niya gusto ang babae, arranged marriage lang ang mayroon sila. Dahil gusto ng pamilya nila na mas lalong maging matibay ang samahan ng dalawang hacienda, kaya gano’n-gano’n na lamang sila ipinagkasundo ng mga ito.
Maya-maya pa, nakarinig nang mahihinang katok ang binata. Tinungo niya ang pintuan at mabilis binuksan.
“Puwede ba akong pumasok?” seryosong tanong ni Don Charlie. Kapansin-pansin sa mga mata ng binata ang dala nitong envelope.
Ngumiti ang binata at niluwagan ng bukas ang pintuan.
“Tuloy po kayo.”
“Salamat.”
Nang tuluyang makapasok si Don Charlie sa loob ng kuwarto, sumunod agad ang binata rito. Ngunit nagulat siya nang utusan ng kanyang ama na i-lock ang pintuan. Nagtataka man siya, sinunod na lamang niya ang ama. Matapos ’yon sinundan niya ito sa tabi ng bintana at agad binati.
“Happy birthday po. Thank you for everything, mahal na mahal ko kayo.” Sabay yakap niya sa kanyang ama.
Tumawa ng mahina ang don. “Mukhang madrama ang anak ko ngayon ah? May sakit ka ba?”
Maging si Joel napatawa rin sa biro ng ama. Maya-maya lang iniabot ng don ang dalang envelope sa anak.
“Ano po ang laman nito?”
“Last will and testament ko iyan. Alam kong mapagkakatiwalaan kita sa bagay na iyan,” saad ng don. Habang ang mga mata ay seryosong pinapanood ang kaganapan sa ibaba.
“Bakit po papa, ang aga naman nito?” nagtatakang tanong ni Joel. Hawak ang envelope at mariin niya itong tinitigan.
Huminga ng maalalim ang don at malungkot na tiningnan ang anak.
“Ang Uncle Frank mo, kasi hanggang ngayon hindi pa rin niya matanggap ang nangyaring hatian ng mana sa pagitan naming magkakapatid. Katuwiran niya sinulsulan namin ni Fabian, ang lolo mo, kaya mas malaki ang napapunta sa amin,” kuwento ni Don Charlie. “Ang hindi niya alam pinaghirapan naminng palaguin ng Uncle Fabian mo, ang Medrano Empire.”
Nasorpresa ang binata sa ibinunyag ng kanyang ama. Ang pagkakaalam niya kagagaling lang ng Manila ang Uncle Frank niya at doon nilustay ang manang natanggap sa magulang. Hindi niya akalain na pati ang sa dalawa nitong kapatid ay pinagkainterasan pa.
“Ano po kaya, kung bigyang n’yo na lang ng suntento ang uncle.”
“Ayaw rin naman niyang tanggapin. Ang gusto niya magkaraoon ng mataas na puwesto sa Medrano Empire. Na mahigpit naman naming tinutulan ng Uncle Fabian mo.”
Mas lalong naging palaisipan sa binata ang mga tinuran ng ama. Ngunit sa kabilang banda, awa ang nadarama niya sa kanyang uncle.
“Kaya anak, ingatan mo ang dukumentong iyan. Diyan nakasalalay ang kinabukasan nang isandaang tauhan ng Medrano Empire, Hacienda Hesraileta, at kayong magkakapatid. Kahit anoman ang mangyayari, huwag na huwag mong ipagkakatiwala iyan sa ibang tao,” mahigpit na bilin ng kanyang ama. Inakbayan siya nito at niyaya nang bumababa.
Pagbaba nila ng hagdanan, isang masayang awitin ang sumalubong sa mag-ama. Sa pangunguna ni Doña Emerald, Jude, Charles, at mga bisita, masaya nilang sinasabayan ang birthday song na nagmula sa malaking speaker na naka-set up sa labas.
“Maraming salamat sa inyo!” masayang pahayag ni Don Charlie sa mga bisita. Nilapitan niya ang kanyang mag-ina at masayang niyakap. Matapos iyon magkasabay nilang nilapitan ang cake sa lamesa na mismong si Doña Emerald ang nag-bake.
“Mag-wish ka muna, ’pa,” paalala ni Charles sa ama.
Ngumiti ang don at saka umiling. “Uso pa ba ang wish ngayon? Parang sa isang tulad kong matanda, wala na akong mahihiling.”
“Papa, kalabaw lang po ang tumatanda,” biro ni Jude sa ama.
Maya-maya pa masayang hinihipan ng don ang kandila. Kasabay no’n isang masaya at masigabong palakpakan ang ipinagkaloob ng mga bisita rito.
“Para kay papa, cheers!” Sabay taas ni Joel sa basong may lamang alak. “Hinihiling namin na sana bigyan ka pa Niya, ng mas maraming birthday, malakas na pangangatawan, at higit sa lahat maayos na kalusugan. Cheers!”
“Cheers!” masaya at sabay-sabay na pahayag ng mga bisitang naroon.