MALUNGKOT, na umakyat sa kanyang silid si Britney. Naabutan pa niyang inilatag ng dalawang katulong nila ang damit pangkasal niya sa ibabaw ng kama. Lumapit siya sa paanan ng kama at tinitigan ng husto ang damit. Ilang sandali pa nagulat ang dalawang katulong nang biglang hablutin ni Britney ang gown at itinapon sa sahig. Hindi pa siya nakuntento, nilapitan niya iyon at galit na inapak-apakan. Mabilis siyang sinaway ng isang katulong.
“Ma’am!”
“Lumabas kayo rito. Labas!” galit niyang sigaw sa dalawa. Hinarap niya ang mga ito at handang saktan.
Sa takot ng dalawa agad lumabas ng kuwarto ang mga ito.
Ipinagpatuloy ni Britney ang ginagawang pag-apak sa gown. Wala siyang nararamdamang panghihinayang sa bagay na iyon. Mas nanaisin pa niyang masira iyon, kaysa isuot ito. Sandali pa at napasigaw ang dalaga dahil sa pagkabigo na makatakas sa magulang.
Iniwan ni Britney ang gown at tinungo ang kanyang kama. Hihiga na sana siya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi niya iyon pinansin, tuluyan siyang humiga at tinitigan ng mariin ang bintana. Minuto lang ang lumipas muling nag-ingay ang kanyang cellphone. Naiirita siyang bumangon at kinuha ang bagay na iyon sa itaas ng tokador. Ini-open ni Britney ang cellphone, text galing sa kanyang pinsan ang nakita niya roon.
Cristina:
“Sasama ka ba? Pupunta kami ngayon ng Maynila.”
Agad-agad nagtipa ng mensahe si Britney para sa pinsan. Tila nabuhayan siya ng pag-asa nang mabasa ang text ni Cristina.
Ako:
“Sasama ako. Hintayin ninyo ako.”
Hindi na niya hinintay ang sagot ng pinsan. Dali-dali niyang kinuha sa ilalim ng kama ang laging nakahanda niyang maleta. Pagkatapos no’n mabilis niyang ibinalik sa itaas ng kama ang gown at saka siya naligo. Hindi para paghandaan ang kanyang kasal kung hindi ang pagtakas mamayang gabi.
Saktong kakalabas lang ni Britney sa banyo, nang makarinig siya ng katok sa pintuan. Tinungo niya iyon at saka dahan-dahang binuksan. Mukha ni Demetria ang bumungad sa kanya at may mga kasama ito.
“Ano’ng kailangan mo?” mataray niyang tanong. Sinuri pa ni Britney ng tingin ang dalawang lalaki, mula ulo hanggang paa. Hindi naman siya maarte pagdating sa pakikipagsalamuha sa ibang tao. Para kasing nakaisip siya ng magandang ideya nang makita ang dalawang bakla.
“Pinadala sila ni Mister Wang, para mag-ayos sa iyo,” sagot ni Demetria.
“Hi, Ma’am Britney, ang ganda-ganda mo naman. Ako pala si Roxane, ang bading na mahilig kumain ng mga exotic food. Lalong-lalo na ang cobra, and I thank you!”
Pinatabi naman nang isa pang bakla ang kasama nito at masayang nagpakilala sa dalaga.
“Good evening, Ma’am Britney. Ako naman si Rosana, ang bading na walang pahinga sa pagkain ng jumbo hotdog, lalo na kapag may sawsawang mayonaise, and I thank you!”
Napakamot na lamang ng ulo si Demetria matapos marinig ang kalokohan ng dalawang bakla. Sinaway niya ang mga ito.
“Hala pumasok na nga kayo. Mamaya pare-pareho tayong malalagot nito kay Madam Rebecca!” sabi niya sa mga bakla.
Niluwagan ni Britney ang pagkakabukas ng pintuan. Nauna siyang pumasok at tinungo ang tokador habang kasunod ang mga bakla at Demetria.
Hindi nag-aksaya nang oras ang dalawang bakla. Inayusan nila si Britney sa style na gusto nito. Ilang sandali pa halos pumalakpak si Roxane nang makita ang ayos at ganda ni Britney.
“Mas lalo kang gumanda Ma’am Britney, tiyak lalong mababaliw si Mister Wang, kapag nasilayan niya ang alindog mo,” pahayag ni Roxane.
Hindi alam ni Britney kung bola ba iyon o totoo ang papuri sa kanya ni Roxane. Sa bagay kahit maging ang sarili ay ’di makapaniwala sa malaking pagbabago ng mukha. Lalong lumutang ang kaakit-akit niyang ganda, na matagal itinago sa loob ng kanilang bahay.
“Ma’am Britney, baka naman bahaginan mo kami kahit one fourth lang ng iyong ganda,” biro ni Rosana. Hawak pa nito ang brush at mataman niyang tinititigan ang dalaga. “O ’di kaya ay si Mister Wang, na lang. Ang hot niya, pakiramdam ko nga malalaglag ang panty ko, kapag nakikita ko siya.”
“Hoy, nangarap ka na naman! Hindi pumapatol ’yon sa mga bakla. Baka gawin ka lang shooting range no’n makita mo!” singhal ni Demetria kay Rosana. Habang inaayos-ayos ang gown sa ibabaw ng kama.
“Tse, inggit ka lang, babaeng tigang!” si Roxane sabay irap kay Demetria.
Sa sobrang inis ni Demetria binato niya si Roxane ng unan. “Huwag n’yo akong itulad sa inyo. Mga baklang malalandi!”
“Inggit ka lang sa beauty namin, ’day!”
“Sus, ako maiinggit. ’Inang ko po, mas makinis pa ang puwet ko sa pagmumukha n’yo!”
“Tse. Tigang ka lang!”
Bago pa man magkapikonan ang tatlo, inawat na sila ni Britney at pinalabas sa kanyang kuwarto. Magproprotesta pa sana si Demetria ngunit mabilis itong inawat ni Britney at sinabing siya na lang bahalang magbihis sa sarili. Wala namang nagawa ang tatlo, kung hindi ang maghintay sa labas ng pintuan.
Sa halip na bestida ang isinuot ni Britney na panloob niya sa gown. Nagpantalon siya at puting blouse saka pinaresan din ng puting sapatos. Talagang inihanda niya ang sarili sa pagtakas mamaya. Nang masiguro niyang maayos na ang lahat, isinuklob niya ang gown sa katawan. Mabuti nga lang at sa tagiliran ang zipper no’n, hindi na niya kailangang humingi ng tulong sa tatlo.
Ilang sandali lang binuksan niya ang pintuan at niyaya ang tatlo na bumaba. Todo alalay naman si Demetria sa dalaga hanggang sa makababa sila sa sala.
“Sa wakas bumaba rin ang prinsesa!” pasaring ni Rebecca. Tumayo ito mula sa kinauupuang single sofa at sinalubong ang dalaga. “You look so gorgeous bride, darling.”
“Let’s go. Tama na ang bolahan, kanina pa naghihintay si Rudulfo sa simbahan.” Nauna ng naglakad palabas ng bahay si Rolando. Mabilis namang tinalikuran ni Rebecca si Britney at sumunod sa asawa. Maya-maya bumalik din agad ito at sinigawan ang dalaga.
“Ano pang hinihintay mo, rescue? Walang re-rescue sa iyo sa bahay na ito, tandaan mo ’yan! Sumunod ka na at sumabay ka kay Mang Nesttor. Ikaw Demetria, sumabay ka sa amin!” sigaw ni Rebecca at nagmadaling lumabas ng bahay.
Pagkaalabas ni Demetria. Agad inutusan ni Britney ang isa nilang katulong na kunin ang maleta sa kanyang kuwarto.
“Paano Ma’am Britney, mauuna na kami. Sa simbahan na lang tayo magkita,” paalam ni Roxane.
Ngumiti ang dalaga sa dalawang bakla. “Sige. Maraming salamat ulit.”
Maya-maya pa pumaba na ng hagdanan ang katulong na inutusan ni Britney bitbit ang kanyang maleta. Nang makababa ito, sabay silang lumabas ng bahay at tinungo ang garahe. Kung saan naroon si Mang Nestor sa tabi ng sasakyan at matiyagang naghihintay sa kanya.
Pagkakita sa kanya ng matanda agad nitong binuksan ang pintuan ng sasakyan. Nagtataka pa ito nang makita ang maleta.
“Mga damit ko po ito na pampalit mamaya sa reception,” sabi ni Britney kay Mang Nestor. Kahit ’di ito nagtatanong, kitang-kita niya sa mga mata nito ang pagtataka, kaya inunahan na niya.
Tumawa ang matanda. “Akala ko kasi hija, kung ano-ano lang ang laman ng maleta n’yo, pasensya na ho.”
“Okay lang ho. Tara na baka mainip si Rudulfo, pareho tayong lagot.”
“Oo nga hija.”
Mabilis binuhay ni Mang Nestor ang makina ng sasakyan at dahan-dahang pinausad ito palabas ng gate. Sandali pa at tinatahak na nila ang highway papuntang Saint Francis Chapel sa bayan ng Poblacion.
SAMANTALA, halos hindi mai-drawing ang mukha ni Rudulfo sa galit at inip, sa paghihintay kay Britney. Kanina pa rin siya palakad-lakad sa labas ng simbahan, na parang isang asong hindi makaihi. Halos paubos na rin ang dala niyang sigarilyo ay hindi pa rin dumarating ang dalaga.
Maya-maya lang mabilis siyang naglakad at tinungo ang kinaroroonan ng magulang ni Britney.
“Wala pa ba si Britney?” mariin niyang tanong kay Rolando at saka namaywang sa harap nito.
“Tumawag ako sa bahay, nakaalis na raw. Baka papunta na ’yon dito. Kunting tiis na lang at masosolo muna ang anak, namin,” kinakabahang tugon ni Rolando rito. Muling inilabas ang cellphone at may tinawagan.
Dahil hindi mapakali si Rudulfo sa kinatatayuan ay muli siyang bumalik sa puwesto kasama ang mga tauhan. Nag-utos din siya sa isa niyang tauhan na sunduin si Britney sa highway, para mapabilis ang pagdating sa simbahan.
SA highway naman biglang napatigil sa pagmamaneho si Mang Nestor nang makita niyang hawak-hawak ni Britney ang bibig at akmang susuka ito. Itinabi niya sa gilid ng kalsada ang sasakyan at mabilis bumaba, upang pagbuksan ng pintuan ang dalaga.
Mabilis namang bumaba si Britney sa sasakyan at nagtatakbo sa damuhan, upang doon sumuka. Ngunit ang lahat ng iyon ay palabas lamang niya para makatakas.
“Okay ka lang, hija?” nag-alalang tanong ni Mang Nestor. Inaabutan pa niya ng tubig ang dalaga.
Matapos punasan ang bibig, kinuha ni Britney ang tubig at saka ininom.
“Maraming salamat po, Mang Nestor,” masaya niyang pahayag. “Ngunit ngayon pa lang humihingi na po ako ng sorry sa inyo.”
“Bakit, hi . . .”
Hindi na pinatapos ni Britney magsalita si Mang Nestor. Mabilis niya itong tinuhod at itinulak sa damuhan. Pagkatapos no’n kumaripas siya ng takbo papunta sa sasakyan. Narinig pa niya ang pagsigaw ni Mang Nestor ngunit hindi na iyon pinansin ng dalaga, bagkus pinaharurot ang sasakyan palayo roon.
“Lord, ikaw na po ang bahala sa akin. Tulungan n’yo po ako,” usal ni Britney habang nagmamaneho. Kinakabahan din siya sa mga oras na iyon, para sa sarili at pamilya. Sigurado siyang parang bulkang sasabog si Rudulfo kapag nalaman nito ang ginawa niya. Ngunit wala siyang pakialam, ang importante nakatakas siya sa mga kamay nito.
Nang makarating sa Britney sa bungad ng barangay Santa Catalina. Ipinarada niya ang sasakyan sa gilid ng kalsada at mabilis hinubad ang suot na gown saka itinapon sa passenger seat. Bago bumaba nilinis muna niya ang kanyang mukha ng wipes na dala. Pagkapos ay agad siyang bumaba at kinuha ang maleta sa kabilang upuan at saka tinahak ang daan papasok sa bahay ng pinsan.
Pagdating niya sa bahay ng kanyang pinsan ay wala na siyang naabutan roon. Sa halip na mag-isip ng masama para sa pinsan, hinanap lamang niya ito sa mga kapitbahay. Nagbaka sakali siyang nagtatago lamang ang mga ito at nagkataon namang na-low battery ang kanyang cellphone.
“Neng, puwede magtanong?” pahayag ni Britney sa isang teenager na nagbabantay ng tindahan.
“Ano po iyon, ate? Baka mangungutang po kayo, walang utang ngayon, bukas mayroon,” biro sa kanya ng teenager saka tumawa.
Tumawa rin ng mahina si Britney. “Hindi ako mangungutang. Nakita mo ba ang mga pinsan ko? Si Cristina at mga kapatid niya.”
“Ah, si Ate Cristina. Teka lang po.” Umalis ang teenager sa maliit na butas ng tindahan at nagsisilbi ring abutan ng item na binibili. Tinungo nito ang pintuan at saka tinawag ang kanyang ina.
Pagbalik ng teenager sinabihan nito si Britney na pumasok na sa loob ng kanilang bahay at ipinaalam din nito sa dalaga na naroon ang mga pinsan.
Tinungo agad ni Britney ang gilid na daan papasok sa loob ng bahay. Hindi pa man siya nakakarating ng pintuan. Nakita na niyang lumabas ang pinsan.
“Bakit, may nangyari bang masama sa iyo?” nag-alalang tanong ng kanyang pinsan. Sinuri pa nito ang kanyang katawan.
“Wala naman. Tara umalis na tayo, bilisan na natin,” yaya ni Britney sa mga pinsan. Nauna na siyang lumabas habang ang pinsan ay narinig pa niyang nagpapasalamat sa may ari ng tindahan.
Isang oras ang nakalipas napagtagumpayan nilang makalabas sa looban. Kahit may nakaambang panganib sa kanila, nilakasan nila ang mga kani-kanilang loob.
“Ano’ng plano n’yo ngayon? Saan kayo pupunta?” tanong ni Alex. Ang may ari ng truck na nahingian nila ng tulong para makatakas sa mga lalaking humahabol sa kanila.
“Sa Manila po, Sir Alex. Maghahanap ng trabaho, baka sakali pong may magandang uportunidad na naghihintay sa amin doon,” sagot ni Cristina. Habang si Cristina nakatanaw sa labas ng bintana at mataman niyang pinapanood ang kadiliman.
“Gano’n ba. Teka lang.” Kinuha ni Alex ang kanyang wallet sa dashboard at may hinugot doon, calling card. Iniabot niya iyon kay Cristina. “Kung wala kayong malalapitan sa Manila. Puwede kayong tulungan niyan, sabihin n’yo lang ang pangalan ni papa.”
Ngumiti si Cristina. “Maraming salamat po, Sir Alex. Sasamantalahin na po namain ang inyong tulong sir. Puwede po bang pakihatid kami sa terminal ng bus sa Poblacion?”
“Iyon lang ba, walang problema,” nakangiti nitong sagot kay Cristina.