“Hindi ka na ba talaga magbabago, Britney Jennifer? Palagi mo na lang ba kaming bibigyan ng kahihiyan kay Rudulfo?” sigaw ni Rebecca.
Hindi pa ito nakuntento, sinampal pa niya ang anak. Kasalukuyan silang nasa sala kasama ang asawa at kinakastigo nila ng maigi ang dalaga. Nang sabihin kasi nila sa dalaga na dadalaw si Rudulfo sa kanilang bahay, tumakas na naman ito at nagtago sa kanyang pinsan sa kabilang barangay.
Simula kasi nang sabihin nila kay Britney ang plano nilang ipakasal ito sa kasosyo nila sa negosyo, na si Rudulfo Wang ay lagi na lang umaalis ng kanilang bahay ang dalaga at sa tuwing dadalaw ang lalaki sa kanila.
Marahas na tumayo ang ama ni Britney mula sa inuupuhang sofa. Lumapit ito sa kanya habang hawak-hawak ang tabako.
“Sa ayaw at gusto mo, ipapakasal ka namin kay Rudulfo. Huwag na huwag mo akong susubukan, hindi mo pa alam ang kaya kong gawin sa iyo, kaya makinig ka sa amin!” galit na pahayag ni Rolando sa anak. Sabay hithit sa kanyang tabako at namaywang na humarap sa tabi ng bintana.
Hindi na sinagot ni Britney ang ama. Tahimik lamang siyang nakaupo sa pinakadulo ng sofa. Mas natatakot kasi siya rito kaysa sa kanyang mama. Baka kapag sinagot-sagot niya ito ay mas lalong lumala ang problema niya o kaya ay ipakaladkad siya sa mga tauhan nito at itali sa puno ng mangga na maraming antik. Nag-isip na lamang ang dalaga kung paano malulusutan ang magulang.
“Sige po papa, pumapayag na ako sa gusto ninyo. Susundin ko na po kayo ni mama,” sagot ni Britney sa ama. Umaayos ito ng upo at tiningnan ang ama. Iyon lang ang naisip niyang sagot sa problema, ngunit ang totoo talaga niyang plano ay tuluyang takasan ang mga ito at magpakalayo-layo muna.
Nakita ni Britney ang mga ngiti sa labi ng kanyang ama, daig pa nito ang nanalo ng jackpot sa lotto. Pero ang kanyang mama ay may duda ang mga tingin nito sa kanya. Muling lumapit si Ronaldo sa anak at bahagyang hinaplos ang buhok ng dalaga.
“Good girl anak. Kung ganyan ka nang ganyan, magkakasundo tayo. Para naman sa iyo itong ginagawa namin ng iyong papa,” sabi ni Rolando. Umalis ito sa harapan ng anak at lumapit sa asawa.
Napairap sa kawalan si Britney at bumulong. ‘Sa akin ba talaga o sa kapiratso ninyo.’
Maya-maya lang pumasok ang isang tauhan ni Rolando. Lumapit ito sa amo at may ibinulong. Mas lalong gumanda ang ngiti ni Rolando nang marinig ang balita sa tauhan.
“Nasa casino si Rudulfo. Hinahanap tayo,” sabi ni Rolando sa asawa. Inayos pa nito ang suot na polo. “Pupuntahan ko siya. Sasama ka ba?”
Umiling si Rebecca sa asawa saka ibinaling ang mga mata sa dining area at tinawag ang kanyang personal na alalay, si Ate Demetria. Isa itong tomboy at medyo malaki ang pangangatawan, daig pa ang isang lalaki kung manamit.
“Ano po ’yon, madam?” tanong ni Demetria.
“Bantayan mong maigi si Britney, kung kinakailangang itali. Itali mo, para ’di makalabas ng bahay,” nakapamaywang na bilin ni Rebecca kay Demetria. “Ikaw ang malalagot sa ’kin, kapag nakatakas na naman ’yan.”
“Copy po, madam. Ako ang bahala sa kanya.”
“Good. Sabihin mo kay Lupe, na kunin ang kulay pula kong bag sa kuwarto. Bilisan mo at sa kotse na ako maghihintay.”
“Sige po, madam.”
ALAS-OTSO NA NG UMAGA, nagising kinabukasan si Britney. Base sa sikat ng araw na nanggaling sa kanyang bintana at medyo may hapdi na rin sa balat ang sinag nito na tumatama sa kanyang mukha. Iminulat niya ang kanyang mga mata, nagulat ang dalaga nang makita ang ina na nakamaywang sa tabi ng tokador paharap sa kanya.
“Bakit n’yo naman po binuksan ang bintana? Alam n’yo namang natutulog pa ako,” reklamo ng dalaga. Bumangon siya at isinandal ang katawan sa headrest ng kama.
Lumapit ang ginang sa kama ni Britney at mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ng dalaga.
“Iyon nga ang maganada eh, para magising ka kaagad!” masungit nitong sagot kay Britney. Hinawakan pa nito ang braso ng dalaga at bahagyang hinila pataas. “Ikaw ha, siguraduhin mo lang na totoo ang sinabi mo kagabi sa iyong papa. Dahil kapag nagsisinungaling ka lang, makikita mo ang bangis ko.”
Halos napangiwi ang mukha ni Britney dahil sa higpit ng pagkakahawak sa kanyang braso. Hinawakan niya ang kamay ng ina at pilit na tinatanggal.
“Mama, nasasaktan po ako.”
“Talagang masasaktan ka sa akin, kapag ’di mo sinunod ang gusto namin ng iyong papa!”
Binitiwan ni Rebecca ang braso ni Britney saka inayos ang sarili at taas noong naglakad papuntang pintuan.
“Mag-ayos ka darating si Rudulfo. Magpaganda ka para mas lalong mabaliw sa iyo ang lalaking ’yon,” matapang na utos ni Rebecca kay Britney. Sabay labas niya at isinara ang pintuan. Ni hindi man lang niya pinakinggan ang sagot ng dalaga.
Kusang umagos ang mga luha sa mata ni Britney. Naaawa siya sa kanyang sarili, pakiramdam niya isa lamang siyang damit na bina-bargain sa customer. Kung puwede nga lang na turuan niya ang puso na mahalin ang lalaki ay ginawa na niya. Ngunit kahit ano’ng gawin niya hindi talaga nadudiktahan ang puso na mahalin ang taong hindi niya gusto. Bukod sa hindi niya mahal si Rudulfo, triple ang edad nito sa kanya, at bali-balitang isa itong drug lord na napadpad sa kanilang lugar. Kaya mahigpit talaga niyang tinututulan ang pagpapakasal dito.
Maya-maya pa at may kumatok sa pintuan nang kuwarto ni Britney. Hindi niya sinagot iyon, bagkus bumaba siya ng kama at pumasok sa loob ng banyo. Kalahating oras din siyang nanatili ro’n, paglabas niya maayos nang nakatupi ang kanyang higaan at may nakita siyang bugkos ng rosas sa itaas ng kama. Dinampot niya iyon at itinapon sa basurahan. Pagkatapos no’n tumungo siya sa kanyang closet at nagbihis, isang kulay pink na jumpsuit ang napili niyang isuot, naglagay din siya ng make-up sa mukha na sinisigurado niyang bagay sa kanya, at inilugay na lamang ang mahabang buhok. Pagkatapos no’n bumaba siya ng sala at dumiretso ng dining. Doon niya nakita si Rudulfo kasama ang magulang.
“Good morning!” bati ni Britney. Pilit na pinasigla ang boses.
“Good morning, hija!” masayang tugon ng kanyang mama. Agad itong tumayo at iginaya ang dalaga sa upuan katabi ng kay Rudulfo. “Umayos ka, ngumiti ka naman ...”
Isang mapaklang ngiti ang pinakawalan ng dalaga saka umayos ng upo at binalewala ang presenya ni Rudulfo na abala sa pakikipag-usap sa kanyang ama. Ilang sandali pa at nasurprisa sila sa pagpasok nang bagong dating na si Timothy sa dining. Umupo ito sa tabi ng ina kaharap si Britney.
“May nangyari ba, halos hindi mai-drawing ’yang mukha mo?” tanong ni Rolando sa anak.
Maging si Rudulfo ay napatingin din sa gawi ni Timothy. Isa kasi si Timothy sa kanyang mga tauhan sa negosyo. “May problema ba ang mga delivery natin?”
Umiling si Timothy at itinuon ang paningin kay Rudulfo.
“Wala naman. Nagkainitan lang kami kanina ng mga sundalo sa checkpoint, mabuti nga at nalusutan namin sila,” nakangising kuwento ni Timothy.
Tumawa si Rudulfo. “Hindi talaga ako nagkamali sa pagpili sa iyo. Maaasahan talaga kita.”
“Saan pa ba magmamana ’yan? ’Di sa akin lang din,” singit ni Rudulfo sa dalawa. Proud na proud sa sarili.
Sabay-sabay na angkatawanan ang tatlong lalaki sa tinutan ni Rolando. Maging si Rebecca nahawa rin sa mga ito habang si Britney pinapanood lamang sila.
Maya-maya pa pumalakpak ng tatlong beses si Rebecca. Hindi pa man niya naibababa ang mga kamay, mabilis nagsulputan ang apat nilang katulong na may mga dalang pagkain mula sa kitchen. Matapos ihain iyon sa hapag kainan nila, nagsimula na silang kumain.
PAGSAPIT NG HAPON, hindi natuloy ang date ni Britney at Rudulfo. Niyaya kasi ni Timothy ang lalaki na pasyalan sa lumang bodega ng kanilang mga item na ide-deliver bukas sa karatig lugar ng Mindoro ang Romblon.
Kaysa magmukmok sa kanyang kuwarto, napagpasyahan ng dalaga na lumabas ng bahay at mamasyal sa loob ng kanilang subdivision, baka sakaling may mabuo siyang disesyon sa mga bagay-bagay. Hindi na nag-aksaya ng oras si Britney na palitan ang kanyang damit sa halip ay nagsuot lamang siya ng puting sapatos, katerno sa jumpsuit na suot niya kaninang umaga. Nang makuntento siya sa kanyang ayos, agad siyang lumabas ng kuwarto at deri-deritsong bumaba ng hagdanan. Nadaanan pa niya sa sala ang dalawa nilang katulong na abalang-abala sa pakikipag-marites kay Demetria. Tiningnan niya ang mga ito ng masama saka tuluyang lumabas ng maindoor. Narinig pa niya ang pagtawag ni Demetria. Hindi na niya iyon pinansin, deritso siya sa kanilang garahe at mabilis sinakyan ang kanyang motor saka pinaharurot palabas ng kanilang gate.
Ilang sanadali pa at nasa main road na si Britney. Pataas-taas pa sa ire ang isa niyang kamay habang ang isa mahigpit na nakahawak sa manibela, tila ini-imagine niyang lumilipad siya. May ilan ding kabataan siyang nakasabay sa kalsada, masaya ang mga ito at tila hindi na sa kanila bago ang gawaing iyon.
Maya-maya pa huminto siya isang basketball court sa loob mismo ng kanilang subdivision. Matapos i-parking ng maayos ang kanyang motor, pumasok siya sa loob at umupo sa bakanteng bench.
“Ate Britney, mukhang naligaw ka ’ata?” biro sa kanya ng kapitbahay na teenager. May hawak pa itong bola at idini-dribble-dribble nito sa sahig.
Inirapan ni Britney ang teenager. “Grabe ka sa akin ha. Parang kulang na lang sabihin mo sa akin na hindi ako tagarito ah.”
Tumawa ang teenager sabay hagis ng bola sa dalaga. “Laro tayo!”
Agad pinaunlakan ni Britney ang teenager. Nagulat pa siya nang yayain nito ang ibang kabataan na nakatambay roon, maging ang tatlong babae na nakaumpok sa mga ito ay sumali din at naging kakampi pa ng dalaga.
“Ate! Ate, pasa mo sa akin!” sigaw ng babae kay Britney. Itinaas pa nito ang kamay upang makita siya nito.
“Oh, heto. Catch!” Sabay pasa ni Britney sa bola.
Pagkahawak ng babae sa bola agad niya iyong itinira sa ring.
“Pasok, yes!” sigaw pa ng isang babaeng kakampi nila. Nagkaapiran pa silang tatlo.
Sandali pa at si Britney naman ang tumira, hindi naipasok ng dalaga ang bola. Ngunit muli siyang nag-try, sa pagkakataong iyon pasok ang tira niya. Nanalo sila at kinantyawan nila ng maigi ang mga lalaki.
“Masaya pala maglaro ng basketball?” tanong niya sa dalawang teenager na babae. Nakaupo sila sa bench at masayang pinagsaluhan ang biniling meryenda ng mga lalak.
“Oo ate, masaya talaga maglaro ng basketball. Nakakawala ng stress at problema sa mga aralin namin.”
“Kaya lagi kaming tumatambay dito, ate. Bukod sa mga poging lalaki na nandito, nae-excirsise rin namin ang aming mga katawan, at para mas lalong sumikse ang aming body.”
Natawa si Britney sa mga naging sagot ng dalawang babae. Kahit papaano masaya siya sa kanyang paglabas sa bahay at nakatagpo pa ng bagong kaibigan. Saglit din niyang nakalimutan ang dinadalang problema.
Kalahating oras ang lumipas, muling nagyaya ang mga lalaki ng re-match. Ngunit tumaggi na ang dalaga na sumali, nakaramdam kasi siya ng pananakit ng paa at binti. Kaya minabuti na lamang niyang manood at i-cheer ang mga kaibigan.
Dahil nawili sa kakapanood at pag-cheer sa mga bagong kaibigan. Hindi namalayan ni Britney ang oras, nagulat na lamang siya nang makita ang dalawang tauhan ng kanyang papa na papasok sa loob ng court kasunod si Demetria. Noong lumapit ang mga ito sa kanya, kusa na siyang sumama at ’di na nakipagtalo pa.
MGA SUMUNOD NA ARAW, walang Rudulfo ang nagparamdam sa kanya at mas lalong wala siyang narinig na pangungulit mula sa magulang. Ngunit ang ngiti at saya ng mga ito ay hindi maalis-alis sa kanilang mga labi. Tuloy hindi maiwasan ni Britney ang kabahan sa tuwing nakikita niyang walang humpay ang kasiyahan ng magulang. Para bang may ’di kanais-nais na ginawa ang mama at papa niya laban sa kanya.
Alas-siyete no’n ng umaga, pababa si Britney ng hagdanan. Nagtaka siya nang makitang maganda ang pagkakaayos ng kanilang sala at halos ang gamit nila roon ay tila sadyang pinalinis, dahil nangingintab ang mga ito at nagmumukhang bago sa kanyang paningin. Higit sa lahat naka-display sa center table ang paborito niyang bulaklak, ang kulay pink na rosas.
“Aling Lupe, ano’ng mayroon, mukhang abalang-abala kayo?” tanong ni Britney sa katulong. Abala ito sa paglilinis sa dining.
Humarap sa kanya si Aling Lupe at ngumiti. “May parating na bisita si madama.”
“Sino raw po?”
“Hindi ko alam, hija. Basta sabi ni madam, maglinis daw kaming mabuti at ilabas lahat ng gamit na bago. Sige hija, sa kitchen muna ako. Kakain ka na ba?”
“Kape na lang po saka toast.”
“Sandali lang, hija.”
Naiwang nag-iisip si Britney sa dining area. Maya-maya lang nang gulantangin siya nang tawag ng kanyang mama mula sa sala. Tumayo ang dalaga at tumungo roon. Naagaw agad ng pansin niya ang isang parihabang kahon sa sofa. Bigla ring tumabol ang kanyang puso sa kaba.
“Maghanda ka, mamayang gabi na ang kasal n’yo ni Rudulfo. Wala ka ng proproblemahin pa, naayos na namin ang lahat.” Sabay tawag sa kanyang alalay. “Demetria!”
Agad itong nakalapit. “Yes, madam.”
“Dalhin mo ’to sa kuwarto ni Britney at bantayan mo ng maigi ’yan,” utos ni Rebecca.
“Copy, madam.”
Muling binalingan ni Rebecca ang walang imik na si Britney sa sulok ng sala. Nilapitan niya ito at walang sabi-sabing hinawakan niya ng mahigpit sa panga ang dalaga.
”Ngayon ko malalaman kung nagsasabi ka talaga ng totoo sa amin. Heto na ’yong sinasabi mong magpapakasal ka kay Rudulfo, mamayang gabi tatawagin ka ng Mrs. Wang. Hindi ka pa no’n, hihiga ka na lamang sa pera at ’di mo na kailangang magbanat ng buto!” masayang pahayag ni Rebecca.
“Napakasama mong ina! Sana hindi na lang kayo ang naging magulang ko!” sigaw ni Britney sa ina. Aanhin man niya ang maraming salapi, kung galing naman sa masama. Hindi baling maghirap siya pagtratrabaho, at least galing sa pawis ang pera niya.
Binitiwan ni Rebecca ang panga ni Britney sabay sampal niya rito.
“Pasalamat ka at hindi ko puwedeng dumihan ’yang maganda mong mukha. Pero sa susunod hindi na kita sasantuhin.”
“Patayin mo na lang kaya ako.” Kinuha ni Britney ang kamay ng kanyang mama at dinala sa leeg.
Ngumisi si Rebecca at hinaplos ang pisngi ng dalaga na kanyang sinampal.
“Not now, darling. Kailangan pa kita.” Sabay tulak niya sa anak at tumatawang umalis ito sa sala.