"Anong klase ng kape to? Bakit ganito ang lasa?!"
Mabalasik na tanong ni Eduard at mabilis na inilapag ang tasa ng kape sa lamesa at mabilis din na kumuha ng tissue para ipahid sa kanyang labi.
Ngiwing-ngiwi ang kanyang mukha nang malasahan ang kapeng aking ginawa para sa kanya. Masama talaga siguro ang lasa dahil matapang sa kape ang nais niyang timpla.
Kung hindi ako nagkamali, malamang na nakalimutan kong lagyan ng asukal ang kape kaya naman niluwa ng aking asawa.
Nagmamadali kasi akong kumilos kanina sa kusina. Mayroon pa akong nilulutong ulam. Kaya malamang na napakatabang talaga ng timpla ng kape.
Narito kami sa isang silid na nagsisilbing kanyang opisina dito sa loob ng bahay. Ganito siya kapag araw ng linggo o kaya ay walang pasok sa kanyang kompanya. Buong araw lamang siyang nagtratrabaho rito sa loob at madalas ay magdamagan pa at wala talagang tulugan kahit may pasok pa siya kinabukasan.
Ganun ka-importante ang trabaho ng asawa ko para sa kanya. Sobra siyang dedicated sa kahit anong ginagawa at sinisigurado na maayos at pulido ang mga bagay na dapat niyang gawin.
High school pa lamang ako ay kakilala ko na si Eduard. Ngunit hindi kami close hindi gaya ng pinsang makalawa niyang si Darwin na siyang matalik kong kaibigan.
Mag kapitbahay lamang ang aking pamilya at ang pamilya ni Darwin sa isang subdivision. Palibhasa at magka-edad lamang kaming dalawa, kaya naging magkaklase kami sa eskwelahan na aming pinapasukan. Madalas nga na magkasama kami sa mga activities sa school. Kaya naman ang turingan namin sa isat-isa ay parang isang tunay na magkapatid. Tamang-tama rin dahil wala naman akong kapatid na lalaki. Samantalang si Darwin ay nag-iisa lamang na anak. Panganay ako sa aming tatlong magkakapatid, si Alexis ang pangalawa at ang bunso naman ay si Abby.
"Pasensya na hindi ko marahil nalagyan ng asukal. Papalitan ko na lang agad." Malumanay kong paghingi ng paumanhin at saka kinuha mula sa kanya ang tasa.
Tumingin siya sa akin at waring sinusuri ang aking kabuuan.
"Bakit? Ano ba ang iniisip mo at nakalimutan mo ang simpleng bagay? O mas tamang tanong, sino ang iniisip mo ?" sarkastiko niyang tanong sa nanlilisik na mga mata.
Alam ko naman ang nais niyang sabihin ngunit binabalewala ko na lamang dahil hindi naman totoo. Kahit naman paulit-ulit akong makipag-argumento sa kanya ay hindi naman ako mananalo. Hindi niya ako paniniwalaan at pilit na igigiit na tama siya. Kaya nakasanayan ko na lamang na hindi na kumibo sa tuwing sinimulan niya akong awayin. Mabuti na ang manahimik para walang away. Ako lang ang matatalo sa huli kahit anong gawin kong katwiran.
"Gagawa na lamang ako ulit ng panibago." Sa halip ay naging wika ko sa aking asawa at hindi pinansin ang kanyang pasaring na tanong.
Naningkit lalo ang kanyang mga mata at kung nakamamatay nga lamang ang kanyang matalim na titig ay matagal na akong bumulagta sa sahig.
"Gumaganti ka ba dahil ayaw kitang payagan na makita si Darwin?!" pasigaw niyang tanong.
Mabuti na lamang at wala si Erin dito sa bahay. Hindi niya maririnig ang pagsigaw ng kaniyang ama habang ako ay inaaway. Alam kong hindi na bata ang anak ko at maaaring hindi na lang kumikibo sa mga bagay-bagay dito sa bahay ngunit mabuti ng hindi niya kami nakikitang mag-away ng Daddy niya.
Nag buntong hininga na lamang ako at nanatiling tahimik at walang imik.
Hindi ko na siya pinatulan dahil mas hahaba lamang ang usap at diskusyon sa isang bagay bagay na hindi naman dapat pinagtutuunan ng pansin at oras.
"Tinatanong kita, April!" asik niyang tanong.
Ngunit hindi pa rin ako kumibo at nanatili na nakatayo at nakatuon ang mga mata sa tasa na hawak ko.
"Ano bang mayroon ang Darwin na iyon at patuloy ka pa rin na nakipagkita sa kanya kahit alam mong magagalit ako? Kahit alam mong may asawa na rin siya ay bakit hindi mo pa rin maiwasan? Hindi hamak na mas lamang ako. sa lahat ng aspeto sa lalaking 'yon."
Halos naglabasan na ang mga ugat sa leeg ng aking asawa habang nagsasalita.
Ano ba talaga ang pinaglalaban ng asawa ko? Wala naman akong dapat ikumpara sa kanya at kay Darwin dahil talagang magka-iba silang dalawa.
Siya ang asawa ko.
Si Darwin, kaibigan ko lamang at hanggang doon lang.
Ngunit hindi ko na rin napigilan at binuka ko na ang aking bibig para sagutin ang asawa kong nanggagalaiti sa galit ng wala naman dahilan.
"Eduard, ilang ulit ko ba na sasabihin sayo na magkaibigan lang kami ni Darwin. At isa pa, matagal na naman kaming hindi nagkikita. Dahil sinunod ko ang gusto mo na iwasan at huwag akong makipag-usap sa kanya ultimong sa cellphone ay hindi kong pinapansin kung may message man o tumawag siya. Kahit wala naman kaming ginawang masama ay sinunod ko na ang lahat ng nais mo." Mahinahon kong paliwanag.
Hindi ko maintindihan kung bakit selos na selos ang asawa ko sa uri ng relasyon na mayroon kami ni Darwin.
Magkaibigan lang kami at hanggang doon lang 'yon.
Wala kaming ibang bagay na pinagtatalunan na mag-asawa mula noon hanggang ngayon kung hindi ang hindi mamatay-matay niyang paghihinala. Ang pagbibintang niya sa akin ng walang basehan at hindi ko alam kung paano niyang nahinuha sa kanyang isip ang bagay na may namamagitan sa pagitan namin dalawa ng matalik kong kaibigan at ng pinsan niya.
"Kung ganon, sundin mo ang gusto ko. Ayokong malaman na nagpunta ka sa kung nasaan siya ngayon. Ayokong dumalaw ka sa kanya o kahiyt sumilip lang." Madiin at mahigpit niyang bilin at saka bumalik na ang kanyang mga mata sa mga papel na nakapatong sa kanyang working table at nagsimula na muling magtrabaho.
Balewala na lamang akong napatitig sa kanya.
Lagi kong tinatanong sa sarili ko kung bakit lagi na lang niya akong ginaganito? Wala naman akong ginawa na hindi sang-ayon sa kung anong gusto niya. Lahat ng desisyon niya ay hindi ko pinakikialaman.
Buong akala ko ay magbabago ang buhay ko noong nagsama kaming dalawa at magkaroon na kami ng anak.
Ngunit mali pala dahil mas lalo akong nawalan ng kalayaan.
Kalayaan na hindi ko rin naranasan noong nasa poder pa ako ng aking pamilya.