Episode 4

1029 Words
Bata pa lang ako, nakatatak na sa isipan ko at sa aming magkakapatid ang mga mahigpit na alituntunin sa loob ng aming bahay. Ang bawal sumuway na anumang batas. Bawal ang hindi sumunod sa patakaran sa loob ng aming bahay. Lumaki kaming tatlong magkakapatid na takot sa aming mga magulang. Sobrang istrikto ni Papa at Mama na parehong mga negosyante at laging busy sa kani-kanilang mga negosyo sa loob at labas ng bansa. Bawal ang ma-late sa kahit anong oras na itinakda kahit isang segundo. Kapag may nilabag kang batas sa loob ng bahay o may nagawa kang pagkakamali ay ihanda mo na ang sarili mo sa matinding kaparusahan. Katakot -takot na parusa ang katumbas ng anumang kasalanan maliit man o malaki. Naroon ang paluin ka ng ilang ulit sa binti hanggang sa hindi mo na kayang makalakad pa hanggang sa kahit ang pag gapang ay hindi mo na kayang gawin sa sakit na nararamdaman ng katawan. Naroon ang hindi ka pwedeng kumain o kahit uminom lang ng tubig kapag may nagawa kang kasalanan kahit mamatay-matay ka na sa gutom at uhaw. Patayuin ka maghapon at magdamag sa ilalim ng tirik na sikat ng araw at bawal ang umupo kahit ngalay na ngalay ka na. Minsan lang ako naparusahan pero hindi dahil sa gusto kong lumabag. May group studies kami ng mga kaklase ko noong nasa first year high school pa lamang ako. Pinayagan naman ako nina Mama at Papa pero hanggang ala-singko lang ng hapon ay dapat narito na ako sa loob ng bahay. Ngunit kamalas-malasan na may bagyo ng araw na iyon at nagkataon pa na nagparamdam ang malakas na hangin at ulan ng oras na pauwi na ko na bahay. Kahit anong pagmamadali kong gawin para makauwi agad ay na-late pa rin ako ng limang minuto. Galit na galit ang mga magulang ko. Siguro raw ay lakwatsa lang ang ginawa ko at wala raw talaga kaming group studies na siyang dahilan ko para lang makalabas ng bahay at makapag liwaliw. Kaya naman magdamag akong pinatayo sa ulanan nina Mama at Papa matapos pa nila akong ilang beses na haplitin sa aking mga binti. Wala silang pakialam kahit malakas pa ang hangin kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan na pwedeng maging sanhi ng malalang sakit. Nanginginig ako sa lamig pero nanatili lamang ako sa kung saan nila ako pinatayo. Naroon lang ako at hindi umaalis kahit lalo pang lumalakas ang daluyong na dala ng malakas na bagyo. Lumuluha lang ako ngunit mabilis rin na ina-agos ng malakas na bagsak ng patak ng ulan ang mga luha ko Awang-awa man ang mga kapatid ko sa akin pero wala rin naman silang magagawa para makatulong sa akin dahil sa oras na gumawa sila ng paraan para ako ay tulungan ay sila naman ang tatanggap ng kaparusahan na ayokong mangyari. Kung pwede lang ay ako rin ang sasalo sa tuwing sila ay nagkakamali. Ang parusa ay parusa at madadagdagan ang paghihirap mo sa oras na nakitaan ka ng pagrereklamo at hindi nagsisisi sa kung anong naging kasalanan mo sadya mo man na ginawa o hindi. Ganun ang buhay na kinalakihan ko sa labing walong taon kong naninirahan sa bahay namin kasama ang mga magulang ko at ng aking dalawang nakababatang mga kapatid. Kaya nga siguro kahit na ayaw ko pa sanang mag-asawa ay napilitan na akong makisama kay Eduard. Dahil sa takot na walang pupuntahan kapag tinangka kong hindi sundin ang anumang kanilang nais. Kahit anong pagmamalupit ang sinapit ko sa kamay ni Eduard hindi ako makalapit o makadaing sa mga magulang ko kahit nahihirapan ako at gusto lang ng masabihan ng sama ng loob. Dahil ng minsan kong ginawa 'yon, pinagtabuyan nila ako palabas ng aming bahay at nagtangka silang itatakwil at walang kayamanang makukuha mula sa kanilang yaman sa oras na makipaghiwalay daw ako kay Eduard. Gusto ko sanang sabihin sa kanila na hindi naman porket umuwi ako sa bahay namin ay nakipaghiwalay na ako sa asawa ko. Hindi ba pwedeng gusto ko lamang magpalipas ng sama ng loob habang kapiling sila? O kaya naman ay madamayan nila ako? Alam ng mga kapatid ko ang pinagdaanan ko pero nakiusap ako sa kanilang hayaan na lang ako alang-alang sa anak kong si Erin. Miss na miss ko na rin sina Alexis at Abby. Halos dekada na nang huli kaming magkita ni Alexis at kung hindi ako nagkakamali, apat o limang taon na rin ng bigla na lang nagpaalam sa akin si Abby na aalis siya at lalayo muna sa hindi ko malamang kadahilanan. Napakasakit bilang nakatatandang kapatid na wala man akong magawa para sa dalawa kong mas nakababatang kapatid. Alam kong itinakwil si Alexis ng aming mga magulang ng matuklasan na may ginawa siyang malaking kasalanan sa isa sa mga kasosyo nina Mama at Papa sa negosyo. Samantalang natuklasan din ng aming mga magulang ang ginawang pagpapa-annulled mismo ni Abby sa kanilang kasal ng kanyang dating asawa. Galit na galit ang mga magulang namin sa ginawa ng aking bunsong kapatid pero hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa ang bagay na 'yon. Gayong mahal na mahal nilang mag-asawa ang isa't-isa. Alam kung mali ang hindi pagsunod sa utos ng mga magulang. Ngunit, sa kaibuturan ng puso ko, nakadarama ako ng pagka-inggit sa mga kapatid ko. Bakit? Dahil ang tapang nilang dalawa. Nagawa nilang labagin ang utos ng mga magulang namin na kahit kailan ay hindi ako magkakaroon ng lakas-loob na gawin dahil duwag ako at mahina. Panalangin ko na sana lang ay dumating ang panahon na magkita-kita pa rin kaming magkakapatid. "Ano pang kailangan mo? Huwag mong sabihing ipagpipilitan mong payagan kitang dalawin ang lalaking 'yon?" Napakurap pa ako ng magbalik ang isip ko na nilipad sa kung saan nang magsalita si Eduard na salubong pa ang mga makapal na kilay. "Tigilan mo ko April, nagsasayang ka lamang ng laway. Dahil kahit mamatay ka pa sa harap ko. Dito ka lang at hindi mo pupuntahan ang lalaking 'yon!" madiin niya namang wika. "Magtimpla na ako ulit ng kape mo." Tanging nasambit ko na lamang at tinalunton na ang daan papuntang kusina. Ganito naman ako. Isang dakilang asawang sunod-sunuran sa kung ano at nais ng aking asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD