Careela's POV
Nanlulupaypay na ang katawan ko nang bumalik na ako sa floor ng opisina ni Erwhan. Hindi dahil sa haba ng linya ng pila sa canteen kundi sa sobrang layo nito sa palapag na kinaroroonan namin. Dahilan para napilitan akong sumakay ng elevator at nahilo paglabas mula rito.
Nagkandaligaw-ligaw din kasi ako. Kung bakit naman kasi hindi ko tiningnan iyong sketch na binigay ni Ms. Glenda sa akin. Mabuti na lang at may empleyado akong napagtanungan kanina na kasabayan ko sa paglalakad kanina sa hallway. Sa kaniya ko nalaman na nasa second floor pa pala ang bilihan ng pagkain.
Nanlumo ako sa narinig ngunit hindi ko na lang masyadong pinahalata. Akala ko naman kasi ay nasa ibabang floor lang ito ng kinaroroonan naming palapag since napakatayog nitong kinaroroonan namin. Inisip ko na bawat floor ay may sariling canteen. Hindi pala. Tila pinag-isipan din ng mga boss na ilagay lang ito sa isang lugar na malayo sa palapag kung saan kami nagtatrabaho para hindi maistorbo sa pagtatrabaho ang mga empleyado. Kung malapit kasi, baka food trip na lang ang atupagin nila at maisantabi ang trabaho.
Palagay ko lang naman ito. Pero tingin ko, tama ako.
Mukhang nakatunog ang babae na may problema ako. Kaya ito nagtanong kung saang department ako nagtatrabaho. Sinabi ko na sa office ng CEO at nagpapabili ito ng pagkain sa akin. Sinabi ko na bago lang din ako rito at kaya hindi ko pa alam ang pasikot-sikot ng building. The woman asked me if I was the new secretary of the CEO. Sabi ko oo, pinalitan ko si Ms. Glenda na lilipat naman sa HR department.
Iniwan na ako ng babae pagsapit nito sa floor kung saan siya nakatoka. Ako naman ay napasiksik na lang sa loob ng elevator at pinilit na kinalma ang aking sarili.
Akala ko malapit lang talaga kanina ang pagbibilhan ng pagkain kaya energetic pa ako habang naglalakad na ako patungo ng hagdanan. Maglalakad lang sana ako papunta sa bilihan ng pagkain dahil ayaw kong sumakay ng elevator ng walang kasabay. Iyon pala, nasa second floor pa pala ito ng building at ilang palapag pa ang layo ko bago ko ito marating.
Nanlumo ako sa totoo lang lalo na at takot akong sumakay ng elevator ng mag-isa. No choice ako but I have to ride on the elevator. Sinubukan kong sumakay kahit na takot ako. Inisip ko na ito lang ang tanging paraan para mapabilis ang lakad ko kaya nilakasan ko ang loob ko. Mapapagalitan na naman ako ni Erwhan kapag natagalan ako sa pagbalik. Ayaw ko ng pumalpak pang muli sa harapan niya dahil alam kong tototohanin niya ang kaniyang banta. Hindi ko pwedeng gawing alibi na nagkandaligaw-ligaw ako dahil si Ms. Glenda na naman ang masisisi. Na-orient na niya ako at ayoko siyang madamay muli sa galit ng boss namin sa akin.
Mabilis naman akong nakarating sa kinaroroonan ng canteen. Paglabas ko sa elevator ay nakita ko kung gaano kalawak ang food court na na halos sinakop ang second floor. Ang daming pagkain at hindi mo alam kung ano ang pipiliin.
Pero sobrang sama ng pakiramdam ko nang makalabas ako ng elevator kaya hindi ko ma-appreciate ang nakikita ko. Nahihilo ako at parang sinasakal ang aking pakiramdam. Takot kasi ako sa mga lugar na masikip at madilim. May claustrophobia kasi ako gawa ng tinakot ako ng pinsan ko noon na may multo sa kwarto ko. Tapos kapag nakakaramdam ako ng ganito ay inaatake ako ng asthma kaya laking pasasalamat ko na hindi ako sinumpong ng aking sakit. Dala-dala ko naman palagi sa aking bulsa ang aking MDI o metered dose inhaler na siyang sumasalba sa akin kapag inaatake ako ng asthma.
Sabi ni Lolo Carlito ay namana ko raw ito sa Mama ko na may asthma na simula pa ng baby pa ito. Ako, mga ten years old na yata ako nang madiskubre namin ni Lolo na namana ko ang sakit ni Mama. Kaya naman simula noon ay may dala-dala na akong inhaler kahit saan man ako magpunta.
Sayang, hindi ko na inabutan at nakilala ang Mama ko. Katulad ni Papa, maaga rin siyang binawian ng buhay dahil sa isang aksidente na hindi nila akalain na kikitil sa kanilang mga buhay.
Nakakapanggalaiti ang nangyari sa kanila sa totoo lang. Hindi na nila nakuha ang justice sa pagkamatay nila dahil lang sa kapabayaan ng isang tao na dapat ay pinapanagot sa batas.
Kung buhay pa sana sila, alam kong hindi nila ako hahayaan na mapunta sa ganitong sitwasyon. I know they will take care of me and love me more than anything in this world.
“What took you so long?” yamot na tanong ni Erwhan nang pumasok na ako sa office niya pagkatapos kong kumatok.
Hindi naman ako nakasagot agad dahil pilit kong tinutuwid ang lakad ko at pinipilit ko ang aking sarili na magpokus sa sinasabi niya.
Pakiramdam ko kasi ay ang hina ng boses niya. Parang ang layo rin ng tingin ko sa kaniya kahit na ba halos dalawang metro lang ang layo ko sa inuupuan niya.
Lutang pa rin ako hanggang ngayon pagkatapos kong lumabas sa elevator. Daig ko pa ang lasing o kaya ay naka-high sa droga. Hindi ko nga maramdaman ang t***k ng aking puso at parang kinakapos ako ng paghinga dahil pakiramdam ko ay lumiliit ang kwartong kinaroroonan naming dalawa.
Shit! Inaatake ako ng asthma ko!
Bakit ngayon pa kung kailan nagawa kong makabalik ng hindi humihigop ng hangin sa inhaler ko.
“I said, what took you so long to bring my food? Nakipagmarites ka pa siguro roon sa ibaba, ano?” Bintang niya na walang katotohanan.
Wala akong oras para sa ganoon. Mas gugustuhin ko pang bumalik na lang agad sa office niya para hindi ako pinagtitinginan ng ibang empleyado na naroon kanina sa food court. Paano, iyong iba ay tila minamaliit ako. Siguro nahalata nila na hindi pa ako propesyonal. Lalo na iyong mga babae at bading na kung makapaglakad ay taas noo at tila gandang-ganda sa sarili. Wala naman silang mga K kung ikukumpara sa ganda ko. May lahi akong haponesa, maputi, balingkinitan, at nakuha ko ang kagandahan ng Mama ko.
“N-No, Sir. W-Wala…po..a-kong…panahon sa mga ganiyan,” paputol-putol na sabi ko na halos hindi ko na marinig ang sarili kong boses.
Sisinghap-singhap ako na parang nalulunod sa swimming pool. Pakiramdam ko hanggang dibdib ang tubig at nahihirapan na akong umangat.
Patay!
Dapat lagi akong handa. Dapat alam ko na mangyayari ang mga ganitong senaryo minsan lalo na at bago sa akin ang ganitong environment. Hindi ko na naisip ang mga ganito noong umoo ako sa deal. I forgot about my health. Dapat handa ako lalo na at mataas ang building na kinaroroonan namin. Alam kong masasanay din ako kalaunan pero ito, hindi ko ‘to napaghandaan. Mukhang nakarma yata agad ako dahil sa kalokohan na ginawa ko sa kaniya kanina. Masama ang gumanti. Sabi nga nila mas magandang suklian ito ng magandang pag-uugali at pakikisama sa tao.
“Really? Looks like naki-chika ka muna sa ibaba para siguro alamin kung magkano ang kinikita ng kumpanyang ito buwan-buwan.” Bintang niya na mas nagpasama sa nararamdaman ko.
Ang liit ng tingin niya sa akin.
Gold digger.
Money face.
Hay ewan!
“No, Sir. Wala akong pakialam sa kinikita ninyo at kung gaano kayo kayaman. Narito ako para magtrabaho at hindi para kwentahin kung gaano kayo kayaman. Kaya pwede ba? Tigilan mo na ang kakabintang sa akin ng kung ano-ano. Hindi ako gold digger!”
I managed to look on his direction para naman hindi niya sabihin na bastos ako at hindi tumitingin kapag kinakausap niya. Kaya lang pakiramdam ko dumilim ang paligid ko nang tuluyan na akong kapusin ng hininga.
Ang haba rin kasi ng sinabi ko tapos sobrang bilis din ng tahip ng aking dibdib dahil sa inis ko sa kaniya. Gigil ako sa kaniya. Masama na nga ang aking pakiramdam, pinapasama pa niya lalo.
“Really? Tsk!” Tuning niya ako ng nakakainsulto.
Hindi ko na pinansin ang sinabi niya. Napahawak na lang ako sa noo ko at pinilit na tumayo ng tuwid nang gumewang ang katawan ko. Agad ko ring kinapa ang inhaler sa bulsa ko pagkatapos kong bitiwan ang mga pagkain na hawak ko. Lumikha ito ng kalabog sa sahig kasabay ng pagmumura ni Erwhan. Hindi ko naman siya pinansin at hinanda ang inhaler sa aking bibig. Bahala na kung pagalitan niya ako ulit dahil sa mga pagkain na nagkalat sa sahig, ang mahalaga ay ang aking sarili.
“What's happening to you?” Tanong ni Erwhan na mabilis na nakalapit sa kinatatayuan ko nang makita niya akong tila nauupos na kandila na dahan-dahan na natutumba sa pagkakatayo habang nasa bibig ko ang inhaler at umaamot ng hangin dito.
Hindi ba niya nakikita ang nangyayari sa akin? Inaatake ako ng asthma bullshit siya!
Bago pa ako bumagsak sa sahig ay agad na niya akong sinalo at mabilis na tinulungan ako sa hawak kong inhaler. Mukhang may alam siya kung paano ito paganahin ng maayos kaya naman nagpapasalamat ako na bumuti ang lagay ko bago pa ako maubusan ng hangin sa katawan. Pero hinang-hina pa rin ako. Gusto ko na lang ipikit ang mga mata ko at ipahinga ang pagal kong katawan.
I guess I am not fit for this job. Pumalpak ako sa unang araw ko. Malamang matanggal na ako sa trabaho dahil kitang-kita mismo ni Erwhan na hindi sapat ang kapasidad ko para sa trabahong ito.
Paano na ngayon ang deal namin? Makukulong na lamang ba ang lolo ko?
“Hey…” mahinang tapik ni Erwhan sa pisngi ko. Dinig ko sa boses niya ang pag-aalala habang hawak pa rin niya sa palad ko ang inhaler na nasa bibig ko. Akala yata eh pumanaw na ako.
Mukhang nakaramdam din sa wakas ng guilt ang baklang ito.
Dapat lang, sumosobra na siya sa mga bintang niya sa akin. Hindi na makatarungan dahil hindi ko alam kung saan siya humuhugot ng mga binibintang niya sa akin. Masyado siyang tamang-hinala.
Kumalma na ang pakiramdam ko sa totoo lang pero parang gusto ko na lang muna na manatili kami sa ganitong posisyon para makapagpahinga pa ang pagal kong katawan. Ganito ako kapag inaatake ng asthma. Pagod na pagod ang pakiramdam ko at ang gusto ko lang ay humiga.
Isa pa, ang bango-bango niya. Nakakahalina talaga sa pang-amoy ang kaniyang gamit na pabango. Ang tigas din ng mga muscles niya na ramdam ko sa aking likod. Parang ang sarap magpasakop! Parang kung titingnan ay parang nakayakap siya sa akin kahit hindi naman.
Kaya lang, naalala ko na mas maarte pa pala sa akin ang baklang ito. Mamaya isipin niya na tsinatsansingan ko siya kaya agad akong nagmulat nang aking mga mata nang tapikin na naman niya ako sa aking pisngi para gisingin. Ayaw ko rin mamihasa sa amoy niya. Maaakit ako kapag hinayaan ko ang aking sarili na hanap-hanapin ito ng aking katawan.
“Thank God! I thought nawalan ka na ng malay.” Nakangiting sabi niya na tila tuwang-tuwa na makita akong ayos lang ako. Halos parang gusto na niya akong yakapin ng mahigpit kung hindi lang dahil sa inhaler na hawak niya at nasa tapat pa ng aking bibig.
Naging dahilan naman ito para mapatanga ako sa kaniya. Ang gwapo ni Erwhan kapag nakangiti! Makalaglag panty! Nakakatakot naman siya kapag nakasimangot, lalo na kapag umiirap.
“P-pasensiya na, Sir. Inatake po ako ng asthma.” Sabi ko nang alalayan niya akong makaupo sa sofa na narito malapit sa glass wall na kitang-kita ang magandang bayan ng La Union.
"Bakit hindi mo sinabing may asthma ka pa pala? Di sana'y nag-utos na lang ako ng guard para mag-akyat ng pagkain natin dito." Sabi niya sa galit na tono. Ako pa ang sinisi? Siya kaya itong nagsusungit at kung ano-ano ang binibintang sa akin.
"Hindi ka naman nagtatanong, Sir." sabi ko ng papilosopo habang nakapikit. Inaantok talaga ako. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na humikab at humimlay sa sofa.
Bahala na. Mapagalitan man ulit ako ay bahala. Bahala na rin ang deal na hindi pa nagsisimula ay tila magwawakas na.
"Kasalanan ko pa talaga dahil hindi ako nagtanong?" sabi niya na napapalatak.
Hindi naman ako umiimik hanggang sa tuluyan na akong lamunin ng dilim.