Careela's POV
Tahimik kami buong biyahe ni Erwhan. Walang nagtangka na makipag-usap kahit isa sa amin. Ako na naiinis hanggang ngayon sa mga pang-iinsulto niya kanina at siya, I don't know what's running into his mind. Bahala siya kung iniisip niyang kabit ako ng Daddy niya at may hidden agenda ako kung bakit ako nakikituloy sa bahay nila. Meron naman talaga pero siyempre ay nungka ko itong aaminin sa kaniya dahil masisira ang diskarte namin ni Tito Erwin na mapaamin kung ano ba talaga siya. Kung nagpapanggap lang ba siya o totoong bumigay na siya at miyembro na ng pederasyon ng mga bakla.
Siguro naman tapos na ang misyon ko kapag napatunayan ko kung alin man siya sa dalawa. Kahit naman kasi anong pilit ko na akitin siya kung bading talaga siya ay hindi na siya tatablan. Kahit magpakita pa ako ng dyoga at pasilip sa aking tilapya ay malamang wala ng epekto. Baka nga masuka lang siya gaya ng ginawa niya kanina habang nasa harap kami ng hapag-kainan. Sayang, kinuhanan ko sana ng video iyong sagutan namin para nakalayas na ako sa bahay nila at makita ng kaniyang ama kung paano niya ako pagbintangan at insultuhin ng walang habas!
Nababato na ako sa sobrang katahimikan sa loob ng sasakyan sa totoo lang. Nakakailang hikab na ako at nananakit na ang panga ko at mga mata sa pagpipigil ko ng antok. Hindi man lang nagpatugtog ng music ang driver para naman kahit paano ay maaliw ako. Kung alam ko lang na ganito ka-boring ang biyahe, sana dinala ko na lang iyong earpods ko para naman nakinig ako ng music sa aking cellphone at kahit paano ay hindi ako antukin. Kung alam ko lang na medyo mahaba ang biyahe at parang may mga kasama akong tuod, sana nag-commute na lang ako. Bukas, aagahan ko ang gising ko at mag-commute na lang ako kaysa naman ganito na parang ako lang mag-isa rito sa loob ng sasakyan sa sobrang katahimikan.
Papikit na ang mga mata ko nang maramdaman kong biglang tumigil ang sasakyan. Takang napamulagat ako at napatingin agad sa labas ng bintana. Napa-wow ako nang makita ang magara at matayog na building kung saan ako magtatrabaho bilang sekretarya ni Erwhan. Napakayaman nga talaga ng mga Salazar. Hindi ko mabilang kung ilang floor ang building dahil parang hindi ko makita ang pinakatuktok nito.
Blagghhhhh!
“Ay!” Napapitlag ako nang marinig ko ang pabalibag na pagsara ng pintuan. Agad na natigil ako sa paghanga sa matayog na gusali na pag-aari ng boss kong bading at agad na lumingon sa gawi niya kung saan ay binalibag niya ang pintuan. Nakita ko na mabagal siyang naglalakad at may katawagan sa kaniyang telepono. Agad ko naman binuksan ang pintuan sa tapat ko na nakabukas na pala at mukhang kanina pa inip na naghihintay ang isa sa mga bodyguard niya na nagbukas nito para sa akin.
“Salamat,” nakangiting sabi ko sa lalaki na agad kong inabot ang palad na nakalahad para ako ay alalayan niya sa aking paglabas.
Tipid lang na ngumiti ang lalaki na nahuli ko na pasimpleng nakatingin sa aking hinaharap na agad na nag-iwas ng tingin nang makita niyang nakatingin ako. Pasimple akong natawa at ingat na ingat na tumayo habang iniisip ko na mukhang effective sa iba ang aking suot. Titingnan ko mamaya sa boss ko kung mapapatingin ba siya sa cleavage ko na medyo luwa sa suot kong corporate attire.
“Good morning, Sir!”
Panay ang bati kay Erwhan na isang tango lang ang kaniyang sinasagot. Ako naman na nakasunod sa kaniya kasama ang kaniyang mga bodyguard ay medyo nahuhuli dahil sa kaniyang malalaking hakbang. Hirap na hirap tuloy akong humabol lalo na at napakalaking tao ng lalaking ito. Isang hakbang niya ay parang lima na ang katumbas sa hakbang ko. Kaya naman pagtapat namin sa private elevator niya ay para na akong hihingalin sa pagod makahabol lang sa kanila. Baka kasi mamaya isipin niya na papatay-patay ako sa unang araw pa lang ng trabaho ko. Ayaw ko naman bigyan siya ng ganoong impresyon kaya naman talagang sinikap ko na makahabol kahit na ba ilang beses na akong muntik ng matapilok. Isa pa, nasa isip ko ang sinabi ng mag-asawa. They are counting on me, may tiwala sila na magagawa ko ng maayos ang trabaho ko na hindi papalpak at mapapalayas ni Erwhan sa unang araw pa lamang.
“I want you to make my coffee when you enter the office. Ayaw ko ng sobrang init ang kape ko kapag hinigop ko ito kaya magtimpla ka na pagpasok mo pa lang at ilagay ito sa table ko.” Bigla ay pagsasalita ni Erwhan nang papasok na kami sa elevator. Muntik pa akong mapapitlag sa gulat dahil nakatingin ako sa kuko ko.
Hindi ko pa pala napapalitan ang nail polish ko. Dapat maging ito ay maging kaakit-akit din sa paningin ni Erwhan. Sabi kasi sa nabasa ko sa cellphone ko kanina habang nagre-research ako sa internet ng ilang tips para maakit si Erwhan. Ang pangatlong tinitingnan daw ng mga lalaki sa katawan ng mga babae ay ang kuko, siyempre una na ang ating mukha, next ay ang kurba ng katawan. Perfect na ang mukha ko at katawan, sa kuko ako magpopokus mamayang pag-uwi namin ng hapon. Maglilinis ako ng kuko ko at pipintahan ko ito ng kulay pula.
“Yes, Sir. I will make your coffee.” Pa-cute na sabi ko kahit hindi naman siya nakatingin.
“Good!” Masungit naman niyang sabi na tila tamad pa siyang kausapin ako.
Akala ko ay hindi na niya ako kakausapin. Mukhang hindi rin nakatiis na magbigay ng instructions sa akin ang lalaking ito. Alam ko kung gaano ito kaperpekto pagdating sa trabaho dahil ito ang sinabi sa akin ng Mommy niya. Isa pa, alam naman niya na i-b-briefing pa ako ng papalitan ko bago ako magsisimula ngayon kaya malamang kasama na sa pagtitimpla ng kape ang ituturo niya.
Alam ko naman na ang timpla ng kape niya dahil isa ito sa tinuro ni Tita Stella sa akin kagabi. Half teaspoon of black brewed coffee tapos dadagdagan ko lang ng isang kutsarang unsweetened sugar. Kaya naman hindi na ako nag-aalala na hindi niya ito magugustuhan.
But come to think of it…
Hmn…
“Ha ha ha!” Natawa ako ng mahina.
May naisip akong kalokohan na malamang ay sobra niyang ikakagalit. Gusto ko lang makaganti sa mga pang-iinsulto niya sa akin.
What if?
Gusto ko na naman humalakhak sa naisip ko ngunit nagpipigil lang ako dahil baka makahalata na siya na palihim ko siyang tinatawanan. Baka mamaya isipin niya na siya ang tinatawanan ko at may binabalak akong masama laban sa kaniya.
Huwag ko na nga lang ituloy ang kalokohan ko. Baka unang araw pa lang ng misyon ko ay ligwak na ako. Paano ko pa siya lalapitan kung tinanggal na niya ako sa trabaho?
Pero madali lang lusutan iyon. Ako na ang bahala. Alam kong makakalusot ako.
“And one more thing. I want the documents in my table. May dadaanan lang ako sa HR department at dapat nakahanda na ang mga kailangan kong dokumento sa table ko pagdating ko. Gusto ko ring malinis at mabango ang office ko kaya tandaan mo ang sasabihin sa iyo ni Ms. Glenda kapag nag-briefing na siya sa iyo,” bilin pa niya bago bumukas ang elevator at nauna na siyang lumabas kasama ang mga bodyguard niya.
Naiwan naman akong ginagaya ang pagsasalita niya. Ngani-ngani kong sabihin na, ‘oo, alam ko na lahat iyan. Sinabi na sa akin ng Mama mo!’ Pero siyempre hindi ko isinatinig at agad na hinanap ang office niya na tinuro na lang sa akin ng isa sa bodyguard niya na naiwan para dalhin ako roon.
“CEO Erwhan James Shiloh Salazar.” Basa ko ng malakas nang matapat ako sa pintuan ng office ni Erwhan. Pambihira, ang haba naman ng pangalan ng lalaking iyon. But in fairness, ang ganda ng pangalan niya. Gusto ko iyong James at Shiloh common iyong James pero ang sarap bigkasin sa bibig. At iyong Shiloh, medyo unique at iilan lang ang may pangalan na ganito.
“Maiwan na kita rito, Ms. Careela. Pinasusunod agad ako ni Boss Erwhan sa kanila,” untag ng kasama kong lalaki na kalimutan kong nasa likod ko pa at malamang nakatingin sa pagiging lutang ng aking isip.
“Sige lang, Kuya. Salamat po sa paghatid.” Nakangiting baling ko sa lalaki na agad na namula ang mukha at umayos agad ng upo nang makita niyang nakatingin na ako sa kaniya. Masyadong obvious si Kuya, halatang nakatingin sa pang-upo ko dahil huling-huli ko ito na nakatingin doon.
“S-sige maiwan na kita,” halos mautal pa na sabi nito bago nagkakamot ng batok at mabilis na tumalilis.
Ang dali lang mang-akit ng ibang lalaki using my face and body. Habulin na ako kahit noong nasa grade seven pa lamang ako. Malaking bukas kasi ako at makurba na agad ang katawan kaya madalas akong isabak sa pageant kahit kinulang ako sa height.
Wala pa akong effort na ginagawa nito pero dalawa na agad ang naakit ko sa kagandahan ko ngayong umaga. Sana ganito rin ang epekto ko kay Erwhan para matapos na ang misyon ko. Pero alam ko na hindi iyon ganoon kadali dahil alam kong dadaan pa ako sa butas ng karayom sa kasungitan ng lalaking iyon.
“Good morning po, Ms. Glenda.” Bati ko sa matanda na siyang nagbukas ng pintuan para sa akin. Siya ang papalitan ko sabi ni Tita Stella dahil malilipat na ito sa HR department.
“Good morning din sa iyo, hija. Halika na, pasok na para maituro ko na sa iyo ang mga dapat mong malaman,” nakangiting saad ng matanda at ibinukas ng maluwag ang pintuan.
“Na-briefing na po ni Tita Stella ang ilan sa akin, Ms. Glenda kaya hindi na po kayo masyadong mag-aalala na hindi ko magawa ng maayos ang mga trabaho na maiiwan niyo rito.” Pagbabalita ko sa matanda para mapanatag ang loob nito na lilipat. Halatang sinisipat niya ng maigi ang kara ko dahil nahuli ko siyang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.
“Salamat naman, hija. Sa totoo lang ay ayaw kong iwan ang opisinang ito pero kailangan dahil walang tatao sa HR department kung saan talaga ako galing. Ako lang kasi ang nakakatiis sa ugali ng boss natin dahil masyadong istrikto pagdating sa trabaho. Kaya sana kayanin mo at matiis ang ugali niya na minsan ay hindi ma-spelling. Mabait naman si Sir Erwhan pero minsan madalas topakin lalo na kapag wala sa mood at tambak ang trabaho.”
Nasabi na rin ito ni Tita Stella sa akin kagabi kaya medyo kinakabahan ako. Pero sabi nga nila, kapag inuna ko ang takot at mga agam-agam ko, wala itong maitutulong sa akin kundi puro kapalpakan lang.
“Madali lang naman ang magiging trabaho mo rito kung nasabi lahat sa iyo ni Ma'am Stella. Magtitimpla ka ng kape pagdating mo rito sa office dahil madalas naglilibot muna si Sir sa bawat departamento—”
“Ay oo nga po pala! Binilin niya sa akin na magtimpla na ng kape niya kapag pumasok na ako sa opisina niya!” Natataranta na sabi ko.
“Magtimpla ka na kung ganoon. Ayaw niya ng mainit na kape kaya dapat medyo bahaw na iyang titimplahin mo kapag pumasok na siya rito,” tarantang sabi rin ng matanda na tila nakalimot at nawili sa pakikipag-usap sa akin kaya pati tuloy siya ay kinakabahan.
“Mamaya na natin itutuloy ang iba pang ibibilin ko sa iyo. Aayusin ko lang ang mga dokumento na kailangan niya.”
“Sige po “ Natuwa ako sa sinabi ng matandang babae dahil bawas trabaho rin iyon sa akin. Isa pa, hindi ko rin alam kung ano ang mga ilalagay ko kaya dapat maging attentive talaga ako kapag ako na lang dito.
Kakayanin ko ito kahit wala akong experience. Marunong naman ako sa computer. Microsoft word, microsoft excel, spreadsheet, powerpoint, at kung ano-ano pa dahil may computer subject naman kami na tinalakay.
Magaling din naman ako sa English kaya kayang-kaya kong makipagsabayan sa kaniya.
Pinagtuunan ko ng pansin ang pagtitimpla sa kape niya.
Iyong kalokohan ko na naisip ko ay tinuloy ko. Bahala na akong magpalusot mamaya. Magiging backer ko naman ang mag-asawa kung sakaling palayasin ako ng masungit kong amo.
Nang matapos kong timplahin ang kape ni Sir Erwhan ay maingat ko itong nilagay sa table niya. Nakangiti pa akong lumapit kay Ms. Glenda na abala sa paglalagay ng mga dokumento sa folder.
Tinulungan ko na agad siya para matapos na siya. Tapos nang matapos na kami ay saka ko hinanap sa kaniya kung nasaan ang mga trapo at vacuum cleaner na gagamitin sa panglilinis.
“Tapos na ako maglinis, hija. Proceed na tayo sa continuation ng pinag-uusapan natin. Para pagdating ni Sir ay ready ka na. May ilan pa naman sigurong hindi nasabi sa iyo si Ma'am Stella at iyon na lang ang ituturo ko sa iyo.”
“Okay po.”
Nagsimula na nga si Ms. Glenda sa mga habilin niya. Tama siya, may mga hindi nasabi si Tita Stella sa akin kagabi kagaya ng pagpapalit ng bulaklak sa mga vases na dapat mapalitan agad kapag nalanta na ang mga bulaklak. Pagdidilig sa mga hanging plants na nasa malapit sa bintana. Spray lang naman ang gagawin ko dahil bawal itong malunod sa tubig.
At kung ano-ano pa na sa tingin ko ay kayang-kaya ko naman gawin araw-araw basta huwag lang makalimutan. ‘Di bale magse-set na lang ako ng reminder sa cellphone ko.
“Oh, paano. Maiwan na kita rito. Pabalik na malamang si Sir at good luck sa first day mo,” ani ng babae na sinuklian ko naman ng masayang ngiti.
“Salamat po. Good luck na lang po talaga sa akin.”
“Mabait iyang si Sir. Hindi naman nangangain ng tao kaya huwag kang matakot.”
“Hindi nga pero mukhang kumakain ng buhay na hotdog…” bulong ko na umabot pa pala sa tainga ng matanda ngunit hindi naman yata niya naunawaan.
“Ano iyon? May sinasabi ka ba, Careela?”
“Wala po. Nag-ooarasyon lang po ako para good vibes,” palusot ko na tinawanan lang ng matanda.
“Sige na, alis na ako.”
“Salamat po pala sa oras.”
“Naku! Wala iyon, hija. Trabaho ko naman talaga iyon.”
Mga ilang minuto nang makaalis na si Ms. Glenda ay ang pagsungaw naman ng boss kong badidang.
Binati ko siya ngunit deadma ang loka.
Hindi ko na lang pinansin ang pagsusungit niya at kunwari ay naging abala ako sa ginagawa ko sa computer ko kahit wala naman talaga akong pinagkakaabalahan. Hinahanda ko lang ang sarili ko sa posibleng galit niya at pagmumura na alam kong aking matatamo kapag nahigop na niya ang kaniyang kape.
Nagbilang ako ng isa, dalawa, tat—
“Goddammit! What kind of sugar did you put on my coffee!” Galit niyang sigaw pagkatapos niyang iluwa ang kape na hinaluan ko ng asin at asukal.
"Asin, Sir." Gusto ko sanang isagot habang humahalakhak ng malakas. Pero siyempre hindi ko sinabi.