[Christen Park]
Nagising na lang ako mula sa mahabang pagtulog dahil nahulog ako sa ibabaw ng kama.
Ouch! Sayang! Kasama ko pa naman sa pagtulog si Sergio, kaya lang naagaw na siya sa akin ni Marimar. Diyos Mio Marimar!
Ayan tuloy kasabay ng pagkuha sa akin kay Sergio ang pagkabagsak ko sa carpet. Napaungol ako dahil sa sakit, tumama kasi ang ulo ko sa bedside table. Nasapo ko tuloy ang bumbunan ko. Para pa akong nananaginip nang hindi ko makilala ang kuwarto kung saan ako naroroon.
Ang naaalala ko ay nasa taxi ako na katabi si Mikko Jang, paanong nangyari na narito ako ngayon sa isang kuwarto? Nahawakan ko tuloy ang katawan ko para suriin kung ayos lang ako. Nakaramdam tuloy ako ng inis kay Mikko dahil hindi man lang niya ako nagawang gisingin nang nagdaang gabi, madaling araw na pala iyon.
Suot-suot ko pa rin ang damit na nagmula pa sa airport ng Germany. Ayoko ng natutulog nang hindi naglilinis ng katawan. Ngunit mas nabigla ako dahil alas-singko na ng hapon sa lokal na oras nang damputin ko rin ang bilog at maliit na orasan na nahulog sa sahig mula sa bedside table.
Ilang oras akong nakatulog? Mahigit 12 hours akong natulog at nakaramdam na rin ako ng gutom. Parang nagdikit na rin ang mga mata ko dahil sa natuyong muta. Hindi ko alam kung paano tatayo dahil parang tumigil ang lahat ng muscles ko pati ang buto ko sa sobrang pagtulog.
Pinihit ko ang sarili sa kaliwa at kanan para ma-stretch man lang ang mga buto at muscles ko. Matapos makabawi, tumayo ako at tinungo ang palikuran para mag-toothbrush man lang.
Nang masiguro na mas fresh pa ang hininga ko sa fresh na simoy ng hangin, lumabas na ‘ko ng kuwarto at tinungo ang pintuan.
Natagpuan ko si Mikko na guwapong-guwapo na nakaupo sa malambot na couch, naka-de-kwatro pa ang loko. May kape sa tapat niya na nakapatong sa maliit na mesa. Ibinaba niya ang Ipad na hawak at sinalubong ang mga mata ko.
"Mabuti naman at gising na ang prinsesa," sabi niya saka tumayo. Magrereklamo sana ako pero naunahan ako ng loko. "Ginawa ko na ang lahat para gisingin ka kaninang madaling araw. Kapag nagkaroon pala ng sunog ay malamang na naihaw ka na dahil sobrang hirap mong gisingin.!" Matapos niyang sabihin iyon ay pumalatak siya habang naiiling.
Ewan ko pero bigla akong na-guilty, naipit sa lalamunan ko ang lahat ng reklamo ko at nawala ang kanina na tapang ko. Alam ko kasi kung gaano ako kalalim matulog na parang tulog-mantika. Ang tanging nagawa ko ay kamutin ang aking sentido. I have a guilty look on my red face.
"Sorry." ang tangi kong nasabi.
Napapalatak na lang siya at iiling-iling.
Napayuko ako lalo at parang bata na tinungo ang fridge para maghanap ng makakain. Ayoko na muna siyang harapin. Isang skimmed milk ang nakita ko at sinalin sa baso saka inilagay sa microwave na naroon sa hindi kalayuan.
Ilang saglit pa nga ay tumunog ang beep ng microwave. Sakto lang ang init para hindi malamigan ang sikmura ko, hindi mainit at hindi rin malamig ang gatas. Ininom ko iyon ng isang lagukan hanggang sa wala nang matira. Guminhawa naman ang pakiramdam ko matapos kong maubos iyon. Parang gatas lang ay sapat na sa ilang oras na walang laman ang tiyan ko.
"Nag-email na ako kay Professor Sullivan, bukas ng hapon tayo pupunta sa bahay niya," sabi ni Mikko sa’kin.
"Okay," ang tanging nasagot ko.
Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at iniharap sa kanya. "Ngayon, dahil wala tayong gagawin, manood na lang tayo ng soccer games. May nagbigay sa akin ng ticket at pwede nating panoorin ngayong alas-otso ng gabi."
Nagdadalawang-isip ako dahil hindi naman ako mahilig manood ng sports. Hindi tulad ni Cally at ni Crayola na mga kapatid ko. Mas gusto kong manood ng akutwal na pumuputok na bulkan o manood ng documentary. Mukhang nabasa naman ni Mikko ang kung ano ang nasa isip ko.
"Come on, mabuti pa na mag-ayos ka na at nang makaalis na tayo. I will not take 'no' for an answer dahil ako ang guest mo kaya dapat na i-entertain mo ako."
Biglang nagtaas ang kilay ko sa narinig. Matapos niya akong linlangin sa isang daang libo na pambili ng ticket, ngayon naman ay kailangan ko siyang pasayahin dito sa hindi pamilyar na lugar sa akin? Iba din! Medyo makapal ang balat ng talipandas na ito ha!
Pinamaywangan ko siya. "Hoy—"
"Mag-aayos na rin ako para makaabot tayo sa alas-otso ng gabi na liga," putol niya sa akin, sinilip pa ang wristwatch niya.
"Ah, yeah, right, orange juice lang sa ‘kin saka isang bucket ng chicken. Pwede na nating kainin iyon doon sa Stadium. Kung gusto mo ng popcorn, pwede rin. Ikaw naman ang magbabayad sa lahat. Papasok na ‘ko sa kwarto at nang makapagbihis. Ayoko naman na sabihin mo na inilibre mo na nga ako, hindi pa ko presentable."
Umawang ang labi ko sa narinig. Tinungo niya ang pintuan na katabi ng kuwarto kung saan ako natulog sa magdamag.
"B-b-but— Hoy!" Sinundan ko siya sa pagpasok at nakakunot ang noo na nilingon niya ako.
"Christen Park, this is my room. Don't tell me—" Natutop niya ang bibig at nababasa ko ang nasa isipan niya. "Oh my—!"
Nanlaki ang mga mata ko. Iniisip ba ng kumag na ito na ha-harass-in ko siya kaya ako sumunod dito sa kanyang silid?
"Panget!" ang tangi kong nasabi dahil wala na akong ibang maisip.
“Ako ang pinakapanget sa lahat, Christen Park,” nakangising wika niya.
Wala akong magawa kung hindi ang manggigil kay Mikko. Agad akong tumalikod at tinungo ang kabilang kuwarto. Pinakalma ko ang sarili habang inaayos ang gamit saka naligo. Hindi ko sana siya susundin ngunit naisip ko na dahil naroon na rin naman ako sa Melbourne, mabuti pa nga na mag-enjoy na rin.
Isang puting tokong at itim na plain shirt ang naisip kong isuot saka puting snickers. Hinablot ko lang ang sling bag na naglalaman ng lahat ng personal kong gamit tulad ng cellphone, wallet, passport at iba pang cards.
Nang lumabas ako ng kuwarto ay natagpuan ko si Doc. Mikko na nakaayos na rin. Nasorpresa lang ako na naka-short lang din siya ng puti at itim na plain T-shirt, itim naman ang snickers niya.
Wait lang ha! Hindi kami nag-usap dahil sa unang tingin ay para kaming naka-couple attire.
Tumalikod ako at babalik muli sana sa kwarto para magpalit ng kahit blusa lang, pero hinawakan niya na ako sa braso at inakbayan ako papalabas na para bang close kaming dalawa. "No second thought. Nag-volunteer na ako na maging guide mo kaya pasasayahin ko ang bakasyon mo habang nandito ka."
My eyes were full of resentment. Kung hindi niya lang ako inaasar ay iisipin ko na baka ginagawa niya ito para maka-isa sa akin.
Sumakay lang kami sa taxi at nagpahatid sa Marvel Stadium, ilang minuto rin ang layo mula sa hotel. Ang kolokoy na si Mikko Jang ay parang normal lang sa kanya na akbay-akbayan ako para daw hindi ako mawala. Hinayaan ko na lang kung gusto niya na maging feeling-close sa akin, basta ba wala siyang ibang gagawin.
Sa stadium, umorder kami ng chicken, sandwich at dalawang bucket ng juice, at lahat ay pinabayaran niya sa akin! Ang kapal talaga ng mukha!
Hindi maipinta ang mukha ko. Hindi masama ang loob ko dahil sa nagbayad ako ng Forty Australian Dollars para sa lahat ng kinain namin, masama ang loob ko dahil unang beses ko na manlibre ng lalaki.
Kapag nalaman ng daddy ko na nagpunta ako dito sa Melbourne at ginastusan ang kumag na si Mikko Jang, baka maghalo ang balat sa tinalupan!
Umupo kami ni Doc. Mikko sa ikalimang baitang mula sa ibaba o sa field. Napabilib niya naman ako dahil nasa VIP area kami nakaupo. Mga celebrity at mga kilala sa lipunan ang mga nasa grupo namin. I wanted to ask kung paano niya nakuha ang seats namin. Pansin ko kasi na puno ang stadium. Ibig sabihin, eye to eye ang labanan ngayon. Sa tingin ko rin ay sikat ang mga manlalaro.
Hindi ako mahilig sa sports pero hindi ibig sabihin na wala akong alam. Infairness, natuwa naman ako sa pinapanood namin. Masayang panoorin ang mga pogi at machong lalaki na tumatakbo sa gitna ng field.
Kung talanding babae lang ako, inisip ko nang ako ang hinahabol nila.
Nakakatuwa din kung magtalo ang mga fans na nanonood. Kulang na lang ay magbatuhan sila ng kamatis, ang iba pa nga ay nagmumurahan. Natapos ang first half, break muna sila—parang kayo ng ex mo.
"Tomorrow, we should try their healthy local food. Makakasira sa diet natin ang fried chicken," sabi ko kay Mikko habang pinapapak ang isang piraso ng chicken wing mula sa bucket na hawak niya.
"Yes, Doktora," sagot niya.
Nabigla na lang ako nang punasan niya ang gilid ng labi ko dahil sa crispyliscious at juicyliscious na mamantikang chicken wing. I blinked my brown eyes, sabihin na natin na nabigla ako sa ginawa niya.
What more? Bigla na lang naghiyawan ang mga tao. Akala ko tuloy dumating si Fernando Jose ni Rosalinda.
"Kiss! Kiss! Kiss!"
Mas nanlaki ang mata ko nang makita ko ang sarili at si Mikko sa malaking screen. Captured pala kami sa Kiss Camera. Oh, my gulay!
Pumalatak si Mikko kaya ako napalingon muli sa kanya. "Paano ba ‘yan, Christen Park, kiss daw."
Bago pa ako makaporma sa sinabi niya ay hinalikan niya na ako sa pisngi. Nagpalakpakan ang ibang audience. Ang iba naman ay nakulangan. Gusto pa yata lips to lips. Bago pa ako makaalma ay lumipat na ang Kiss Camera sa iba pang couple.
"Huwag masyadong assuming. Hindi kita iki-kiss sa lips, sa pisngi lang," bulong niya sa akin.
Pinukulan ko siya ng nakamamatay na tingin. Kung nakamamatay lang ang titig, malamang matagal nang pinaglamayan itong si Mikko Jang.
Ang kapal ng muks niya diba? Guwapong-guwapo sa sarili! Kung makapagsalita siya, akala ay mo ay hindi siya patay na patay sa akin noon.