Chapter 2

1741 Words
"Huh?!" Sabay sa pag-abot ko ng tuwalya at pagbalot nito sa katawan ko ay nilingon ko ang pintuan ng banyo. Nagdikit ang mga kilay ko nang makita na bahagyang bukas iyon gayong sa pagkakatanda ko ay saradong-sarado iyon bago ako naghubad ng mga kasuotan ko para maligo. Paano nabuksan ang pintuan nang 'di ko namamalayan? Kaya ba kanina ay may tila nakatitig sa akin habang naliligo ako? Nanlalamig pa ako mula sa pagligo ko ngunit mas lalo akong nilamig dahil nagsipagtayuan ang mga balahibo sa buong katawan ko. May multo ba rito sa kuwartong tutuluyan ko? Natatakot na nakipagtitigan ako sa pintuan na tila anumang sandali ay bubukas ito nang tuluyan o kaya ay bigla na lang itong sasara. Kapag nangyari iyon ay talagang tatakbo ako palabas kahit tuwalya lang ang nakabalot sa hubad kong katawan. Naghintay ako ng ilang sandali na kabadong-kabado. Ngunit nang magsimulang humupa ang panlalamig ko at maging normal na ang mga balahibo ko na wala pa ring nangyayari ay napailing na lang ako sa sarili ko. Marahil ay imahinasyon ko lang iyong naramdaman ko kanina. Marahil ay sira lang ang lock ng pinto kaya kusa itong bumukas nang bahagya. "Lakas talaga ng imahinasyon mo, Jay," natatawang bulong ko sa aking sarili. Nahimasmasan na ako nang tuluyan mula sa nakakakilabot na pakiramdam ko kanina. "Multo, multo..." natatawa ko pang pag-uulit. Inayos ko na ang pagkakabalot ng tuwalya sa ibabang bahagi ng katawan ko bago ako tuluyang lumabas mula sa banyo. Naglalakad na ako papunta sa kama nang makita ko ang lumang back pack na tanging lalagyan ng mga nakuha kong damit ko. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko nang buksan ko iyon at kumuha ng mga bihisan ko. Nakakalungkot. Kung kailan kailangang-kailangan ko sila ay saka ako tinalikuran ng pamilya ko. Wala man lang isa sa kanila ang kumampi sa akin. Wala man lang nagpakita ng kahit na pekeng pagmamalakasit man lang. Kung kailan ako dapang-dapa ay saka pa nila ako sinipa hanggang sa tuluyan na akong mapahandusay sa lupa. Ano pa ba ang aasahan ko sa kanila? Bakit pa ba kasi ako umasa? Bata pa lang ako ay dama ko nang iba ang trato nila sa akin. Tila ba literal na pinulot lang nila ako mula sa basurahan sa ginawa nilang pagtatrato sa akin. Tila nga obligasyon lang nila o mas tamang sabihin na napilitan lang silang bigyan ako ng pangalan, patirahin sa bahay nila, at pag-aralin. Kung gindi dahil sa pagsusumikap ko, hinding-hindi ako makakapag-aral ng kolehiyo. At imbes na masiyahan sila, tila mas lalo pa nila akong kinamuhian. Muhing-muhi sila sa pagiging kakaiba ko dahil nga sa niyakap kong seksuwalidad ko. Malamig na nga ang trato nila sa akin simula pa noong bata ako pero mas lalo pa silang nanlamig sa akin dahil sa pagiging malambot ko. Hindi nila alam na pigil na pigil ko ang paglabas ng tunay na pagkatao ko. Para sa kanila ay isang malaking kahihiyan na bakla ako. Sinubukan ko namang bumawi dahil matalino naman ako. Ilang medalya rin ang naiuwi ko simula pa noong elementarya hanggang mag-high school ako. Ngunit kahit siguro punuin ko ng medalya ko ang lahat ng dingding ng bahay namin, balewala lang iyon sa kanila. Hindi masama ang umibig. Turo iyon ng simbahan. Turo iyon ng Diyos. Kaya naman kahit na hindi maganda ang trato nila sa akin ay minahal ko sila sa abot ng makakaya ko. Iniintindi ko sila kahit sa totoo lang ay hindi ko maintindihan ang galit nila para sa akin simula noong bata pa ako. Akala ko, sa pagdating ni Angelo sa buhay ko ay magbabago na ang takbo nito. Inakala ko na natagpuan ko na ang magiging kakampi ko sa bawat hamon na darating sa buhay ko. Inakala ko na sa wakas at may magpapakita na sa akin ng pagmamahal na ipinagdamot sa akin ng pamilya ko. Ngunit mali pala ako dahil sandali lang ang pagmamahal na sinabi at ipinaniwala niya sa akin. Dahil kung talagang mahal o minahal niya ako, sana ay naririto siya ngayon at sinasabing nagsisisi siya sa ginawa niyang panghuhusga sa akin. Sana ay sabay naming hinaharap ang kahihiyan. Ayoko mang aminin dahil napakahirap tanggapin, pinaglaruan lang ako ni Angelo. Hindi naman ako bobo para hindi mapagtagpi-tagpi ang mga narinig ko mula sa mga kaibigan niya noong gabing iyon, ang nangyari sa amin, at ang pagkalat ng video namin. Pinaglaruan nila ako. Pinagpustahan. Iyon ba ang paraan na alam nila upang hindi na ako tuluyang pumasok sa eskuwelahan? Alam ko namang pinandidirihan nila ako roon dahil anak ako ng mahirap na sinuwerteng maging scholar ng paaralan. Sa dalawang taon ko roon at halos araw-araw kong nararanasan ang mga pambu-bully ng nga estudyante sa akin dahil sa pagiging mahirap ko. Ngunit hindi ako sumuko dahil ayokong sumuko. Ang pagtatapos sa prestihiyosong paaralan na iyon ang tuluyang babago sa buhay ko. Kapag nakuha ko na ang diploma ko na ebidensiya ng pagtatapos ko at makakahanap na ako ng disenteng trabaho na may mataas na sahod. Maiaangat ko hindi lamang ang sarili ko kundi ang pamilya ko mula sa kahirapan. At higit sa lahat, siguro sa pagkakataon na iyon ay mamahalin, tatanggapin, at ipagmamalaki na nila ako. Nahiga na ako at nakipagtitigan sa kisame ng kuwarto. Kailangan ko na bang sumuko sa mga pangarap ko dahil sa nararanasan at pinagdaraanan ko ngayon? Halos wala ng natira sa akin. Itinakwil na ako ng pamilya ko at tila pati si Angelo ay itinakwil na rin ako dahil mag-isa na akong humaharap sa kahihiyan na kaming dalawa ang gumawa. Ngunit may trabaho pa naman ako na mapagkukunan ko ng ikabubuhay ko. Hindi pa naman ako tuluyang naki-kick out sa eskuwelahan ng dahil sa eskandalong kinasasangkutan ko. May mangilan-ngilan pa naman akong mga kaibigan na naniniwalang hindi ko kagustuhan ang mga nangyayari ngayon sa buhay ko. Sayang. Sayang ang lahat kung tuluyan akong susuko. Hindi. Hindi ako bibigay. Hindi ko susukuan ang sarili ko. Hindi ko ibibigay sa mga taong galit at nanlalait sa akin ang kasiyahan na makita nila akong mahina at talunan. Lalaban ako at aabutin ang lahat ng mga pangarap ko kahit mag-isa na lang ako. .... "Jay, hindi ka pa ba maghahanda?" Nakailang beses na iyong tanong sa akin ni Marco. At gaya kanina ay iling lang ang isinagot ko sa kanya bago ko inilagay sa lababo ang mga pinagkainan ng mga customer namin. Tahimik kong hinuhugasan ang mga ito nang maramdaman ko si Marco sa likuran ko. "Hindi na muna ako papasok." Umamin na ako dahil alam kong hindi niya ako titigilan hanggang hindi siya nakokontento sa isasagot ko sa kanya. "Puno pa ng pasa ang mukha ko at namamaga pa ang labi kong sinapak ni Itay kahapon," may tonong pagbibiro kong dagdag nang manatili siyang tahimik sa likuran ko. Itinago ko sa pamamagitan ng pagbibiro ang pait na natitikman ko sa dila ko. "Ayoko rin na mas lalo pa nila akong pag-usapan. Ayokong maging trending na naman sa eskuwelahan," dagdag na pag-amin ko sa kanya. Itinabi ko na ang mga nahugasan ko at saka ko pinunasan ang basang kamay ko sa isang nakasabit na bimpo. "Kontento ka na ba sa mga sagot ko, Manong?" Hinarap ko na siya dahil tila siya naputulan na ng dila. "Bakit hindi ka na lang lumipat ng paaralan, Jay? May mga kolehiyo naman na libre ang tuition fee. Kikitain mo naman dito sa restaurant kung may ano pang babayarin kang kakailanganin. Pwede rin kitang pahiraman ng konting pera sa gagawin mong paglipat ng eskuwelahan." "Ayokong lumipat, Marco. Kilala ang unibersidad na iyon Hindi lamang dito sa buong Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Ang diploma ko mula roon ang magiging ticket ko saan man ako mag-apply ng trabahon kapag nakapagtapos na ako," pagpapaliwanag ko sa kanya. "Makakapagtapos ka ba kung ganyan ang nangyayari sa'yo roon?" Gulat akong napatitig sa kanya. Hindi ko naman naikukuwento sa kanya ang ginagawa sa akin ng mga kaeskuwela ko kaya bakit tila may ideya siya? Nag-iwas siya ng tingin sa akin. "May kakilala akong nag-aaral doon, Jay. Nakukuwento niya ang nangyayari sa'yo roon dahil nga sa video na kumalat." Ako naman ang napapahiyang nag-iwas ng tingin sa kanya. "Napa---napanuod mo ba?" mahina ang boses na tanong ko sa kanya. "Nakita...nakita mo iyong... Iyong ginawa namin?" Paputol-putol kong tanong. Natatakot ako na maging siya ay husgahan ako. "Hindi. At hinding-hindi ko iyon papanuorin, Jay." Saka pa lang ako nakahinga nang maluwag nang marinig ko ang sagot niya. "Hindi ako katulad ng iba na pagpipiyestahan ang kahihiyan ng taong itinuturing ko nang kaibigan." Naantig ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko inakalang tunay na kaibigan pala ang trato sa akin ni Marco. "Salamat, Marco. Salamat." "Wala kang dapat ipag-alala sa akin. Kung may nagawa ka man, hindi ako naririto para husgahan ka. Hindi rin kita maipagtatanggol mula sa mga nang-aapi o mang-aapi sa'yo dahil hindi ako laging nasa tabi mo. Kaya ang magagawa ko lang sa ngayon ay payuhan ka. At ang pinakamaipapayo ko sa'yo ngayon ay ang lumipat ka na ng eskuwelahan. Lumipat ka sa lugar na walang nakakakilala sa'yo at walang manghuhusga sa'yo." Natigilan ako sa sinabi niya at tinimbang iyon sa puso at isipan ko. Nang makapagdesiayon na ako ay muli ko siyang hinarap. "Marco, salamat sa payo mo. Salamat din dahil itinuturing mo akong kaibigan pero... Pero hndi ko masusunod ang payo mo. Gusto kong sa eskuwelahan na iyon magtapos ng pag-aaral ko. Hindi ako aalis doon dahil sa mga pinagdaraanan ko ngayon. Alam ko na darating din ang araw na titigil din sila sa ginagawa nilang pambu-bully sa akin at hahayaan na akong makapag-aral nang maayos. At si... si Angelo. Kung babalik pa siya roon ay iiwasan ko na siya. Hindi na ako muling magpapakabulag sa kanya. Iiwasan ko na siya at pagtutuunan na lang ng pansin ang pag-aaral ko." Mapait na napangiti si Marco sa mga tinuran ko. "Wala naman na akong magagawa dahil pinal na ang desisyon mo, hindi ba?" Nahihiya pa rin na tumango ako sa kanya. "Kung gusto mo talagang magtapos ng pag-aaral mo sa lugar na iyon, sige basta kakayanin mo ang mga pinagdaraanan mo at pagdaraanan pa. Hayaan mo, isa sa mga araw na ito ay may darating para maging kakampi mo. Iyong handang harapin ang lahat para sa ikabubuti mo." Nagtatakang napatitig akong muli sa kanya. Ngunit bago ko pa siya matanong kung sino ang tinutukoy niyang darating ay mabilis na siyang tumalikod at naglakad papalayo. Sino ang tinutukoy ni Marco? Ang sarili ba niya o ibang tao?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD