Chapter 1

2377 Words
"Nakakadiri kang bakla ka!" Isang sampal ulit ang tumama sa namamaga ko nang mukha. Nalasahan ko ang dugong naipon sa loob ng bibig ko dahil sa tinamong sugat ng aking labi dahil sa sampal na iyon. Itinulak ako ni Itay at isang suntok ang tumama sa panga ko dahilan para mapaupo ako sa sahig. "Sinasabi ko na nga ba at darating ang araw na tuluyan mo nang dudungisan ang pangalan ko!" hiyaw niya sabay duro sa akin. Wala akong magawa kundi ang tahimik na kumuha at tanggapin ang lahat ng mura at masasakit na mga salitang ibinabato niya sa akin. Tahimik lang na nagmamasid at nakikinig sina Inay, Kuya at Ate sa ginagawang pagtutungyaw ni Itay. Alam kong wala silang balak na saklolohan ako mula sa poot ng aking ama dahil bakas din sa kanilang mukha ang pandidiri at panghuhusga. Alam ko naman iyon. Masakit ngunit tanggap ko na sa tahanan at pamilya naming ito, ang tanging kakampi ko lamang ay ang sarili ko. Bakit ba ako napunta sa ganitong sitwasyon? Isang linggo pagkagaling ko sa condo ni Angelo ay kumalat sa f*******: ang video naming dalawa. Isang video kung saan nasa isa kaming maselan na ginagawa. Nag-viral iyon na nagdulot sa akin ng labis na kahihiyan at panghuhusga. At ang masakit sa lahat, maging si Angelo ay tila ako pa ang sinisisi sa nangyari. Inakala niyang ako ang kumuha ng video na iyon sa phone ko at ako mismo ang nagpakalat kaya dahil sa kahihiyan ay nag-file siya ng leave of absence sa eskuwelahan. Maimpluwensiya ang kanyang pamilya kaya nagawa niya iyon. Samantalang ako, ako ang sumalo sa lahat ng kahihiyan sa eskuwelahang pareho naming pinapasukan. Nahusgahan ako ng lahat dahil sa video na iyon hindi lang ng mga estudyante kundi maging ng ibang propesor. Nararamdaman ko ngang gumagawa na ng paraan ang iba upang matanggal ang scholarship ko at mapatalsik ako roon. Hindi ko iyon ipinaalam dito sa bahay dahil alam kong ganito ang magiging eksena. Ngunit sabi nga nila, may pakpak ang balita. Nakarating iyon sa ate ko at heto, tinatanggap ko ngayon ang parusa ng pamilya ko. "Simula ng dumating ka, puro kamalasan at kahihiyan na ang idinulot mo sa amin! Ano ba ang nagawa kong kasalanan at ibinigay ka ng langit na parusa sa akin?!" patuloy na panduduro sa akin ni Itay. Halos kabisado ko na ang linya niyang iyon at dapat nga ay manhid na ang puso ko sa daming beses nang nasaktan ako sa mga salita niyang iyon. Ngunit sa pagkakataong ito, halos triple ang sakit na nararamdaman ko. Halos mamatay na ako sa kahihiyan sa panghuhusga nila sa akin sa eskuwelahan ngunit walang-wala iyon sa nararamdaman ko ngayon. Dahil hindi lang ang katawan ko ang bugbog sa sakit, bugbog na rin ang puso ko sa mga masasakit na salitang naririnig ko mula sa aking ama. "Lumayas ka." Sa sinabi niyang iyon ay tigalgal akong napatingin sa kanya. Hindi pasigaw ang pagkakasabi niya ng mga salita iyon ngunit sa lahat ng sinabi niya ay iyon ang bumingi sa akin. "T--tay." "Lumayas ka at kalimutan mo ng may pamilya ka. Itinatakwil na kita sa mga oras na ito. Dalhin mo ang lahat ng gamit mo at umalis ka na sa pamamahay ko!" Buong poot niya muna akong tinitigan na nagpatayo lalo sa mga balahibo ko bago niya ako tinalikuran. Bumuhos lalo ang mga luha mula sa aking mga mata. "Inay..." pagpapasaklolo ko sa aking ina ngunit wala ni bakas ng awa sa kanyang nukha nang magsalita siya. "Narinig mo ang sinabi niya. Umalis ka na." Napahagulgol ako ng iyak nang maging ang aking ina ay tumalikod rin sa akin. "Iyan ang napapala mo sa kalandian mong bakla ka. Talagang nagpatira ka pa sa puwet ha? Baboy!" bulyaw naman ng kuya ko kaya napatingin ako sa kanya. Tumayo siya mula sa kinauupuan nila ni Ate. "Kung alam ko lang na magdudulot ka ng kahihiyan, hindi na sana ako nakiusap sa kakilala ko sa eskuwelahan ninyo para bigyan ka ng scholarship." Kay ate naman ako napatingin. Gusto kong pabulaanan ang sinabi niya. Oo nga at may kakilala siya ngunit wala naman iyong naitulong sa akin dahil nagtapos ako ng high school na may baon na scholarship sa anumang eskuwelahang mapipili ko. "Hin... hindi n'yo ba ako... Tutulungan?" nawawalan ng pag-asa kong tanong sa kanila. Umismid si Kuya sa tanong kong iyon. "Hindi mo pa ba alam kung anong klaseng kahihiyan ang nakukuha namin dahil sa'yo? Pati kami ay pinagtatawanan ng mga kakilala namin dahil nagkaroon kami ng kapatid na tulad mo!" "Pati kami ay nakararanas ng diskriminasyon dahil sa'yo kaya mabuti pa ngang lumayas ka na rito. 'Wag mo nang ipagsiksikan pa ang sarili mo sa pamilyang itinatakwil ka na!" Magkasunod silang umalis pagkatapos nilang akong iwanan ng masasakit na tingin. Nanlulumong napaiyak ako lalo. Halos isang oras yata akong umiiyak ngunit sa huli ay nagdesisyon akong sundin ang gusto ng mga taong itinuturing ko pa ring pamilya ko. Dahan-dahan akong tumayo dala na rin ng pananakit ng katawan ko sa tinamo nitong pambubugbog mula kay Itay. Naglakad ako papunta sa kuwartong tinutulugan namin ni Kuya. Sa katre siya at ako ay sa lapag. Umupo ako at kinuha ang mga nakatabi kong damit at gamit. Pinuno ko ng mga importanteng gamit ko ang dalawang back pack ko. Ni hindi na ako naghilamos pa. Bitbit ang dalawang bag ay lumabas ako sa kuwarto at naglakad palabas ng bahay. Wala talagang pumigil sa mga kapamilya ko sa gagawin kong pag-alis. Marahil ay saka lang sila babalik sa bahay kapag tuluyan na akong nakaalis. Isang lingon pa ang ginawa ko sa bahay na hindi ko man naranasang may magmahal sa akin ay kumalinga naman sa akin sa loob ng 19 na taon bago ako tuluyang naglakad palayo. Naroon ang mga kapitbahay namin. Nagbubulungan. Nagtatawanan. May mga nakaismid ngunit may nasalubong din naman ang mga mata ko na naaaawang nakatingin sa akin. Mabuti pa sila, may awang nadarama para sa tulad ko na napalayas at naitakwil ng sarili kong pamilya. Ngunit alam kong walang magagawa para sa akin ang awang iyon. Patuloy lang ako sa paglalakad. Pinatitigas ang aking loob upang hindi ako mapahagulgol ng iyak sa nadarama kong awa sa aking sarili. Nakalabas na ako sa barangay namin nang mapatanong ako sa sarili ko. Saan nga ba ako tutungo? Saan ako pupunta at sino ang pupuntahan ko ngayong wala na akong bahay na uuwian? Inilabas ko ang selpon ko at binuksan ang data. Kahit naka-blocked na ako ay sinubukan ko pa ring puntahan ang account ni Angelo para lang madismaya nang makitang blocked pa rin ako. Paano na? Paano na ito? Magpapalaboy-laboy ba ako sa kalsada ngayong gabi hanggang sa susunod na mga araw? Paano na ang pag-aaral ko? Ang pagta-trabaho ko? Trabaho? Tama. Maaari ko kayang pakiusapan si Mr. Tam na doon na muna ako sa restaurant manuluyan? Kahit na ibawas niya sa sahod ko ang panunuluyan ko roon ay okay lang basta hindi ako matutulog sa kalsada ngayong gabi at sa mga susunod pang mga araw. Sa naisip kong iyon ay nagkaroon ng direksiyon ang mga paa ko. Sumakay ako sa dyip at nagpahatid sanlugar kung nasaan ang maliit na restaurant na pinagtratrabahuan ko. Oo kailangan kong magtrabaho kahit na nag-aaral ako dahil wala naman akong makukuhang tulong mula sa ibang tao lalo na sa pamilya ko. Sa pagtratrabaho ko sa restaurant ako kumukuha ng pambaon ko araw-araw at ilan pang gastusin sa eskuwelahan. Nag-aabot din ako minsan sa bahay at kung minsan nga ay nahihingian pa nina Ate at Kuya. Napakasaklap ng sitwasyon ko ngayon. Magkakasunod na pagsubok ang sabay-sabay kong hinaharap. Kung sa ibang tao siguro ay halos magpapakamatay dahil sa mga problemang sabay-sabay nitong sinalo. Ngunit ako? Ayoko. Natatakot ako sa Diyos. Ayokong mapunta sa impiyerno. Kakayanin ko. Pipilitin kong kayanin kahit mag-isa na lang ako. Ilang hakbang pa ang ginawa ko hanggang sa wakas ay marating ko ang restaurant. Napatingin sa akin ang lahat nang bumungad ako ngunit kagyat din silang nagsialisan ng tingin at ibinalik ang mga pansin sa kanilang ginagawa. Maliban sa isa. Si Marco. Pagkatapos niyang pagsilbihan ang isang customer ay ibinaba niya ang mga dala at lumapit sa akin. "Anong nangyari?" nag-aalala niyang tanong. Sa totoo lang ay hindi naman talaga kami magkaibigan ni Marco. Mas tamang sabihin na magkakilala lang kami dahil pareho kami ng pinagtratrabahuan. Kaya naman eto, nagulat ako sa nakikita kong concern sa kanya. Tinulungan niya ako sa mga dala ko at nang mailagay namin iyon sa isang sulok ay saka ko siya sinagot. "Napalayas ako sa amin," nahihiya kong pag-amin sa kanya. "Mukha ngang nabugbog ka pa," dismayado niyang sambit habang pinapasadahan ng tingin ang buong mukha ko. Tumuon pa ang mga mata niya sa sugat sa ibabang labi ko. "Hindi ko naman masisisi si Itay dahil hindi naman niya ako sasaktan kung hindi ako nagdala ng kahihiyan sa pamilya namin," mahina kong sagot sa kanya. Hindi ko nga alam kung nakaabot na sa kaalaman niya ang eskandalong kinasusuungan ko. "Kung ano man iyang kahihiyang sinasabi mo, dapat ang pamilya mo ang unag poprotekta sa iyo. Hindi yung ganyan na sasaktan ka pa at paaalisin." May nahihimigan akong galit sa tono ng pananalita niya at alam kong para iyon sa pamilya ko. "Hayaan mo na. Oo nga pala, nariyan ba si Boss? Makikiusap sana ako na kung pwede ay dito muna ako tumuloy habang hindi pa ako nakakahanap ng permanente kong matutuluyan." "Oo, nariyan siya sa opisina niya. Pumasok ka na lang. Iwan mo na lang ang mga bag mo diyan. Hindi naman sila mawawala," may halong biro na sabi niya. Kahit papano ay napangiti niya ako. "Kahit naman nakawin nila iyan, wala naman silang mapapala," ganti kong sagot sa kanya bago ako tumalikod upang puntahan na ang amo namin sa kanyang opisina. Tatlong katok ang ginawa ko bago ko binuksan ang pinto ngunit natigil ang gagawin ko sanang pagpasok nang makita kong naroon din sa loob ang binatang anak ng amo namin. Pareho silang nakatingin sa akin. "Sorry po. babalik na lang po ako mamaya." Napapahiyang tatalikod na sana ako nang tawagin ako ni Mr. Tam. “Tapos na kaming mag-usap. Halika na rito kung may sasabihin ka,” utos niya sa akin. Pumasok na ako sa opisina niya at nahihiyang ngumiti sa kanyang anak na tinignan muna ako mula ulo hanggang paa bago walang paalam na umalis. Nakadama ako ng panlalamig nang maupo na ako sa bakanteng upuan sa harapan ng mesa niya. Alam kong hindi iyon dulot ng aircon ngunit dulot iyon ng hiya dahil sa ipapakiusap ko sa kanya. “Boss,” panimula ko. “Wala na po kasi akong ibang mapupuntahan. Pwede po bang dito na muna ako sa restaurant pansamantalang manuluyan?" nangingimi kong pakiusap. Mabait naman si Mr. Tam ngunit hindi ko talaga sigurado kung papayagan niya ang kahilingan ko. Nakita kong natigilan siya at may kumislap na pag-aalala sa kanyang mga mata. “Bakit? Napalayas ka ba?” direkta niyang tanong kaya napayuko ako dahil sa hiyang lumukob sa akin. “Opo, Boss. Kung maaari lang po sana pero kung hindi po pwede--” “'Yung kuwarto ni Allan ang gamitin mo,” pagputol niya sa sasabihin ko. Ang tinutukoy niyang Allan ay ang kusinero namin. “Po?” “Malapit lang ang bahay niya rito. Isa pa, noong isang araw pa siya nagpapaalam na sa bahay nila na siya uuwi. Gamitin mo muna 'yung tinutuluyan niyang kuwarto hanggang hindi ka pa nakakahanap ng apartment,” may pinalidad niyang saad. Sa lahat ng pinagdaanan ko ngayong araw na ito, sa mga oras na ito lang ako sumaya. “Thank you po, Boss!” labis-labis kong pasasalamat sa kanya. Sumunod ako sa kanya sa paglabas namin sa opisina. Naroon ako nang kausapin niya si Kuya Allan na sumaya dahil sa naging desisyon ni Mr. Tam na hindi na muna siya sa restaurant matutulog. Dahil tapos naman na siya sa kanyang trabaho ay nilinisan na muna niya ang kuwartong ginagamit niya at inayos ang mga damit niya. Nais ko sanang tumulong ngunit pinakain ako ni Mr. Tam. Nahalata niya sigurong nalampasan na ako ng gutom na siya namang totoo. Halos alas nuve na ng gabi nang magsara kami ni Marco. Kaming dalawa na lang ang natitira dahil kanina pa umuwi sina Mr. Tam at Kuya Allan. “Eto kunin mo ang number ko. Tawagan mo ako para mai-save ko rin ang number mo. Matagal na tayong magkasama dito sa trabaho pero hindi man lang natin alam ang number ng isa’t isa," nag-uutos man ngunit may halong biro na saad ni Marco. “Nako, wala akong load.” Natawa na lang ako sa kapalpakan kong iyon. “Ganito na lang, ibigay mo sa akin ang number mo at ako na lang ang tatawag para mai-save mo 'yung number ko. Alam mo na, in case may emergency.” Napatingin ako sa kanya dahil may bahagyang pagka-slang ang pagkakasambit niya ng ‘in case’. Ano ba 'yan, Jay? Pagkakastigo ko sa sarili ko. Nakarinig lang ako ng tonong may pagka-slang ay naaalala ko na naman si Angelo. Napailing na lang ako at ginawa nga ang ipinapagawa sa akin ni Marco. Nang umalis siya ay tiniyak ko munang naka-lock ang lahat. Ayokong ang kapabayaan ko pa ang magpahamak kina Mr. Tam na naninirahan sa taas na bahagi ng building na kinalalagyan ng restaurant. Alam kong sigurista sila ngunit kapag ang mga sara ng restaurant ang mabubuksan, maaaring dumaan dito sa loob ng restaurant upang maakyat sila sa itaas. Nang matiyak kong saradong-sarado na ang lahat ay nagdesisyon na rin akong pumasok sa kuwartong tutulugan ko at saka lang waring gumaan ang lahat sa akin. Kumuha ako ng tuwalya pagkatapos kong ipatong sa ibabaw ng messa ang selpon ko. Maliligo ako dahil pakiramdam ko ay kanina pa ako nanlilimahid sa dumi. Mabuti na lang at may sariling banyo ang kuwarto kaya hindi ko na kailangan pang gamitin ang banyo para sa mga customers. Na-enjoy ko ang shower dahil ito ang unang pagkakataon na nakagamit ako nito sa buong buhay ko. Sa sobrang abala at pag-eenjoy ko at dahil sa lakas na rin siguro ng daloy ng tubig mula sa shower ay hindi ko na napansin ang munting ingay na mula sa pintuan ng banyo na unti-unting bumubukas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD