Chapter 3

1671 Words
Pinunasan ko ang magkabilang pisngi ko. Tiniyak ko na walang anumang makikitang bakas ng pag-iyak sa mukha ko ang sinumang makakasalubong ko. Galing ako sa opisina ng tumatayong presidente ng unibersidad at um-attend ng meeting kasama ang board. Pinag-usapan doon ang kaso ko at ang tungkol sa eskandalong kinasangkutan ko. Ilan sa mga board members ang gustong paalisin na ako sa eskuwelahan dahil sa kahihiyan na dinala ko ngunit may ilan din na gusto panakong bigyan ng isa pang pagkakataon dahil nanghihinayang din sila sa pag-aaral ko. May sinabi rin ang isa sa kanila kanina na may isang maimpluwensiyang tao raw na humiling na huwag akong alisin sa scholarship ko. Tiyak kong makapangyarihan sa eskuwelahan ang tinutukoy ng isang board member dahil napipi ang mga nagsasabing paalisin na ako kaya naman malaki ang pasasalamat ko sa kanya. Siya ang naging tagapagligtas ko. Kung sino man siya, marahil ay alam niya ang pagsusumikap ko upang makatapos. Iniisip ko nga kanina na marahil ay si Angelo iyon. Siguro ay napagtanto na niya ang lahat at nakokonsensiya siya kaya gumawa siya ng paraan para hindi ako mawalan ng scholarship. Totoong napakabigat para sa paaralan ang nagawa ko dahil dala ko ang pangalan nito. Pinag-uusapan pa rin ako kahit na ilang araw na ang nagdaan mula nang kumalat ang scandal video na iyon. Gumawa rin siguro ng paraan ang parents ni Angelo para maipabura iyon sa mga social media dahil kahihiyan din iyon ng anak nila. Ipinagpapasalamat ko rin tin kahit papano. Ngunit kahit burado na ang video, nakatatak na sa pagkatao ko ang kahihiyang iyon. Kaya naman kaninang maiwan kami ng Dean ng departamentong kinabibilangan ko kanina ay nag-iiyak ako sa pasasalamat. Isang tinik din ang nabunot mula sa puso ko. Dahan-dahan lang akong naglalakad sa takot na mapaluhod na lang akong bigla sa kalsada. Paano kasi hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang mga tuhod ko. May mangilan-ngilang estudyante akong nakakasalubong. Kung dati-rati ay harapan nilang inihahayag ang pandidiri nila sa akin, ngayon ay nakapagtatakang tahimik lang sila at umiiwas sa daraanan ko kaya naman hindi ko maiwasang magtaka at mapatingin sa kanila. Kapag naman nakakasalubong ng mga mata nila ang mga mata ko ay madali silang umiiwas na tila ayaw nilang makipagtitigan sa akin. Ano ka ba, Jay? Siguro ay diring-diri sila sa'yo kaya ayaw nilang salubungin maging ang tingin mo. Bulong ko sa aking sarili. Malayo-layo na rin ang nilalakad ko nang maramdaman kong tila kanina pa may nakasunod sa akin. Tumigil ako sa paglalakad at dahan-dahang lumingon. Nagulat ako sa taong nakasalubong ko ang tingin. "Marco?" sambit ko sa kanyang pangalan na ikinangiti niya. "Jay." Nakangiti siyang naglakad papalapit sa akin. Natawa siya nang nasa harapan ko na siya at nang makita niyang magkadikit ang mga kilay ko. "Anong ginagawa mo rito? Kanina mo pa ba ako sinusundan? Bakit hindi mo ako tinawag?" magkakasunod kong tanong sa kanya. Lalo namang lumawak ang pagkakangiti niya sa akin. "Anong ginagawa ko rito? Hmm, gusto kong makita sa eskuwelahan kung saan ka nag-aaral at hindi mo maiwan-iwan. Kanina pa ba kita sinusundan? Oo, kaninang-kanina pa mula nang lumabas ka sa building. Bakit hindi kita tinawag? Kasi mukhang malalim ang iniisip mo kaya ayokong istorbuhin ka," isa-isa niyang sagot sa mga katanungan ko. Ngunit imbes na masiyahan ay lalo niyong ginising ang kuryosidad ko. "Pumunta ka rito at sinundan ako para lang makita ang eskuwelahan? Parang imposible naman yata na iyon lang ang rason. Umamin ka sa akin, Marco. Bakit ka naririto?" Nagtaas siya ng mga kamay na tila akmang susuko. "Oo na, oo na. Aamin na ako. Nag-enrol ako rito sa eskuwelahan mo." "Nag-enrol ka?! Bakit? Sa anong dahilan?!" gulat kong tanong sa kanya. "Ayan ka na naman sa magkakasunod na tanong mo, Jay," natatawang sabi niya. "Nag-enrol ako rito dahil sa tingin ko ay ito ang pinaka-the best na eskuwelahan dahil nga ayaw na ayaw mong lisanin ito. Bakit? Gusto kong ituloy ang pag-aaral ko, wala naman sigurong masama roon, 'di ba? Sa anong dahilan? Amo ko ang anak ng may-ari ng eskuwelahan na ito at siya ang magpapaaral sa akin. Alam mo naman na isang kahig, isang tuka ako kaya nga ako pumasok sa restaurant ni Mr. Tam." "Mayaman ang amo ko, Jay. Maraming pera at siguro bilang kapalit ng loyalty at kasipagan ko at ng mga magulang ko sa paninilbihan sa pamilya niya ay pumayag itong dito ako pag-aralin sa magaling na eskuwelahan na ito na pag-aari nila," dagdag pa niya nang hindi ako agad makapagsalita. Napakaseryoso pa niya at tila na-offend siya dahil hindi ako makapaniwalang mag-aaral na siya rito. "Marco, hindi ko sinasadya na masaktan o mainsulto ka sa pagtatanong ko," paghingi ko ng paumanhin sa kanya. "No worries, Jay." Nagdikit ang mga kilay ko hindi dahil sa sinabi niya kundi sa paraan ng pananalita niya. Hindi lang dahil Ingles iyon kundi dahil sa pagka-slang ng pagkakasambit niya sa mga salita. Nang marahil ay mapansin niya iyon ay bigla niya akong inakbayan at hinila na para makapagpatuloy sa paglalakad. "Kung anu-ano ang napapansin mo sa akin, Jay. Hindi naman masamang mag-Ingles paminsan-minsan, hindi ba? Kahit mahirap lang ako, may alam din naman akong mga Ingles na salita." "Hindi naman iyong pag-i-Ingles mo ang ikinakapanibago ko sa'yo, Marco kundi iyong pagsasalita mo na tila ba sanay na sanay kang mag-Ingles. Tunog foreigner ka pa nga, eh." "Hmm, sabihin na lang natin na English speaking iyong mga amo namin at matagal nang naninilbihan ang pamilya ko sa kanila kaya heto, nagagaya ko hindi lamang ang paraan kundi pati ang pagka-slang nila sa pagsasalita," pagpapaliwanag niya na para sa akin ay katanggap-tanggap naman. "Teka." Tumigil ako sa paglalakad at muling humarap sa kanya. "Kung mayaman naman ang amo mo, bakit nagta-trabaho ka pa sa restaurant?" Matagal siyang napatitig sa akin bago nakasagot. "Dami mo talagang tanong," napapangiwi na pagrereklamo niya. "Sagutin mo na lang, pwede?" "Oo na. 'Di ka ba makapaghintay?" pagbibiro niya. "Hindi," sagot ko naman. Inikutan ko pa siya ng mga mata. "Hay, nako. Marami na kasi kami masyado sa mansyon. At saka lang naman ako nakakapagtrabaho talaga roon ay sa tuwing dumarating lang ang anak ng amo ko. Syempre, ayoko namang tumunganga maghapon doon na walang ginagawa kaya ayun, nagpaalam akong maghanap ng ekstrang trabaho kaya napunta ako sa restaurant ni Mr. Tam. Pumayag naman ang mga magulang ko at ang mga amo ko. Mababait naman kasi sila. Tignan mo nga. Pumayag pa silang dito ako mag-aral kahit na gastos nila lahat." Sa wakas ay napatango na rin ako. Katanggap-tanggap naman ang paliwanag niya. Ulit. Teka. Hindi kaya ang mga amo niya ang tinutukoy kanina ng isang board member na ayaw akong alisan ng scholarship para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko rito? "Marco," pagkuha ko sa pansin niya nang naglalakad na naman kami. "Bakit? May tanong ka na naman?" Inikutan ko siya ng mga mata dahil sa panunudyo niya sa akin. "Isang tanong na lang. Alam ba nila ang nangyari sa akin? Sila ba ang nagsabi sa mga board member na hindi alisin ang scholarship ko?" "Dalawang tanong iyan, Jay." Napapadyak ako ng isang paa. Ngayong medyo malapit na kami sa isa't isa ay lumalabas na ang kasutilan nitong si Marco. "Sagutin mo na lang, pwede?" "Okay, oo na. Hindi nila alam at hindi sila ang nagsabi na 'wag kang alisan ng scholarship. Tsaka sa sobrang abala ng amo ko, hindi lahat ng nagiging issues dito sa school ay nalalaman nila at pinakikialaman." Nagdikit ang mga kilay ko sa naging kasugatan niya. Kung hindi sila, si Angelo nga kaya? "Kung sino man ang taong iyon, siguradong ayaw niyang mawala sa'yo ang pangarap mo kaya gumawa siya ng paraan para hindi mawala ang scholarship mo. Kung sino man siya, marahil ay palagi siyang nakabantay sa'yo ngunit hindi mo lang napapansin o alam." "Kung totoo man iyang sinasabi mo na may isang concern na tao sa akin dito, bakit hindi ko siya napapansin? Bakit hindi siya nagpapakita? Bakit hindi niya ako binantayan bago pa ako tuluyang mapahamak sa kamay ng tao na akala ko ay mahal ako?" Alam kong imposible na masagot ni Marco ang isa man sa mga naging katanungan ko. Ano ba ang alam niya? Hindi naman ako nagkukuwento pa ng lahat-lahat sa kanya. Ngunit nagulat ako nang sagutin niya ang mga tanong kong iyon. "Nariyan lang iyon sa paligid. Nagbabantay at nag-aabang. Hindi ka niya pwedeng pigilan dahil may tinatawag na free will. Marahil minsan ay sinubukan niya ngunit sa huli, desisyon mo pa rin ang nasunod." Napanganga ako sa kanya. Bakit ba sa tingin ko ay mas marami pa siyang alam na hindi ko alam? At bakit tila may ipinapakahulugan siya at tinutukoy sa mga sinasabi niya. "Marco, sino ba ang tinutukoy mo? Bakit parang kilalang-kilala mo iyang tao na tinutukoy mong nagbabantay sa akin?" naghihinalang tanong kong muli sa kanya. "Natural, kilalang-kilala ko. Kilala mo rin siya ngunit gaya ng sinasabi ko, hindi mo lang siya napapansin o sa mas madaling salita, ayaw mo lang siyang pansinin." "Sino nga ang tinutukoy mo? Tigilan mo nga ang pagpapaikot sa akin ng mga salita mo," naiinis ko nang turan sa kanya. Siya naman ang inikutan ako ng mga mata. "Sino pa kundi siya?" "Sino nga?!" Kulang na lang ay panlakihan ko siya ng mga mata. "Siya." Napatingala ako dahil itinuro niya ang kalangitan. "Siya ang tinutukoy ko, ang Diyos." Napahalukipkip na ako. May punto naman si Marco na binantayan ako ng Diyos ngunit hindi ko maalis sa isipan ko na iba ang tinutukoy niya. "Sino ba ang inaasahan mong isasagot ko? Alangan naman na ako ang tinutukoy ko?" Akmang sasagutin ko siya nang mapukaw ang pansin ko ng isang taong papalapit sa amin ni Marco. Bakit parang alam niya ang pinag-uusapan namin ni Marco ayon sa ekspresyon ng mukha niya at bakit siya naglalakad papunta sa amin? Ano na nga ulit ang pangalan niya? Alam ko iyon dahil sinabi niya mismo sa akin ngunit bakit hindi ko maalala ngayon? Napatingin ako kay Marco nang sambitin niya ang pangalan na kanina pa nasa dulo ng dila ko. "Yuri..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD