Chapter 4

1555 Words
Pareho naming pinanuod ni Marco ang paglapit sa amin ni "Yuri". "Kilala mo pala siya," wala sa loob na sabi ko sa katabi ko. "Oo, anak siya ng..." Nabitin ang pagsasalita ni Marco nang ang lalaki na ang tumapos sa sasabihin sana niya. "Anak ng boss niya. Hello, Marco. And hello again, Jay." Hindi ko alam kung bakit nangilabot ako nang sambitin niya ang pangalan ko. Nakapasensuwal naman kasi ng pagkakasabi niya sa simpleng pangalan ko na Jay. Napatitig ako sa kanyang mukha lalo na sa kanyang mga mata. Hindi ko maiwasan ang labis na mamangha dahil sa magkaibang kulay ng mga ito. Ang isa ay tila nagyeyelong asul at ang isa naman ay tila umaapoy na kulay pula. Masasabi kong napakaganda niyang lalaki at mas lalo pa iyong pinatingkad ng magkaibang kulay niyang mga mata. "I have heterochromia eyes," waring pagpapaliwanag niya sa magkaibang kulay ng kanyang mga mata dahil titig na titig talaga ako sa mga iyon. "Ang ganda nila," wala sa loob kong sambit. "Coming from you, I am grateful." Nanunudyo ang pagkakangiti niya sa akin pagkatapos sabihin iyon na nagpainit sa mga pisngi ko ngunit nagpalamig naman sa buong katawan ko. "Using your charms again, Yuri." Halos hindi ko narinig ang sinabing iyon ni Marco dahil naging abala ako sa pagpapakalma ko sa aking nagwawalang puso. Sino ba naman kasi ang hindi kikiligin sa taong kaharap ko ngayon? Napakatangkad, nasa tamang porma ang mga muscles sa katawan, may kaputian ang tila kumikinang na balat, at higit sa lahat, nakakawala ng paghinga ang kaguwapuhang taglay. Napakatalino rin ng mga matang nakatitig sa akin ngayon na tila lahat ng sikreto ko ay nakikita niya mula sa aking mga mata. At dahil sa isiping iyon ay dagli akong nag-iwas ng tingin sa kanya. "Should've used that charm before that demon..." Si Marco. Ano ba ang tila isinisisi niya kay Yuri na anak pa naman ng amo niya? "T--teka, ano na ba ang pinag-uusapan ninyo?" pagsingit ko sa kanilang dalawa. Tila ngayon lang bumalik ang malay ko sa nangyayari sa paligid ko. "Nevermind. Are you going home?" "Kadarating ko pa lang dito sa unibersidad ninyo, Yuri. Huwag mo naman akong pauwiin agad," pagbibiro ni Marco bago ito nagsimulang maglakad. Napasunod ako sa kanilang dalawa nang maglakad na rin si Yuri pasunod kay Marco. "May---may-ari pala kayo ng eskuwelahan." Namangha na naman ako sa lalaking kasama namin ni Marco ngayon. Ubod din pala ito ng yaman. Nagkibit-balikat ito sa naging tanong ko. "Isa ito sa mga pag-aari rito sa mundo ng ama ko." Hindi ko na pinansin ang pagtawag niya sa tatay niya ng ama at ang tila matalinhaga niyang mga salita. "Kung mayaman pala kayo, bakit dito ka pa sa Pilipinas nag-aaral? Siguro kung ako ang nasa katayuan mo, mag-aaral ako sa ibang bansa kung saan pinakamaganda ang edukasyon." Napatigil si Yuri sa paglalakad at ganon din si Marco kaya napatigil din ako. Kaagad kong napag-isip-isip na baka na-offend si Yuri sa sinabi ko. "W--wala akong ibig sabihin na masama, ha? Kuriyos lang ako," pag-apela ko agad kahit na wala pa siyang sinasabi. "Walang masama sa sinabi mo. Lahat naman ay ganyan ang iisipin sa isang tao na maraming pag-aari at pera. Tama ka na pwede akong mag-aral sa ibang bansa, sa US o sa Europa. Pero mas gusto kong dito sa Pilipinas mag-aral. Mahal ko ang bansa ko at ang pagka-Pilipino ko," nakangiti niyang sabi sa akin. Kaagad kong ipinilig ang ulo ko dahil parang gusto ko na namang tumunganga sa kaguwapuhang nasa harapan ko. "Ang sabihin mo, may tao ka lang na ayaw iwanan dito. 'Di ba nga at pinapabantayan mo pa siya sa akin?" pangangantiyaw ni Marco sa kanya. Nagdikit ang mga kilay ko sa sinabing iyon ni Marco. Sino kaya ang tinutukoy niyang ayaw iwan ni Yuri at pinapabantayan pa kay Marco? Napakasuwerte naman ng babaeng iyon kung ang tulad ni Yuri ang gustong magprotekta sa kanya. "Halata ko naman na mayaman ka noong una pa lang kitang makita," pag-amin ko kay Yuri. Nagsimula na akong maglakad habang inaalala ko ang unang pagkikita namin sa bar kung saan sinubukan niya rin akong kumbinsihin na hindi sumama kay Angelo noon. Kung alam ko lang ang mangyayari pagkatapos ng pagtitiwala ko sa lalaking akala ko ay mahal ako sana ay pinakinggan ko si Yuri sa kabila ng kalasingan ko at sa kanya na lang sumama. "Salamat at kahit hindi mo pa ako kilala noon ay sinubukan mo na akong iligtas." Tahimik lang sila ni Marco na nakasunod sa akin. "Siguro ay kilalang-kilala mo na si Angelo kaya sinubukan mo akong pigilan noong gabing iyon na sumama sa kanya," dagdag ko nang hindi pa rin siya nagsasalita. "Sabihin na lang natin na kilala ko ang buong pagkatao niya, Jay." "Ganon na ba siya dati pa? Gawain na ba niya ang manloko at paglaruan ang sino man na nakukursunadahan niya?" mapait kong tanong. Hindi ko man nakikita ngunit ramdam kong umismid si Yuri dahil sa sinabi ko. "Hindi mo naman ako paniniwalaan noong gabing iyon kung sasabihin kong paglalaruan ka lang niya, hindi ba?" Humapdi ang dibdib ko sa naging kasagutan niya dahil tama siya sa sinabi niya. Masyado akong nabulag sa mga matatamis na salita ni Angelo. Masyado akong napaniwala at nagtiwala kaya hindi lang ang puso ko ang ibinigay ko kay Angelo kundi pati na rin ang ang katawan ko at kalinisan ko. "Oo. Mahal na mahal ko kasi siya. At siguro... Siguro kahit na labis na ang galit ko sa kanya, sa pinakailalim ng puso ko ay may natitira pa ring pagmamahal para sa kanya. Gusto ko siyang makaharap. Gusto kong masagot niya ang mga katanungan ko," pag-amin ko sa kanila ni Marco. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit napakadaling lumabas sa bibig ko ang mga salitang pinakatatago-tago ko at ayokong malaman ng iba. Hindi ko rin alam kung bakit kahit unang beses pa lang naming mag-usap ni Yuri ay tila napakalaki na ng tiwala ko sa kanya. Tila gusto kong ipaalam sa kanya ang lahat ng laman ng puso at isipan ko. "Tatanggapin mo pa ba siya kapag bumalik siya sa'yo at humingi ng tawad?" May kalamigan sa tono na tanong ni Marco. "Ewan ko... siguro. Mahal ko pa siya kahit galit ako sa kanya," pag-amin ko. Bigla akong napatingala nang makarinig ako ng malalakas na pagkulog. Bakit napakarami na ng maiitim at mabibigat na mga ulap sa kalangitan? Kanina ay maaliwalas naman. Masyado bang malalim ang iniisip ko at hindi ko napansin ang pagbabago sa paligid ko? "Nagalit yata ang langit dahil sa sinabi mo," pagbibiro ni Marco na nakatingala rin sa langit nang tignan ko siya. Bumaling ako kay Yuri. Tahimik lang siyang nakayuko na tila wala siyang pakialam sa nangyayari. "Bilisan na natin. Sumilong tayo roon para hindi tayo mabasa kapag bumagsak na ang ulan." Lakad-takbo na ang ginawa ko habang nakasunod ang dalawa sa likuran ko. Eksaktong makapasok kami sa loob ng school canteen nang bumuhos ang napakalakas na ulan na tila nagngingitngit ito sa galit. Hindi ako lumaking takot sa malakas na ulan, kulog, o kidlat ngunit sa mga oras na ito ay nakadama ako ng matinding takot na tila tatama ang mga kidlat sa akin anumang oras. "Nakakatakot naman," hindi ko maiwasan na sambit. "Tama ka, Jay. Nakakatakot talagang magalit ang langit," sagot naman ni Marco na tulad ko ay pinapanuod din mula sa malalaking bintana ng cafeteria ang malakas na buhos ng ulan, ang mga dumadagundong na kulog, at ang mga gumuguhit sa langit na mga kidlat. At dahil sa pagiging abala ko, hindi ko na napansin ang makahulugang tingin na ibinigay ni Marco kay Yuri. "Ang mabuti pa ay magkape na muna tayo. Hindi pa naman tayo makakauwi kung ganito kasama ang panahon. Mamaya, tamaan pa tayo ng kidlat," pag-aaya ni Marco. "Sige, mabuti pa nga para mainitan naman ang mga sikmura natin. Nagkakape ka rin ba, Yuri?" Nahihiya akong bumaling dito. Halata naman na kanina pa ito wala sa mood at tila hanggang ngayon ay wala pa rin ito sa mood dahil hindi nito sinagot ang tanong ko. "Hayaan mo na lang siya. Ganyan talaga siya minsan," bulong sa akin ni Marco na tinanguan ko naman. Nagpaalam ito na kukuha ng kape at mamemeryenda na rin. Habang kami na lang ni Yuri ang nasa mesa ay wala sa loob na tinitigan ko siya. Magkadikit na magkadikit pa rin ang mga kilay niya at napakalalim ng iniisip niya. Tila may kagalit siya dahil nag-aapoy ang mga mata niyang nakatitig lang sa kawalan. Kung maglalabas lang ng apoy ang mga mata niya, siguradong magiging tutong ang bawat daraanan ng paningin niya. Bakit kaya bigla na lang siyang nawalan ng mood? Ganito ba talaga ang mayayaman? "Heto na ang kape at meryenda mo." Nagpasalamat ako kay Marco. Lihim din akong nagpasalamat na hindi na ako matutuyuan ng laway. Habang nagkakape kami ay simple lang kaming nagkukuwentuhan ni Marco. Ayaw na rin naming abalahin pa si Yuri dahil baka kami ang balingan ng galit nito. Nalaman ko ring Engineering ang kinuha ni Marco habang si Yuri naman ay Political Science. Ikinatuwa kong malapit ang kurso ni Marco sa akin dahil iisa ang building namin. Ilang saglit pa ay inanunsiyong magkakaroon ng emergency meeting ang mga propesor kaya naman maghapon na lang kaming tumambay sa canteen habang naghihintay na tumigil sa pagwawala ang langit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD