MATAGAL na nagpaikot-ikot si Lorie sa buong kabahayan upang mag-isip kung ano ang puwede niyang unahing linisin. Dahil sa babala ni Choi ay natakot tuloy siyang galawin ang mga gamit nito. Mabuti na lamang at napadpad si Lorie sa kusina at nabuksan ang refrigerator. Napangiwi siya nang makitang pulos expired na at mukhang hindi naman nagalaw ang mga pagkaing nakalagay roon. Nasayang lang ang mga iyon. Inalis ni Lorie ang mga expired na pagkain at agad na itinapon sa basurahan. Beer at tubig lang yata ang ginagalaw ni Choi sa fridge nito dahil iyon lamang ang bawas at hindi expired.
Kasunod niyon ay nakita ni Lorie sa laundry area ang napakaraming damit na dapat labhan. Nagsimula siyang magsalang ng mga damit sa washing machine at nagsimula na ring magpunas ng mga gamit at salamin. Pagkatapos ay v-in-acuum ni Lorie ang sahig. Naging abala na siya kaya hindi niya namalayan ang oras kung hindi pa kumulo ang tiyan niya. Nagugutom na si Lorie pero wala naman siyang makain dahil sira na ang lahat ng laman ng fridge. Hindi pa rin lumalabas ng kuwarto nito si Choi. Hiling ni Lorie na sana ay magising na ang amo niya at makaramdam din ito ng gutom para naman makakain na siya.
Tila sinagot naman ang hiling ni Lorie nang makarinig siya ng pagbukas ng pinto. Mabilis na umalis siya sa laundry room upang sumilip sa living room. Lumabas na nga si Choi ng silid nito. Bihis na bihis na ang binata. Umaalingasaw pa ang pabango nitong amoy mamahalin. Ang buhok ni Choi ay naka-style na, hindi gaya kanina na bagsak na bagsak at magulo pa. Mukhang nakahanda na ang amo ni Lorie upang lumabas.
Nakamasid pa rin siya rito nang mapabaling ang tingin ni Choi sa kanya. Agad na kumurap si Lorie at bahagyang ngumiti. “Lalabas ho kayo?” alanganing tanong niya.
“Yes. Kapag natapos ka na sa trabaho mo rito puwede ka nang umuwi. Iwan mo na lang ang key card kung saan mo nakita kanina. Tungkol sa suweldo mo, kakausapin ko pa si Mama dahil siya ang nag-hire sa `yo. Aalis na ako,” maawtoridad na sabi ni Choi at tumalikod na upang magtungo sa pinto.
Napaawang ang mga labi ni Lorie. Hindi man lang ba siya pakakainin ng amo niya? “Ah, Sir!” tawag ni Lorie sa binata. Nilingon siya ni Choi na halatang hinihintay ang sasabihin niya. Ibinuka na ni Lorie ang bibig upang maglakas-loob na magsabing nagugutom na siya nang unahan siya ng kaniyang sikmura. Malakas iyong tumunog at magkapanabay pa sila ni Choi na napatingin sa tiyan niya. Mariing pumikit si Lorie at napangiwi kasabay ng paghawak niya sa tiyan niya.
“If you are hungry, why don’t you eat something? Hindi kita pipigilang kumain. Humanap ka na lang sa refrigirator ng makakain mo,” basag ni Choi sa katahimikan.
Lalong napangiwi si Lorie. “Eh, Sir, wala na hong natira sa refrigerator ninyo kundi tubig at isang dosenang beer in can. Puro expired na ang mga pagkain kaya itinapon ko na.” Nais sanang idagdag ni Lorie na mukhang beer lang ang madalas nitong galawin sa fridge nito kaya iyon lang ang hindi expired pero pinigilan niya ang sarili. Wala siyang karapatang gawin iyon. Kahit kasi mukhang hindi naman nagkakalayo ang edad nila ni Choi ay amo pa rin ni Lorie ang binata.
Hindi nagsalita si Choi at tumalikod kay Lorie at ipinagpatuloy ang paglakad patungo sa pinto. Nadismaya si Lorie dahil mukhang iiwan siyang gutom ni Choi. Sabagay, ano naman sa binata kung mamatay siya sa gutom? Utusan lang naman siya nito. Ganoon naman ang karamihan sa mga sobrang yaman na gaya nito, hindi ba?
Laglag ang mga balikat na akmang babalik na sa trabaho si Lorie nang napaigtad siya sa biglang paglapit ni Choi sa kanya.
“O, tumawag ka na lang at um-order ng pagkain mo. Ito ang pambayad,” sabi ni Choi at iniumang kay Lorie ang isang libong piso.
Napatitig siya sa perang hawak ni Choi at pagkatapos ay sa mukha nito. Hindi makapaniwala si Lorie na inabutan siya ng binata ng perang pambili ng pagkain. At isang libo pa!
Kumunot ang noo ni Choi at tila inis na hinawakan ang isang kamay ni Lorie at inilagay roon ang pera. “Kunin mo na `yan dahil nagmamadali ako.”
Natauhan si Lorie. “Ah, teka lang, ang laki naman nito para pangkain ko lang. Iiwan ko na lang dito ang sukli mamaya.”
Kumunot ang noo ni Choi. “No need. You can keep that. Kung sa `yo malaking halaga `yan then so be it. Pero para sa `kin barya lang `yan kaya itabi mo na.” Iyon lang at tuluyan nang tumalikod ang binata at lumabas ng bahay.
Napako si Lorie sa kinatatayuan habang hawak pa rin ang pera. Kung sa ibang pagkakataon ay baka nagalit siya sa paraan ng pagsasalita ni Choi. Pero hindi alam ni Lorie kung bakit wala siyang makapang inis sa dibdib niya. Marahil ay dahil wala siyang inaasahan kahit katiting na kabaitan mula rito kaya nang abutan siya ni Choi ng pera para may makain siya ay nabigla si Lorie.
Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari sa buhay ni Lorie ay bahagya siyang napangiti. “Mukhang may katiting na genes naman pala ni Ma’am Edna na napunta sa kanya. Galante. Pero hindi ko kayang kumain ng pagkaing isang libo ang halaga at hindi kaya ng konsiyensiya kong iuwi ang sobra.”
Nakatayo pa rin si Lorie roon nang may maisip na ideya. Tumango siya at mabilis na ibinulsa ang pera. Nagmamadaling tiningnan ni Lorie ang mga damit na nakasalang sa washing machine. Pagkatapos niyang hilahin ang cord niyon sa saksakan at patayin ang iba pang appliances na kailangang patayin ay mabilis na lumabas ng unit ni Choi si Lorie. Pagbalik na lamang niya mamaya itutuloy ang paglalaba niya.
KATULAD ng dati ay madaling-araw na nang makauwi sa unit niya si Choi. Masakit na ang ulo niya at naliliyo na siya sa dami ng nainom niya sa party na pinuntahan. Agad na naglakad si Choi patungo sa kusina upang uminom ng tubig. Nakasanayan na niyang gawin iyon upang kahit paano ay mawala ang epekto ng alak sa sistema niya.
Binuksan ni Choi ang fridge at akmang kukuha ng tubig nang matigilan siya at bahagyang luminaw ang isip sa nakita. May laman na processed goods ang fridge. Napakunot-noo si Choi. Ayon sa bago niyang housekeeper ay itinapon na nito ang lahat ng pagkaing naroon. Bakit may laman pa rin iyon?
Nalipat ang tingin ni Choi sa bagong set ng beer in can sa pangalawang compartment. Tuluyan nang luminaw ang isip niya nang mapansin ang maliit na sticky note na nakadikit sa isang lata.
Masyadong malaki ang ibinigay n’yo para ipangkain lang ng isang beses kaya namalengke na lang ako ng kaunti para sa inyo. Kumain din kayo sa bahay minsan, Sir. Babush!
Napailing si Choi. What a weird helper. Usually, kapag nagbibigay siya ng sobra ay dapat alam na ng taong iyon na itatago na nito ang sukli para sa sarili nito. Ngunit hayun at ibinili pa ng babae ng laman ang fridge niya. Was she trying to impress him or what?
Kinuha ni Choi ang piraso ng papel at tinitigan iyon pagkatapos niyang kumuha ng tubig at uminom. Wala sa loob na iginala ni Choi ang paningin sa paligid. Napakalinis na ng paligid. Bumaba ang tingin ni Choi sa mesa at hinaplos iyon pagkatapos ay tiningnan ang mga daliri. Walang alikabok. Ibinalik ni Choi ang boteng ininuman at isinara ang fridge. Isa-isang ininspeksiyon niya ang mga trabaho ng bago niyang housekeeper.
Maayos na nakasampay ang lahat ng nilabhang damit sa laundry area. Pulido rin ang pagkakalinis ng mga silid at maayos ang pagkakasalansan ng lahat ng magazine at CDs ni Choi sa dapat kalagyan. In fairness to her, she knew how to do her job well. Sa bagay na iyon ay nakapasa ang babae sa kanya. Ang tanging kailangan na lamang siguruhin ni Choi ay kung hindi ba gaya ng mga dati niyang housekeeper ang babae na ang intensiyon ay pikutin siya. Sure he knew as far as what she and his mother told him that she has a daugther. Ngunit sa panahon ngayon, mas agresibo na ang mga babaeng may pamilya kaysa sa mga wala pa.
Bigla tuloy naalala ni Choi ang sinabi ng mama niya sa telepono nang tumawag ito kanina.
“She’s Lorie. Nakilala ko siya sa ospital nang tulungan ko siya sa hospital bill ng anak niya. Nakiusap siya sa akin na gusto niyang makabayad kahit paano sa tulong na ibinigay ko kahit na ayoko. Then I remembered that you need a housekeeper. Kaya ikaw na ang bahala sa kanya. Don’t you ever try to fire her without my consent, Choi. Magagalit ako sa `yo. She’s a nice girl.”
“Wait a minute, Mother. Did you forget the most important thing to consider when hiring a housekeeper for me?” tanong ni Choi.
Tumawa ang mama niya. “Oh, hindi ko iyan nakalimutan, hijo. Alam kong ang hinahanap mo ay housekeeper na hindi ka pagnanasaan. Kaya nga siya ang pinapunta ko diyan. Rest assured, she will not do anything to you.”
Napaismid si Choi at umiling nang maalala ang himig ng confidence sa tinig ng kanyang ina nang sabihin iyon. Duda si Choi sa sinabi ng mama niya ngunit wala rin naman siyang magagawa. Once his mother decided on something, they couldn’t complain. Ang tanging magagawa ni Choi ay patunayan na ang babaeng tiwala ang mama niyang hindi mahuhulog sa kanya ay katulad din ng ibang babae. Saglit na nanatiling nakatayo roon si Choi bago may naisip na ideya kung paano niya iyon mapapatunayan. An evil grin formed in his lips. “Well, let’s see if she will pass the final test.”