Chapter 6

1590 Words
PARANG nabunutan ng tinik sa dibdib si Lorie nang sa wakas ay pinayagan na ng doktor na makalabas ng ospital si Kai. Pero dahil hindi pa lubusang magaling ang inoperahan sa bata ay sinabi ng doktor na dapat manatili muna sa bahay si Kai kahit isang linggo lamang bago bumalik sa eskuwelahan. Iyon nga lang, ayaw man iwan ni Lorie si Kai ay kailangan niyang pumasok sa parlor. Nakakahiya kasi kay Madam Tisay kung hindi siya papasok pagkatapos niyang bumale. Tuwing day off ni Lorie ay kailangan naman niyang pumunta sa bahay ni Choi upang gawin ang trabaho niya bilang housekeeper. “Magpakabait ka rito, Kai, ha? Kapag may masakit sa `yo o may mangyaring kung ano, i-text mo si Mama, ha?” wika ni Lorie sa anak habang nakaluhod sa harap nito. Noong nakaraang pasko kasi ay binilhan ni Lorie si Kai ng second hand na mumurahing cell phone para nakokontak siya ng bata. Nginitian siya ni Kai. “Opo, Mama.” Huminga nang malalim si Lorie at niyakap ang anak. Sa totoo lang ay ayaw niya talagang iwan si Kai habang nagpapagaling pa ito. Hanggang maaari sana ay nais ni Lorie na palaging nasa tabi ni Kai para kung may kailangan ang bata ay naroon siya. “Lorie, huwag kang mag-alala, safe siya sa amin, promise,” sabi ni Madam Tisay. Bumaling si Lorie kay Madam Tisay at sa iba pa niyang mga katrabaho sa parlor. Nang ipaliwanag ni Lorie sa mga katrabaho kahapon ang sitwasyon niya ay nagboluntaryo sina Mocha na bantayan si Kai tuwing nasa isang trabaho siya. “Oo nga. Saka mabait naman itong si Kai. Alam mo naman `yang anak mo kayang-kayang umupo lang sa isang tabi basta bigyan mo lang ng mga babasahin. Marami tayong bagong magazines dito na puwede niyang basahin,” sabi ni Mocha. Ngumiti si Lorie. “Salamat talaga sa inyo,” aniya at bumaling uli kay Kai. “Aalis na ako, anak,” paalam uli ni Lorie sa bata, sabay yakap nang mahigpit. Gumanti ng yakap si Kai bago kumalas si Lorie at tumayo. “Mauna na ako.” “O sige. Ingat ka, Lorie. Hindi mo pa kasi sabihin sa amin kung saan ka nagtatrabaho para kung may mangyari sa `yo alam namin kung saan ka hahanapin,” sabi ni Orlan. Alanganin siyang tumawa. May bahagi ni Lorie ang nais sabihin sa mga katrabaho na nagtatrabaho siya para kay Choi Montemayor. Pero isa sa rules ng binatang amo niya ay huwag sasabihin kahit kanino na ito ang pinaglilingkuran niya. Nirerespeto ni Lorie ang kagustuhan ni Choi ng privacy. Isa pa, baka hindi rin naman maniwala ang mga katrabaho niya kahit sabihin pa ni Lorie. Diyos ang tingin nina Mocha sa mga Montemayor. Iyong tipong hindi nakikita at nakakasalamuha ng mga gaya nilang normal. “Basta anak nga ng pilantropong tumulong sa akin sa ospital. Huwag kayong mag-alala mabait naman sila. Sige na, alis na ako,” mabilis na paalam ni Lorie. Lumabas na siya ng parlor bago pa man siya mabato ng mga tanong. Kilala ni Lorie ang mga katrabaho at alam niyang hindi siya titigilan ng mga ito hangga’t hindi niya nasasabi ang katotohanan.   NAPATINGIN si Lorie sa mumurahing wristwatch niya at napangiwi nang ma-realize na thirty minutes late na siya para sa oras na dapat ay nasa unit na siya ni Choi. Nahiling ni Lorie na sana ay kung gaano kapraning si Choi pagdating sa kaayusan ng mga gamit nito sa bahay ay hindi ito ganoon kapartikular sa oras. Kung hindi ay baka malintikan si Lorie sa binata. Tumatakbo na si Lorie nang makarating siya sa condominium building. Muntik pa siya mabangga ng taxi na nasa tapat ng building at bigla na lamang umandar palayo na tila nagmamadali. Kung hindi lamang natataranta si Lorie sa pagka-late niya ay malamang inatake na siya sa nerbiyos sa nangyari. Papunta na si Lorie sa reception area upang ipaalam kung saan siya pupunta nang mapansin niyang may pinagkukumpulan doon ang mga guwardiya at ang dalawang lalaking bantay sa reception. Nakita ni Lorie ang nag-aalala at helpless na ekspresyon sa mukha ng receptionist kaya hindi siya nakatiis na hindi lumapit. “Ano’ng problema?” nagtatakang tanong ni Lorie sa mga lalaki. Tiningnan siya ng dalawang receptionist at sa hindi malamang dahilan ni Lorie ay tila nakahinga nang maluwag ang dalawa nang makita siya. “Ah, Miss, papunta ka sa unit ni Mister Montemayor, hindi ba?” sabi ng isang receptionist. Tumango si Lorie. “Bakit?” Ang tingin ng mga receptionist ay bumaba sa bahaging natatakpan pa rin ng dalawang guwardiya. Napasunod ng tingin si Lorie sa tiningnan ng mga lalaki. Umatras ang mga guwardiya upang makita niya ang tinitingnan ng mga ito. Natigilan si Lorie nang masalubong niya ang pares ng mga matang kumikinang sa namumuong mga luha. Bakas ang takot at pagkataranta roon at parang piniga ang puso ni Lorie. Isang maliit at cute na cute na batang babae pala ang pinagkakaguluhan ng mga guwardiya at mga receptionist. Sa tabi ng bata ay isang malaki at makulay na bag. Bahagyang nginitian ni Lorie ang batang babae. “Hello, baby,” bati ni Lorie. Nanginig ang mga labi ng bata at tuluyan nang umiyak. Nabigla si Lorie habang ang apat na lalaki sa harap niya ay nataranta. Nag-echo sa paligid ang pag-iyak ng bata. Tila may kung anong kumirot sa puso ni Lorie. Ayaw niyang may nakikitang umiiyak na bata, lalo na at kasingganda ng nasa harap nila. Mabilis na yumuko si Lorie at binuhat ang bata. Inalo niya ito. “Huwag ka nang umiyak, baby,” masuyong bulong ni Lorie habang inihehele ang batang babae. Pagkatapos ay tumingin siya sa mga lalaki. “Nasaan ang mga magulang nito?” Nagkatinginan ang mga lalaki at pagkatapos ay tumikhim ang isa sa mga receptionist. “Isang taxi driver ang naghatid sa kanya rito. Pagkatapos ay iniabot itong envelope na ito na may nakasulat sa likod kung saan daw dadalhin ang bata,” sabi ng lalaki at ipinakita kay Lorie ang likod na bahagi ng envelope. Natigilan siya nang mabasa ang unit number ni Choi. “Ang sabi ng taxi driver, may isang magandang babae raw na nagsakay sa bata sa taxi at ipinakiusap na dalhin dito. Pakidala na lang siya sa itaas. Mas malaking eksena ang mangyayari kapag nanatili ang bata rito dahil sa pag-iyak niya,” umiiling na sabi ng isa pang receptionist. Napangiwi si Lorie. Tiyak na malalagot na talaga siya kay Choi. Late na nga siya ay may bitbit pa siyang bata. Ang kaso hindi naman kayang iwan na lang doon ni Lorie ang bata. Isa pa, sigurado namang may dahilan kung bakit kay Choi iniwan ng kung sino mang magulang nito ang batang babae. Ah, bahala na.  Muling inalo ni Lorie ang bata. Humina na ang pag-iyak nito. Saka siya yumuko at kinuha ang malaking bag at isinukbit sa balikat niya. Mabilis niyang kinuha ang envelope. “Sige na nga. Basta kapag nawalan ako ng trabaho patay kayo sa `kin. Siguradong malilintikan ako nito,” wika ni Lorie na dinaan na lamang sa biro ang kaba. Bahagyang tumawa ang mga lalaki. “Tutulungan ka na lang naming humanap ng bagong trabaho,” ganting-biro ng mga guwardiyang sinamahan pa siya patungo sa elevator upang buksan iyon at pindutin ang button papunta sa top floor. Pumasok si Lorie sa elevator habang patuloy pa rin niyang hinahaplos ang likod ng bata na humihikbi na lamang. Bago magsara ang pinto ng elevator ay nakita pa ni Lorie ang pilit na ngiti ng mga guwardiya. “Good luck.” Napangiwi siya. “Good luck talaga,” sagot ni Lorie bago tuluyang sumara ang pinto.   INIP na inip na si Choi. Kanina pa dapat dumating ang housekeeper niya subalit hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa rin ang babae. Kanina pa palakad-lakad si Choi at paulit-ulit na niyang ibinubuhol at pagkatapos ay aalisin sa buhol ang robang suot niya. Planado na ni Choi ang lahat. Hindi niya maibibigay ang tiwala niya kay Lorie hangga’t hindi nakakapasa ang babae sa pagsubok niya. He needed to know how she would react if she saw him naked. Kailangang masiguro ni Choi na walang lihim na pagnanasa sa kanya ang housekeeper niya dahil ayaw na niyang maulit ang nangyaring kamuntikan na siyang maeskandalo sa katulong niyang pinalitan nito. May makita lang si Choi kahit kaunting hint na apektado si Lorie ay sasabihin niya kaagad sa kanyang ina na palitan na ang babae. Napahinto si Choi sa paglalakad nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Agad na lumipad ang tingin niya roon. Ang balak ni Choi noong umpisa ay hayaan makapasok si Lorie at pasimpleng lalapit dito. Pero dahil kanina pa naiinip si Choi ay hindi na niya natiis na hindi magtungo sa pinto upang salubungin ang kaniyang late na housekeeper. “Why the hell did you take so lo— Woah! What is that?” gulat na bulalas ni Choi nang makita niyang hindi nag-iisa ang babae. Mukhang nabigla rin si Lorie dahil halos mapatalon ang babae at nanlaki ang mga mata nang makita siya. Napahigpit ang pagkakayakap ni Lorie sa batang karga-karga nito. Napakunot na nang tuluyan ang noo ni Choi nang makita ang pagkataranta sa mukha ng babae. Isang tingin pa lang niya sa reaksiyon ni Lorie at maging sa mga bitbit nito ay alam na ni Choi na hindi niya magugustuhan ang sasabihin ng babae. Tumikhim si Lorie at pilit na ngumiti. “Sir, ano kasi, may nag-iwan sa batang ito sa baba,” paliwanag ni Lorie.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD