Chapter 4

2237 Words
NANLAKI ang mga mata ni Lorie habang nakatingala sa napakataas na condominium building sa harap niya. Tiningnan uli niya ang piraso ng papel na ibinigay sa kanya ni Ma’am Edna na sinulatan nito ng address bago tiningnan uli ang building. Kumpirmadong iyon nga ang building na dapat niyang puntahan sa araw na iyon. Hindi pa man nakakapasok si Lorie ay may pakiramdam na siyang malulula siya sa karangyaan niyon. Sa araw na iyon magsisimula ang pagbabayad ni Lorie ng utang-na-loob sa pagtulong ni Ma’am Edna sa kanya. Ang hiniling ng matandang babae ay ang tumayo si Lorie na tagalinis ng pad ng isa sa mga anak nito habang wala pa itong nakukuhang housekeeper. Hindi raw kasi kaya ng anak ni Ma’am Edna ang walang tagalinis at tagaluto kahit man lang isang beses sa isang linggo. Walang pag-aalinlangan pumayag si Lorie. Alam kasi niya na kahit yata isang taon pa siyang maging katulong ng anak ni Ma’am Edna ay hindi pa rin niyon mababayaran ang utang-na-loob niya sa matandang babae. Maano ba naman ang isang beses isang linggo? Puwede namang gamitin ni Lorie ang araw na iyon bilang day off niya sa parlor. May maaasahan din siyang mabait na kapitbahay na magbabantay kay Kai kapag hindi siya kasama ng anak niya. Maaari din namang iwan ni Lorie si Kai sa parlor dahil alam niyang aalagaan nina Mocha ang bata. Kahit si Kai, sa kabila ng murang edad ay alam niyang naiintindihan ang sitwasyon nila. Huminga nang malalim si Lorie bago lakas-loob na humakbang papasok sa loob ng building. Nahagip ng mga mata niya ang dalawang guwardiya na nakatingin sa kanya at mukhang naging alerto. Napabilis tuloy ang lapit ni Lorie sa reception area. Kinabahan siya nang suriin siya ng receptionist. Hindi ba papapasukin si Lorie dahil halata sa suot at ayos niya na hindi siya bagay roon? “Sino ho’ng pupuntahan ninyo?” tanong ng lalaki sa reception sa magalang ngunit seryosong tinig. “Ah, pinapupunta ako ni Ma’am Edna sa unit number na ito,” ani Lorie na ipinakita ang papel na ibinigay sa kanya ng matandang babae. “Ako ang magiging tagalinis ng unit na iyan mula ngayong araw na ito. Ang sabi ni Ma’am Edna tatawag daw siya rito para sabihin sa reception na papasukin ako,” mabilis na paliwanag ni Lorie dahil baka hindi maniwala sa kanya ang lalaki at ipakaladkad pa siya sa mga guwardiyang malapit sa kanila. Tiningnan naman ng receptionist ang papel na iniabot ni Lorie. Pagkatapos ay tumingin sa kanya na may bahid ng simpatya. “Ah, oo tumawag na rito si Ma’am para sabihin na darating ka. Tumuloy ka na,” sabi ng lalaki na iniabot uli kay Lorie ang papel at iminuwestra ang elevator. Nagtaka man si Lorie sa nakita niyang ekspresyon sa mukha ng lalaki ay alanganin pa rin siyang nagpasalamat at pumasok sa elevator. Pinindot niya ang pinakahuling floor number bago kabadong tumingala sa papalit-palit na numero ng nagsasabi kung nasaang palapag na siya. Nang bumukas ang elevator at nakalabas si Lorie roon ay natigilan siya nang makitang dalawa lamang ang pinto roon. Ang nasa kanan niya ay may nakalagay na fire exit sign sa itaas. Kung ganoon ang pinto sa kaliwa ang pinto ng unit ng anak ni Ma’am Edna. Naglakad si Lorie palapit doon. Sobrang yaman naman nila at mukhang solo pa ng anak niya ang top floor ng sosyal na building na ito. Saglit pa siyang napatitig sa pinto bago ibinaling ang tingin sa mailbox na nasa gilid niyon. Naalala ni Lorie na sinabi sa kanya ni Ma’am Edna na nasa loob daw ng box na iyon ang spare key card ng unit na gagamitin niya kapag naglilinis siya roon. Huwag na raw mag-doorbell si Lorie dahil kapag ganoong oras at tuwing Sabado ay wala raw ang anak ni Ma’am Edna roon. Sa naalala ay nawala ang kaba ni Lorie. At least, hindi niya makikita ang magiging amo niya. Mabilis na kinuha ni Lorie ang key card at binuksan ang pinto. Nang makapasok siya ay nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha. Napakalawak ng paligid. Lahat ng gamit ay nagmumura sa karangyaan. Ubod ng laki ang telebisyon, ang mga muwebles ay kumikinang at maging ang mga displays ay nasisiguro niyang libo-libo ang halaga. Nagsimulang maglakad papasok si Lorie. Nagulat siya nang maramdaman niyang lumubog ang mga paa niya sa carpet. Para siyang pumasok sa loob ng mga larawan ng mga magagandang bahay sa mga magazine. Sa isang panig ay may tila gym pa na kumpleto sa mga makabagong equipment na nahaharangan lamang ng salaming pader. Sobrang ayos ng paligid. Sobrang coordinated ng mga kulay, lalaking-lalaki. Nakakunot-noong iginagala ni Lorie ang tingin sa paligid. Bakit pa siya pinapunta roon upang maglinis kung mukhang wala naman siyang lilinisin? Napaigtad si Lorie nang biglang tumunog ang telepono. Awtomatiko siyang napalingon doon. Nag-alangan si Lorie kung sasagutin iyon o hindi. Nakailang ring na iyon at akmang kikilos na siya para lumapit doon nang biglang bumukas ang isang pinto. Nabaling doon ang tingin ni Lorie. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang lalaking nakasuot lamang ng roba na hindi pa nakatali nang maayos at may hawak na tuwalya na nasa basang buhok nito. Napaatras si Lorie nang mapatingin din ang lalaki sa kanya. Bumakas ang pagkagulat sa mga mata ng lalaki ngunit walang-wala iyon sa pagkamanghang nadama ni Lorie. Kilala niya ito. Ito ang lalaking madalas na nakikita niya sa telebisyon. Choi Montemayor!     “WHO the hell are you?” magkahalong pagkagulat at inis na bulalas ni Choi Montemayor na napaatras din. Napangiwi si Lorie at hindi nakaapuhap ng sasabihin dahil hindi pa rin siya nakakabawi sa pagkagulat na makita roon ang binata lalo pa at ganoon ang ayos nito. Sanay si Lorie na sa telebisyon nakikita si Choi at ngayong nasa harap na niya ang binata ay napagtanto ni Lorie na mas malakas ang dating ng personalidad nito sa personal. Mas matangkad din si Choi, mas matikas ang katawan, mas makinis, mas perpekto ang bawat bahagi ng mukha, at mas mukhang hindi ito totoo. Paanong nagkaroon ng ganitong klaseng tao sa mundo habang marami ang nade-depress dahil pangit sila? Napaka-unfair. “I’m asking you who you are. And what are you doing in my house?” mas mapanganib na tanong ni Choi. Nagsimulang humakbang palapit kay Lorie ang binata habang naniningkit ang mga matang nakatitig sa kanya. Napaatras si Lorie at bahagyang kinabahan na baka bigla na lang siyang saktan ni Choi. “P-pinapunta ako rito ni Ma’am Edna. Ako ho ang magiging bagong housekeeper ninyo,” mabilis na paliwanag ni Lorie. Huminto si Choi sa paglapit sa kanya at napakunot-noo. “Housekeeper?” Sunod-sunod na tumango si Lorie. Nawala na ang balasik sa mukha ni Choi at bigla na lamang siyang pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa at pabalik. Bumakas ang pagtataka sa mukha ng binata, pagkatapos ay napalitan ng disgusto. “What was she thinking?” usal ni Choi na tila sarili ang kausap. Bago pa makaapuhap ng sasabihin si Lorie ay nag-ring uli ang telepono. Nabaling doon ang tingin ni Choi at mabilis na inangat ang awditibo. Saglit na nakinig ang binata sa kabilang linya bago nagsalita. “`Ma, what are you thinking? Yes, she’s here.” Tumigil si Choi at tila nakikinig sa kausap pagkatapos ay sumulyap sa kanya. Pinasadahan uli siya ng tingin ng binata na ikinakunot na ng noo ni Lorie. Bakit ba ganito makatingin ang lalaking `to? Wala sa loob na napatingin si Lorie sa sarili. Maayos naman ang suot niyang blouse at maong pants. Oo nga at hindi siya gaya ng mga nakakasalamuha ni Choi na tila galing sa isang fashion magazine pero at least presentable naman ang hitsura niya. Maayos na nakapusod ang buhok ni Lorie at nagpolbo siya ng mukha kaya hindi naman siguro siya mukhang haggard na haggard. Subalit kung pasadahan siya ni Choi ng tingin ay para siyang madungis. “Wait a minute, Mother. Did you forget the most important thing to consider when hiring a housekeeper for me?” may bahid ng disgustong tanong ni Choi. Saglit pa nakipag-usap sa telepono ang binata habang si Lorie naman ay walang magawa kundi ang manatili lamang na nakatayo roon bago ibinaba ni Choi ang telepono. Nang humarap uli sa kanya si Choi ay humalukipkip ito. Mukhang walang pakialam ang binata kahit na halos nakahubad na ito sa harap ni Lorie dahil hindi pa rin inaayos ni Choi ang pagkakatali ng roba nito. Nakaramdam tuloy si Lorie ng pagkailang habang naging mas relax naman ang hitsura ni Choi. Sabagay, hindi naman siya nagtataka kung bakit walang pakialam si Choi tungkol doon. Maganda ang pangangatawan ni Choi at sanay itong ibandera iyon sa madla. Pero hindi kumportable si Lorie kaya nag-iwas siya ng tingin. “So, you know my mother personally. How did you know her?” Saglit na nalito si Lorie sa tanong ni Choi bago may rumehistrong realisasyon sa isip niya. Namilog ang mga mata ni Lorie at napatingin uli sa binata. Kung si Choi ang anak ni Ma’am Edna, ibig sabihin ay isang Montemayor ang tumulong sa kaniya. Pagkatapos ay biglang naalala ni Lorie ang nasabi niya habang nakatingin siya sa telebisyon at pinapanood ang lalaking ito noong nasa lobby siya ng ospital. Naramdaman ni Lorie ang pag-iinit ng kaniyang mga pisngi. Nilukuban siya ng hiya nang maalalang katabi niya si Ma’am Edna noon. Ibig sabihin, narinig ng matandang babae ang sinabi ni Lorie ngunit tinulungan pa rin siya nito. Napakurap lang si Lorie nang mapansin niya ang matamang pagmamasid ni Choi sa mukha niya. Kapagkuwan ay naalala niya ang tanong ng lalaki na mukhang hinihintay pa rin nitong sagutin niya. Tumikhim si Lorie. “Malaki ang utang-na-loob ko kay Ma’am Edna dahil tinulungan niya ako nang maospital ang anak ko. Ang pagiging housekeeper mo ang paraang naisip namin para kahit paano ay makabayad ako sa utang-na-loob ko sa kanya,” paliwanag niya. Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Choi habang nakatingin kay Lorie. Pagkatapos ng ilang sandali ay dumeretso ng tayo ang binata. “You must come here once a week to clean, do the laundry, and cook for me. As a housekeeper you have to follow my rules. First and foremost, don’t be nosy and just do your work. Second,  don’t ever tell anyone that you are working for me. Ayokong may bigla na lamang susulpot dito na hindi ko kilala at maririnig na nanggaling sa housekeeper ko ang address ko. Third, no matter what you see and learn about me, never mention it to anyone. Although I’m a public figure, I still value my privacy. And lastly, and this is the most important...” Huminto si Choi na para bang binibitin ang sasabihin upang marahil ay mas tumimo iyon sa isip ni Lorie. “Never try to take a pass on me, seduce me or fall in love with me. It’s troublesome. Kapag may nalabag ka sa mga iyon you will be fired immediately. Do you understand?” Napaawang ang mga labi ni Lorie sa pagkamangha sa mga sinabi ni Choi, lalo na ang huli. Masyado namang bilib sa sarili ang lalaking ito upang gumawa ng ganoong rule. “Sinasabi mo ba ang rules na iyan sa lahat ng mga naging housekeeper mo?” hindi makapaniwalang tanong ni Lorie. “Of course,” confident na sagot ni Choi. Pinigilan ni Lorie na mapailing. Talaga bang ang tingin ni Choi sa lahat ng babae ay magkakagusto rito at babalakin itong gawan ng kahalayan? Oo nga at talaga namang kahalay-halay ang hitsura at katawan ni Choi para sa mga katrabaho ni Lorie at iba pang babae, ngunit ang isiping lahat ay magkakagusto rito? Ibang klase ang bilib ng lalaking ito sa sarili niya. “So, nagkakaintindihan ba tayo?” untag ni Choi kay Lorie. “Yes, Sir,” sagot na lang niya kahit gustong-gusto ni Lorie na sabihin sa lalaki ang naiisip niya. “Then start doing your job. Go to my room last. I’m going to sleep,” utos ni Choi at tumalikod na. Papasok na ang binata sa silid nang bigla itong huminto at  humarap uli kay Lorie na tila may nakalimutang sabihin. “Oo nga pala. Ang trabaho mo ay maglinis, hindi guluhin ang mga gamit ko. So avoid rearranging the furniture and displays. Kung kailangan mong hawakan upang punasan, siguruhin mong ibabalik mo sa dating pinaglalagyan. I hate getting my things in disorder at kayang-kaya kong makita kung wala sa ayos ang mga gamit ko. Be careful. Do I make myself clear?” Napatango na lang si Lorie. “Good.” Iyon lang at tuluyan nang pumasok sa silid nito ang binata. Nang mawala si Choi sa paningin ni Lorie ay napabuga na lang siya ng hangin. Hindi pa rin siya makapaniwalang si Choi Montemayor pala ang magiging amo niya. Ni sa hinagap ay hindi naisip ni Lorie na magkakaroon siya ng pagkakataong makita nang personal si Choi. Ngunit gaya ng naisip niya, halata ang kaibahan ng katayuan nila sa buhay. Halata iyon sa paraan nang pagkilos at pagsasalita ni Choi. Wala sa loob na naigala ni Lorie ang tingin sa paligid. “Pero ano pa’ng lilinisin ko rito?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD