“ANAK, bumangon ka na para mapaliguan na kita. Baka mahuli tayo. Mahirap maiwanan ng bus,” malakas na tawag ni Lorie kay Kai habang abala siya sa paglalagay sa lunch box ng babaunin nilang pagkain. Sa araw na iyon ang field trip ng klase ni Kai.
Natapos na ni Lorie ang pag-aayos ng babaunin nila ay hindi pa rin lumitaw sa maliit nilang kusina ang anak-anakan niya. Napakunot-noo si Lorie. “Kai,” tawag uli niya. Napabuga siya ng hangin at mabilis na lumakad patungo sa silid na ginagamit nila, na nasabi lamang na silid dahil nilagyan iyon ni Lorie ng kurtina na siyang humati sa puwesto ng tulugan at sala.
Nanlamig ang buong katawan ni Lorie at kumabog ang dibdib niya nang makita si Kai na nakapamaluktot at patagilid na nakahiga sa papag nila. Bakas ang sakit at paghihirap sa mukha ng bata. “Kai! Anak, anong nangyayari sa `yo?” natatarantang lumapit si Lorie sa bata. Maayos naman ang lagay ni Kai kagabi bago sila matulog. Masaya pa nga ito at sabik na sabik para sa field trip. Kaya bakit nagkakaganoon ang anak-anakan niya?
“M-Mama… ang s-sakit ng tiyan ko,” mahina at hirap na hirap na sabi ni Kai. Tumingin kay Lorie ang bata at nagsimulang umiyak.
Lalo siyang nanlamig. Tiningnan ni Lorie ang bahagi ng tiyan ni Kai na mahigpit nitong hawak. Nagkaroon siya ng hindi magandang kutob nang makitang sa bandang tagiliran ang masakit kay Kai.
Hinamig ni Lorie ang sarili at mabilis na tumayo. “Sandali lang, anak,” usal niya bago siya patakbong lumabas ng bahay. Tinawag ni Lorie ang isang kapitbahay na napadaan at natatarantang nakiusap dito na itawag siya ng tricycle dahil itatakbo niya sa ospital si Kai.
Kasunod niyon ay mabilis na sinamsam ni Lorie ang lahat ng perang mayroon siya at nanginginig ang mga kalamnan na binuhat niya si Kai. “Kaunting tiis lang, anak, dadalhin kita sa ospital. Mawawala na ang sakit na `yan,” garalgal ang tinig na alo ni Lorie sa bata na umiiyak pa rin.
Naiiyak na rin si Lorie sa takot na baka kung ano ang mangyari sa anak ngunit nagpakatatag siya. Kailangan siya ni Kai. Sila lamang dalawa ang magkasama. Hindi na siya gaya noong namatay ang mga magulang niya na may ate na umaalalay sa kanya tuwing umiiyak siya. Hindi siya dapat magpakita ng kahinaan. Diyos ko, alagaan po Ninyo ang anak ko, paulit-ulit na dasal ni Lorie.
PAKIRAMDAM ni Lorie ay malapit na siyang himatayin sa nerbiyos at panlalambot nang pagdating sa ospital ay agad na dinala si Kai sa operating room pagkatapos niyang makiusap nang husto sa lobby na asikasuhin si Kai. Hindi kasi sapat ang perang naideposito ni Lorie para ma-admit sa ospital si Kai.
Lalo pang nanghina si Lorie nang kausapin siya ng doktor at sabihing kailangan operahan si Kai dahil sa appendicitis, ang dahilan ng pagsakit ng tiyan nito. Pumutok daw ang appendix ni Kai at kailangan iyong alisin upang hindi kumalat ang lason sa dugo nito na maaaring ikamatay ng bata.
“Gawin ninyo ho ang lahat para mailigtas siya, Doc,” pakiusap ni Lorie
Bumakas ang simpatya sa mukha ng doktor. Tumango ito at nagpaalam kay Lorie. Nang bumalik uli ang doktor sa operating room ay nanghihinang napaupo si Lorie sa bench na naroon. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha niya at pilit pinigilan ang mapaluha.
Ilang oras ang lumipas bago lumabas uli ang doktor sa operating room. Halos mabingi na si Lorie sa lakas ng t***k ng puso niya dahil sa takot. Ayaw niyang may taong mahal niya ang mawala pa uli sa kanya. Kapag may nangyaring masama kay Kai ay mag-isa na lang siya. Ano ang mukhang ihaharap ni Lorie sa ate niya kapag bigla itong dumating at wala nang maabutang anak? Isipin pa lamang ang mga posibilidad na iyon ay hindi na makahinga si Lorie.
Nag-aalalang tiningnan ni Lorie ang doktor ng naramdaman niyang tinapik siya nito sa balikat at ngumiti. “Huwag kang mag-alala, Misis. Ligtas na ang anak ninyo. Kailangan na lang niyang manatili pa rito sa ospital para magpalakas at maobserbahan,” malumanay na sabi ng doktor kay Lorie.
Nakahinga siya nang maluwag. Nakagat ni Lorie ang ibabang labi at hinamig ang sarili bago nagsalita. “Salamat po. Puwede ko na ho ba siyang makita?”
“Kapag nakalabas na siya ng operating room at nailipat na siya ng silid.” Pagkatapos niyon ay ipinaalala ng doktor kay Lorie na magpunta siya sa lobby para sa mga dapat pang asikasuhin. Noon lang naalala ni Lorie ang isa pa niyang problema ngayong ligtas na sa kapahamakan ang anak niya—ang perang pambayad niya sa ospital.
HINDI alam ni Lorie kung ilang beses na siyang bumuntong-hininga habang hinang-hinang nakaupo sa isa sa mga upuan sa lobby ng ospital. Hindi na siya nakakaramdam ng takot dahil nakita na niya si Kai at maayos naman na ang kalagayan ng bata sa silid na pinagdalhan dito.
Iyon nga lang, dahil nalula si Lorie sa halagang kailangan niyang bayaran sa ginawang operasyon sa anak niya at kung ano-ano pang miscellaneous fees at gamot ay sa pinakamurang silid kung saan may sampu pang pasyenteng nagpapagaling niya ito nailagay. Mas mabuti na iyon kaysa sa wala.
Saan naman kaya ako kukuha ng pera? helpless na nausal ni Lorie sa sarili. Naubos na ang mga barya niya sa kakatawag sa payphone ng mga maaari niyang mahiraman ng pera ngunit wala pa rin siyang mahanap. Nang tawagan ni Lorie si Madam Tisay ay nangako ang binabae na itatanong sa mga kakilala nitong nagpapa-five six kung maaari siyang umutang ng pera. Kahit alam ni Lorie na malulubog siya sa utang kapag sa mga Bumbay siya nangutang ay umoo pa rin siya sa suhestiyon ni Madam Tisay.
Napatingala si Lorie sa telebisyon sa lobby nang may kung sinong nagbukas niyon. Agad niyang nakilala ang paboritong showbiz talk show nina Mocha na pinapalabas doon. Pine-feature na naman ng talk show ang isang party. Napatitig roon si Lorie nang lumabas ang mukha ng lalaking pinagnanasaan ng mga katrabaho niyang binabae sa parlor. Isa na naman pala iyong pagtitipong inorganisa ni Choi Montemayor.
“`Buti pa itong mayayamang `to, hindi namomroblema sa pera at nagtatapon pa nga sa mga party-party,” mahinang nausal ni Lorie. Narinig niya ang pagsinghap ng katabi niya pero hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Titig na titig pa rin si Lorie sa mukha ng lalaking nasa telebisyon.
Marahil kung siya ang kasingyaman ng mga Montemayor, sa halip na magsayang siya ng pera sa sosyalan ay itutulong na lamang niya iyon sa mga mahihirap na gaya niyang nangangailangan. Sa tingin ni Lorie ay mas magiging makabuluhan ang yaman kung sa ganoong paraan iyon gagamitin at hindi sa mga luho na gaya ng ginagawa ng Choi Montemayor na iyon.
Nang maalala uli ni Lorie kung gaano kalaki ang perang kailangan niyang hagilapin ay napabuga uli siya ng hangin. Inalis niya ang tingin sa telebisyon.
Nakarinig si Lorie ng tikhim. “Kaano-ano mo ang naospital?” tanong ng malamyos na tinig ng isang babae.
Sa unang pagkakataon ay nilingon ni Lorie ang katabi niya. Nasalubong niya ang tingin ng babaeng may maamong mukha. Sa tantiya ni Lorie ay nasa kuwarenta na ang edad ng babae. May kung ano sa babae na kahit yata sino ay mapapakausap dito. “Anak ko ho. May appendicitis ho siya at kakaopera pa lang sa kanya,” sagot ni Lorie
Bumakas ang simpatya sa mukha ng matandang babae. “It must have been hard for you. Ang pinakamasakit sa lahat para sa isang ina ay makitang nahihirapan ang anak niya. Ano’ng pangalan mo, hija?”
Saglit na nag-alangan si Lorie kung sabihin ang pangalan niya. Ngunit naisip niya na wala naman sigurong mangyayaring masama kung sabihin niya iyon sa matandang abbae. “Lorie po. Kayo ho?” maingat na tanong niya.
Tipid na ngumiti ang matandang babae. “Ako si Edna. Maayos na ba ang kalagayan ng anak mo?” nag-aalalang tanong nito. Ginagap pa ni Edna ang mga kamay ni Lorie at marahang pinisil.
Sa ginawa ni Edna ay namalayan na lamang ni Lorie na inihihinga na niya rito ang lahat ng nararamdaman at alalahanin niya sa mga oras na iyon. Hindi ugali ni Lorie ang magsabi ng tungkol sa personal niyang buhay sa ibang tao, lalo na kung estrangherang gaya ni Edna. Ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay napalagay ang loob niya kay Edna. Nakikinig ito kay Lorie at paminsan-minsan ay nagbibigay ng mga pang-along salita. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ni Lorie sa pakikipag-usap kay Edna.
“So, ang problema mo na lang ngayon ay ang pambayad sa operasyon at maintenance ng mga gamot niya?” tanong ni Edna.
Tumango si Lorie.
Ngumiti ang matandang babae at humigpit ang hawak sa mga kamay ni Lorie. “Kung ganoon ay huwag mo nang problemahin iyon. Ako na ang bahala sa lahat. Hindi mo na kailangang humiram ng pera sa kung kani-kanino at mabaon sa utang na malamang ay lalaki dahil sa interes. Puwede mo na ring ilipat sa mas magandang silid ang anak mo para mapabilis at maging komportable ang pagpapagaling niya. At huwag kang mag-aalalang wala kang pambili ng mga gamot niya,” paliwanag ni Edna na para bang nagkukuwento lamang ito tungkol sa panahon.
Napamaang si Lorie. Binibiro ba siya nito? O baka naman manggogoyo pala ang matandang babaeng ito at nagkukunwaring pilantropo pero sa huli ay uutakan siya? Subalit ano naman ang mapapala ni Edna sa kanya? Kakasabi lang ni Lorie na walang-wala siyang pera.
“Hija, kung iniisip mong niloloko kita ay puwede kang magtanong sa head ng ospital na ito o kahit sa kung sinong doktor dito. Kilala nila ako,” nakangiti pa ring paliwanag ni Edna.
Hindi pa rin inaalis ni Lorie ang tingin sa matandang babae. “P-pilantropo ho kayo?”
Ngumiti si Edna bago tumango at pagkatapos ay tumayo na. “Halika na at hanapin natin ang doktor ng anak mo para mapag-usapan natin ang bayarin.” Nang hindi pa rin kumilos si Lorie ay hinawakan uli ni Edna ang kamay niya at marahang hinila siya patayo. Tila wala pa rin sa sariling nagpadala na lamang si Lorie sa matandang babae.
Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Nang makita nila ang doktor ni Kai ay kinompirma nito na kilala nito si Edna. Isa pala si Edna sa madalas na nagdo-donate ng pera sa ospital na iyon at madalas na sumagot sa gastusin ng mga pasyenteng kinasisimpatyahan nito. Masuwerte pala si Lorie na si Edna ang nakatabi niya sa lobby na madalas pala nitong gawing tambayan tuwing dumadalaw sa ospital na iyon.
Sinamahan si Lorie ni Ma’am Edna sa cashier. Pagkatapos pirmahan ng matandang babae ang isang tseke ay iniabot nito ang tseke sa cashier. Mabilis din nilang naiayos ang bagong kuwartong gagamitin ni Kai. Inabutan pa siya ni Edna ng pera na halos ikinalula ni Lorie dahil noon lamang siya nakahawak ng ganoong kalaking pera. Pambili raw iyon ng mga gamot ni Kai at pangkain nilang mag-ina. Halos mahilo si Lorie sa mga nangyayari dahil pakiramdam niya ay nananaginip siya sa biglang pagsulpot ni Ma’am Edna sa buhay niya kung kailan kailangang-kailangan niya ng tulong.
“Marami pong salamat. Para kayong anghel na biglang sumulpot na pakiramdam ko hindi totoo ang mga nangyayari,” naiiyak na sabi ni Lorie kay Ma’am Edna nang maiayos na nila ang lahat.
Bahagyang tumawa ang matandang babae. “Walang anuman, hija. Gusto ko lang makatulong sa isang gaya mong mabuting ina.”
“Hindi ko ho alam kung paano ko kayo mababayaran sa tulong ninyo.”
“I told you, huwag mo nang alalahanin iyon.”
Umiling si Lorie. “Hindi ko ho kayang ganoon na lang ho iyon, Ma’am Edna. Gusto ko hong makabayad sa ginawa ninyo dahil kung hindi ay parang inasa ko na lang talaga sa iba ang pagpapagamot kay Kai. Gusto kong masabi sa sarili ko na may ginawa ako para sa kanya, kaya kahit ano ho gagawin ko para makabayad lang ako sa inyo,” matatag na sagot ni Lorie
Pinakatitigan siya ni Ma’am Edna na tila ba may inaalam ito sa mukha ni Lorie. Pagkatapos ay kumislap ang mga mata ng matandang babae na tila may naisip na ideya. “Are you sure you’re willing to do anything?”
Natigilan si Lorie dahil may kung ano sa tono ni Ma’am Edna na hindi niya mawari kung ano. “O-oho,” aniya.
Ngumiti ang matandang babae at nagsalita, “It’s settled then. Sasabihin ko kung paano ka makakabayad sa akin.”