Chapter 1

2047 Words
“MADAM Tisay, baka naman po puwedeng bumale?” nakangiting tanong ni Lorie sa binabae na may-ari ng beauty parlor na pinapasukan niya. Katatapos lamang niyang i-rebond ang buhok ng isa sa mga customer nila na ang orihinal na plano ay magpagupit lang talaga. Subalit dahil kailangan magpasikat nang kaunti ni Lorie kay Madam Tisay para makabale siya ay katakot-takot na pangungumbinsi at pamumuri ang ginawa ni Lorie para lang mapapayag ang customer na magpa-rebond. Muntik nang tumalon sa tuwa si Lorie nang pumayag ang customer niya. Nakakunot ang noong bumaling sa kanya si Madam Tisay. “Kakasuweldo mo lang, ah. Bakit ka babale agad?” Tumabingi ang ngiti ni Lorie na naging ngiwi. “Eh, kasi ho magfi-field trip ang anak ko. Naipambayad ko na kasi sa bahay, koryente at tubig iyong suweldo ko. Ang natira naman ay para sa pagkain naming dalawa.” Hindi nagsalita si Madam Tisay na halatang nag-iisip pa. Tuluyang nilapitan ni Lorie si Madam Tisay at minasahe ang mga balikat ng amo. “Madam, sige na naman ho. Promise sisipagan ko pa ngayong buwan. Mapagupit, rebond, kulot, hair dye, makeup at kung ano-ano pa ay gagawin ko lahat. Kung kailangan din nila ng manicure at pedicure kering-keri ko lahat `yon. Ia-advertise ko pa sa lahat ng makakasalubong ko itong beauty parlor ninyo. Sige na naman, Madam,” sabi ni Lorie. Nagbuga ng hangin si Madam Tisay at paingos na nagtanong. “Magkano ba ang kailangan mo?” Nginitian ni Lorie ang amo. Kapag ganoon na ang ingos ni Madam Tisay, ibig sabihin ay payag na ito. “Isang libo lang naman po, Madam,” sagot ni Lorie. Marahas na napalingon si Madam Tisay kay Lorie at nanlaki ang mga mata. “Isang libo? Bakit ang laki naman?” gulat na tanong ng binabae. Muling napangiwi si Lorie. Inaasahan naman niya na magugulat si Madam Tisay. Sa loob kasi ng ilang taong pagtatrabaho ni Lorie sa parlor ni Madam Tisay ay five hundred pesos na ang pinakamalaki niyang binabale rito. Pero noon iyon. Noong hindi pa nag-aaral ang anak-anakan ni Lorie na si Kai. Ngayong pitong taong gulang na ang bata ay ipinasok na ito ni Lorie ng grade one sa public elementary school na malapit sa kanila. “Six hundred ho kasi `yong bayaran niya sa field trip. Siyempre kailangan ko ho siyang pabaunan ng pagkain. `Tapos dapat kasama pa ang guardian nila. Kawawa naman ho kami kung wala akong pocket money kahit magkano lang.” Umiling si Madam Tisay at bahagyang lumayo kay Lorie. “Hay naku. Alam mo namang papaunti na nang papaunti ang customers natin ngayon dahil sa mall na itinayo diyan sa malapit. Iyong mga suki nating maykaya, pasosyal na at sa mall na nagpapa-salon. Tapos ngayon, babalehan mo pa ako,” reklamo ni Madam Tisay ngunit kinuha naman ang wallet sa bulsa. Dumukot ito roon ng pera at iniabot kay Lorie ang dalawang tiglilimang daan. “O, dalawang libo na lang ang suweldo mo sa katapusan, ha,” paingos na sabi ni Madam Tisay. Ngumiti si Lorie at mabilis na tinanggap ang pera. “Salamat, Madam. Wala ka talagang kasimbait!” masayang sabi niya sa amo. Muling umingos ang binabae. “Hay naku. Bakit ba kasi nagpapakakuba ka sa pagbuhay sa anak ng may anak. Ibalik mo na lang kasi siya sa nanay niya. O kaya ay humingi ka man lang ng sustento. Hindi iyang nagpapakasarap siya `tapos ikaw nagpapakahirap. Ang bata-bata mo pa losyang ka na. Ilang taon ka pa lang? Beinte-sais, `teh! Para ka nang nanay. Hindi ka makakahanap ng fafa sa ginagawa mo,” sermon na naman ni Madam Tisay. Huminga si Lorie ng malalim at ngumiti. “Hindi ko naman puwedeng pabayaan si Kai. Kadugo ko naman siya at wala namang kasalanan `yong bata. Ayokong siya ang mahirapan sa kasalanan ng mga magulang niya. Kaya hanggang kaya ko hindi ko siya pababayaan,” mahinahong paliwanag ni Lorie. Napabuga ng hangin si Madam Tisay. “Hay naku, bahala ka na ngang magpakamartir,” ingos ng binabae at lumayo na sa kanya. Huminga nang malalim si Lorie. Alam ni Madam Tisay na sensitibo para sa kanya ang usapin tungkol kay Kai. Anak ng ate Mary niya si Kai sa pagkadalaga. Mas matanda kay Lorie nang apat na taon ang ate niya. High school si Lorie nang mamatay ang mga magulang nila kaya si Mary ang halos bumuhay sa kanya. Hindi nakapag-aral ng kolehiyo si Mary dahil sa hirap ng buhay pero nais ni Mary na igapang ang pag-aaral ni Lorie kahit hanggang high school lang daw. Kaya napilitan ang ate ni Lorie na gawin ang bagay na ayaw niyang gawin ng kaniyang ate—ang  maging GRO sa isang bar sa Malate. Nang maka-graduate si Lorie ng high school ay sinabi niya kay Mary na magtatrabaho na lang din siya para puwede nang tumigil sa trabaho ang kaniyang ate. Subalit hindi pumayag si Mary. Nais ng ate niya na mag-enroll si Lorie kahit sa isang technical school lang para daw makahanap siya ng mas magandang trabaho. Ayaw daw ng ate niya na dumating ang panahong kumapit din si Lorie sa patalim na gaya nito. At dahil noon pa man ay magaan na talaga ang kamay ni Lorie sa pag-aayos ng buhok ay kumuha siya ng crash course sa Cosmetology at haircutting. Ang ibang alam ni Lorie ay natutuhan na lamang niya mula nang magtrabaho siya sa parlor ni Madam Tisay. Disinuwebe anyos si Lorie nang malaman nila na buntis ang ate Mary niya. Hindi na nakita o nalaman man lang ni Mary kung sino ang ama ng dinadala nito. Hindi ilang beses na nag-hysteria ang ate ni Lorie at ninais ipalaglag ang bata ngunit pinigilan niya ang kapatid. Hindi papayag si Lorie na madagdagan pa ang kasalanan ng ate niya. Siniguro ni Lorie na palagi niyang kasama si Mary hanggang sa ipanganak si Kai. Kamukhang-kamukha nilang magkapatid si Kai kaya agad na napamahal sa kanila ang bata. Isang taon na si Kai nang makakilala ng isang Hapones ang ate ni Lorie. Sa unang pagkakataon ay may lalaking ipinakilala sa kanya ang kapatid. Inamin ng ate niya kay Lorie na mahal nito ang lalaki at ganoon din naman ang huli sa ate niya. Handa rin daw ang Hapones na isama si Mary sa Japan at doon na manirahan. Kaya lamang ay hindi raw alam ng Hapones na may anak na ang ate ni Lorie at hindi pa nito alam kung paano iyon sasabihin. Kaya pansamantala raw ay kay Lorie muna si Kai. Nangako si Mary na babalik sa Pilipinas upang kunin si Kai at maging siya. Dahil walang pangakong hindi tinupad ang ate niya sa kanya ay pumayag si Lorie. Ngunit anim na taon na ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik ang ate ni Lorie sa Pilipinas. Tuwing nakakausap ni Lorie ang ate niya sinasabi nito na ayos naman ito pero hindi lang makahanap ng tiyempong umuwi. Ni hindi man lang nag-offer si Mary kahit isang beses na magpadala ng pera sa kanila para man lang kay Kai. Ngunit sa kabila niyon at kahit na palaging sinasabi ni Madam Tisay at ng mga binabae na katrabaho ni Lorie sa parlor na malamang daw ay inabandona na sila ng ate niya ay hindi pa rin siya nagagalit kay Mary. May tiwala si Lorie na babalik ang kapatid. Hindi lang niya alam kung kailan. “`Buti pa itong mga ito, o, party lang nang party. Kakainggit!” bulalas ng binabae na si Mocha na gaya ni Lorie ay parlorista rin doon. Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Lorie dahil sa matinis na boses ni Mocha. Napalingon si Lorie sa telebisyong hindi niya namalayang binuksan na pala ng mga katrabaho. Iyon ang pinagkakaabalahan sa parlor na iyon kapag walang customer—ang manood ng showbiz news. Iyon nga lang, bihira makinood si Lorie dahil tuwing libreng oras niya ay tumatakbo siya pauwi sa bahay ng kapitbahay nila upang silipin si Kai. “Pero ang pogi ng fafa na `yan, ano? Ang sarap sigurong papakin niyan,” malanding sabi ni Orlan na titig na titig sa screen. Humagikgik pa ang binabae. Lumapit si Lorie sa mga katrabaho. “Sino?” curious na tanong niya. “`Ayan, teh, o. Si Choi Montemayor. Super ‘hotness’ at ‘richness.’ Nag-host na naman siya ng birthday party para sa isang kaibigan niyang artista. Iba na talaga ang lumaking rich at galing sa prominente at old rich na pamilya. Wagas magtapon ng anda. Mamamatay na lang yata ako hindi pa ako makakakilala ng ganyang lalaki ng personal,” nakatirik ang mga matang sabi pa ni Orlan. Tumitig si Lorie sa screen. Isang nakangiting guwapong lalaki ang nakita niya. Tama sina Orlan. Guwapo nga ang lalaki. In fact, sobrang guwapo na magdadalawang-isip ang tulad ni Lorie na normal na tao kung totoo ba ang lalaki o hindi. Maputi at makinis ang mukha ni Choi Montemayor. Mas makinis pa nga ang lalaki kaysa kay Lorie Maganda ang hugis ng itim na mga mata, matangos at aristokrato ang ilong, makurba ang mga labi at may ngiting makalaglag-puso. Nang maging full body ang kuha kay Choi ay nakita ni Lorie na matangkad ang lalaki at maganda ang tindig. Kahit na naka-suit si Choi ay humahakab ang magandang pangangatawan nito sa suot na suit. Napakagandang magdala ng damit ni Choi. Kaya naman pala tumutulo ang laway ng mga kasama ni Lorie sa parlor. “Hindi ba `yan bading?” wala sa loob na naisatinig ni Lorie ang kanina pa niya naiisip. Matalim ang tinging sinulyapan si Lorie ng mga katrabaho niya. Ngumiwi siya. “Ibig kong sabihin, may lalaki ba talagang ganyan? Eh, mas maputi at mas makinis pa ang balat niyan sa kahit na sinong babae diyan sa party, o. At tingnan ninyo nga ang porma. Pormang bading, hindi ba?” “Hindi!” malakas na bulalas ng mga binabae kay Lorie. “Saan banda ang bading? Lalaki siya, teh. Mase-sense ng gay radar ko kung hindi,” asik ni Mocha. “At kilala siyang playboy, `no. May bading bang mahilig sa babae? Yuck iyon para sa lahi namin. Lalaki siya. Isang lalaking ibinaba sa lupa upang bigyan ng kaligayahan ang mga babae at binabae. Ay! Kung mayaman lang ako willing akong magbayad mapaligaya lang niya ako kahit isang beses lang,” tili ni Orlan. “Hindi naman niya kailangan ng pera kaya malabo `yan,” komento ni Lorie. Pinanlakihan siya ng mga mata ng mga binabae. Lumayo si Lorie sa mga katrabaho bago pa siya masabunutan. Natawa siya. “Okay fine. Ay teka, mag-a-out na ako. Susunduin ko pa si Kai sa school,” paalam niya. Luminga si Lorie upang hanapin si Madam Tisay. “Nasaan si Madam?” “Lumabas lang sandali. Hintayin mo na lang. Naku, Lorie, kahit kailan hindi kita nakitaan ng interes sa lalaki. Kahit sa celebrity hindi ka man lang nagka-crush. Nasaan na ang woman’s instinct mo? Waley na?” dakdak ni Mocha. Tinawanan uli ni Lorie ang binabae. “Naku sa dami ng inaalala ko nawala na sa isip ko ang magkagusto sa lalaki.” Noon naman dumating si Madam Tisay. Agad na nagpaalam si Lorie sa amo at sa mga katrabaho niya. “Aalis na ako.” “Tatanda kang tigang sa ginagawa mo, Lorie. Huwag mong sayangin ang kayamanan mong gusto naming magkaroon.” Kinindatan siya ni Orlan at saka bumaba ang tingin sa malusog na dibdib at pagitan ng mga hita ni Lorie. Natawa siya. “Ang bastos ninyo. Babush na,” paalam uli niya. Umalis na si Lorie bago pa mapahaba ang usapan nila. Lalo kasing humahaba ang usapan pagdating sa kawalan ni Lorie ng interes sa mga lalaki at celebrities na interes ng mga ito. Totoo naman kasi ang sinabi ni Lorie na masyado siyang maraming iniisip para magpakabaliw pa sa kung sinong lalaki na ni hindi nga alam na nag-e-exist siya. Para kay Lorie pagsasayang lang iyon ng panahon. Sa halip na ibuhos niya ang kanyang atensiyon doon ay si Kai na lang ang iintindihin ni Lorie at kung paano niya mabibigyan ng magandang buhay ang bata.   Eh, ano kung tumanda siyang tigang gaya ng sabi ng mga binabae niyang katrabaho? Sapat na kay Lorie na may Kai sa buhay niya. Walang balak si Lorie na lagyan pa iyon ng komplikasyon.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD