Prologue

1456 Words
MANINGNING ang pavilion ng isa sa pinakamamahaling hotel sa bansa ng gabing iyon. Hindi lamang dahil sa liwanag ng mga ilaw kaya maningning ang lugar kundi dahil sa mga sikat at kilalang tao na bisita sa pagtitipong iyon. Naroon ang halos lahat ng mga kilalang personalidad—mapaartista, politiko, at maging ang mga pinakamayayamang miyembro ng alta-sosyedad. Nagkikislapan ang flash ng mga camera at maraming press people ang naroon upang i-cover ang pagtitipon. Gabi iyon ng selebrasyon ng wedding anniversary nina Don Jaime Montemayor at ang kanyang may-bahay na si Edna Damaso Montemayor. Bilang may-ari ng Montemayor Communications Company— ang kompanyang nasa likod ng pinakamalaking TV network, radio stations, at telecommunications network sa bansa—kilala ang angkan ng mga Montemayor na isa sa pinakamayamang pamilya sa Pilipinas. Kaya naman tuwing may mga pagtitipong involve ang kahit sino sa mga ito, lalo na ang main family ay malabong hindi iyon mapagtuunan ng pansin ng media at mga taong nais mapalapit sa pamilya Montemayor. Kagaya na lamang ng okasyon sa gabing iyon. “Happy anniversary, Don Jaime and Mrs. Montemayor. We can see that your marriage is still going strong after so many years. What can you say about the hundreds of people who came tonight to celebrate with you?” tanong ng isang reporter na pinaunlakan ng matandang don para sa isang interview. Kompara sa ibang mayayamang angkan, kilala rin si Don Jaime at Doña Edna bilang mababait at walang ere na tao. Walang taong hindi humahanga mag-asawa dahil doon. Don Jaime laughed good-naturedly. Kapagkuwan ay awtomatikong pumulupot ang isang braso ng matandang Don sa baywang ni Doña Edna at nakangiting bumaling sa asawa. Maging si Doña Edna ay nakangiti rin. “I would like to thank them for always gracing our party. Though my wife and I both know that we are not the only reason why they keep coming to our celebration, we still appreciate it,” pabirong sabi ni Don Jaime nang muling humarap sa camera. Tumawa ang reporter at tumango-tango. “Well, I would say that it’s partly true, Don Jaime. Hindi lingid sa ating lahat na isa sa mga ina-anticipate ng mga tao rito ay ang makita sa isang gabi ang tatlong anak ninyo. After all, they are considered the hottest and wealthiest bachelors in the country today. A women’s magazine even tagged them as the modern princes of the country. Lalo na ang panganay ninyo na siyang magmamana ng posisyon ninyo bilang chairman ng Montemayor Communications balang-araw.” Ngumiti si Doña Edna at pabirong nagsalita. “Para sa akin ay makukulit at matitigas ang ulong mga bata pa rin sila. Minsan ay hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko tuwing nakakabasa ako ng mga ganyang artikulo tungkol sa mga anak ko. But still I can’t blame the people. My sons got their looks and everything else from their father.” “Not everything, Edna. Hindi ko alam kung saan nila namana ang iba sa mga ugali nila. Maybe it came from you spoiling them,” ganting-biro ng Don. Ngunit may bahid ng pagkayamot ang tinig ni Don Jaime. Hindi kasi kaila sa kahit na sinong makakarinig niyon na may bahid ng katotohanan ang sinabi ng Don. As if on cue, the crowd all turned to the entrance when the door opened. Isa-isang pumasok doon ang tatlong makikisig na lalaki. Lalong tumindi ang pagkislap ng mga camera. Ang unang pinagbalingan ng camera ay si Pocholo Montemayor na awtomatikong ngumiti at kumaway na halatang sanay sa atensiyon. Mas kilala ang binata bilang Choi. Choi was the youngest of the three Montemayor brothers and probably the most popular. Sa tatlong magkakapatid kasi ay si Choi ang mas malapit sa spotlight. Kilala si Choi sa alata-sosyedad bilang magaling na events at party organizer. Nagmamay-ari din ang binata ng high class dance club na puntahan ng mga nakakaangat sa lipunan. Naipatayo ni Choi ang negosyong iyon gamit ang monthly allowance na mula sa shares ng binata sa kompanya. He was a certified party-goer and a celebrity in his own right dahil sa mga kaibigan na pawang mga artista at modelo. He was known as the prince of the high society. Ngunit gaya ng sinabi ni Don Jaime ay may hindi magandang ugali si Choi. Dahil sanay sa luho at nakukuha ang gusto ay may pagkaarogante at matapobre ang binata. He never got close to people that he thought were way out of his league. He was also selfish and a certified womanizer. Para kay Choi ay laro lamang ang lahat ng bagay dahil sa tanang buhay ng binata ay hindi pa niya naranasan ang mahirapan. “Oh, come on, Jaime, bata pa kasi si Choi. Years from now ay mas magma-mature na siya,” malumanay na pagtatanggol ni Doña Edna sa bunsong anak. Napailing si Don Jaime. “He’s already twenty-eight, darling. Matagal na dapat siyang nag-mature. And look at your second son, twenty-nine na pero kung umasta ay para pa ring laging high school delinquent,” sabi pa ni Don Jaime na bahagyang kunot-noong iminuwestra si Enrique Montemayor na kasunod lamang ni Choi. Napangiwi si Doña Edna at sumulyap sa pangalawang anak na taas-noong iginala ang paningin sa pavilion. Sa lahat ng anak ng mag-asawa ay si Enrique, na mas kilala sa mundo ng lawn tennis bilang Riki, ang pinakalapitin ng problema. Bukod kasi sa taglay na hitsura na paglalawayan ng kahit na sinong may interes sa lalaki at husay sa career na napili ay wala nang maganda pang masasabi tungkol kay Riki. Mainitin ang ulo ng binata at kilalang magaspang ang ugali. Overconfident din at madalas masangkot sa away si Riki. Hindi rin kaila sa mag-asawa na kung gaano karami ang mga babaeng humahanga sa binata at itinuturing itong prinsipe ng tennis world ay napakarami ring galit kay Riki. Naipagpapasalamat na lamang nina Don Jaime at Doña Edna na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa napapahamak ang kanilang pangalawang anak sa dami ng may galit sa binata. Tumikhim ang reporter nang mapansing nawawala na ang ngiti ng matandang don. “Ah, but you must have no complains about your heir, Don Jaime. Kompara sa dalawang anak ninyo ay walang maaring ipintas kay Raiven,” nakangiting sabi ng reporter. Nabaling ang tingin ng mag-asawa sa huling lalaking pumasok sa entrance ng hotel. Nagkaroon ng bulungan sa paligid at lalong dumalas ang pagkislap ng mga camera na mukhang hindi nagustuhan ni Raiven Montemayor. Kumunot ang noo ng binata at puno ng disgustong tiningnan ang mga kumukuha ng larawan. Hindi na nakapagtatakang mas binigyan ng atensiyon ng lahat ang binata dahil sa tatlong magkakapatid ay si Raiven ang pinakamadalang na magpakita sa madla maliban na lamang kung kailangang-kailangan. Unlike his brothers, Raiven hated the spotlight despite the fact that he would soon become the king of an entertainment empire. Sa katunayan, kahit sa kasalukuyan ay hindi bagay kay Raiven ang matawag na prince of the business world dahil walang kahit na anong princely sa katauhan ng binata. Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Don Jaime. “In fact I do have complains about him. Especially with him actually.” Manghang napabaling sa don ang reporter at maging si Doña Edna. “Really?” tanong ng reporter. Bumaling ang don sa reporter. “Yes. Raiven is too uptight, too perfectionist, too ruthless, and too arrogant in his own way. He makes me worry the most.” Napangiti si Doña Edna. “Oh, darling, you were exactly like him when I met you, don’t you think so?” Napangiti muli ang don sa sinabi ng asawa. “Now that you said that, I think I was like that. Before I met you, love,” marahang sabi ni Don Jaime. Napangiti ang reporter na nakamasid sa mag-asawa, maging ang cameraman na kinukunan ang dalawa mula pa kanina. “Then maybe they will also change once they find their princesses, Don Jaime. That will surely be the talk of the country.” Nagkatinginan ang mag-asawa at magkapanabay na napangiti. “Oh, I think they don’t need princesses. My sons were spoiled rotten by their mother that an heiress or anyone of their kind will bore them to death,” bale-walang sabi ng don na nagpakunot-noo uli sa reporter. Ngumiti si Doña Edna sa pasaring ng asawa. “I agree. What they need are simple women who will teach them something that no one could ever do.” “Katulad ng?” Muling nagkatinginan ang mag-asawa. Nginitian ng dalawa ang isa’t isa na tila ba hindi lampas tatlong dekada na silang mag-asawa bago halos magkapanabay na sumagot. “A lot of things. And we are looking forward to the day they will learn it.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD